MULA UMAGA hanggang uwian, kada break palaging may mga babaeng nakasilip sa classroom nila para silipin ang transfer student na tahimik lang palaging nakaupo sa pinakadulong armchair na katabi ng bintana at walang kinakausap kahit na sino, kahit sina Selna. At least kapag nasa loob ng classroom. Kasi mula pa noong unang araw nito sa Tala High, sumama na ito sa room na ginagamit nila para sa Literature club. Natatandaan pa rin niya hanggang ngayon ang naging pag-uusap nilang lima sa loob ng club room nang araw na iyon. Gulat na gulat silang apat at halos sabay-sabay na nagtanong kung anong ginagawa nito sa school nila.
"Kailangan ko 'tong gawin. Alam na ng ama ko na nasa paligid lang ako. Sa gitna ng mga mortal, malabong matagpuan niya ako," paliwanag ni Lukas.
"Kapag nahuli ka niya… ikukulong ka ba niya sa kuweba na nasa ilalim ng dagat na katulad nang sinabi ng Naiad?" worried na tanong ni Ruth.
"Ganoon na nga."
"Pero paano ka naging transfer student? Kailangan ng school records sa dating school at kailangan ng guardian para mag enroll sa Tala High. Paano ka nakapasang normal na estudyante sa opinyon ng principal at mga teacher?" nagtatakang tanong naman ni Danny.
"Madali lang para sa akin magmanipula ng mga mortal. Sa isip nila nakita na nila ang records ko na kailangan nila pero ang totoo wala naman talaga akong record sa school na 'to. Kapag oras na rin nang pag-alis ko, walang makakatanda na nakita nila ako," tipid na sagot ni Lukas.
"Kahit kami?" biglang tanong ni Andres.
Hindi agad sumagot si Lukas, isa-isa lang silang tiningnan. "Depende."
"Paanong depende?" sabay na tanong nina Ruth at Selna. Pero nagkibit balikat lang ang lalaki at hindi na sumagot…
"Hay, ang swerte talaga ng section nila. May white prince na, may black prince pa. Kakainggit!"
Kumurap si Selna, bumalik sa kasalukuyan ang isip. Sabay silang napalingon ni Ruth sa may pinto kung saan galing ang nagsalita. Nakatitig pa rin ang mga babae kina Andres at Lukas na sa biro ng tadhana ay seatmates pa.
"Grabe may tawag na sila kina Andres at Lukas. Nakakakilabot."
Nanayo ang balahibo sa batok ni Selna at kumabog ang dibdib niya nang marinig ang boses ni Danny. Hindi niya namalayan na nakalapit na pala ito sa kanila. Sobrang lapit na nararamdaman niya ang hininga nito sa buhok niya. Napalunok siya at hindi magawang lumingon. Nilakasan niya ang kanyang loob nang umamin siya ng feelings niya pero sa totoo lang, tinatamaan siya ng hiya kapag nakikita niya si Danny.
Bumaling si Ruth sa kababata nila at nagsimula makipag-usap. Awkward naman kung basta siya aalis, mahahalata na gusto niya dumistansiya. Kaya pinilit niya pumihit paharap kay Danny pero hindi naman ito matingnan sa mukha. Kunwari nakikinig siya sa usapan. Dahil sa kakaiwas niya ng tingin, napansin tuloy niya na habang lahat ng kaklase nila katulad ng mga estudyante sa labas na kina Andres at Lukas nakatingin, iba ang seatmate niyang si Michelle.
Siyempre ginawa iyong dahilan ni Selna para makapagpaalam kina Ruth at Danny. Ramdam niya ang pagsunod ng tingin ng mga ito nang lumayo siya. Na-guilty siya ng konti. Nawala lang iyon nang makita niyang tahimik na humahagikhik si Michelle, halatang kinikilig habang nagbabasa nang… love letter?
Napaupo siya sa armchair at hinila iyon padikit sa upuan ng kaibigan niya. "Ano 'yan ha?" bulong niya.
Halatang nagulat si Michelle. Mabilis nitong kinipkip sa dibdib ang binabasang sulat at pulang pula ang mukha nang mag-angat ng tingin. Pero mukhang nakahinga ito ng maluwag at na relax nang makitang si Selna ang tumabi rito.
"Ano 'yang binabasa mo?" ulit niya.
Ngumiti na si Michelle at kinilig na naman. "Love letter. Galing sa manliligaw ko," pabulong na sagot nito.
Nanlaki ang mga mata niya at nahawa na sa kilig ng kaibigan. "Sino? Anong section?"
Umiling ang babae, nakangiting inilapit ang bibig sa tainga niya bago sumagot, "College student. Mukhang artista at ubod ng gentleman, Selna."
Nagkatinginan sila at sabay na napahagikhik. Magtatanong pa sana siya kaso bigla nang dumating ang teacher na pasigaw na pinaalis ang mga estudyante sa labas bago tuluyang pumasok sa classroom. "Ikuwento mo sa'kin mamaya ha?" pahabol na sabi ni Selna kay Michelle na tumango naman.
Pagdating ng recess, pinabasa nito sa kaniya ang love letter ng lalaki na nakilala raw nito sa birthday party ng pinsan nito last month. Estudyante raw sa Abba College at Cesare daw ang pangalan. Sumayaw daw ang mga ito sa party at mula noon, palagi raw may nakikitang sobre ng sulat sa pinto ng bahay nila na nakapangalan kay Michelle. Mula raw noon naging pen pal na raw ito at ang manliligaw nito at tatlong beses na ring nagkita sa bayan para mag date.
Nakangiting napabuntong hininga si Selna. "Nakakainggit ka naman. May boyfriend ka na."
"Hindi ko pa siya boyfriend. Nagpapakipot pa ako, siyempre. Dalagang pilipina yata ako," pabirong sagot ni Michelle.
"Eh kelan mo siya balak sagutin?"
Ngumisi ang kaibigan niya. "Basta. Nag eenjoy pa ako sa panliligaw niya kaya ayoko muna. Pero… magkikita kami after class."
Kinikilig na napatili silang dalawa. Hopeless romantic kasi si Selna, palibhasa mahilig manood ng mga teleserye kung hindi nagbabasa ng magazine at nakikinig ng music. Katulad ni Michelle, pangarap din niya magustuhan ng taong gusto niya. Pangarap niya maranasan magkaroon ng boyfriend. Ayaw niya ng unrequited love.
Bigla tuloy nabawasan ang kilig ni Selna at pasimpleng sumulyap sa likuran kung saan nakatayo si Danny at kinakausap si Andres. Naka-side view ito kaya nakikita niya ang maamo nitong mukha. Mataas ang grado ng eyeglasses nito pero hindi niyon naitatago ang maganda nitong mga mata na bilog na bilog at makapal ang mga pilikmata. Matangos din ang ilong nito at hugis puso ang mga labi. Sobrang cute din ng chubby cheeks nito. Higit sa lahat, kahit hindi halata ng iba, maraming good points si Danny. She knew that better than anyone since she grew up with him.
Nakatitig pa rin siya sa binatilyo nang bigla itong lumingon. Napaderetso siya ng upo at bumilis ang tibok ng kanyang puso nang magtama ang kanilang mga paningin. Ngumiti ito at kumilos na para bang balak lumapit sa kaniya. Nataranta si Selna at biglang napatayo. Gulat na tiningala siya ni Michelle. "Bakit?"
"Ano… banyo lang ako." Pagkatapos mabilis siyang naglakad palabas ng classroom. Bago siya tuluyang makalayo sa pinto ay pasimple siyang lumingon. Nakita niya si Danny na laglag ang mga balikat at halatang malungkot habang nakatingin sa kaniya. Kumirot ang puso niya at binilisan ang paglalakad palayo. Mariin siyang pumikit at frustrated na napasabunot sa kanyang buhok. Akala ko ba matapang ka? Bakit naduduwag ka ngayon? Kakainis ka Selna!