NAMAYANI ang katahimikan sa pagitan ni Bianca at ng kanyang ina. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Sa loob lamang ng ilang minuto ay napakaraming rebelasyon na hindi kayang tanggapin lahat ng kanyang isip at puso.
Dalawang linggo lamang mula nang maospital ang kanyang ina. Pero pakiramdam ni Bianca, napakaraming nangyari sa loob ng maiksing panahon. Subalit sa lahat ng mga nalaman, namumukod-tangi ang ekspresyon sa mukha ni Ross nang malaman nito na aalis siya. Kinailangang tumalikod ni Bianca upang huwag maluha sa nakitang hinanakit sa mga mata ng binata.
"Bianca…" halos padaing na tawag ng kanyang ina.
Tiningnan niya ito.
"Patawad kung nagsinungaling ako sa `yo. Patawad dahil pakiramdam ko, imbes na ako ang nag-alaga sa `yo, ako ang inalagaan mo ng mahabang panahon. Patawarin mo ako, anak."
Tuluyan nang tumulo ang mga luha ni Bianca. Sa totoo lang, hindi niya kayang magalit sa kanyang ina. Masama ang kanyang loob, pero hindi niya kayang magalit sa babaeng ito na ninais lang magkaroon ng magandang buhay. Mali lamang ang paraang naisip.
Lumapit si Bianca sa kanyang ina at umupo sa tabi nito. "Kaya ko kayong patawarin, `Nay. Pero dapat huling beses na ito na may itatago kayo sa akin. Naiintindihan ko na gusto ninyong umahon sa hirap. Pero hindi ibig sabihin n'on ay maninira kayo ng buhay ng iba. Magsisikap tayo sa sarili nating paraan para umasenso tayo, `Nay. Sa lugar na pupuntahan natin para tahimik na makapamuhay, magbabagong-buhay tayo, okay? Kakainin ko ang pride ko at tatanggapin ang tulong ng tatay ko dahil gusto kong makatapos ng pag-aaral. Gusto ko ring maging abogado. Ikaw rin, dapat maging malakas ka. Huwag kang magpapatalo sa mga kahinaan mo," mahabang pahayag niya.
Pinahid ng nanay niya ang mga luha nito. "Kapag umalis tayo, paano ang lalaking `yon? Mahal mo siya, hindi ba? Nakikita ko sa mukha mo."
Nakagat ni Bianca ang ibabang labi upang pigilan ang mapahikbi. "Kailangan ko munang ayusin ang buhay ko, `Nay. Sa ngayon, iyon ang priority ko. Kahit masakit, kailangan ko siyang iwan. Isa pa, isang law firm lang sila connected ng ama ko. Kung hindi ako lalayo kay Ross, hindi rin ako makakalayo sa tatay ko na gaya ng gusto niyang mangyari."
Ilang sandaling pinagmasdan siya ng kanyang ina bago ito nagsalita. "Napanood mo ba ang press conference na ginawa ng tatay mo, Bianca?"
Umiling siya.
"Hindi mo rin nabasa sa diyaryo?"
Muli siyang umiling.
Huminga nang malalim ang kanyang ina at may kung anong dinukot sa ilalim ng unan. Isang broadsheet. "Kabibigay lang sa akin ni Mrs. Charito ang broadsheet na ito nang dumating si Ferdinand. Kaya itinago ko sa ilalim ng unan ko. May mahabang artikulo diyan tungkol sa press conference niya kahapon. Basahin mo."
Binuklat ni Bianca ang broadsheet hanggang makita ang artikulong sinasabi ng kanyang ina. Kumabog ang kanyang dibdib nang makita ang mga letrang nakasulat in boldface.
She's my daughter.
May kung anong bumikig sa lalamunan ni Bianca. Binasa niya ang bahagi ng artikulo na sinabi diumano ni Ferdinand Salvador sa press conference.
"The truth is, she's my daughter. I had her when I was young and a coward. Alam ko na malaki ang naging pagkukulang ko sa kanya dahil lumaki siyang wala ako sa buhay niya. But now that she is an adult, I regret that I never saw her growing up; dahil mas mature siya kaysa sa edad niya at mas responsible pa kaysa sa ibang kaedad niya. She has grown up a strong, intelligent, and beautiful lady. At kahit alam ko na wala akong karapatang sabihin ito dahil hindi ako naging ama sa kanya, I am proud of her. At hindi ko ito sinasabi para bumango ang pangalan ko. Sa katunayan, gusto ko ring ianunsiyo na hindi na ako tatakbo sa susunod na eleksiyon. My daughter, I hope it is not too late to say this, but I am sincerely very happy to have met you. And I am sorry for not being a good father to you."
Napaluha si Bianca. Alam niya na hindi magiging ganoon kadali na magkalapit ang loob nilang mag-ama. Baka nga imposibleng mangyari. Sigurado rin siya na maliit ang chance na sabihin ni Ferdinand sa kanya nang personal ang mga nakasulat doon. Subalit sapat na ang mga nabasa upang mapunan ang pangungulilang naramdaman ni Bianca buong buhay niya.
Iyon ang dahilan ng press conference. Hindi lamang upang itanggi ni Ferdinand na mistress siya nito. Inamin ng kanyang ama ang totoong relasyon nila kahit may posibilidad na makaapekto iyon sa pagtakbo nito sa susunod na eleksiyon. At kahit pa makaapekto iyon sa relasyon sa sariling pamilya.
Ibinaba ni Bianca ang diyaryo. Nang yakapin siya ng kanyang ina ay lalo siyang napaluha. Subalit sa pagkakataong iyon, hindi na dahil sa sama ng loob. Kasama ng mga luha ang pagpapalaya niya sa lahat ng kinimkim na sama ng loob para sa kanyang ama. Kalakip din ng mga luha ang pamamaalam niya kay Ross. Subalit ang pagmamahal para sa binata ay kinimkim niya sa kanyang puso. Babaunin niya iyon saan man sila mapadpad ng kanyang ina.
ISINUBSOB ni Ross ang noo sa nakakuyom na mga kamay pagkatapos panoorin sa Internet ang video ng press conference ni Ferdinand Salvador. Hinayaan niyang bumagsak sa kandungan ang tablet kung saan iyon pinanood.
Nasa loob siya ng kanyang sasakyan at katabi ang kanyang ina. Si Ferdinand naman ay sumakay na sa sariling sasakyan. Nang lumabas sila ng ospital kanina ay may ilang press na mukhang nakatunog at sumulpot doon upang magtanong tungkol kay Bianca. Mabuti na lang at hindi nila kasamang lumabas ang dalaga, kung hindi ay mae-expose ang mukha nito na walang bahid ng transpormasyon na likha ng kanyang ina. Kapag nangyari iyon, mahihirapan si Bianca.
"Inamin niya sa buong Pilipinas kung sino si Bianca sa buhay niya pero hindi idinetalye ang kuwento sa likod ng pagkakaroon niya ng love child. Siguradong hindi mapapakali ang press hangga't hindi nahahalukay ang tungkol doon," sabi ni Ross na sa wakas ay natagpuan ang tinig. Sa totoo lang, alam na niya ang tungkol doon. Sinabi ni Charlie sa kanya noong tumawag ang kaibigan niya kahapon. Subalit hindi inaasahan ni Ross na ganoon ang laman ng press conference ni Ferdinand. Hindi niya inaasahan ang pagpapakita ng emosyon ng matandang abogado.
Tumango ang kanyang ina. "Kaya naiintindihan ko kung bakit gusto ni Ferdinand na lumayo ang mag-ina. Para hindi na lumala ang sitwasyon."
Frustrated na bumaling si Ross sa kanyang ina. "Why did you encourage her to carry out that scheme in the first place?" sumbat niya.
Naging defensive ang mukha nito. "Dinamayan ko lang siya! Hindi mo nakita kung gaano nasaktan si Bianca nang araw na umuwi siya noong nakiusap siya sa tatay niya. She was angry and hurt. Hindi ko kayang makakita ng babaeng ganoon kaya tumulong ako."
"It was wrong," giit niya.
Bumakas ang guilt sa mukha ng kanyang ina. "Alam ko. I'm sorry. At hindi ko naman alam na magkakilala kayo. Walang nasabi sa akin si Bianca na involved siya sa isang lalaki. Besides, hindi ko naisip na magiging ganito ka kaseryoso sa isang babae. Palagi kitang sinesermunan noon pero tinatawanan mo lang ako."
"Iba si Bianca," sagot ni Ross. At bigla ay kapwa sila natahimik. Nanikip ang kanyang dibdib at mariing pumikit. "Ayokong umalis siya. Ayokong malayo siya sa akin," usal niya.
"Kailangan, anak," puno ng simpatyang sabi ng kanyang ina.
Nag-init ang mga mata ni Ross at itinakip ang mga kamay sa mga matang nakapikit. "I know. I know I must let her go…" Parang asido sa kanyang sikmura ang isiping iyon. Damn. Hindi niya kaya. Bigla siyang dumeretso ng upo at nagmulat. Nakaramdam siya ng determinasyon. "Six months. After six months, kahit saang lupalop pa siya ng Pilipinas nagpunta ay susundan ko siya."
Biglang natawa ang kanyang ina. Napatingin siya rito. Kumikislap sa katuwaan ang mga mata nito.
"Oh, son, you really have fallen for her. Masaya akong sabihin ngayon na hindi ka nagmana sa tatay mo. Nagmana ka sa akin pagdating sa pagmamahal."
Bahagyang napangiti si Ross at mabilis na hinalikan sa noo ang kanyang ina.
Yes. He had fallen in love with Bianca, deeply and madly.