HINDI alam ni Andres kung paano niya napaandar ang kotse paalis sa tabing dagat. Nawala nga pati ang alinlangan niya magpatakbo ng mabilis. Basta ang naging focus niya ay makalayo at madala silang lahat sa mas ligtas na lugar, malayo sa galit ni Dumagat.
Ang pagwawala ng dagat, nagdulot ng masamang panahon kaya kahit malayo na sila ay apektado pa rin sila ng malakas na hangin at buhos ng ulan. Nabawasan tuloy ang liwanag ng buwan na umiilaw sa daan kasi nakikipagkompitensiya dito ang madilim na ulap sa kalangitan. Sa pinanggalingan nila, naririnig pa rin ni Andres ang pinagsamang kulog, ugong at sigaw ni Dumagat. Nararamdaman pa rin niya ang pagyanig ng lupa na dulot nang naglalabang kapangyarihan.
"Okay lang kaya si Lukas?" worried na tanong ni Danny na palingon-lingon sa likuran ng kotse.
Humigpit ang hawak niya sa manibela. "Tama siya. Lalo lang siya mapapahamak kung nandoon tayo."
"Pero ano bang nangyayari?" litong tanong ni Selna na mahigpit na nakayakap sa sarili, halatang nilalamig. Basang basa kasi sila lahat. "T-totoo bang Diyos ng Karagatan 'yon? At si Lukas… tinawag niya iyong ama, 'di ba? Ibig sabihin, anak ng Diyos si Lukas? Kaya ganoon siya kalakas?"
Tumango si Ruth. "At mukhang kaya ayaw niya lumusong sa dagat kasi malalaman ng ama niya na naroon siya." Katabi niya ito sa harapan kaya nakita niya nang kumuyom ang mga kamao nito. "Hindi ko alam kung paano niya nagawa pero mukhang nakatakas siya sa kuweba at gusto siya ibalik ng tatay niya roon."
"Kung si Lukas ang anak ni Dumagat… ibig sabihin siya 'yung bida sa kuwento ng pag-ibig na sinabi ng Naiad? Siya ang lalaking in love sa diyosa ng buwan?" manghang tanong ni Selna.
"Siguro," mahinang sagot ni Ruth.
Kumirot ang dibdib ni Andres kasi parang nalungkot ang dalagita sa nalaman.
"Kawawa naman si Lukas, kung ganoon. At sana makatakas siya sa tatay niya. Ayokong makulong uli siya sa kuweba sa ilalim ng dagat. Ang lungkot 'non," sabi naman ni Danny.
Natahimik silang apat. Ang tanging maririnig na lang ay ang patak ng ulan sa labas at ang wiper sa bintana ng kotse. Habang palayo sila, pahina naman ng pahina ang ingay at vibration na galing sa dagat. Hanggang hindi na nila marinig iyon.
Pagdating nila sa sentro ng Tala mahina na lang din ang ulan. Sa sobrang tahimik nila, nagulat pa sila nang biglang umungol si sir Jonathan. Napatingin silang lahat dito. Akala nila magigising ito pero sandali pa, payapa na uli ang tulog nito. Napabuga sila ng hangin.
"Anyway, ihatid muna natin siya sa kanila," sabi ni Andres.
"Okay," sangayon ng mga ito.
Binagalan niya ang takbo nang matanaw na niya ang mahabang tulay na lupa na dadaanan nila papunta sa sitio nila sir Jonathan. Biglang may nahagip ang tingin niya, pigura nang nakaputi sa gilid ng daan. Napapreno si Andres.
"Huy! Anong problema?" gulat na tanong ni Danny.
Lumunok siya at bumaba sa kotse. Sumunod sina Ruth, Selna at Danny. Tuluyan nang huminto ang ulan. Sa langit, nawala ang ulap at lumitaw ang buwan. Pero wala doon ang tingin nilang apat. Na kay Mayari na nagliliwanag ang buong katawan habang naglalakad palapit sa kanila.
Ngumiti ito. "Masaya akong makita na maayos ang kalagayan ninyong apat." Sinilip nito ang loob ng kotse at tumango. "At nakapagligtas pa kayo ng buhay. Taos puso akong nagpapasalamat na naibalik ninyo sa katahimikan ang Tala. Ako na ang bahala sa lahat."
Itinaas ni Mayari ang kanyang kamay. Lalo itong nagliwanag at mayamaya may nahulog mula sa kalangitan. Manghang napatingala sila. Parang mga maliliit na bulak ang bumabagsak. Parang snow pero hindi gawa sa yelo kung hindi gawa sa liwanag. Nang may isang mabining bumagsak sa pisngi ni Andres ay napakurap siya. May init na bumalot sa buo niyang katawan at para siyang nakainom ng tranqulizer na kumalma ang isip niya. Naramdaman niya na unti-unting nag-fe-fade sa alaala niya ang image ng isang kabaong at mga taong nag-iiyakan.
"Gamit ang kapangyarihan ko, lalabo lang ang alaala ninyo tungkol sa gabing ito. Pero ang mga tao sa buong Tala, tuluyang malilimutan na minsang namatay ang taong iniligtas ninyo. Magiging parang panaginip lang para sa lahat ang nangyari," malamyos ang boses na sabi ni Mayari.
Kumurap si Andres at napalingon sa loob ng kotse nang may magliwanag doon. Napasinghap sina Ruth at Selna at napa-wow si Danny. Kasi ang katawan ni sir Jonathan ang lumiliwanag hanggang masilaw sila at mapilitan mapapikit. Nang dumilat sila, wala na ang katawan ng teacher nila sa loob ng kotse.
"Nagbalik na siya sa sarili niyang tirahan. Wala kayong dapat ipagalala. Muli, maraming salamat sa inyong tulong."
"Teka lang po, Mayari!" mabilis na sabi ni Ruth.
Napatingin dito ang diyosa at masuyong ngumiti. "Huwag mong intindihin si Lukas. Sigurado akong malayo na siya sa dagat ngayon. Payapa na ang tubig kaya malamang nagbalik na rin si Dumagat sa sarili nitong tirahan."
Halos sabay-sabay silang napabuntong hininga. Medyo nagulat pa si Andres na kahit siya ay nakahinga nang maluwag nang malamang ligtas si Lukas. Lumawak ang ngiti ni Mayari habang pinagmamasdan sila. "Oras na rin para magpahinga kayo. Hanggang sa muli nating pagkikita." Humakbang ito paatras, hanggang unti-unti itong mag fade at tuluyang mawala.
PAGOD ang buong katawan pero alerto ang isip ni Andres nang maipark niya sa garahe ng bahay nila ang kotse. Naihatid niya sina Danny, Ruth at Selna bago siya umuwi. Tahimik ang buong kabahayan kaya alam niyang tulog na rin ang mga kasambahay. Gamit ang sariling susi ay binuksan niya ang pinto sa likod ng kusina. Mas hindi kasi kapansin-pansin kung doon siya dadaan lalo na at basang basa siya.
Hindi na nagbukas ng ilaw si Andres at hinubad ang t-shirt na suot. Piniga niya iyon sa lababo. Huhubarin na rin sana niya ang pantalon nang may maalala. Dinukot niya sa bulsa ang perlas na galing sa sirena bago ito mawala.
"Saan ka galing?"
Kumabog ang dibdib niya at gulat na lumingon nang marinig ang boses ng kanyang lolo. Nakatayo ito sa bukana ng kusina at halatang kagigising lang. Nakakunot ang noo nito nang i-on ang ilaw. "Bakit basang basa ka? Anong ginagawa mo nang dis oras ng gabi, Andres?"
Napangiwi siya at tuluyang pumihit paharap sa matanda. Sumandal siya sa may lababo at humigpit ang pagkakakuyom ng kamao sa hawak na perlas. "Lolo…" Huminga siya ng malalim. "May sasabihin po ako."
Kumunot ang noo ni lolo Manolo at naglakad palapit sa kaniya. Kumabog ang dibdib ni Andres kasi hindi niya alam kung paano at saan magsisimula. Ni hindi nga niya alam kung tama bang sabihin niya rito ang tungkol sa mga nangyayari sa kanilang magkakaibigan simula noong summer vacation. Alam niya na mahirap paniwalaan kung ikukuwento niya sa iba. Kahit siya, kapag sinusubukan balikan sa isip ang mga naranasan at nakita niya sa nakaraang dalawang buwan, nahihirapan maniwala na hindi panaginip lang ang lahat.
"Andres? Ano ang gusto mong sabihin?" tanong ni lolo na nakatayo na sa mismong harapan niya.
Kumurap siya, huminga ng malalim at saka ibinuka ang kamay na may hawak na perlas sa harapan nito. Niyuko iyon ng matanda at natigilan. Lumunok si Andres bago lakas loob na nagsalita, "This is a tear of someone who has been waiting for the man she loves for a very, very long time."
Gulat na napatingala sa kaniya ang matandang lalaki, nanlalaki ang mga mata. "W-what are you talking about?"
Sa mga sandaling iyon narealize niya na alam nito ang sinasabi niya. Nakikita niya iyon sa pamamasa ng mga mata nito. "Lolo, marami po akong gusto sabihin na alam kong hindi mapapaniwalaan ng iba. But I think I will be able to tell you everything. Alam ko po na kung may taong maniniwala sa akin, ikaw iyon."
Kumurap ang matanda. Inabot niya ang kamay nito at inilagay ang perlas. "Kayo po ang dapat magtabi nito. This is the only thing left of her. She's gone now, lolo."