Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 65 - Selna, Ang Romantika (1)

Chapter 65 - Selna, Ang Romantika (1)

KAPAG BILOG NA BILOG at maliwanag ang buwan, nagkakaroon ng kakaibang pakiramdam sa bayan ng Tala. Para bang mas malamig at mas masarap sa balat ang hangin kaysa normal. Ang amoy ng paligid, mas mabango at may hatid na kurot sa puso. Sa mga ganitong gabi, gustong gusto ni Selna na nakabukas ang bintana ng kanyang kuwarto. Nagsasalang siya ng tape sa cassette at nakikinig sa mga kanta ng Nsync, ang paborito niyang boyband. Pagkatapos padapa siyang humihiga sa kama, nagbubuklat ng songhits at mahinang sumasabay ng kanta sa tugtog.

Pero sa nakaraang halos dalawang buwan, kapag nakikita niyang bilog ang buwan, imbes na magbasa ng songhits ay napapatitig na lang siya sa langit. Naaalala kasi niya ang mga nangyari sa kanilang magkakaibigan mula pa noong Mayo. Pero mas madalas, si Danny ang pumupuno sa isip niya. Bakit sa dinami-rami ng lalaki ito pa ang naging first love niya? Unrequited tuloy ang feelings niya. Expected naman na niya iyon kasi mga bata pa lang sila, alam na ni Selna na may gusto si Danny sa best friend niyang si Ruth.

Pero sabi niya noong nasa Youth camp kami na hindi na raw ganoon ang feelings niya para kay Ruth. Ibig sabihin… may pag-asa na kaya na magustuhan niya ako? Kahit papaano ba, may iba nang kahulugan ang concern niya para sa akin? Hindi na ba platonic lang ang paghawak-hawak niya sa kamay ko nitong nakaraang linggo?

Napabuntong hininga si Selna, inalis ang tingin sa labas ng bintana at sinubsob ang mukha sa kama. Lumaki silang magkakasama pero habang tumatanda sila para bang mas humihirap para sa kaniya ang basahin ang iniisip ni Danny. O siguro siya lang ang weirdo. Siya kasi ang unang nagkagusto sa kababata niya kaya pilit siya humahanap ng mas malalim na kahulugan sa bawat kilos at salita nito. Kahit malamang, umaakto lang naman ito na katulad ng dati.

Biglang may kumatok sa pinto bago iyon bumukas. Sumilip si ate Faye, asawa ng kanyang kuya at ate naman ni Ruth. "Gising ka pa?"

Bumangon siya paupo. "Opo ate. Bakit po?"

Parang nahihiyang ngumiti si ate Faye. "Puwede mo ba bantayan si baby Raye? Monthsary kasi namin ng kuya Rafael mo. Inaaya niya ako. Mag date daw kami sa bayan. Umalis din sina papa at mama kasi birthday ng kumpare nila. Napadede ko naman na si baby at tulog na. Sandali lang kami, promise."

Napangiti si Selna at mabilis na umalis sa kama. "Sige ate Faye. Mabait naman si baby at hindi iyakin eh."

Biglang sumilip din sa pinto ang kanyang kuya at nakangising nagsalita, "Salamat. Bibilhan ka namin ng pasalubong."

Natawa siya. "Aasahan ko 'yan ha." Nagbitbit si Selna ng magazines saka lumabas ng kuwarto. Hinatid niya ang mag-asawa hanggang sa front door, nakinig sa mga bilin ni ate Faye kung sakaling magising ang baby at pinagmasdan ang mga ito hanggang tuluyang makalayo sa bahay.

Pagpasok niya sa kuwarto na gamit ng mag-asawa, napangiti agad siya nang mapatitig sa kuna kung saan mahimbing na natutulog ang almost three months niyang pamangkin. Maingat siyang lumapit at katulad ng dati, parang tinutunaw ang puso ni Selna kapag nakatitig sa maamong mukha ng pamangkin niya. Kahit kasi tulog ngumingiti si baby Raye. Palibhasa palatawa ito kapag gising na para bang may mga hindi nila nakikita na naglalaro rito.

Nakangiti pa rin na magaan niyang hinaplos ang pisngi ng baby na kahit nanatiling nakapikit ay umungot, bumuntong hininga at ngumiti naman. Aalisin na sana niya ang kamay at uupo sa silya na katabi ng kuna nang may mapansin siya. Sa bandang ulunan ni baby Raye, may mga maliliit na bulaklak. Kinuha niya ang isa at dahan-dahang inilapit sa ilong. Amoy ilang-ilang. Nagtatakang napatitig siya sa hawak niya. "Saan galing 'to?"

Selna. Selna.

Napakurap siya at naging alerto. Iginala ang tingin sa paligid. Natuon ang atensiyon sa bintana ng kuwarto. Kasi parang may tumatawag sa pangalan niya. Pero nang lumapit naman siya at sumilip sa labas ng bintana, wala namang tao.

Umungot si baby Raye kaya bumalik rito ang tingin ni Selna. Lumapit siya sa kuna at ibinalik niya ang bulaklak sa ulunan nito. Pagkatapos hinaplos niya ang pisngi ng pamangkin niya. Nang lumalim na uli ang tulog nito ay saka lang siya umupo sa tabi ng kuna at nagsimula magbasa. Binalewala na lang ang narinig bilang isang guni-guni.

LATE nagising si Selna kinabukasan kaya hindi siya nakasabay kina Ruth at Danny sa pagpasok sa eskuwelahan. Katunayan, muntik pa siya masarhan ng gate pagdating niya sa Tala High School. Hinihingal at pawis na pawis na siya nang makarating sa building kung nasaan ang classroom nila na kasalukuyang puno ng mga babaeng estudyante na nagkakandahaba ang leeg sa pagsilip sa pinto at bintana. Ganoon palagi sa labas ng classroom nila mula pa noong nakaraang linggo. Huminga siya ng malalim at tuluyang pumasok sa loob. Mabuti na lang, wala pa ang teacher nila. Hindi pa siya marerecord na late.

"Selna!"

Lumingon siya at agad na ngumiti nang makitang kinakawayan siya ni Ruth, pinapalapit siya. Inilapag niya ang bag sa kanyang armchair at saka lumapit sa kaibigan. "Ang dami pa ring bisita ng section natin 'no?" komento niya.

Napangiwi si Ruth. "Kahit mga teacher hindi magawang awatin ang girls ng Tala High School."

"Well, hindi ko naman sila masisisi," komento ni Selna sabay sulyap sa last two seats sa back row. Tahimik na nakaupo sa isang armchair si Andres Ilaya, student council president at ang pinakamayaman at pinakasikat na lalaki sa campus. He is almost every girl's first crush and first love. Ang kaibigan nilang ito ang nag-iisang prinsipe ng Tala High mula pa noong freshmen sila.

Pero last week, biglang may dumating na transfer student sa klase nila. Ginulat hindi lang ang Spiral Gang, kung hindi lahat ng mga estudyante sa school nila. Si Lukas kasi ang sumulpot sa harapan ng classroom at pinakilala ng teacher bilang bago nilang kaklase. Sa maraming beses na nakita at nakasama nila ito, palaging madilim at palagi silang distracted ng mga nangyayari kaya hindi nagkaroon ng chance si Selna na matitigan ito nang maigi noon.

Pero mula nang sumulpot si Lukas sa Tala High nagkaroon na siya ng pagkakataon na talagang mapagmasdan itong mabuti. Ito ang perpektong halimbawa ng tall, dark and beautiful. Kahit naka disguise ito bilang high school student at pansin naman niyang pinipilit nitong mag blend-in sa lahat, kapansin-pansin pa rin ito. His physical appearance and the way he carries himself is very out of this world. Palibhasa literal na anak ito ng isang Diyos. Silang magkakaibigan nga lang ang nakakaalam niyon.

Kaya hindi nakakagulat na ilang araw lang, wala nang estudyante sa school nila ang hindi nakakakilala kay Lukas.

Related Books

Popular novel hashtag