Chereads / FLOWER OF LOVE / Chapter 18 - THE ENCOUNTER

Chapter 18 - THE ENCOUNTER

Hindi alam ni Flora Amor kung ga'no siya katagal nakatulog pero naalimpungatan siya nang marinig ang tinig ng ama sa katabing kwarto.

"Hindi ko alam kung kelan ako makakabalik. Sana tuparin mo ang pangako mo," anito.

Napabalikwas siya ng bangon.

Umuwi ang papa niya!

Lalabas sana siyang kwarto nang sumagot ang ina.

"Ang kaligtasan niya ang mahalaga sakin, ang kaligtasan nilang lahat."

Taas ang isang kilay na bumaling siya sa plywood na nagsilbing divider sa pagitan ng dalawang kwarto.

Kahit nagbubulungan ang mga magulang niya pero naririnig pa rin niya ang boses ng mga to.

'Ano'ng pinag uusapan nila? Bakit napunta sa kaligtasan namin?'

Agad siyang kinutuban at lumapit sa dingding saka idinikit ang tenga sa plywood nang marinig pa niya lalo ang pinag-uusapan ng mga 'to.

"Buhay ko ang nakataya sa ipinapagawa mo." anang ama.

"Pinasok mo ang bagay na 'yan nang mag-isa. 'Wag mo kaming idamay," humihikbing usal ng ina.

Lalong nangunot ang kanyang noo. Ano bang pinag-uusapan ng mga to? Bakit wala siyang maunawaan?

"Kaya ba ayaw mong tanggapin ang anumang binibigay ko?"

"Ayukong ipakain 'yon sa mga anak mo. Magtitiis akong mag-isa para sa kanila. 'Wag mo lang silang idadamay at 'wag mo silang hahayaang madamay."

Biglang pumatak ang masaganang luha sa mga mata niya. Wala siyang maunawaan sa usapan ng mga magulang pero bakit bawat salitang lumalabas sa bibig ng ina'y tila patalim na tumutusok sa kanyang dibdib, mahapdi, masakit, nanunuot sa kailaliman ng kanyang puso?

Inilayo niya ang tingin. Bahagya pa siyang nagulat nang mula sa liwanag ng maliit na bombilyang nakasabit sa kisame na nagsilbing lampara nila'y makita si Harold na nakatagilid paharap sa kanya at nakatitig nang mariin sa mukha niya, wari bang inaarok ang laman ng kanyang isip.

Naririnig rin ba nito ang pinag-uusapan ng kanilang mga magulang? Pero bakit wala man lang itong reaksyon? Sa halip ay sa kanya nakatuon ang atensyon nito. Alam ba nito kung ano ang pinag-uusapan ng dalawa sa kabilang kwarto?

"Patawarin mo ako, hindi ko sinasadya," nahihirapang sambit ng ama.

"Matagal na kitang napatawad. Pero 'di natin maibabalik ang lahat."

'No! Hindi maaari! Hindi siya papayag na tuluyang maghiwalay ang kanyang mama at papa. 'Yun ang bagay na 'di niya kayang tanggapin. Matitiis niya ang hirap, kaya niyang tanggapin ang lahat ng panlalait sa kanya, pero 'di niya matatanggap na magiging broken family sila.

Tumayo siya at nagpahid ng luha saka hinakbangan ang mga kapatid para makalabas ng kwarto. Kakausapin niya ang kanyang mama. Magmamakaawa siyang 'wag itong pumayag na mawala sa kanila ang ama.

"Ate--" anas ni Harold, mahigpit na hinawakan ang kanyang binti para 'di siya makahakbang palabas.

Pinandilatan niya ito ng mata pero 'di man lang ito natinag, sa halip ay isinenyas nitong mahiga uli siya.

Mas matanda siya sa kapatid pero pansin niyang mas matured ang pag-iisip nito sa kanya kahit bihira itong magsalita, kaya wala siyang nagawa kundi sumunod dito.

Bumalik siya sa pagkakahiga paharap sa kapatid.

"Alam mo ba kung ano'ng pinag-uusapan nila?" pabulong niyang tanong pero hindi ito sumagot, sa halip ay tumitig lang sa kanya.

"Tapos na ba klase niyo?" Iniba niya ang tanong.

Kumunot ang noo nito, nagtaka marahil sa tanong niya, pagkuwa'y tumango.

"Last week pa," anas nito.

Bumuntunghininga ito.

"Nakita kita sa palengke nung nakaraang araw. Alam mo na pala," kampante lang nitong bulong.

Naluha siya. 'Di niya kayang pigilin ang mga luhang 'yon na magsipatakan.

"Bakit 'di mo man lang sinabi sakin?"

Parang may bumara sa kanyang lalamunan at bahagya niya lang nabigkas ang mga katagang 'yon pero naruon ang paninisi sa kapatid.

Napabuntung-hininga uli ito pero 'di na nagsalita.

Impit siyang umiyak. Iyong iyak na kahit si Harold ayaw niyang makarinig.

Kinumutan siya nito at niyakap nang mahigpit.

"Andito ako ate. 'Di ko kayo pababayaan." p

Paanas lang pero ramdam ng dalaga ang katiyakan sa tono nito.

Mabuti pa ito, matagal na segurong tanggap ang sitwasyon nila, pero siya never niya 'yong matatanggap. Hindi siya naghangad ng mga bagay na alam niyang 'di mapapasakanya basta't kumpleto lang ang kanilang pamilya at masaya ang pagsasama ng mga magulang niya.

Hindi, gagayahin niya si Harold. Magiging matapang siya. Kailangan niyang gumawa ng paraan para magkaayos ang dalawa. Siya ang panganay na anak, makikinig ang mga 'to pag nagsalita na siya. Kahit 'di siya pakinggan sa una, gagawa siyang paraan para pakinggan siya.

Bukas niya kukumprontahin ang mga magulang. Kakausapin niya ang mga ito nang masinsinan. Hahagulhol siya sa harapan ng mga 'to para kaawaan siya at pagbigyan ang hiling niya.

"Ate, tama na baka marinig ka nila sa kabila," saway ni Harold habang tinatapik-tapik ang kanyang likod upang pagaanin ang bigat ng kanyang nararamdaman.

Pero sa halip na gumaan, lalo pa siyang napahagulhol sa sinabi nito at kung 'di niya tinatakpan ang bibig habang umiiyak, baka nga marinig na siya sa kabila.

Walang nagawa ang kapatid kundi i-comfort siya at patahanin habang tinatapik-tapik ang likod na parang batang pinapatulog hanggang sa tumigil siya sa pag-iyak at sa wakas ay tuluyang makatulog.

------------

"Florrrr! Hinayupak kang bata ka, late ka na sa trabaho! Bumangon ka na!"

Napabalikwas siyang bangon nang marinig ang tila busina ng jeep sa lakas ng bulyahaw ng kanyang mama.

"Alas syete na?!" bulalas niya nang tingnan ang orasang nakasabit sa dingding ng kwarto.

Tulad nang nakagawian, kumaripas siya ng takbo papunta sa loob ng banyo sukbit sa balikat ang tuwalya.

"Ma, si Papa?" tanong niya agad pagkapasok sa banyo.

"Ayun, kaaalis lang. 'Di ka na ginising," sagot nito habang naghahain ng agahan sa mesa.

Mabilis siyang naghilamos at nagmumog saka patakbong lumabas ng banyo dere-deretso sa labas ng bahay. Hindi pwedeng palampasin niya ang pagkatataong iyon, baka kasi tuluyan na niyang 'di makita ang ama pag 'di niya ito nahabol ngayon.

"O, sa'n ka pupunta? Late ka na sa trabaho!" habol ng ina pagkalabas niya.

"Papa!" tawag niya habang tumatakbo sa labas ng bahay papunta sa kanto. Baka sakali marinig siya ng ama at huminto ito sa paglalakad. Baka sakali maabutan pa niya ito.

"Papa! Paaa!" malakas niyang sigaw nang mula sa kinaruruonan ay matanaw niya itong pumasok sa loob ng van na ginamit nito noong araw na malaman niya ang sitwasyon ng pamilya.

Agad humarurot ang sasakyan paalis.

"Papa sandali!" habol pa rin niya.

Kahit anong mangyari, kailangan niyang maabutan ang ama.

Pero sa isang iglap lang, muntik na siyang mabangga ng bigla na lang humintong motorsiklo sa kanyang harapan.

"My god, Flor! Magpapakamatay ka ba? Ba't sa gitna ka ng kalsada tumatakbo?"

"Beshie?!"

Sa halip na matakot, anong tuwa niya nang makita ang kaibigan.

Sumampa siya agad sa likuran nito.

"Beshie, sundan mo 'yung puting van sa unahan. Bilis!" nagmamadali niyang utos dito.

"Aba, teka wala kang helmet. Magsuot ka muna. Baka mahuli tayo sa daan."

"Sundan mo!" pagalit niyang sigaw.

Hindi siya pinansin ni Anton. Bumaba ito ng motor saka siya sinuotan ng helmet.

"Mas mahalaga ka sakin kesa sa van na 'yun," anitong kampante lang ang tinig.

"Beshie, please sundan mo 'yon. Alis na tayo." Gusto na naman niyang maiyak.

"Oo na, sige na. Sino ba kasi 'yon?" anang binata pero dalawang beses nang napalunok.

Kung 'di siya na-attempt na paandarin ang motor nito, 'di pa seguro ito sasakay.

"Paandarin mo na!" sigaw na uli niya.

Walang nagawa ang kaibigan kundi sumunod sa kanya at mabilis na pinahaharurot ang motorsiklo para masundan ang sinasabi niyang van.

Takot siyang umangkas sa motor nito dahil talagang mabilis itong magpatakbo. Pero nang mga sandaling 'yun, bakit tila balewala sa kanya ang takot na baka madisgrasya sila sa bilis ng pagpapatakbo nito? Determinado lang seguro siyang sundan ang ama at kausapin ito nang masinsinan at pabalikin sa kanila.

Nagulat siya nang huminto sila sa harap ng Quezon City Hall. Bakit pumasok dito ang sinakyan ng papa niya?

Bumaba siya agad mula sa motor at tinanggal ang helmet saka iniabot kay Anton.

"Beshie, anong gagawin natin dito?" usisa nito.

Hindi siya sumagot at nagpatiunang maglakad papunta sa pinasukang building ng ama.

Sa isip ay nagtataka kung bakit dito ito nagpunta. Magpa file na ba ito ng annulment? Ang alam niya, napakamahal ng annulment, wala silang pera pambayad no'n, bakit ito magpafile? Tsaka ang kintab ng sinakyan nitong van, sino ang may-ari no'n? Do'n ba pupunta ang papa niya sa may-ari ng sasakyan?

Mula sa likuran ay kitang-kita niya ang amang naglalakad sa lobby habang binabati ng mga nakakasalubong, mapabata man o matanda, lalaki o babae.

Kilala pala ang ito sa lugar na 'yun? Dito ba ito nagtatrabaho? Pero bakit inilihim 'yon sa kanya kung maganda naman pala ang trabaho nito dito sa city hall?

"Beshie, umalis na tayo rito." Mula sa likuran ay inakbayan siya ni Anton at pinigilang gumawa ng isa pang hakbang.

Nagtatakang bumaling siya rito.

"'Di mo ba nakita si Papa? Ayun o? Sundan natin siya," an'yang itinuro ang ama sa 'di kalayuan habang papasok sa isang opisina.

Hinawakan nito ang magkabila niyang balikat.

"Flor, 'di mo naman siya kailangang sundan. Antayin mo na lang sa bahay niyo mamaya pag-uwi niya," sambit nito.

Tinitigan niyang mabuti ang kaibigan habang nakaarko ang isang kilay. 'Wag sabihing alam nitong dito nagtatrabaho ang kanyang papa?

Agad siya nitong binitawan nang mapansing nanunuri ang mga titig niya. Tumalikod ito sa kanya sabay haplos ng kamay sa mukha.

Lalo tuloy sumidhi ang kanyang pagnanais na makita ang ama at makausap ito.

Muli siyang naglakad palapit sa pinasukan nitong opisina.

"Mayor's office?" naisambulat niya.

"Flor, let's go home." Hinawakan ni Anton ang kanyang kamay ngunit binawi niya agad 'yon at matalim na tingin ang ipinukol niya, sapat na 'yon para malaman nitong galit siya .

Narinig niya ang pagbuntung-hininga nito.

"Ma'am, ano po'ng maipaglilingkod namin sa inyo?" Lumapit sa kanila ang isang nakabarong na lalaking kasing edad marahil ng ama.

Humarap siya rito.

"Hi--hinihintay ko pong lumabas ang papa ko." an'ya sa lalaki.

Hindi niya alam kung bakit biglang bumilis ang tibok ng kanyang dibdib.

Tumango ang lalaki pero 'di iniwala ang ngiti sa mga labi, saka sila iniwan.

Naruon lang siya, nanatiling nakatayo sa harap ng pinto, inaantay ang paglabas ng ama mula doon. Gusto niya itong kausapin. Gusto niyang magmakaawa ritong bumalik na sa kanila.

Kahit nagsinungaling ito sa kanya na tindero ito sa palengke pero maganda naman pala ang trabaho sa city hall, wala siyang pakialam do'n. Uunawain niya ang dahilan nito. Tatanggapin niya 'yon. Kahit sabihin nitong ikinakahiya nito ang ina dahil tindera lang sa palengke ang huli, tatanggapin niya 'yon, basta 'wag lang maghiwalay ang dalawa.

Uunawain niya lahat. Tatanggapin niya lahat. Magsisikap siya lalo sa pag-aaral para lang tumigil na ang ina sa trabaho at ang ama na lang nila ang asikasuhin nito.

Walang nagawa si Anton kundi ang tumayo sa tabi niya.

Ilang minuto ang hinintay nila, o marahil ay oras na 'yon. Nagpaparoo't-parito ang mga tao sa paligid, may labas-masok sa loob ng opisina. 'Pag tinatanong sila'y iisa lang ang sagot niya.

"Hinihintay ko pong lumabas ang papa ko."

Muling bumukas ang pinto ng opisina at iniluwa doon ang isang magandang ginang na sobrang kapal ng make-up sa mukha. Una niyang napansin ang makapal nitong alahas na nakapulupot sa leeg.

Umarko ang kilay nito nang makita silang dalawa.

"Oh, hi Anton! Good morning!" gulat na sambit ng ginang.

Takang iniangat niya ang mukha at bumaling kay Anton. Kilala nito 'yong babae?

Agad siya nitong inakbayan.

"Good morning po Ma'am," nakangiting bati ng binata saka makahulugan ang tinging iginanti sa kanya.

Muli niyang sinuyod ng tingin ang ginang sa harapan.

Biglang rumihestro ang mukha ng babaeng nagtulak sa kanya palabas ng banyo sa bahay nina Anton.

Awang ang mga labing tinitigan niya ito. Ito 'yong babaeng 'yun! Ano'ng ginagawa nito do'n? Magkasama ba ito ng papa niya sa trabaho o may sinadya lang ito do'n?

O ito ang mayor na amo ng papa niya.

Sa naisip ay agad siyang nagyuko ng tingin.

"Good morning po, Ma'am," mahina niyang sambit.

"Oh, who is she?" usisa nitong sa kaibigan nakatingin.

"M-my bestfriend," maagap na sagot ng binata.

"Actually may pinuntahan lang po kami. Paalis na nga po kami, Ma'am," dugtong nito.

Humigpit ang hawak nito sa kanyang braso saka siya pilit na pinatalikod at nagsimula itong maglakad habang mahigpit na nakaakbay sa kanya. Wala siyang nagawa kundi ihakbang ang mga paa palayo.

"Beshie, antayin natin si papa na lumabas. Gusto ko siyang kausapin," giit niya sa kaibigan.

"This is not the right time, Beshie!" Matigas ang boses nito.

Nagpumiglas siya upang makawala sa pagkakaakbay nito at tumakbo pabalik sa harap ng Mayor's office upang mapahinto lang din sa nakita.

Nangatog ang kanyang mga tuhod.

Ang ginang na kausap nila kanina, nakapulupot sa braso ng ama habang sabay na naglalakad ang mga 'to palapit sa kanya?

'Yon ba ang kabit ng papa niya?

"Papa," Hindi niya alam kung lumabas nga 'yon sa kanyang bibig. Ang alam niya'y 'di siya makakilos sa nakita na tila ba may nakadagang mabigat na bato sa kanyang mga binti at 'di niya maigalaw. Naramdaman niyang muli siyang inakbayan ni Anton.

Bakit para yatang namamanhid ang kanyang katawan?

Sumulyap ang ama sa kanya, salubong ang mga kilay. Nagtama ang kanilang paningin. Nagtatanong ang kanyang mata habang nangingilid ang mga luha at nagbabadyang pumatak, samantalang biglang tumigas ang mukha nito at umiwas ng tingin.

"Oh, Anton. I thought you were leaving," anang ginang sa kaibigan.

Hindi nakasagot ang binata.

Takang bumaling ang ginang sa kanya at inilipat ang tingin sa kasama.

"Do you know this girl?" takang tanong nito sa kanyang ama.

Pakaswal na ngumiti ang huli saka umiling.

"It's my first time seeing her."

Para siyang binuhusan ng napakalamig na yelo sa narinig. Pakiramdam niya'y namanhid lalo ang kanyang katawan.

Bakit siya itinatanggi ng ama?

'Pa?' sigaw ng kanyang isip.

Bumukas ang kanyang bibig. Marami siyang gustong sabihin. Marami siyang gustong itanong dito.

Gusto niyang tanggalin ang kamay ng babae sa braso ng ama at isampal sa pagmumukha nito ang katotohanang panganay siyang anak ng kanyang papa at ipaalam ditong isa itong kabit.

"Or maybe she's hooked by your appearance or you being a mayor?" May halong panunuyang wika ng ginang.

Parang may bombang sumabog sa kanilang harapan at tila nabingi siya sa narinig na 'yon mula sa babae.

Ano daw? Tama ba ang dinig niya? Mayor ang papa niya?

"Pa?"

Ayan na naman ang kanyang mga luha, bigla na namang kumawala mula sa mga mata.

"What did you say?" Ang babae naman ang nalito.

Bigla siyang hinila ni Anton palayo sa lugar na 'yon. Wala siyang lakas na pumiglas dahil nanlalambot ang kanyang mga tuhod, nanginginig ang kanyang buong kalamnan. Pero dinig niya pa rin ang usapan ng dalawa bago sila tuluyang makalayo.

"I heard her right, didn't I? She called you, Pa."

"I don't even know that kid. Seguro napagkamalan lang ako no'n."

"Make sure you're telling the truth or else I'll kill her," pagbabanta ng babae.

"Shut up! Nandito tayo sa city hall."