Chereads / BACHELOR'S PAD / Chapter 68 - Chapter 31

Chapter 68 - Chapter 31

Three months later

Cebu

"ATE BIANCA, gusto mong sumama? Magre-review kami," anyaya ni Joy, isa sa mga kaklase ni Bianca sa isang subject.

"Sige," nakangiting sagot ni Bianca na tumayo na mula sa desk chair, kipkip ang kanyang mga gamit. Ilang buwan na mula nang magsimula ang semester at masaya siya na sa wakas ay nakapag-enrol na uli. Mas matanda siya sa lahat ng mga kaklase niya sa unibersidad na iyon kaya ate ang tawag sa kanya ng lahat.

Ilang taon pa ang gugugulin ni Bianca para makapagtapos at makuha ang propesyon na gusto talaga niya subalit hindi iyon problema. Nangako ang kanyang ama na tutulungan siya hanggang makapasa siya sa Bar exam.

Hindi pa rin siya ganoon kalapit sa kanyang ama subalit kahit paano ay nag-uusap na sila sa telepono paminsan-minsan. Sinabi pa nga ng ama na sa susunod ay magtutungo ito sa Cebu kasama ang asawa dahil gusto raw ng mga ito na makasama siyang mag-dinner. Hindi pa niya alam kung paano pakikiharapan ang tunay na pamilya ng kanyang ama subalit saka na niya iyon iisipin.

Ang nanay naman niya ay bumalik na sa dating sigla. Sa katunayan, mas masigla pa nga ito ngayon kaysa dati. May nakuhang trabaho ang kanyang ina bilang staff sa isang resort malapit lamang sa bago nilang tirahan kaya pareho silang abala. Sa tingin ni Bianca, mabuti para sa nanay niya ang may napagkakaabalahan.

Naglalakad na si Bianca sa loob ng campus kasama ang limang kaklase. Papunta sila sa library. Katulad ng dati, tuwing nasa labas ay hindi niya maiwasang tumingala sa langit. Maliwanag pa ang kalangitan at hindi niya makikita ang buwan subalit tumitingala pa rin siya. At tulad ng dati, naaalala na naman niya si Ross.

Humigpit ang hawak ni Bianca sa strap ng kanyang shoulder bag nang maramdaman ang pamilyar na kirot sa puso. Noong umalis siya ay hindi man lang niya nakita si Ross. Hindi nagpakita sa kanya ang binata. Hindi rin naman niya nagawang magtungo noon sa law firm dahil may media na pakalat-kalat. Kaya umalis sila ng Maynila na hindi man lang niya nakita ang mukha ni Ross.

Para kay Bianca, masakit na ang huling beses na nakita niya ang binata ay noong puno ng hinanakit ang ekspresyon sa mukha nito.

Nakagat niya ang ibabang labi at napahinto sa paglalakad. Nami-miss na kita, Ross. Ano na kaya ang ginagawa mo? Nami-miss mo rin ba ako?

Napahinto si Bianca sa pagninilay nang biglang marinig ang impit na hagikgikan ng mga kaklaseng kasama niya na para bang kinikilig. Napatingin tuloy siya sa mga ito na huminto na rin sa paglalakad at ngising-ngisi habang nakatingin sa katapat na kalsada. Sinundan niya ng tingin ang tinitignan ng mga kaklase.

Kumabog ang dibdib ni Bianca at napaawang ang mga labi nang makita ang pamilyar na sasakyang nakaparada sa kabilang bahagi ng kalsada. Natutok ang tingin niya sa lalaking nakatayo sa gilid ng kotse at may bitbit na malaking bouquet ng bulaklak. Parang nanlambot ang kanyang mga tuhod nang magtama ang mga mata nila.

"Ross!" hindi nakatiis na bulalas ni Bianca sa pangalan ng binata. Naramdaman niya na napunta sa kanya ang tingin ng mga kaklase at tila may itinanong. Subalit hindi niya iyon nawawaan. Lalo na magsimulang maglakad si Ross palapit sa kanya habang hindi pinuputol ang eye contact nila.

Nag-init ang kanyang mga mata na tila may nagbabantang mga luha nang sa wakas ay huminto ang binata sa harap niya.

"At last I've found you," sabi ni Ross na titig na titig pa rin sa kanya.

"A-ano'ng ginagawa mo rito?" paanas na tanong niya.

Ngumiti ang binata at pakiramdam ni Bianca ay puputok ang kanyang puso sa labis na emosyon. Na-miss niya ang ngiti nito. The longing she felt was too much that tears threatened to fall. Lalo na nang iabot ni Ross ang bouquet na hawak at saka nagsalita.

"Nanliligaw."

Natawa si Bianca na naging hikbi nang abutin niya ang mga bulaklak.

Lumawak ang ngiti ni Ross. "Laugh or cry, choose only one. Come on, ang tagal kitang hindi nakita. Ipakita mo sa akin ang ngiti mo, Bianca."

Sa halip na ngumiti ay lalo siyang napaiyak. Isinubsob niya ang mukha sa dibdib ni Ross at agad na yumakap sa kanya ang mga braso ng binata.

"I've missed you, so much na hindi ko rin natiis na sundan ka kahit ang pangako ko ay after six months pa kita susundan," usal ni Ross. "Being away from you is much harder than I thought, Bianca."

Tumango si Bianca dahil alam niya ang nararamdaman ni Ross. Iyon din kasi ang naramdaman niya sa loob ng tatlong buwan na hindi nakikita ang binata. "Na-miss din kita…"

Ikinulong ni Ross ang kanyang magkabilang pisngi sa mga kamay nito at masuyo siyang itiningala. Nagtama ang kanilang mga mata. Tila mainit na haplos sa kanyang puso ang nakitang emosyon sa mga mata ng binata—pagsuyo at pagmamahal.

"I will not be a hinder to your dreams. But please, let me be with you, Bianca. Mahal kita at dahil hindi magiging madali para sa akin na magkalayo tayo, gagawan ko ng paraan para lagi tayong magkita. Susuportahan ko lahat ng gusto mong marating sa buhay. Handa rin akong maghintay na maging handa kang magpakasal. Because I swear to you, ikaw ang babaeng gusto kong iharap sa dambana. So please tell me you love me, too," pakiusap ni Ross.

Na-overwhelm si Bianca. "Mahal mo talaga ako?"

Ngumiti nang bahagya ang binata. "That night, under the moonlight, didn't you hear me when I told you that I loved you?"

Umawang ang kanyang mga labi. Akala niya ay siya ang nagsalita nang gabing iyon! Kaya pala iba ang boses ng nagsabi ng mga katagang "I love you" dahil si Ross pala ang nagsalita. Nang sandaling iyon ay iisa pala sila ng nais sabihin sa isa't isa.

"Oh, Ross! Akala ko, ako ang nagsalita nang gabing iyon. Akala ko'y naisatinig ko ang paulit-ulit na tumatakbo sa isip ko nang gabing `yon," bulalas niya.

Lumawak ang ngiti ni Ross at hinalikan siya sa mga labi. Narinig ni Bianca ang kinikilig na tilian ng mga kaklase niya subalit hindi siya nahiya. Napangiti siya at gumanti ng halik. Nang pakawalan ni Ross ang kanyang mga labi at muling magtama ang kanilang mga mata, napuno ng saya at labis na pagmamahal ang kanyang puso.

"Tell me again those words you thought you said that night," bulong ng binata.

Ngumiti si Bianca at yumakap kay Ross. "I love you."