NATAHIMIK ang spiral gang, pinagisipan ang mga sinabi nito. Narealize ni Selna na tama naman si Lukas. Minsan kahit anong pagkuwestiyon mo sa mga nangyayari at sa mga bagay na mahirap maintindihan, ang makukuha mong sagot ay magreresulta lang sa panibago at mas malalim na tanong na kapag nasagot mo uli ay magiging daan uli sa isa na namang tanong. Paulit-ulit at walang katapusan. Because the world was made in mysterious and amazing ways by a divine being that no man could ever figure out.
"So itong puno ng balete na ito ay parang portal papunta sa kung saan-saan, depende sa kung sino o anong nilalang ang nagbukas?" tanong ni Andres makalipas ang ilang sandali.
"Ganoon na nga. Puwede ka pumasok ngayon at mapunta sa pugad ng mga kapre. Pero kinabukasan, puwede ka uli pumasok at mapupunta ka naman sa tirahan ng mga Dalakitnon. O kung malas ka, puwede ka pumasok at mapunta sa lugar na puno ng kadiliman."
Kumabog ang dibdib ni Selna. "K-kadiliman? May ganoon?"
Seryosong tumango si Lukas. "Walang tao ang gugusutuhin makarating doon. Doon naninirahan ang mga nilalang ng kaguluhan. Kasanaan ang orihinal niyong pangalan pero walang sinaunang tao ang nagtangkang banggitin iyon ng malakas. Magdadala raw kasi ng malas. Kaya tinatawag nila iyong Bayan Ng Pasakit."
Kinilabutan si Selna at nang mapasulyap siya sa kanyang mga kaibigan nakita niyang bumakas din ang takot sa mukha ng mga ito. Biglang dumilim sa paligid kaya napakurap sila at manghang napalingon sa direksiyon ng quadrangle. Pinatay na ang ilaw doon. Unti-unti nagkaroon ng kakaibang pakiramdam sa paligid. Pagtingala ni Selna sa langit, may makapal na ulap ang halos tumakip sa buwan kaya nabawasan ang liwanag niyon.
"Kailangan na natin pumasok sa pinto. Handa na ba kayo?" tanong ni Lukas.
Nagkatingian silang magkakaibigan. Humigpit ang hawak ni Selna sa mga tsinelas ni Michelle. Naglakad siya palapit sa pader at maingat na inilapag ang mga iyon doon. Pagkatapos huminga siya ng malalim at determinadong humarap sa mga ito. "Tara na."
Tumango sina Andres, Danny at Ruth. Si Lukas naman lumapit na sa higanteng puno ng balete, itinaas ang braso at iniharap ang nakabukang kamay sa katawan niyon. Katulad iyon noong may pinilit itong palabasing kapre doon ilang linggo ang nakararaan. Ang kaibahan lang, hindi repressive ang puwersang lumalabas sa lalaki ngayon. Parang mahinang hangin lang sa dalampasigan.
Sandali pa namangha silang magkakaibigan nang maging distorted ang katawan ng punong balete. Hanggang magmukha na lang iyong surface ng tubig at may nirereflect iyon mula sa kabilang side pero malabo kaya hindi niya masyadong makita.
Lumingon sa kanila si Lukas. "Kailangan niyo mauna pumasok. Kapag ako ang nauna, sasara agad ang pinto dahil maaalerto sila sa presensiya ko."
Nagkatinginan silang magkakaibigan. Ramdam ni Selna na kabado silang lahat. Pero wala na itong atrasan pa. Saka marami na silang napagdaanan na magkakasama. Makakaya rin nila ito ngayon lalo at may kailangan sila iligtas. Huminga siya ng malalim at nagsimula maglakad palapit sa katawan ng balete. "Tara na," aya niya sa mga ito.
Bigla naramdaman niyang tumayo sa tabi niya si Danny. Hindi pa ito nakuntento, inabot pa nito ang kamay niya at pinaglingkis ang mga daliri nila. Nanlaki ang mga mata ni Selna. Humigpit lang lalo ang hawak nito sa kaniya. "Sabay tayo." Lumunok siya at tumango. Sabay sila huminga ng malalim. Pagkatapos humakbang na sila papasok sa puno ng balete.
Ang weird sa pakiramdam. Para silang dumaan sa higanteng jellyace. May kaunting resistance kaya nang sa wakas makawala sila muntik pa sila masubsob sa makintab na sahig na mukhang gawa sa marmol. Napakurap si Selna at sandaling nadisorient kasi brownish at elegante ang ilaw na nagbibigay ng liwanag sa paligid.
Magkahawak pa rin ang mga kamay na umayos ng tayo sina Danny at Selna. Sabay pa silang lumingon sa pinanggalingan nila at parehong napasinghap sa pagkamangha kasi nakikita nila sa kabilang side sina Andres, Ruth at Lukas. Nagkatinginan sila ni Danny at excited na natawa bago ibinalik ang tingin sa mga kaibigan at kinawayan ang mga ito.
Mayamaya pa humakbang sila paatras kasi sina Andres at Ruth naman ang kumilos papunta sa side kung nasaan sila. Katulad nila, muntik din masubsob ang mga ito nang makawala sa resistance ng pintuan.
"Okay lang kayo?" tanong ni Danny sa dalawa na tumango at umayos ng pagkakatayo. Kumurap ang mga ito at iginala ang tingin sa paligid. Ganoon din ang ginawa nila.
Napanganga si Selna at napa-wow nang marealize na nakatayo sila sa maluwag na entrada. Sa kanan may maluwag na grand staircase na sa mga historical at Disney princess movies lang niya nakikita. Sinundan niya ng tiningin patingala ang staircase hanggang makita na apat na palapag ang kinaroroonan nila. White, black, gold at brown ang motif sa paligid. Ang pader at kisame ay puno ng mga nature themed designs na nililok sa kahoy. Walang katao-tao pero parang may naririnig siyang kakaiba sa paligid. Parang yung mahinang tunog na nilalabas ng aircon. Wala naman siyang nakikitang airconditioning unit sa paligid.
"Ito na ba ang palasyo ng mga Dalakitnon?" manghang bulong ni Andres. "Nakakita na ako ng ganitong klase ng interior sa isang history book ni lolo. Ganito kalaki at kaengrande ang bahay ng mga mataas ang posisyon sa gobyerno noong Spanish era."
"Sa tingin ko ito ang bahay na nakita mo sa libro," biglang sabi ni Lukas. "Mahilig ang Dalakitnon na gayahin ang mga bagay na nakikita at nagugustuhan nila sa mundo ng mga tao. Isa ang bahay na ito sa mga iyon."
Napalingon silang lahat. Ni hindi nila namalayan na nakapasok na pala ito. Sa likuran ng lalaki, mabilis na nagsara ang pinto. Hanggang hindi na nila makita ang pinanggalingan nila. Naging pader na lang. Mayamaya nagulat sila nang biglang nakarinig sila ng ugong na sinundan ng pagalog ng sahig na parang lumilindol. Napatili sina Selna at Ruth at mabilis silang kumapit na apat sa isa't isa. Palakas ng palakas ang ugong hanggang napapangiwi na sila kasi masakit iyon sa tainga. Parang nagagalit ang buong mansiyon, hindi gusto ang presensiya nila.
Si Lukas lang ang kalmado sa kanila. Bumuntong hininga ito, inangat ang isang kamao at malakas na pinukpok ang pader. Kumalat sa buong entrada ang puwersa na nanggaling sa kamao ng lalaki. Ang nakakabinging ugong ay naging parang ungol ng isang alagang hayop na napagalitan ng amo. Pagkatapos nawala na ang pag-alog ng sahig at tumahimik na uli.
Manghang nagkatinginan silang apat. Pagkatapos napatingin sila kay Lukas na nagsimula na maglakad papunta sa grand staircase. "Kailangan mo lang ipakita kung sino ang mas malakas para maging maamo ang mansiyon na 'to," nakatalikod na sabi pa nito.
Napanganga si Selna. "T-teka lang… sinasabi mo ba na… na may buhay ang buong mansiyon na 'to?"
Napahinto si Lukas at lumingon sa kanila. Seryoso ang mukha nito nang tumango. "Kaya huwag kayo maghihiwa-hiwalay at mas lalong huwag kayo lalayo sa akin. Ililigaw kayo ng lugar na ito at hindi kayo hahayaang makalapit sa daan palabas. Kaya nga kapag ang isang mortal na tao ay naakit sa Dalakitnon at pumasok dito para magpakasal, hindi na sila nakakabalik pa. Hindi sila hinahayaang umalis. Kapag nagtangka sila, ikinukulong sila sa kung saan at hinahayaan magdusa roon habambuhay. Hindi niyo gugustuhing maiwan dito." Tumalikod na uli ito at nagsimula umakyat sa hagdan.
Walang pagdadalawang isip na tumakbo silang apat pasunod sa lalaki. Sa pagakyat nila sa grand staircase nanayo ang balahibo ni Selna sa batok. Ang kaninang pagkamangha niya sa paligid ay naging kilabot. Kasi narealize na niya kung saan galing ang mahinang tunog na naririnig niya kanina pang pagpasok nila roon. Ang tunog ay mula sa banayad na paghinga nang palasyo.