Nilubus-lubos na niya ang pagkukunwari't kinuha ang waste bin kung saan nakalagay ang mga gupit-gupit nang mga bond paper at isa-isang pinagdikit-dikit ang mga 'yon sa mesa. Subalit naabutan na siya ng alas kwatro'y hindi pa rin naaayos ang mga pira-pirasong papel.
Kanina pa niya napapansin si Veron na lihim na humahalakhak ang mga mata habang panay ang sulyap sa kanya.
Tumayo siya at lumapit dito.
"Ma'am, pwede ko bang dalhin ang waste bin na pinagsidlan ko ng shredded papers para sa bahay ko ayusin?" paalam niya.
"Whatever, basta mapagdikit-dikit mo lang ang lahat ng mga 'yan," sagot nitong sinadya pang paikutin ang bilog na mga mata saka tumayo at nagpuntang CR sa 'di kalayuan sa mesa nito.
Nang masegurong nakapasok na nga ito sa loob ng CR ay pinagkukuha niya sa ilalim ng malaking photocopy machine ang mga folder, inilagay sa pinakailalim ng waste bin at ipinaimbabaw ang mga pira-pirasong papel nang 'di mahalata ang nasa ilalim niyon.
Pagkalabas lang ni Veron sa banyo ay nagpaalam na siyang aalis. Hindi ito kumibo kaya lumabas siya ng opisina bitbit ang waste bin at tote bag.
Patay-malisya siyang naglakad palabas ng department dere-deretso sa VIP's elevator.
Tiningnan niya muna ang buong paligid bago pumasok sa kusang bumukas na elevator.
Nasa loob na agad si Dixal, nagmamadali siyang hinila papasok sa secret elevator at kinuha sa kanya ang kanyang mga bitbit.
"Silly girl. Sinabi mo na lang sana kay Derek na naitago mo 'yong contract. Namumutla ang kawawang binata nang magpunta sa'kin." ani Dixal sabay pindot sa tuktok ng kanyang ilong.
Napahagikhik siya saka yumakap sa lalaki.
"Sa sobrang inis ko kay Veron, 'di ko na naisip 'yon para mas kapani-paniwalang nailagay ko nga sa shredder 'yong kontrata," katwiran niya.
Sabay silang pumasok sa kwarto ng lalaki pagkatapos ang ilang minuto.
Inilapag ni Dixal ang waste bin sa tabi ng maliit na mesa malapit sa tokador saka nagbihis ng damit.
Siya nama'y umupo sa semento at kinuha mula sa basurahan ang mga folder at inilapag sa ibabaw ng maliit na mesa hanggang sa makalapit si Dixal, dinampot ang mga 'yon at dinala sa sofa upang duon buklatin.
"I don't think mga gamit 'yan lahat ng assistant finance director," wika niya sa lalaki nang sumunod ritong umupo sa sofa at tumabi sa lalaki sa pagkakaupo.
Binuklat nito ang isang folder na mga resibo at voucher ang laman.
Sunod na binuklat ay ang mga kontrata at nang mabuklat ang isang folder ay kunut-noong napatingin sa kanya.
"Bakit merun nito sa finance department?" taka nitong usisa.
"Ewan ko, basta kabilang 'yan sa mga folder na ipinalalagay ni Veron sa shredder," sagot niya.
Isa-isang binuklat ni Dixal ang mga papel ngunit lahat ng dokumentong naroon ay iisang tao lang ang pumirma.
"Amor, ang pirmang 'to ang matagal na naming inaalam kung sino ang may-ari. Bakit na kay Veron 'to?" kunut-noong tanong uli sa kanya.
"Aba ewan ko," pasimple niyang sagot.
"Kaninong pirma ba 'yan?" curious niyang usisa.
"Pirma 'to ng isa sa mga shareholders sa kabilang kompanya. Pero walang nakakakilala kung sino ang taong 'yon," paliwanag ni Dixal at muling binuklat isa-isa ang mga documents.
"Hindi ba 'yan pirma ni Veron?" tanong niya.
Umiling ang lalaki, pagkuwa'y binuklat ang natitira pang isang folder ngunit tulad niya'y wala itong naintindihan sa mga nakasulat sa limang pahinang naroon.
Nag-aya itong magpunta kay Dante at ipabasa sa robot ang laman ng mga nakasulat sa mga papel at nagulat sila sa natuklasang isang iyong secret letter para sa ama ni Veron.
Ang isang sulat ay nanghihingi ng 50 milyon. Ang pangalawang sulat ay sampung milyon, gano'n ang iba pa at ang pinakabago na kahapon lang ang petsa ay 60 milyon naman ang hinihingi.
"Ibig bang sabihin, ang ama ni Veron ang nagnanakaw ng pera sa kompanya mo at inililipat sa kalaban mo?" kumpirma niya sa lalaking tila 'di makapaniwala sa natuklasan.
"I just thought it was Randall. Nawala sa isip ko ang ama ni Veron," ani Dixal, nasa tono ang tila panghihinayang para sa ama ni Veron.
"He's one my trusted friend and uncle."
"Pero pa'no niya nailulusot ang gano'n kalalaking perang ninanakaw niya?" takang usisa niya.
"Magaling magtago ng sekreto ang mag-ama. Kasalanan ko 'to. Masyado akong nagtiwala sa kanila." Bakas sa mukha ng lalaki ang lungkot habang nakamasid sa mga papel pagkuwa'y bumaling sa kanya.
"Amor, okay lang ba kung magtagal ka pa roon kay Veron. Alamin mo ang lahat ng tungkol sa mga liham na 'to at buksan mo ang kanyang lappy, baka may makita ka pang ibang impormasyon doon," pakiusap nito.
"Okay sige. 'Pag nakuha ko na lahat ng impormasyon, magpapalipat uli ako, Dixal," sagot niya saka kinuha ang mga papel.
"Pero sa ngayon, kailangan kong panindigang lahat ng mga ito'y nailagay na sa shredder. Ipaxerox mo ang mga 'to pati 'yong mga kontrata saka ko gugunting-guntingin para kapanipaniwalang pinagdikit-dikit ko lang," utos niya sa lalaking biglang nagbago ang ekspresyon ng mukha, 'di malaman kung matatawa o maiinis sa sinabi niya.
PAGBALIK NILA SA LOOB NG KWARTO'Y tamang tamang tumunog ang phone niya sa bulsa ng kanyang slacks.
"O Ma, bakit napatawag ka?" usisa niya sa ina nang rumihestro ang number nito sa screen ng kanyang mobile.
"Anak, okay na ba ang pakiramdam mo?" usisa nito sa kanya.
"Pakiramdam ko?" maang niyang tanong nang biglang maalala ang sinabi niyang dahilan kahapon para lang makakuha ng itinatagong antique nito.
"Ah, opo Ma, okay na ako," sagot niya.
"Hindi na ba masakit ang ulo mo?" muling tanong nito.
"Hindi na, Ma. 'Wag kayong mag-alala sa'kin, 'di pa naman ako mamamatay sa sakit lang ng ulo." Sinabayan niya ng tawa ang sinabi dahilan para mapatingin si Dixal sa kanya.
"Basta alagaan mo ang sarili mo, Flor." anang ina saka pinatay na ang tawag.
"Masakit ang ulo mo?" usisa ng asawa sa kanya na para bang kasalanan niya kung bakit masakit ang kanyang ulo.
"Ano ka ba, binibiro ko lang kahapon si mama. Ayaw niya kasing ipakita sakin 'yong kayamanang ipinamana sa kanya ng lolo ko kaya sabi ko sumasakit lagi ang dibdib at ulo ko sa alikabok sa daan kakaabang ng bus araw-araw. Biniro ko siyang magpapabili akong kotse. Pero 'di ko pa rin siya nauto." kwento niya sabay hagikhik.
Kinabig siya nito at ipinulupot ang mga kamay sa kanyang beywang saka siya hinalikan sa noo.
"Don't worry tuturuan kitang mag-drive. But for now may inutusan akong maghatid-sundo sa'yo para 'di ka na mahirapan mag-abang ng sasakyan sa daan."
Inilagay niya ang mga kamay sa magkabila nitong balikat saka ito tinitigan.
"Dixal--"
"'Pag ba namatay ako sa sakit, hindi ka na mag-aasawa pa?" hindi niya alam kung saan nanggaling ang tanong na 'yon na sa dinami-dinami ng sasabihin niya'y iyon pa ang kanyang nabigkas.
"Shut up, Amor. Hindi ka mawawala sa'kin. Magsasama tayo hanggang kamatayan." Bigla itong naging aburido saka siya mahigpit na niyakap.
Napangiti siya sa sagot nito.
'Ako man, Dixal. Hindi ko hahayaang mawala ka sa'kin. Magsasama tayo hanggang kamatayan,' hiyaw ng kanyang isip.