Nagtungo siya sa loob ng CR, sa halip na sundin ang utos ni Veron ay humarap siya sa salamin sa taas ng lababo at pinagmasdan ang sarili. Hindi siya papayag na basta na lang manduhan ng dalaga sa mga gawaing hindi naman nakalinya sa trabaho niya bilang personal assistant nito.
Pero hangga't maaari, ayaw niyang makipag-away dito at ayaw niyang magalit sa babae.
Kinuha niya ang foundation sa kanyang tote bag, naglagay ng manipis lang sa kanyang mukha saka lumabas na ng CR upang dumeretso sa loob ng opisina ng babae.
Kumatok muna siya bago pumasok sa loob.
Nadatnan niya ang babaeng may kausap sa landline ngunit agad nitong ibinaba ang telepono nang makita siyang nakatayo sa may pinto.
Natural lang ang lakad na lumapit siya rito habang ito nama'y nagmamadaling sumalubong sa kanya.
"Samahan mo ako sa Robinson Pedro Gil. May ka-meeting akong client doon," anito't mabilis na naglakad palabas ng silid.
Hindi siya sumagot ngunit nakasunod siya rito.
Habang naglalakad sila sa lobby, may tinawagan ito sa mobile.
"Ah okay. Palabas na kami ng building. 'Yong mga papeles i-ready mo na and we'll be there in just twenty minutes maybe, baka kasi matraffic kami sa daan," wika nito sa kausap.
Mataman lang siyang nakikinig.
Subalit hindi niya alam kung bakit bigla siyang kinabahan nang makapasok na sa kotse ng babae.
Hindi na siya mapakali lalo na nang dumating sila sa Pedro Gil at makapasok sa Robinson. Hindi na mawala ang kaba sa kanyang dibdib ngunit nanatili pa rin siyang nakasunod sa babaeng nagmamadaling maglakad at sumuot sa gitna ng maraming taong naglalakad sa hallway hanggang sa hindi na niya ito makita.
Segurado siya, may binabalak na naman itong masama sa kanya. Sinadya nitong dalhin siya sa lugar na 'yon hindi dahil sa meeting.
Ngayon siya nacurious kung sino ang kausap nito kanina. Ang lakas ng kabog ng kanyang dibdib kaya nagmamadali siyang lumabas ng mall at mag-isang naglakad papuntang LRT. Sasakay na lang siyang LRT kesa maghintay pa ng Grab.
Subalit namali yata siya ng desisyon nang mapansing may sumusunod sa kanya sa likuran.
Tumawid siya sa kalsada at lumingon sa likod, kunwari'y tiningnan kung may nagdaraang sasakyan. Tumawid din 'yong lalaking nakasumbrero at naglakad din papunta sa direksyon niya.
Tama nga ang hula niya, sinusundan nga siya nito. Pakana 'to ni Veron. Iyon seguro ang dahilan kung bakit siya pinalipat sa department nito.
May pagka-engot din pala ang babaeng 'yon. Kung sakaling may mangyari sa kanya ngayon, walang ibang sisisihin kundi ito lang.
Hindi ba ito nag-iisip?
Lalo pa niyang binilisan ang lakad hanggang makakita ng pedestrian crossing. Eksakto namang maraming tao ang tumatawid kaya nagmamadali siyang sumabay sa mga ito at patuloy na naglakad papuntang LRT.
Subalit nakasunod pa rin ang lalaki hanggang sa pumila na siya para bumili ng ticket. Panakaw siyang lumingon sa hulihan at agad nakita ang lalaking pumipila rin, limang tao ang pagitan nilang dalawa. Ang bilis niyang nagbayad sa booth at halos tumakbo na siya palayo rooon nang may biglang humablot sa kanyang kamay at agad siyang inakbayan.
Sisigaw na sana siya sa takot nang magsalita ang lalaki.
"Don't panic, Amor. Walk naturally."
"Dixal---" usal niya.
Sinuotan siya agad nito ng cap at ipinatong sa balikat niya ang suot nitong blazer habang naglalakad sila papuntang exit, pababa ng hagdanan hanggang sa makasakay sila sa nakaparadang kotse ng asawa sa gilid ng daan.
Kung kelan nasa loob na siya ng sasakyan, saka naman niya naramdaman ang pangangatog ng mga tuhod sa takot at biglang kumawala ang isang butil ng luha sa mata.
Pa'no na lang kaya kung hindi nakasunod sa kanya si Dixal, ano'ng posibleng mangyari sa kanya kung naabutan siya ng lalaking 'yon?
Agad siyang kinabig ng asawa para yakapin at pahupain ang kanyang takot na nararamdaman.
"It's alright now sweetie. I'm already with you," anito.
"Dixal, natakot ako kanina, akala ko maaabutan ako ng lalaking sumusunod sakin," sumbong niya sa asawa sabay ganti ng yakap rito.
"Sshh. Pinasundan ko na siya."
"Buti na lang nakasunod ka pala sakin," an'ya sa pagitan ng pag-iyak.
"Of course, sweetie. Nakamonitor ako lagi sa'yo. Kaya wala kang dapat ikatakot," pagbibigay nito ng assurance.
Duon lang tila guminhawa ang kanyang pakiramdam at kumawala sa pagkakayakap nito't ikinabit ang kanyang seatbelt, pagkuwa'y pinahid ang mga luha saka umayos ng upo.
Si Dixal nama'y pinaharurot na ang kotse nang masegurong okay na siya.
"I don't really trust Veron. Sorry sweetie kung muntik ka nang mapahamak sa nangyari," untag nito sa sandaling katahimikang namayani sa kanila habang nagbibiyahe sa daan.
"Kanina pa ako kinakabahan nang isama niya ako sa mall pero hindi ako makatanggi dahil ayukong magkagalit na naman kami. Hangga't maaari ayukong makipag-away sa kanya," baling niya sa asawa.
Noon lang niya napansin ang suot nitong surgical mask at kulay itim na cap upang hindi ito makilala.
"Dixal, kelan ka pa nakasunod sa'kin?" usisa niya.
"Mula nang lumabas kayo sa opisina ni Veron. I mean naka-monitor ako sa CCTV," sagot nito.
"Pano ka palang nakakapagtrabaho niyan kung nakamonitor ka lagi sa'kin sa CCTV?"
"You're more important than anything else, Amor. Ngayon ako nagsisisi kung bakit ako pumayag sa gustong mangyari ng ama ni Veron," sagot nito habang pasulyap-sulayap sa kanya.
May hatid na kilig sa puso niya ang sinabing 'yon ng asawa. Mahal talaga siya ni Dixal, walang duda.
Hinaplos niya ng palad ang kabilang pisngi nito.
"Dixal, I love you," usal niya.
"I love you more, sweetie." Ang tamis ng ngiting pinakawalan nito kahit hindi nakatingin sa kanya.
Sandaling katahimikan.
"Ibalik mo ako sa FOL BUILDERS. Gusto kong alamin kung ano'ng magiging reaksyon ni Veron 'pag nakita ako," maya-maya'y utos niya sa lalaki.
"Mag-iingat ka na sa sunod, Amor," paalala nito sa kanya.
-------
HALOS LUMUWA ANG MGA MATA NI Veron sa magkahalong takot at gulat nang makita siyang pumasok sa opisina nito.
Sa ekspresyon pa lang ng mukha nito'y halata nang ito nga ang may pakana sa nangyari kanina. Gusto talaga siya nitong ipahamak sa kamay ng lalaking 'yon.
Subalit sa halip na sugurin ito't pilit paaminin sa kasalanang ginawa ay ilang beses siyang huminga ng malalim at ikinubli ang galit na nararamdaman saka umaktong siya pa ang may mali sa nangyari.
"Sorry ma'am, pero nawala ka kasi sa paningin ko kaya, lumabas na agad ako ng mall at nag LRT na lang pabalik rito."
"Palibhasa kasi'y engot ka kaya 'di ka nakasunod sa'kin!" Paggagalit-galitan nito ngunit halata ang pamumutla ng pisngi habang nandidilat sa kanya.
Kaswal lang siyang lumapit sa isang bakanteng mesa sa tabi ng mesa nito na maliban sa patong-patong na mga folder ay wala nang iba pang nakalagay doon.
"Hindi na mauulit ma'am. Sensya na," an'ya, pagkuwa'y inayos ang mga folder at inilagay sa isang tabi saka kinuha ang isang upuan sa gilid at hinila sa harap ng mesa. Iyon na lang ang gagawin niyang work table kung walang plano ang babaeng 'to na bigyan siya ng mesa para do'n magtrabaho. Seguro'y hindi nito inaasahang makakabalik siya agad ngayon.
"Ang pagkakaalala ko ma'am, may ka-meeting ka kanina. Natapos ba 'yon agad?" usisa niya maya-maya habang nakatitig ritong biglang iniiwas ang tingin sa kanya.
"P-a'no ako makikipagmeeting sa kanya eh hanap ako nang hanap sa'yo sa loob ng mall pero wala ka naman pala do'n!" pagalit pa rin nitong sagot ngunit nahalatang nauutal habang nagsasalita.
"Ah gano'n ba?" painosente niyang sambit, pinagmamasdan ang bawat galaw nito habang nakaupo paharap sa mesa at kunwari'y pinupunasan ng naruong basahan ang ibabaw niyon.
Napansin niyang nanginginig ang mga kamay ng dalaga habang nakahawak sa isang papeles at nakatingin sa screen ng computer.
"Ma'am, ano'ng gagawin ko sa mga folder na 'to?" tanong niya sabay turo sa itinabi niyang nakapatong sa mesa.
"Ilagay mo sa paper shredder lahat ng 'yan at itapon mo." Bahagya nang naging natural ang pagsasalita nito o tulad niya'y nagkukunwari lang din.
Tumayo siya at hinanap ang kinalalagyan ng sinasabi nitong paper shredder.
Katabi iyon ng malaking photocopy machine sa kanyang likuran.
"Binuhat niya ang limang patong ng folder at binitbit palapit sa shredder ngunit bago ipasok ang mga papel ay inaalam niya muna ang nakasulat sa mga 'yon. So far, hindi naman mahahalaga ang mga papeles na hawak.
Narinig niya ang mahinang ring ng mobile nito pero hindi niya ito tinignan, nag-pretend siyang busy sa ginagawa subalit napansin niyang sadyang nilakasan nito ang boses nang sagutin ang tawag.
"Sorry po sir pero bumalik ako agad kasi nagkahiwalay kami ng PA ko, nag -alala akong baka maligaw siya kaya hinanap ko agad. Mabuti nakabalik siya rito nang ligtas," wika nito saka siya nilingon.
"Okay po sir, baka bukas na lang ata," dugtong nito bago pinatay ang tawag, pagkuwa'y tumayo at bumaling sa kanya.
"Hoy, pagkatapos mo d'yan, i-encode mo uli
sa excel ang bawat pahina nitong nasa limang folder at isave mo sa USB para ma-recheck ko mamaya," utos sa kanya sabay turo sa mga folder sa ibabaw ng mesa nito.
Tumango lang siya at itinuloy ang ginagawa.
"At tsaka itong mga nasa nakalagay sa envelopes, ibalik mo sa malaking kabinet. Kailangang maganda ang pagkakasalansan mo sa mga 'yan."
Nang mapansin ang malaking kabinet sa likuran ng shredder at photocopy machine ay muli siyang tumango.
Marahil ay napagod kakautos kaya lumabas ito ng silid.
Sinamantala niya ang pagkakataong 'yon at pinakli isa-isa ang laman ng bawat folder na gusto nitong ipa-shredder. Subalit nagulat siya nang makita ang laman ng pangalawang folder. Lahat ng mga 'yon ay mga OR, voucher, at invoice nitong kasalakuyang taon lang. Ipapahamak na naman siya nito sa lagay na 'yon.
Binuklat niya uli ang iba pang folders. Mga contracts naman ang nagpakalagay doon, mula seguro nang itayo ang kompanyang 'yon hanggang sa kasalukuyan. At ang kasunod ay mga documents na pinirmahan ng iisang tao lang pero hindi niya kilala ang pangalang 'yon.
Tatlo sa mga folder ay itinago niya sa kunting espasyo sa ilalim ng photocopy machine.
Binuklat niya uli ang isang folder ngunit wala siyang naunawaan sa mga nakasulat doon kaya isinama niya 'yon sa mga itinago niya.
Eksaktong pagpasok na uli ni Veron, itinutuloy na niya ang dating ginagawa.
Kasama na nito ang assistant finance director.
"Miss Salvador, nakita mo ba 'yong ten pages na contract sa isang folder?" malumanay nitong usisa sa kanya.
Pasimple siyang umiling at itinuloy ang ginagawa.
"Derek, tignan mo nga sa mga folder sa kanya. Sobrang sipag kasi niya, sinabi ko na ngang 'wag munang gagalawin ang mga folder na 'yan at baka may importanteng document d'yan eh. Pero pinakialaman pa rin pala ang mga gamit mo," anang babae sa assistant finance director.
Nagsalubong ang mga kilay niya sa narinig.
Ang lalaki nama'y nagmamadaling lumapit sa kanya at tinignan isa-isa ang mga folder pero wala roon ang hinahanap nito.
Kung nakamamatay lang ang mga titig na ipinukol niya sa babae'y baka bumulagta na ito sa sahig.
Isang simpleng kibit-balikat lang ang iginanti sa kanya sabay taas ng isang kilay saka umupo sa swivel chair nito.
Ngunit nagtimpi na uli siya ng galit.
"Sensya na, baka nailagay ko na sa shredder ang hinahanap mo," baling niya sa lalaking namutla agad sa narinig.
"Pero Miss Salvador, kailangan 'yon ngayon ng COO. Hiniram ko lang kasi 'yon sa kanya for accounting purpose kasi may naka-attached duong invoices at ORs," pinagpapawisang paliwanag ng lalaki.
Itinuro niya ang mga na-shred na.
"B-aka nga and'yan na, sir. Sorry namali ako ng dinig kay Ma'am Veron. Ang dinig ko kasi ipa-shredder lahat ng nakapatong sa mesang 'yon," sadyang pinalungkot pa niya ang boses nang maniwala ang dalawang nailagay na nga niya ang mga 'yon sa shredder machine.
"Hoy! Ba't ako ang idinadahilan mo eh 'di ba sabi ko sa'yo, itabi mo lang, 'wag mong pakialaman pero nagpilit kang i-shredder ang mga 'yon," pagsisinungaling nito.
Kunting-kunti na lang at parang gusto na naman niyang sumabog sa galit. Huminga siya nang malalim upang kampantehin ang sarili.
Gigil na lumapit ito sa kanya't kumuha ng mga nailagay na sa machine at itinapon na mukha niya.
"Pagdikit-dikitin mo ang mga 'yan at ibalik mo sa folder pagkatapos hanggang mahanap 'yong contract!" hiyaw nitong halos lumuwa na ang mga mata sa panlilisik.
Kung kanina'y 50/50 ang pagtitimpi niya, ngayo'y isang porsyento na lang at talagang sasabog na siya kung hindi sumabad ang assistant.
"Baka naman may ibang paraan pa, Ma'am Veron. Kakausapin ko muna si sir Lemuel kung ano'ng pwedeng gawin."
"Engot kasi ang babaeng 'to, pakialamera!" singhal ng dalaga sa kanya.
Ngunit hindi niya ito pinansin at dinampot ang folder na noo'y may natira pang laman at 'di pa niya nailalagay sa shredder saka ibinalik sa pagkakapatong sa mesa.
Samantalang ito nama'y palihim na humahalakhak.
'Naisahan din kitang malandi ka! This is just the beginning, bitch!' hiyaw ng isip nito, saka naka-chin up na bumalik sa mesa nito.