More than two years ago…
KATULAD ng naging tradisyon na ng pamilya Mariano mula pa noong hindi pa ipinapanganak si Charlie, kompleto ang buong pamilya sa malaking hapag-kainan sa mansiyon nila sa Marikina para sa almusal.
Nasa kabisera si Don Carlos Mariano, ang lolo ni Charlie at ang nagpalago sa pinakamalaking pagawaan ng sapatos sa buong Pilipinas. Nasa kanan ng lolo niya ang kanyang ama na si Renato Mariano na nag-invest naman sa maraming negosyo at nagpatriple sa yaman ng kanilang pamilya, habang nasa kaliwa ni Lolo Carlos si Charlie dahil siya ang panganay na apo. At katulad ng dati, siya na naman ang kinukulit ng lolo niya.
"Kailan ka ba may ipapakilala sa aming babae, Charlie? Matanda na ako. Gusto ko naman na maabutan ang magiging apo ko sa tuhod sa `yo."
Napatikhim si Charlie at pilit na nilunok ang kinakain kahit biglang nanuyo ang kanyang lalamunan. Matagal na siyang abogado at kilala sa kinabibilangang circle na walang kinatatakutan sa courtroom. Subalit pagdating kay Lolo Carlos ay nahihirapan siyang manalo sa kahit anong argumento. Hindi lang dahil inirerespeto niya ang kanyang lolo kundi dahil kapag naisip nitong mangulit ay wala talagang nananalo rito.
"Lolo, masyado pa akong maraming plano sa career ko para lumagay sa tahimik. Besides, hindi ko pa nakikita ang sarili ko na makokontento sa isang babae lang," prangkang sagot ni Charlie.
Tumikhim ang kanyang mama na katabi ng kanyang papa at pinanlakihan siya ng mga mata. "Charlie! Naririnig ka ng mga kapatid mo."
Napasulyap siya sa dalawang kapatid na babae at tinaasan ng kilay. "Na-offend ko ba kayo?"
Tumirik ang mga mata ni Cherry. "Duh, matagal ko nang alam ang likaw ng bituka mo, Kuya. Hindi na ako mao-offend kahit ano'ng sabihin mo."
Si Cherry ang sumunod kay Charlie at siyang namamahala ng negosyo ng mga Mariano katuwang ng kanilang ama. Twenty-nine years old na si Cherry at isang single mother sa walong taong gulang na batang lalaki. Kahit kailan ay hindi sinabi ng kapatid niya kung sino ang ama ni Justin. But Charlie could still remember how hell had broken loose when she told them she was pregnant.
"Tama si Ate Cherry. Sanay na kami sa pagiging arrogant jerk ni Kuya," sagot naman ni Charlene na twenty-seven years old. "At kung ano ang dahilan na napo-fall sa mga lalaking katulad ni Kuya Charlie ang maraming babae, I don't understand why they love jerks, really."
Halatang pasaring ang komento na iyon ni Charlene pero hindi naapektuhan si Charlie. Hindi naman niya masisi kung bakit medyo mainit ang dugo ni Charlene sa kanya. May isang kaibigan kasi ang kapatid na pinatulan niya ang pang-aakit. Nang subukan ng babaeng iyon na itali siya sa matrimonya, pinutol kaagad niya ang ugnayan nila. Mukhang hindi pa siya napapatawad ni Charlene sa nangyari.
"See?" sabi ni Charlie sa kanyang ina.
"And we are straying from the topic," sabad ni Lolo Carlos. "Tungkol sa pag-aasawa mo ang pinag-uusapan natin."
Ah. Hindi umubra ang diversionary tactics ko ngayong umaga. Ibinaba ni Charlie ang kubyertos at nagdesisyong sabihin na sa kanyang pamilya ang planong gawin para makatakas sa uma-umagang pangungulit ng lolo niya.
"Actually, may gusto akong sabihin sa inyong lahat," simula niya sa tonong madalas gamitin sa loob ng courtroom. Napahinto at napatingin sa kanya ang lahat. "I am moving out," anunsiyo niya.
"What?" malakas na tanong ni Lolo Carlos.
"Ano'ng sinasabi mo, Charlie?" kunot-noo namang tanong ng kanyang ama.
"Panahon na para maging independent ako at matutunang mabuhay nang mag-isa. May nakita na akong titirhan na mas malapit sa law firm namin. May inirekomenda si Jay na building kung saan siya nakatira. Natapos ko nang ayusin ang lahat. Ang kailangan ko na lang ay lumipat doon," paliwanag ni Charlie.
"At naayos mo na ang lahat nang hindi mo man lang sinasabi sa amin?" galit na tanong ni Lolo Carlos.
Bumaling si Charlie sa abuelo. "Lolo, gusto mo na akong mag-asawa pero hindi ko pa nararanasang mamuhay nang mag-isa. Paano ako bubuo ng pamilya kung sarili ko ay hindi ko pa alam kung kaya kong alagaan nang mag-isa?" argumento niya. Kahit ang totoo, sinabi lang iyon ni Charlie dahil alam niyang iyon lang ang katanggap-tanggap na dahilan para kay Lolo Carlos. Dahil sa totoo lang, wala talaga siyang balak mag-asawa.
Hindi nakapagsalita ang lolo ni Charlie at mukhang nag-alangan. Pinigilan niya ang mapangiti dahil alam niyang siya ang panalo sa usapang iyon bago pa man bumuntong-hininga ang lolo niya bilang pagsuko.
"May punto ka, Charlie. Very well, gawin mo ang gusto mo," sabi ni Lolo Carlos. Mapapangiti na sana si Charlie nang muling magsalita ang lolo niya. "Pero bilang kapalit, ako ang pipili ng mapapangasawa mo. Wala akong tiwala sa taste mo sa babae. Pipili ako ng babaeng magiging karapat-dapat sa `yo at sa pamilya natin," determinadong sabi nito.
Tumiim ang mga bagang ni Charlie subalit pilit na inalisan ng emosyon ang kanyang mukha. Hindi na siya dapat magulat na may pahabol na kondisyon si Lolo Carlos. "Fine," sagot na lang niya.
Ngumiti na ang lolo niya at mukhang nakontento. "Very well. You can do as you like and live on your own."
Tumango na lang si Charlie. After all, pumayag lang naman siya na pumili ang lolo niya ng babae para sa kanya. Wala siyang sinabi na pakakasalan niya ang kung sino mang mapipili nito. Ang mahalaga, makakabukod na siya.
Freedom. Napangiti siya sa naisip. Mamaya rin, lilipat na siya sa Bachelor's Pad.