HABANG nakatitig pa rin si lolo sa perlas ay sinabi niya rito ang lahat nang nangyari mula sa araw ng Youth camp hanggang kanina. Sa kalagitnaan nang pagsasalita niya nangatog ang mga tuhod nito kaya inalalayan niya ito makaupo. Umupo siya sa katapat nitong silya at hinawakan ang mga kamay nito. By the time na natapos siya magkuwento umiiyak na si lolo. Niyakap siya nito, nagpasalamat na ligtas siya at ang mga kaibigan niya. Then he told Andres his version of the story. Kuwento na hindi raw nito ipinagsabi kahit kanino. Ngayon lang.
Fifteen years old daw ito nang makita ang sirena. Katulad niya, pinanganak at nagkaisip ito na palaging naririnig ang mga kuwento ng matatanda tungkol sa kakaibang mga nilalang sa mundo. Kaya nang marinig nito ang awitin ng sirena nang minsang nagpunta ito sa dagat, wala itong naramdamang takot. Katunayan pagkasabik at pagkamangha ang naging reaksiyon nito.
Hindi inaasahan ni lolo Manolo na iibig ito sa isang nilalang ng dagat. Pero iyon ang nangyari. Alam nito na madedepress ito kung masyadong iooveranalyze ang sitwasyon kaya nagdesisyon itong huwag isipin ang hinaharap at lalong huwag isipin ang ibang tao. Nagdesisyon itong ienjoy ang bawat pagkakataon na kasama nito ang sirena. Nagdesisyon itong i-treasure ang damdamin na noon pa lang nito naramdaman. That summer became the best time of his life.
Pero dumating ang araw na kailangan na nito magpaalam. He was young and naïve to think that everything will turn out fine. Kaya nangako ito sa sirena na babalikan ito. Hindi raw inaasahan ni lolo Manolo na magiging masyado itong abala sa maynila. Na maamaze ito sa bagong buhay. Na katulad ng mga taga siyudad, mabubura sa isip nito ang mga kuwentong kinalakihan nito. Then the time came that he thought that summer was not real. That it was just a dream.
Pagkatapos nagkaroon pa raw ng World War 2 kaya tuluyang nawala sa isip nito ang alaala ng kabataan nito. Natuon na raw ang atensiyon nitong maka-survive at mapanatiling ligtas ang buong pamilya kaysa alalahanin ang nakaraan.
Thirty years old na raw si lolo Manolo nang bumalik ito sa Tala kasama si lola. Bagong kasal ang dalawa. Nang panahong iyon may malala raw sakit ang lolo sa tuhod ni Andres kaya kinailangan umuwi ni lolo Manolo para pamahalaan ang mga negosyong maiiwan ng tatay nito. Nang bumalik ito sa probinsya, parang dam daw na bumaha rito ang mga alaala. Katunayan nang taong iyon daw ay maraming beses ito nagpunta sa dagat. Pero hindi nito nakita ang sirena. Ni hindi nito narinig ang pamilyar na awit nito.
"Namatay ang tatay ko at naging abala na ako sa pamamahala sa mga negosyo," paliwanag ni lolo Manolo. "Pagkatapos nabuntis ang lola mo. Maselan ang kalagayan niya kaya hindi ko siya puwede iwan ng matagal. And then, when your father was born, he became the center of my world. Nawala na sa isip kong bumalik sa dagat. Nang magsimula na lumaki ang papa mo, pinuno ko rin ang kabataan niya ng mga kuwentong namana ko sa sarili kong lolo. Naisip ko na ayokong paglaki ng tatay mo, matulad siya sa akin na makakalimot sa kultura at pamana ng mga ninuno natin. That was the time when I decided to establish Abba College."
Marahang tumango si Andres at napatitig sa perlas na nilalaro ng kanyang lolo sa kamay nito. "This world is full of strange and amazing things, lolo," komento niya.
Tumango ang matanda at malungkot na ngumiti. "And out of all those things, love remains the strangest of them all. It is also the most magical." Huminga ito ng malalim, kinuyom sa kamao ang perlas at sinalubong ng tingin ang kanyang mga mata. "Salamat sa pagbibigay mo nito sa akin, Andres. Nalulungkot akong naging ganoon ang buhay niya sa kakahintay sa akin. I wish I was able to say goodbye to her."
Huminga siya ng malalim. "Hindi na natin mababago ang mga nangyari na lolo."
Tumango ito at nakangiting tinapik ang balikat niya. "Umakyat na tayo sa taas. Have a hot shower. Uminom ka na rin ng paracetamol para hindi ka magkasakit."
Inalalayan ni Andres na makatayo ang kanyang lolo. Magkasabay silang umakyat sa second floor. Bago siya makapasok sa kuwarto niya ay tinawag siya nito. Lumingon siya. "Palagi kayong mag-iingat ng mga kaibigan mo."
"Opo, lolo."
"And treasure every experience, Andres. Hindi lahat ng tao nabibigyan ng pagkakataong maranasan ang hiwaga ng mundong ito."
May naramdaman siyang kirot sa dibdib niya. Natahimik siya sandali bago nagawang magsalita, "Lolo, minsan feeling ko hindi ko deserve na maging bahagi ng grupo nila. Minsan pakiramdam ko hindi ako ang dapat nakakaranas at nakakakita ng mga nangyari sa amin mula pa noong summer vacation. Hindi ako katulad ni Ruth at lalong hindi ako katulad ng kapatid kong si Frances na may kakaibang kakayahan. I'm too… normal."
Matagal na napatitig ito sa kaniya. "Andres, hindi mo kailangan maging espesyal o magkaroon ng kakaibang kakayahan para makakita at makaranas ng mga kagila-gilalas na bagay. Kailangan lang maging bukas ang isip mo sa maraming posibilidad. Kailangan lang maging malawak ang pangunawa mo tungkol sa mundo. Kailangan mo lang maniwala sa magic. Higit sa lahat, kailangan mong panatilihing buhay sa puso mo ang paniniwalang iyon kahit gaano pa karaming taon ang lumipas. Look at me, I'm this old already but I still believe in extraordinary stories. Naiintindihan mo ba ako?"
Bumuntong hininga si Andres, parang may pabigat sa kanyang dibdib ang biglang nawala. Napangiti na siya. "Opo, lolo."
Ngumiti na rin ito at kuntentong tumango. "Matulog ka na." Saka lang ito tumalikod at naglakad palayo.
Huminga siya ng malalim at pumasok sa kanyang kuwarto.
LUNES. Balik klase na ang mga estudyante sa Tala High School. Katulad ng sinabi ni Mayari, hindi nga natatandaan ng mga tao ang tungkol sa 'pagkamatay' ni sir Jonathan. Lalo at pagala-gala sa campus ngayon ang teacher, masigla at parang hindi matagal na nasa ilalim ng dagat. Obviously, hindi rin nito naalala ang mga nangyari.
Sa alaala ng lahat maliban kina Andres, Ruth, Danny at Selna, na-cut short ang Youth camp dahil sa masamang panahon. Maulan mula pa kagabi kaya kapani-paniwala ang dahilan na iyon.
"Nasabi mo na ba sa lolo mo?" mahinang tanong ni Danny.
Nagkukumpulan silang apat sa isang sulok ng classroom habang hinihintay dumating ang class advisor nila para simulan ang unang subject.
"Oo. Sinabi ko sa kaniya lahat."
"Ibig sabihin dalawa na sila ni nanay na nakakaalam ng mga nangyayari sa ating apat," mahina ring komento ni Ruth.
"Pero kamusta na kaya si Lukas ngayon?" tanong ni Selna. "Oo sabi ni Mayari okay siya pero… paano kung hindi?"
Huminga ng malalim si Andres at pilit pinasigla ang boses para mawala ang tensiyon na biglang bumalot sa kanilang apat. "Huwag kayo mag worry. Malakas siya. He's a son of a God, remember? Kung nasaan man siya ngayon, sigurado na ayos lang siya."
Tumango-tango ang tatlo. Mayamaya pumasok na sa classroom ang adviser nila. "Go to your seats now, class!"
Tumalima ang lahat. Nang nakaupo na silang lahat at tumahimik ay nagsalita uli ang teacher nila. "May ipapakilala ako sa inyo, class. Alam ko na magugulat kayo kasi ito ang unang beses na nangyari ito sa Tala High School. Meron kayong magiging bagong kaklase. We have a transfer student starting today."
Umingay sa classroom. Halatang nasabik ang mga estudyante at nagkandahaba pa ang mga leeg kakasilip sa pinto. Lumingon din ang teacher nila sa pinto at sumenyas. "Pumasok ka na rito at magpakilala sa mga bago mong kaklase."
Humakbang ang transfer student papasok sa classroom. Nanlaki ang mga mata ni Andres at agad hinanap ng tingin ang mga kaibigan niya. Nagkasalubong ang tingin nila ni Danny na nakanganga at itinuturo ang lalaking nakatayo ngayon katabi ang teacher nila. Nang sulyapan niya si Selna ay halatang gulat na gulat din ito. Si Ruth naman, nakatakip ang dalawang kamay sa bibig habang titig na titig sa harapan.
Tipid na ngumiti ang transfer student. Nagtama ang mga paningin nila ni Andres bago ito nagsalita. "Ako si Lukas."
Nagtilian ang mga babae, kinilig. Kung alam lang ng mga ito na hindi tao ang nasa harapan nila. Napailing si Andres. Manghang mangha pa rin. Hindi niya inaasahan na ang lalaking iniisip lang nila kanina kung nasaan na ay magiging kaklase nila. This is a really strange world, indeed.