"Flor--?" 'Di iyon halos lumabas sa bibig ni Anton nang mapagbuksan ng gate si Flora Amor, halatang nagulat sa nakita. Ilang minuto itong tulala lang na nakatayo't nakatitig sa kanya.
"Hi, Beshie. Musta na?" Nailang tuloy siya't sa halip na yakapin sa pananabik dito'y hinawakan na lang ang braso nito saka siya um-abrasete.
"Flor, ikaw ba talaga 'yan?" tanong pa nito nang hilain niya papasok sa loob ng front lawn ng bahay kung saan naruon ang iilan nitong mga bisitang napadako lahat ang tingin sa kanila lalo na sa kanya.
"Pitong taon lang tayong 'di
nagkita Beshie pero 'di mo na agad ako nakilala," humahagikhik niyang tugon habang hinahanap ng paningin si Mariel.
"Asan si Beshie?" usisa niyang patuloy pa ring nakakapit sa bisig nito.
"N-nasa loob ng bahay kasama ang mga magulang niya," pautal nitong sagot.
"Paano mo pala nahanap ang bahay namin?"
anitong iginiya siya papasok ng bahay.
"Tinanong ko kay Beshie ang address niyo kanina bago ako magpunta. Nagtanong-tanong din ako sa daan kung asan ang bahay niyo," sagot niya.
Pero sa totoo lang, nagkanda ligaw-ligaw siya sa paghahanap ng bahay ng dalawa do'n sa kanto. Kung 'di pa niya sinabing kina bakla at Mariel, seguro napalayo siya sa paghahanap lang sa mga 'to dahil walang gaanong makakilala sa dalawa sa lugar na 'yon bilang sina Anton at Mariel. Nagulat pa nga siya nung malamang bakla talaga ang tawag ng mga kapitbahay sa lalaki.
"Beshie!" tili ni Mariel mula sa hagdanan nang makita siya sa babang nakakapit sa braso ng asawa nito.
"Beshie, andito na ako. 'Di ka na magtatampo niyan!" Tumatawa niyang kaway dito.
Halos takbuhin nito ang hagdanan pababa para lang makalapit at agad siyang niyakap nang mahigpit, siya nama'y kumawala sa mga braso ng matalik na kaibigan at gumanti ng yakap sa babae.
Ang mga bisita namang nasa loob ng bahay ay awtomatikong napadako ang paningin sa kanila, nagtanungan kung sino siya.
"Pambihira ka. Sinabi ko naman sa'yong tawagan mo ako 'pag nasa Jollibee ka na." Sabay hampas sa braso niya nang ilayo nito ang katawan sa kanya.
Humagikhik siya at binulungan ito.
"Pambihira ka, Beshie. Kung 'di ko pa tinawag na bakla si Anton, mahihirapan akong hanapin ang bahay niyo. Malamang ikaw ang nagpauso no'n dito."
Ang lakas ng tawa nito pagkarinig sa sinabi niya.
"Hay naku Beshie, endearment ko na 'yun sa kanya. Tsaka nasanay na lang 'yan sakin," sagot nitong naituro ang tahimik na asawa.
"Oh bakla, ihanda mo na ang pagkain at doon namin sa balkunahe lalagukin ni Flor 'yung Maria Clara mo," utos nito sa lalaking panakaw ang tingin kay Flora Amor pagkuwa'y napapakunot ang noo.
"Ah--oo. Buti na lang naitabi ko 'yon kanina." Sa wakas ay tila na ito natauhan sa pagkagulat at agad tumalikod papunta sa kusina.
"'Yong tortang talong bakla, 'wag mo kalilimutan!" habol ni Mariel.
"Ano?!" bulalas niya. "Beshie, birthday ngayon ng anak mo. Tortang talong ipapakain mo sakin?" angal niya.
"Di ba 'yon naman favorite mo?" maang nitong tugon.
"Beshie! Kahit ano ipakain mo sa'kin, wag lang tortang talong," pairap niyang sagot.
Humulagpos ng tawa ang kaibigan sabay hampas sa balikat niya.
"Tse! Niloloko lang kita, kumagat ka naman. Syempre masasarap ipapakin ko sayo. 'Yong paborito mong hipon inihanda ko na kanina pa."
"Pa'no mo nalamang paborito ko 'yon?" taka niyang tanong. Ang pagkakaalam niya, wala siyang sinabihan kahit sinong hipon ang paborito niya.
"Tuma--ano ka ba Beshie. Bestfriend mo ako, pwede bang 'di ko malaman kung ano paborito mo liban sa talong." Namula ang pisngi nito subalit ikinubli lang sa malakas na tawa.
"Asus--" kunwa'y umirap na uli siya.
Seguro nga naikwento niya noon na hipon nga ang paborito niyang ulam.
"Lika, Beshie. Do'n tayo sa balkunahe sa taas, madami kasi kami bisita sa baba," yakag nito saka humawak sa kanyang kamay, sabay silang umakyat sa hagdanan papunta sa balkunahe.
Napansin niyang may round table nang nakalagay doon, nakataob na mga plato, apat lahat, apat ding baso at apat na wine glass.
Kumunot ang kanyang noo ngunit hindi nag-usisa.
"Kanina pa kaya kita hinihintay, Beshie. Akala ko tanghali pa lang andito ka na," untag nito nang sandali siyang matahimik.
"May pinuntahan pa kasi ako Beshie. 'Di ko nga rin alam na matatagalan ako do'n. Sensya ka na," an'yang iniiwas ang tingin sa kaibigan, hinila ang isang upuan sa harap ng mesa at do'n umupo patalikod sa pintuan ng balkunahe.
Wala talaga siyang balak sabihin ditong pinuntahan niya ang mga lugar na pinagtatambayan niya dati nong ando'n pa sila sa bayan ng novaliches, doon siya nagtagal sa unibersidad na pinasukan noon at ewan kung bakit pinili niyang doon magpalipas ng oras hanggang alas kuwatro, saka lang siya nag decide na magpunta rito, pakiramdam niya kasi madami ang mga memories niya ruon ngunit nakalimutan lang niya 'yung iba. O baka duon niya nakilala si Dixal, ewan, di niya matandaan, pero ramdam na ramdam niya.
"Ngayon ka lang ba bumisita rito mula no'ng umalis ka?" usisa nito.
"Yup."
"Bakla bilisan mo d'yan! Nagugutom na si Flor!" sigaw nito sa baba.
"Hoy, Beshie, tumigil ka ah. Sabihin pa lang ina-ander mo asawa mo," saway niya.
"Naku, marinig ko lang sino magsasabi't putol dila no'n sa'kin!" matapang nitong sagot saka umupo na rin paharap sa kanya.
Maya-maya'y kasama na nila si Anton bitbit ang malaking tray kung saan nakalagay ang tatlong putahe ng ulam at isang bandehadong kanin.
"Kumain ka muna Flor bago ka uminom ng alak," baling ni Anton sa kanya.
"Sinabi mo na ba kay Dixal na dito ka nagpunta?"
"Ba't naman ako magpapa---" Subalit inihinto niya ang gustong sabihin. Ang pagkakaalam pala ng dalawa ay nagsasama sila ni Dixal bilang mag-asawa.
Matamis ang ngiting pinakawalan niya saka sumagot.
"Ah okay lang 'yon. Wala namang pakialam 'yon kahit saan ako magpunta."
Biglang umubo si Mariel.
"Bakla, 'yung Maria Clara, dalhin mo na rito. Tsaka tubig pa," utos nito sa asawa.
"Hinahanap ka ni mama," pakli ng lalaki.
"Naku, sabihin mo, siya na muna magbantay sa anak mo't may bisita ako," pairap nitong sagot.
Hindi na nakaimik pa ang huli.
"Oy, ander mo talaga si Anton. Buti hindi ka inaaway no'n pag kayo na lang dalawa," puna niya sa kaibigan nang makababa na si Anton.
"Sanay na 'yon sakin, Beshie. Tsaka kahit naman ganito ako sa kanya, at least loyal akong asawa. Bahay-trabaho lang ako at sa kanila ng mga anak ko. May asawa nga siyang malambing sa kanya kung 'pag wala siya'y lumalandi naman sa iba, wala din," mahaba nitong sagot.
"Buti hindi nagagalit sa'yo ang mama niya 'pag naririnig na ginagawa mo lang utusan ang asawa mo."
Ikinumpas nito ang kamay. "Si mama kamo? Ka-vibes ko 'yon. Taga-alaga nga 'yun sa mga anak ko 'pag nasa trabaho kami. Pero syempre alam ko naman pa'no babaan ang boses ko pag and'yan byenan ko. Kunwari lambing-lambing sa anak niya. Pero 'pag wala siya, ano naghanap ba ng mapapangasawa ang anak niya para gawin lang alila? Ku-! Di uubra sa'kin gano'ng katwiran. Kahit mayaman sila, hindi nila ako pwedeng apihin nang basta!"
Tawa siya nang tawa habang pinagmamasdan itong pinapaikot ang mga mata habang nagsasalita at panay kumpas ng kamay.
"Amasona ka talaga," anya sa pagitan ng pagtawa.
Bigla itong humagikhik, ikinumpas na naman ang mga kamay.
"O, Ikaw naman ang magkwento tungkol sa asawa mo. Para kasing ayaw mong makasama asawa mo eh."
"Ano naman ikukwento ko about do'n eh napakabolero no'n sa babae tsaka sobrang yabang. At alam mo ba, andaming naghahabol na babae do'n, may Shelda na, may Veron pa. Asa ka pa do'n," mahaba niyang sagot.
"Ku--! Akala ko ba ala kang ikukwento. Eh isang patutsada mo lang, sinabi mo na lahat. Halata kang nagseselos, Beshie."
anito sabay tawa.
"Hindi ah!" bawi niya saka lumingon paharap sa pinto.
"Beshie, 'yong Maria Clara, asan na?" kunwa'y tawag niya sa matalik na kaibigan para 'di mahalata ng kaharap na nagba-blush siya.
"Gano'n din naman si bakla, Beshie, daming naghahabol na babae lalo na sa facebook. Pero inaaway ko. Tsaka malaki respeto ni bakla sa'kin, may tiwala akong hindi niya ako lolokohin," puno ng pagmamayabang na wika ni Mariel.
"Isang babae lang naman ang karibal ko sa kanya, Beshie. Pero laki ng pasalamat ko sa babaeng 'yon, kung hindi 'yon lumayo, hindi ko makukuha ang loob ni bakla." Biglang sumeryoso ang mukha nito.
Nahimigan niya iyon kaya't muli siyang bumaling rito.
"Naku, Beshie. Mag-iingat ka sa babaeng 'yon baka 'pag bumalik eh agawin sa'yo ang asawa mo. Sino ba 'yon?" payo niya sabay usisa.
Ito naman ang namula ang pisngi at iniiwas ang tingin sa kanya.
"'Wag na nga natin pag-usapan 'yan. Kumain na lang tayo. Hindi pa rin ako kumakain ng tanghalian at talagang hinintay kitang magpunta rito," anitong itinuro sa kanya ang mga pagkain sa lamesa.
"Bakla! 'Yung salad natin at juice isabay mo na!" sigaw na uli nito sa baba.
--------
ANG BALAK ni Flora Amor ay tumikim lang ng Maria Clara, ngunit nang malaman kung anong lasa'y natungga niya ang isang baso niyon.
"Hmmm. Sarap naman pala nito, Beshie. Tamis, parang juice lang talaga," puna niya.
"Yup Beshie. Dati, bumibili kami ng imported nyan, pero no'ng malaman naming merun naman pala nyan sa Pinas, 'yan na kinukuha namin, Maria Clara Sangria," paliwanag nito't sumimsim lang sa laman ng baso sa harapan nito habang katabi ang tahimik na asawa.
"Flor. Dahan-dahan lang sa pag-inom, baka malasing ka agad." Himalang nagsalita si Anton nang makita nitong naglalagay uli siya ng wine sa kanyang baso.
"Yaan mo siya, bakla. Moment namin 'to, kaya tumingin ka lang." Hampas ni Mariel sa balikat nito.
"Sanay na akong uminom, Beshie. No'ng birthday nga ng asawa ni kuya Ricky, isang malaking bote ng emperador ang naubos ko, 'yung emperador lite lang naman, 'di naman ako nalasing," bida niya ngunit nang maalalang tatlong baso lang naman ang nainom niya't hagikhik na siya nang hagikhik pagkatapos at nakatulog pala siya sa sofa no'n sa sala sa kalasingan ay natungga na uli niya 'yung isinaling wine sa baso, huli na para maawat siya ng lalaki.
Gano'n na rin ang ginawa ni Mariel.
"Bakla, 'yung isang case, bitbitin mo na rito," utos nito.
"Ma, baka malasing ka naman niyan," baling ni Anton sa asawa.
"Ako pa eh 'di naman hard to. Sige na Pa, please," lambing ng kausap kaya't walang nagawa ang lalaki kundi sumunod na lang.
"Ang swerte mo kay Anton Beshie. Lahat ng kalokohan mo, pinagbibigyan niya," an'ya sa kaibigan.
'Samantalang ako, nalalamangan lagi ng walanghiyang Dixal na 'yon. 'Di ko makontrol ang lalaking 'yun sa mga kamay ko,' gusto niyang idugtong pero nagpigil siya.
Nagsalin rin ang kaibigan sa baso at tinungga iyon.
"Ganyan talaga 'pag mahal ka ng lalaki, Beshie. Kita mo, ang asawa mo, parang detective. 'Di mo pa ginagawa, alam na niya."
"Ha? Ano'ng alam niya Beshie?" maang niyang tanong, hindi agad nakuha ang ibig nitong sabihin.
Sa halip na sumagot ay muli siyang sinalinan ng alak sa baso.
"Inom ka pa Beshie. Don't worry, hindi ito nakakalasing lalo na sating sanay na uminom," matamis ang ngiting pinakawalan nito, sunod na sinalinan ang baso nito at itinaas iyon.
"Cheers! Para sa pagkikita nating muli!" anito.
"Korak, Beshie. Cheers!" patianod niya.
Wala pang isang oras ay walong Maria Clara na ang nauubos nilang dalawa lang dahilan upang masapo ni Anton ang noo habang nakamasid sa kanila ni Mariel na nagpapaligsahan sa pagtungga at kwentuhan pagkatapos.
"Alam mo ba, Beshie 'yang asawa kong 'yan, unang beses kong nakitang umiyak ay noong umalis ka. Isang linggo din 'yang nagkasakit kakahanap sa'yo kahit sinabihan ko nang sumama ka na kay Dixal. Hindi pa rin 'yan tumigil kakahanap sa'yo," kwento ni Mariel, pupungay-pungay na ang mga mata.
Napangisi naman siya sa sinabi nito.
"Kasi nga ako ang younger sister ni Beshie. Wala kasi siyang kapatid kaya tumatak sa isip niyang kapatid niya ako. Kita mo nga't walang makalapit sakin noong lalaki kasi bantay-sarado niya ako," paliwanag niya saka kinindatan si Anton na noo'y 'di malaman kung sino ang aawatin sa kanilang dalawa habang sabay nilang tinutungga ang baso ng alak.
"Alam mo, Beshie, hindi mo minsan maarok ang ugali ng mga lalaki. Minsan mabait sila sa'yo, minsan naman manhid sila. Tingnan mo si Anton, kung 'di ko pa pinikot, 'di ko malalamang may gusto pala sakin."
Ang lakas ng hagikhik niya sa sinabi ng kaibigan.
"Pinikot mo pala si Anton? Pasaway ka talaga Beshie" Itinuro pa niya ito habang pumapalatak at pagkuwa'y humagikhik.
"Nakakainggit naman ang love story niyo Beshie." Nang may maalala'y biglang rumihestro sa kanyang mukha ang lungkot saka nagsalin na uli sa baso ng Maria Clara.
"Samantalang ako, masalimuot na nga ang past ko, pati lovelife ko masalimuot din," pagtatapat niya at muling tinungga ang laman ng alak saka muling nagsalin.
"Bakit Beshie, nag-away ba kayo ni Dixal bago ka pumunta rito?" usisa ni Mariel habang pinagmamasdan ang ginagawa niyang halos 'di na humihinga malagok lang lahat ng alak sa baso saka pagbagsak iyong inilapag sa mesa at nakapagtatakang napanganga ito't tumingala sa likod niya.
"Ang hambog na Dixal na 'yun! Naku, walang ginawa kundi paglaruan ang damdamin ng mga babaeng nagkakagusto sa kanya. Alam mo bang muntik na magsabunutan ang dalawang babae sa loob ng opisina niya, pero ibang kamay ang hinahatak papasok sa kwarto niya. Kaya napakaswerte mo kay Beshie na loyal talaga sa'yo at okay lang sa kanya kahit anderin mo," mahaba niyang kwento saka muling nagsalin ng alak sa baso't tutunggain na naman nang may humawak sa kanyang kamay, binawi iyon mula sa kanya.
"Hey, Beshie. Gusto ko pang uminom." Sa namumungay na mga mata'y bumaling siya kay Anton sa pag-aakalang ito ang pumipigil sa kamay niya.
"That's enough." Mahina ngunit maawtoridad na boses ang sumagot. Ang boses na 'yun, kahit 'di siya lumingon kilalang kilala niya ang may-ari niyon.
Naihilig niya ang ulo. Lasing na ba siya?
"Beshie, may tama na yata ako. Namamalikmata na akong nandito ang hinampak na 'yon," baling niya kay Mariel nang pakawalan ni Dixal ang kanyang kamay.
"Beshie, lasing ka na nga," tugon nitong nakatingala pa rin sa kanyang likuran at tila nawala ang kalasingan.
"Beshie. Tama ka sa sinabi mo. 'Di ko talaga magets ang ugali ng mga lalaki. No'ng ayaw kong pahalik sa siraulong 'yon, galit na galit sa'kin. Aba'y no'ng hinalikan ko na, 'di raw tama ang ginawa ko, wala raw feelings. Sira ulo ba siya, eh 'di ko nga alam kung anong feelings ang hinahanap niya sakin, eh!" hindi siya nakuntentong nakaupo lang habang nagkukwento''t tumayo na siya sabay kumpas ng kamay para ma-express ang gustong sabihin, subalit muntik na siyang matumba sa ginawa kung hindi lang may matigas na katawang yumakap agad sa kanyang likuran.
"Enough, Amor!" matigas na nitong sambit sa kanyang tenga dahilan para mapapitlag siya at itingala ang mukha paharap sa lalaki. Tinitigan niya itong mabuti saka pinindot ang tuktok ng ilong. Bakit ramdam niyang totoo ang ilong na 'yon?
"Beshie, lasing na ata talaga ako. Ang sabi mo, 'di nakakalasing 'yang Maria Clara?" baling niyang muli kay Mariel.
"Shunga! Pano kang 'di malalasing eh ginawa mong tubig 'yung alak. Kung hard 'yan, malamang kanina ka pa bulagta d'yan," sagot ng kaibigan.
Hagikhik lang ang isinagot niya saka humarap sa nakapulupot sa kanyang beywang.
"Wah! Beshie, para talagang nakikita ko si Dixal nakayakap sa'kin," nakangisi niyang sambit, piningot ang tenga ng lalaking napangiwi na lang sa ginawa niya.
"Mariel, thanks for taking care of her," pasarkastikong wika ng lalaki sa kaibigan.
"Sorry. Ang sabi kasi niya, sanay siyang uminom ng alak," tugon nito saka agad tumayo ngunit muntik na ring mapasubsob sa sahig kung hindi nahawakan agad ni Anton ang katawan.
"Damn! Andito ka, 'di mo man lang nasaway ang dalawang 'to," aburidong wika ni Dixal kay Anton habang hawak-hawak ang asawang panay kurot sa katawan nito at paulit-ulit na sinasabing lasing na ata siya, si Anton nama'y pinipigilan din ang asawang 'wag matumba.
"Don't blame me for this. It's their choice. Just take care of your wife and I'll take care of mine," sagot nito sa lalaki pagkatapos pukulan ng matalim na tingin ang huli.