Chereads / FLOWER OF LOVE / Chapter 58 - THE UNTOLD PAST

Chapter 58 - THE UNTOLD PAST

Ang hirap magkunwaring masaya kung sa muling pagkikita nilang magkaibigan ay mapait na katotothanan agad ang bumulaga kay Flora Amor. Pakiramdam niya, parang binibiak na ang kanyang dibdib sa sakit habang pilit inia-absorb sa isip ang mga sinabi nito kanina lang.

Sa tingin niya, hindi na niya kailangang magpunta pa sa neurologist, ang kailangan niya lang ay itanong kay Mariel ang lahat ng gusto niyang malaman.

"Beshie, inom tayo sa bahay kahit Maria Clara lang," yaya nito.

"Sure. Pero mamaya na Beshie pagkatapos ng appointment ko. Kailangan ko kasing magpunta sa bayan ngayon eh. May kakatagpuin ako do'n, about sa work," an'yang 'di pinahalatang apektado siya sa mga nalaman mula rito.

"Ayy,o' gann ba?" Agad nanlumo ang mukha nito.

"Ibigay mo na lang sakin ang number mo para matawagan kita mamaya pagkatapos ko sa bayan. Saan pala kayo nakatira ngayon?"

"Sa Sauyo na kami. Basta babalik ka ha? Hindi ko muna sasabihin kay Anton na nagkita tayo para ma-surprise siya pag nagkita na kayo." Bumalik ang aliwalas ng mukha nito.

Humagikhik siya bilang tugon saka tumingin sa labas ng sasakyan.

"Layo pa ba tayo Beshie?" usisa niya.

"Dito na tayo sa Sauyo," anito saka inihinto ang sasakyan sa may fly-over.

"Ihatid na lang kaya kita sa bayan. Lapit na lang naman," baling sa kanya.

"Naku, 'wag na Beshie. Sasakay na lang akong jeep papunta do'n," maagap niyang tutol saka agad nang binuksan ang pinto bago ito muling nakapagsalita.

"I-phonebook mo muna number ko," habol nito nang mapansing lalabas na siya.

Binuksan niya ang kanyang Calvin Klein tote bag at kinuha do'n ang dalang phone. Buti na lang ang bag niyang 'yon ang kanyang nadala kanina at nagkasya ang folder na binigay ng vice-chairman sa kanya.

Pagkatapos makuha ang number ng kaibigan ay nagpaalam na siya at isinara ang pinto ng sasakyan, hinintay munang makaalis ang babae bago siya sumakay ng jeep papuntang bayan ngunit imbes na dumeretso sa venue ng meeting niya'y nagpababa siya sa simbahan. Dadalaw muna siya kay Mamay Elsa. Seguradong matutuwa ito 'pag nakita siya, o baka hindi siya agad nito makilala.

Subalit wala roon ang matanda nang magpunta siya at ang tinitirhan nila dati'y ini-rennovate na, may bago nang nakatira.

Pinagmasdan muna niya ang bahay na dalawang taon din nilang tinirhan. Kahit tinaasan 'yon ay gano'n pa rin ang itsura ng pinto niyon.

Parang kelan lang, ang pinto pang 'yon ang nilalabas-masukan niya habang ando'n sila at para pa ngang dinig pa niya ang malakas na bulyahaw ng ina habang ginigising siya sa umaga.

Napangiti siya sa naisip. Buti na lang, hindi na gano'n ang kanyang mama ngayon.

"Ma, gumising ka! Gumising ka, ma. 'Wag mo kaming iwan. Maaaa!"

Natigilan siya nang marinig ang sariling boses na 'yon. Mula sa saradong pinto ay nakikita niya ang sariling nakaupo habang pilit na isinasandig sa kanyang dibdib ang katawan ng duguang ina.

"Ma?!" bulalas niya.

Nakikita niya ang maraming tao, sa labas, ang ama ni Anton sa may pinto at si Dixal na papalapit sa kanya habang ang ama'y duguang nakahandusay sa semento.

"Pa?!"

Hindi niya napigilan ang pagpatak ng mga luha sa eksenang nakikita habang si Harold ay tulala lang na nakaupo at yakap-yakap ang sarili habang nakaharap sa kanila.

"Ma? Pa? Ano'ng nangyari?" wala sa sariling tanong niya habang papalapit sa saradong pinto.

"Oy, Flor. Ikaw ba 'yan?"

Ang boses na 'yon ang nagpabalik sa kanyang katinuan.

Kunut-noo pa niyang tinitigan ang kaharap na ginang at pilit inalala ang pangalan nito ngunit wala na siyang matandaan.

Muli siyang bumaling sa may pinto ng dati nilang bahay ngunit biglang naglaho sa paningin ay kanina'y eksenang nakita.

"Ako 'to, 'yung kapitbahay niyo dito. Naalala mo, madalas nga ako kina Mamay Elsa at tumutulong magbantay sa bunso niyo," pagpapakilala ng tumawag sa kanya.

Duon lang naliwanag ang kanyang mukha at bumuka ang bibig upang magsalita.

"Ayy, tanda ko na po. Kayo po si Aling Lala! Musta po kayo? Sensya na po, hindi ko kayo agad natandaan," any'ang agad pinahid ang luha sa pisngi.

"Muntik na kitang 'di makilala sa sobrang ganda mo. Laki na ng pinagbago mo ah. Dati natatandaan ko, supot ng yelo ang pantali mo sa buhok kapag bumibili ka sa tindahan. Ngayon aba'y rebond na ang buhok mo."

Tumawa siya nang malakas. Naalala nga niya 'yon.

"Hindi po rebond 'yan. Natural po 'yan."

"Ows talaga, ang ganda ah. Akala ko rebond," 'di makapaniwala nitong sambit.

"Condolence nga pala sa pagkamatay ng mga magulang mo. Lahat kami rito nagulat sa nangyari. Nagpunta nga kami no'n sa lamay ni mayor at nakilibing din kami. Pero 'di namin kayo nakita ro'n. Saan nga pala inilibing ang mama mo?"

Kunut-noo uli niya itong tinitigan. Pangalawang tao na itong nakausap niya na nagbanggit tungkol sa kanyang papa. Ibig sabihin, totoo pala talagang pinatay ang kanyang ama. Pero bakit tila yata 'di alam ng mga 'tong buhay ang mama niya?

"A-ano po bang nangyari noon? Nailabas ba sa TV ang resulta ng imbestigasyon?" usisa niya.

Ang ginang naman ang nagtatakang napatitig sa kanya saka siya hinawakan sa braso at iginiya sa pader ng dati nilang tirahan saka inilapit ang mukha sa tenga niya nang mapansing walang tao sa paligid maliban sa kanila.

"Hindi mo rin ba alam na sangkot sa druga ang papa mo? Kalalaya nga lang ng kabit niya mula sa kulungan dahil kasabwat daw ng papa mo sa pagbebenta ng druga, ayon sa director ng NBI na madalas magpunta sa inyo noon."

Namutla siya narinig. Pakiramdam niya, biglang tumigil ang kanyang dugo sa pag-circulate at agad namanhid ang kanyang katawan, buti na lang nakakapit siya agad sa pader ng bahay, kung hindi, baka matumba na siya sa narinig na 'yon mula sa ginang.

Gusto niyang sigawan ito at sabihing hindi 'yon totoo pero ano'ng mapapala niya pag ginawa 'yon? Pipigilan niya ang sariling damdamin. Kailangang alamin niya ang lahat ng impormasyon tungkol sa pamilya niya.

"Sino po bang direktor ng NBI ang sinasabi niyo?" usisa niya, hindi pinahalatang nanginginig ang kanyang katawan sa nakakagimbal na katotohanang isang sindikato ng druga ang kanyang ama.

"Hindi ko na matandaan ang pangalan no'n. Pero 'yon ang pumatay sa papa mo," sagot nitong lukot ang noo, halatang nag-iisip din.

"Eh, 'yong pangalan po ng kabit ni papa, alam niyo po ba?" muli niyang tanong.

"Ayy, oo!" Pumilantik ito. "'Di ko makakalimutan ang pagmumukha nang walanghiyang 'yon. Cathy Randall ang pangalan no'n. Kapatid 'yon ng dating Congressman dito. Pero ngayon, wala na silang koneksyon sa politika kasi wala nang bumoto sa mga hayup na 'yon noong malaman ng taong bayan na mga drug lord pala," kwento nitong sadyang pinatigas ang boses para ipahalatang galit ito sa mga binanggit na tao.

"Randall." pag-uulit niya sa apelyidong 'yon na tila ba pamilyar sa kanya.

"Saan ka na pala nakatira ngayon? Buti na lang nakaya mong buhayin ang mga kapatid mo nang 'di kayo nagkakahiwa-hiwalay," anito.

Pilit siyang ngumiti at ikinubli ang totoong damdamin sa mga isiniwalat nito.

"Okay lang po kami. Malalaki na po mga kapatid ko. Sige po, 'di na ako magtatagal. Bumisita lang po ako rito," paalam niya sa ginang.

"O sige. Balik ka agad dito 'pag may oras ka, ha?" anang ginang.

Tumango lang siya sabay ngiti, pagkuwa'y mabilis ang mga hakbang na umalis sa lugar na 'yon. Ang bigat ng dibdib niya habang naglalakad palabas sa kanto.

Ngayon niya naiintindihan kung bakit hindi naman siya nadisgrasya ngunit nagkaroon siya ng amnesia at kung bakit 'yon natawag na psychological trauma. Dahil 'yon sa mga nalaman niya ngayong hindi kinaya ng kanyang utak at katawan. 'Yun marahil ang mga bagay na nangyari sa loob ng apat na buwang nabura sa kanyang alaala. Uuwi siya ng Cavite. Kukumprontahin niya ang ina. Gusto niyang dito mismo malaman ang lahat. Pero hanggat maaari uunawain niya ito.

Naalala niya ang sinabi ng dating kapitbahay. Ang akala nito'y patay na ang ina. 'Yung nakita niya kanina sa loob ng bahay nila noon, iyon ba ang nangyaring aksidente sa mga magulang?

Aksidente. Iyon ang sinabi ng ina sa kanya kung bakit namatay ang ama. Pero ngayon niya lang nalamang sinadya pala itong patayin ng isang director ng NBI.

Marami pang mga bagay ang gusto niyang mabigyan ng linaw nang tumunog bigla ang phone sa kanyang tote bag.

Isang 'di kilalang number ang nakarehistro duon.

"Hello, sino po sila?"tanong niya nang sagutin ang tawag.

"Where are you?" aburidong boses ang sumagot.

"Dixal? Paano mong nalaman ang number ko?" maang niyang tanong, hindi agad naalalang nakalagay nga pala 'yon sa kanyang resume.

"Tell me where you are. Don't go anywhere. I've already cancelled the meeting with Mr. Cruz there," saad nito.

"Nandito ako sa--"

Nagbago ang isip niya. Ayaw niyang makita ngayon ang lalaking itong asawa pala talaga niya. Gusto niyang mapag-isa muna.

"'Wag mo na akong hanapin. Bukas na lang uli ako papasok. Absent muna ako ngayon."

Bago niya pinatay ang tawag ay narinig pa niya itong muling nagtanong kung asan siya.

Ayaw niyang pakita sa lalaki. Gusto niyang pagsisihan ang pagpunta niya rito. Kung 'di sana siya pumunta, 'di niya matutuklasan ang nakakagimbal na katotohanang yun tungkol sa pamilya. Masaya sana siya ngayon habang nasa trabaho. Pero hindi niya kailangang magpaapekto. Tapos na ang lahat ng 'yon. Nakalipas na 'yon, hindi niya kailangang dibdibin ang mga bagay sa kanyang nakaraan. Hindi nga 'yon pinag-uusapan sa kanila hanggang ngayon kaya't hindi niya na dapat pang kumprontahin ang ina tungkol sa nangyari. Ibabaon niya sa limot ang mga natuklasan katulad nang ibinaon niya 'yon sa limot noon pa, pitong taon na ang nakakaraan.

Pero bakit kay sakit ng dibdib niya na tila dinidurog nang pinung-pino? Hindi siya makapaniwalang nagawa 'yon ng ama sa kanila at 'di siya makapaniwalang isa pala itong drug lord.

Subalit tama si Mariel, hindi na niya dapat binabalikan ang mga bagay na 'yon, hindi na dapat pinag-uusapan. Speaking of Mariel, pupunta siya doon. Babalik siya sa Sauyo at doon magpapalipas ng buong araw. Baka sakali, makalimutan niya ang mga bagay na natuklasan ngayon. Pero paano, kung ito man ay marami ang mga bagay na ipinapaalala sa kanya?

Ahh, bahala na. Basta babalik siya ruon at dadalo sa birthday ng anak nito. Gusto niya ring makita si Anton at makausap ito nang masinsinan. Subalit hanggang maaari, ayaw niyang mapag-usapan ang kanyang nakaraan pagpunta niya sa bahay ng dalawa.