Chereads / MOON BRIDE UNIVERSE: Spiral Gang / Chapter 55 - Si Lukas At Ang Triburon (1)

Chapter 55 - Si Lukas At Ang Triburon (1)

"KAMUSTA? Anong nangyari? Nakita niyo ba ang sinasabing nilalang 'nung nakatirang siyokoy sa ilog?" sunod-sunod na tanong ni Danny nang makabalik sina Andres at Ruth.

Hindi agad sila sumagot, hinawi lang uli ang tubig na mula sa kani-kanilang mukha. Basang basa na sila pero ang tagos sa butong panlalamig niya, higit pa roon ang dahilan. Hindi na kasi nagsalita si Ruth pagkatapos nitong banggitin si Rosario kanina. Nagpatuloy lang ito sa pakikipag-usap sa mga Naiad. At pagkatapos, inaya na siya nitong umalis.

Bago sila tuluyang tumawid sa bumabagsak na tubig ng talon, nilingon niya uli ang kuweba. Wala na uli ang mga Naiad. Wala na rin ang puno at ang mga nakaguhit sa bato. Hindi na rin kumikinang sa ginto ang paligid. Balik na sa normal.

"Hello? Naririnig niyo ba kaming dalawa? Anong balita?" tanong naman ni Selna kaya napakurap siya at bumalik sa mga kaibigan ang atensiyon.

Tumikhim si Andres at inilapat ang palad sa likod ni Ruth. "Umalis muna tayo dito at bumalik sa dalampasigan. Puwede niya ipaliwanag ang sitwasyon habang naglalakad tayo."

Mabilis na sumangayon sina Danny at Selna. Mayamaya pa kumilos na sila palayo sa talon. Sa shortcut sila dumaan. Mabagal ang kilos nila kasi nagsasalita na si Ruth, pinapaliwanag ang nalaman nila mula sa mga Naiad.

Naririnig na nila ang hampas ng alon mula sa dagat nang mapunta na ang kuwento sa nangyari sa sirena pitong taon ang nakararaan. "Habang nasa batuhan daw ang sirena at kumakanta, hindi ang lalaking mahal niya ang nagpakita sa kaniya kung hindi isang babaeng mahaba ang itim na itim na buhok at maputla ang kulay ng balat. Sabi ng mga Naiad na nakasaksi ng nangyari, hindi raw tao ang babae na iyon kasi nababalot raw ito ng malakas na kapangyarihan. Wala raw nakakaalam kung ano ang nangyari sa pagitan ng mga ito pero mula raw noon nag-iba na ang sirena. Naging mapanganib ang tingin at nagsimula na manguha ng buhay."

Sandaling natahimik silang apat. Mayamaya nagsalita si Danny, "Si Rosario, ang babaeng lumunok ng mutya at pumatay kay kuya Lando, siya ang bumago sa sirena?"

Huminga ng malalim si Ruth. "Pareho ang description ng Naiad sa nakita natin sa nakaraan."

"At tama ang timing kung iisipin natin," sabi naman ni Andres. "Sabi ng mga mangingisda seven years ago daw nang magsimulang manguha ng buhay ang sirena. Iyon din ang taon na namatay ang kuya mo, Danny."

Natahimik na naman silang apat. Alam niya may takot na nararamdaman ang mga kaibigan niya. Kahit naman kasi siya, natatakot. Walang nagsasalita na naglakad na uli sila.

Natatanaw na nila ang dagat nang biglang magsalita si Ruth. "Pero alam niyo ba na nagtaka akong mabilis kami kinausap ng Naiad kanina? Kaya tinanong ko siya kung bakit sinasabi niya sa akin lahat ng impormasyon na 'yon."

Kumunot ang noo niya. "Hindi ba dahil sa buwan?"

"Buwan? Anong kinalaman ng buwan?" nagtatakang tanong nina Danny at Selna.

"Hindi lang 'yon ang dahilan," sabi ni Ruth at saka tinuro si Andres. "Ikaw daw ang pinakarason kaya gusto nilang tulungan tayo."

Gulat na nanlaki ang kanyang mga mata. "Ako? Bakit ako?"

"Unang kita pa lang daw nila sa'yo, napansin na nilang kamukhang kamukha mo ang lalaking minahal ng sirena. Maliit lang ang tiyansa pero baka makatulong daw ang pagkakahawig ninyo ng lalaking iyon para matanggal ang kadiliman at kasamaan ng sirena."

"So baka kapag nakita niya si Andres, magising siya mula sa mahika ni Rosario at bumait siya uli, ganoon?" tanong ni Selna.

Umiling si Ruth. "Hindi ko alam. Isa pa, ni hindi ko nga alam kung paano natin makikita ang sirena."

Nag-isip din siya at napatitig sa dagat na palapit na ng palapit habang naglalakad sila. "I guess wala tayong choice kung hindi hintaying kumanta siya uli. Then I will let myself be captivated by her voice."

"Ano ka ba, delikado 'yang iniisip mo," mabilis na sagot ni Ruth. "Mag-isip pa tayo ng ibang diskarte."

"Tama. Sigurado may iba pa tayong option," sangayon ni Selna.

"Katulad ng ano?�� tanong ni Andres.

"Katulad nang…kung alam lang natin paano tatawagin si Lukas. Sigurado matutulungan niya tayo," sabi ni Danny.

Hindi siya nakakibo at napasulyap kay Ruth na deretso man ang tingin sa dinaraanan nila ay napansin niyang nag-iba ang facial expression nang mabanggit si Lukas.

"Baka kailangan lang natin siya isipin at tawagin ang pangalan niya para sumulpot siya," sabi naman ni Selna.

"Ha? Pero hindi ko naman siya tinawag noong kaharap ko ang kapre ah?"

"Sabagay. Anyway, ano ba kasing klase ng nilalang si Lukas? Mukha siyang tao pero may kapangyarihan siya. Saka saan siya nakatira at nasaan siya kapag hindi natin siya kasama?" sunod-sunod na tanong ni Selna.

Gusto nang sabihin ni Andres na huwag na nila pag-usapan ang misteryosong lalaki. Pero ibubuka pa lang niya ang kanyang bibig nang biglang mapasinghap si Ruth at bumilis ang paglalakad.

"Ruth? Anong problema?" gulat na tanong niya.

Sumenyas lang ang dalagita na sumunod daw sila pero hindi lumingon. Lalo pa nga bumilis ang takbo nito hanggang makaalis ito sa parteng sakop ng gubat at makaapak na sa buhanginan. Nagkatinginan silang tatlo bago patakbong sumunod kay Ruth.

Nang makarating sila sa buhanginan at mawala ang mga nakaharang na puno at halaman, saka lang nila nakita ang dahilan kaya nagmadali ang dalagita. Kumabog ang dibdib ni Andres at nanlamig siya. Kasi sa di kalayuan, sa itaas ng malaking batuhan na hinahampas ng alon, nakatayo ang pamilyar na pigura ng isang lalaking nakaitim mula ulo hanggang paa. Nililipad ng hangin ang buhok nito habang nakatitig sa dagat.

"Si Lukas!" sabay na sigaw nina Danny at Selna, halatang masayang makita ang misteryosong lalaki. Nag-echo pa nga ang mga boses ng dalawa.

Biglang lumingon sa direksiyon nila ang lalaki kaya napahinto silang apat sa pagtakbo. Mababa na tingnan sa langit ang buwan at tumatama ang liwanag niyon sa kaliwang side ng mukha nito. Nakikita tuloy ni Andres na kulay asul na naman ang isang mata nito habang itim na itim naman ang kanan.

He looks different tonight. Mas mapanganib kaysa dati ang aura na nakapalibot ngayon kay Lukas. Mas ramdam niya ang malakas nitong kapangyarihan na para bang hindi nito magawang supilin at kontrolin iyon. Parang hindi rin ito nagulat na naroon sila. Katunayan, katulad ng siyokoy at mga Naiad, para bang inaasahan na nito ang pagdating nila.

"Sigurado ba kayo sa mga ginagawa ninyo? May pagkakataon pa kayong umatras at piliin ang normal na buhay ng mga mortal. Kapag nakielam pa kayo sa nangyayari ngayon dito… hindi na kayo makakabalik sa dati kahit na magsisi pa kayo," babala ni Lukas.

May kilabot na kumalat sa buong katawan ni Andres. Sa gilid ng kanyang mga mata nakita niyang nagdikit sina Danny at Selna kaya alam niyang naramdaman din ng mga ito ang naramdaman niya.

Si Ruth lang ang hindi tuminag sa pagkakatayo at pagkakatingala sa misteryosong lalaki. "Nakakatakot ba talaga ang sirena na nakatira sa dagat na 'yan?" tanong pa nito.

Natutok ang tingin ni Lukas sa dalagita. "Oo. May dugo ni Rosario na dumadaloy sa katawan nito. Alam mo kung anong klaseng nilalang ang babaeng iyon, hindi ba?"

Ilang segundo ang lumipas bago tumango si Ruth at sumagot, "Isa siyang Danag, tama ba?"