Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 74 - Mapanlinlang Na Mga Silid (1)

Chapter 74 - Mapanlinlang Na Mga Silid (1)

PURO PINTO ang bumungad sa Spiral Gang pagdating nila sa ikalawang palapag ng palasyo ng mga Dalakitnon. Kakaiba rin ang hitsura ng hallway sa floor na iyon. Hindi isang deretso kung hindi parang alon na paliko-liko. Mapanlinlang at nakakalito.

"Hala. Saan natin una hahanapin si Michelle?" tanong ni Selna. Ni hindi nga kasi niya alam kung anong pinto ang unang bubuksan.

Biglang humarap si Lukas sa pinakamalapit na pinto at walang pagdadalawang isip na binuksan iyon. Nagulat silang lahat nang may malakas na hangin ang lumabas mula roon. Napatakbo tuloy sila palapit doon at sumilip sa loob. Napanganga si Selna at halos mapaatras sa pagkamangha nang makita kung anong meron sa kuwartong iyon. Kung kuwarto nga ba matatawag ang nasa kabilang side ng pinto.

"Wow," sabay na sabi nina Andres at Danny habang si Ruth ay katulad niyang hindi makapagsalita at nakatitig lang sa nasa harapan nila. Nagsimula humakbang papasok si Lukas at alanganin silang sumunod.

O pumasok nga ba sila sa isang silid o lumabas? Kasi paghakbang nila hindi sahig na marmol ang naapakan nila kung hindi damuhan. Napayuko si Selna, kinuskos ang mga paa at nasiguro na hindi iyon gawa sa plastic. Totoo ang damo at mas lalong totoo ang lupa sa ilalim ng mga iyon. Tumingala siya at hindi kisame ang kanyang nakita kung hindi ang asul na asul na kalangitan na may mangilan-ngilang gumagalaw na ulap. Kumurap-kurap si Selna nang humampas ang mabining hangin sa kanyang mukha. Huminga siya ng malalim. Sariwa at may halong amoy ng bulaklak ang paligid.

"Nasaan tayo? Nakalabas na ba tayo ng palasyo?" tanong ni Ruth na mangha pa ring iginagala ang tingin sa paligid. Ganoon din ang ginawa niya kaya napansin niya ang mangilan-ngilang puno at halaman sa paligid. Sa bandang kanan, malayo-layo sa kanila, may hilera ng mga punong balete na iba-iba ang laki at taas. Kung maglalakad sila papunta roon kakailanganin nilang tumawid sa mababaw na ilog na dumadaloy sa harapan niyon. Weird nga lang kasi kanina wala naman ang mga iyon doon. Ni hindi nga niya naririnig ang tunog ng umaagos na tubig. Dapat malakas ang ingay niyon kasi mababaw lang, 'di ba?

"Pero paano tayo mapupunta sa labas eh nasa second floor tayo? Ibig bang sabihin underground ang una natin napuntahan kanina at ito talaga ang first floor?" nalilitong tanong ni Danny.

"Wala tayo sa labas," biglang sabi ni Lukas na napansin niyang kanina pa tahimik at hindi tumitinag sa pagkakatayo. "Nasa loob pa rin tayo ng isa sa mga silid sa palasyo ng mga Dalakitnon. Ilusyon lang ang nakikita natin ngayon."

"Ilusyon? But this place looks so real," sabi ni Andres.

Tumango si Lukas. "Dahil may ganito talagang lugar, noong panahong bagong likha pa lang ang mundo. Sinabi ko na sa inyo, ginagaya nila ang mga bagay na nagugustuhan nila."

"Hindi ko sila masisisi. Ganito ba talaga kaganda ang mundo noong unang panahon? Maganda ang bayan ng Tala pero iba ang pakiramdam dito. Payapa at sobrang linis. Parang paraiso," sabi ni Danny.

Hindi sumagot si Lukas. Napasulyap tuloy si Selna sa lalaki. Narealize niya na kung pagkamangha ang nararamdaman nilang apat, iba ang reaksiyon nito. Sa unang pagkakataon may nakita siyang emosyon sa mukha nito. Mayroon ding nostalgic na kislap sa mga mata nito na parang may naalala.

Bigla siyang napakurap nang may sumira sa payapang katahimikan. Umalingawngaw ang matinis at malakas na huni ng ibon mula sa kalangitan. Napatingala sila. Mula sa kumpol ng mga ulap, lumitaw ang isang higanteng agila. Napasinghap siya kasi pamilyar iyon sa kaniya.

"Lukas, iyan 'yung ibon na lumapit sa'yo noong nasa Nawawalang Bayan kami 'di ba?" tanong ni Ruth.

Tumango ang lalaki. "Isa 'yang Bawa. Katulad ng Bakunawa na mahilig mangain ng araw at buwan, lumilitaw ang Bawa kapag may nararamdaman itong malakas na kapangyarihan na nais nitong maangkin."

Nagkaroon ng kaluskos mula sa hilera ng mga punong balete sa kabilang side ng ilog. Pagkatapos biglang sumulpot mula sa mga puno ang isang lalaki at isang babae. Parehong walang saplot maliban sa malaking dahon na nakapaikot sa baywang ng mga ito habang ang dibdib ng babae ay natatakpan ng mahaba at makintab nitong buhok. They both look blindingly beautiful. Halatang hindi tao ang mga ito. Lalong lumakas ang huni ng Bawa, lumipad pababa at nagpaikot-ikot habang nakabuka ang bibig na parang gusto lunukin ang dalawa. Pero biglang parang may invisible shield ang pumaikot sa mga ito. Nabangga roon ang Bawa na nasaktang humuni at lumipad paatras hanggang mawala uli sa likod ng mga ulap, malamang bumalik na sa pugad nito kung saan man iyon.

Nagkatinginan silang magkakaibigan at wala sa loob na humakbang padikit sa isa't isa, sa bandang likuran ni Lukas. "Ano sila?" tanong ni Ruth.

"Nakikita natin ngayon ang mga unang Dalakitnon na nilikha ni Bathala," sagot ng lalaki.

Napasinghap sila at napatitig na naman sa dalawang Dalakitnon sa gilid ng ilog. Pagkatapos para bang narinig ng mga ito ang sinabi ni Lukas na huminto sa kung anong ginagawa ang dalawa at biglang derektang tumingin sa kanila. Kumalat ang kilabot sa buong katawan ni Selna kasi nasiguro niyang nakikita talaga sila ng mga ito.

Naningkit ang mga mata ng lalaking Dalakitnon habang ang babae naman bumakas ang iritasyon sa napakagandang mukha. Bumuka ang bibig nito at kahit hindi naman ito sumigaw ay nag echo sa loob ng ulo niya ang malakas na boses nito, may sinasabi sa sinaunang lengguwahe. Pero bago pa matanong ni Selna kina Lukas at Ruth kung anong sinasabi ng babaeng Dalakitnon, umalog na ang lupa at dumilim sa paligid. Pagkatapos napasigaw sila nang bigla mawala ang inaapakan nila. Parang naiwan ang laman loob niya nang bumulusok sila pabagsak. Mariin siyang pumikit at halos maiyak na sa takot. Pakiramdam niya mamamatay na sila.

Pero sandali pa napasalampak siya ng upo sa sahig at pagdilat niya narealize niyang nasa hallway na sila ng second floor. Katulad niya nakasalampak paupo sina Andres, Danny at Ruth habang si Lukas nakatayo man pero halatang disoriented sa nangyari. Sa harapan nila, nakabukas pa ang pinto na pinasok nila kanina. Naroon pa rin ang damuhan, ang asul na langit, ang mababaw na ilog, ang hilera ng mga punong balete at higit sa lahat ang dalawang Dalakitnon na masama pa rin ang tingin sa kanila bago malakas na sumara ang pinto.

"Anong isinigaw ng Dalakitnon kanina?" tanong ni Andres na minamasahe ang sentido, mukhang masakit pa rin ang ulo.

"Alam nila na trespasser tayo sa palasyo nila," sabi ni Ruth sa nanginginig na boses. "At na hindi raw nila tayo mapapatawad."

"Pero akala ko ba ilusyon lang ang nasa loob ng kuwarto na 'yon? Bakit nila tayo nakita? Paano nila tayo napalabas?" nagtatakang tanong ni Danny.

"Dito magaling ang mga Dalakitnon," sagot ni Lukas na bumalik na ang composure. "Nakakaya nila paghaluin ang totoo sa hindi hanggang hindi mo na alam kung ano ba talaga ang nasa harapan mo. At ngayong nakita na nila tayo, kailangan natin matagpuan agad ang pakay natin sa lugar na ito."

Alam nilang lahat na tama ang sinabi nito. Nagsipagtayo sila kahit medyo disoriented pa sa nangyari kani-kanina lang. Paglingon ni Selna sa isang panig ng hallway may pinto na biglang bumukas sa bandang dulo. Nanlaki ang kanyang mga mata nang lumabas mula roon si Michelle! Magulo ang nakalugay na buhok, suot ang pantulog na may punit sa bandang hita at may desperasyon at pagmamadali sa mukha.

"Michelle!" sigaw niya. Nagulat ang mga kasama niya at napalingon sa tinitingnan niya. Nag echo sa hallway ang boses niya pero parang hindi siya narinig ng kaibigan niya. Hindi ito lumingon sa kanila at tumakbo pa nga palayo, lumapit sa isang pinto, walang pagdadalawang isip na binuksan iyon at saka pumasok sa loob.

Kumabog ang dibdib ni Selna at bago pa siya makapag-isip ay tumatakbo na siya. Narinig niyang tinawag siya nina Danny pero hindi niya inalis ang tingin sa pinto kung saan nagpunta si Michelle. Kaya naramdaman na lang niya na tumatakbo na rin ang mga ito pasunod sa kaniya. Hinihingal na binuksan niya ang pinto kasabay ng tunog na parang may binuksan at sinara mula sa loob. Inaasahan niyang makikita ang kanyang kaibigan pero iba ang nabungaran niya.

Hindi kuwadrado ang shape ng silid kung hindi hugis octagon. At sa bawat kanto, may mga nakasarang pinto. Frustrated na napabuga siya ng hangin. Sigurado siya na ang narinig niya kanina ay si Michelle na pumasok sa isa sa mga pintong naroon. Pero alin doon?