Chereads / Alchemic Chaos: Fate / Chapter 10 - Kabanata Otso: Pagsasanay (2)

Chapter 10 - Kabanata Otso: Pagsasanay (2)

Lumabas sila ng bahay at bumungad sa kaniya ang ganda ng paligid. Agad siyang pinakawalan ng mga halaman ni Xerxes mula sa pagka-gapos at mas lalo niyang ninamnam ang ganda na nasa kaniyang harapan. Mula sa mga matatayog na puno at mga halaman lalong-lalo na sa iba't-ibang mga bulaklak na nagpaalala sa kaniya sa paborito niyang lugar sa Titania—Ang hardin sa palasyo.

Ang hardin kung saan pinagtapat ni prinsipe Ringo ang damdamin para sa kaniya pero sa huli ay hindi siya pinaniwalaan at pumayag na siya ay dalhin sa lugar na ito—upang patayin siya.

Nag-uumapaw nanaman ang galit ng dilag na agad na napansin ni Xerxes, napangisi ang binata.

"Tsaka mo na ilabas ang galit mo kapag nagsasanay na tayo," wika ng binata at itinaas ang palad, pagkaraa'y lumabas ang berdeng simbolo na hugis bilog na may wirdong letrang a sa gitna na pinalilibutan ng tinik.

"A-Anong ginagawa mo?" Bakas ang takot at pagkamangha sa boses ni Kira na ngayo'y yakap-yakap ang libro.

Hindi sumagot ang binata at ipinagpatuloy ang ginagawa, Maya-maya pa nagsi-buhay ang mga halaman sa paanan nila at dumistansya't pumunta sa gilid at doon nakita ni Kira ang isang malaking bilog na gawa sa marmol na may disenyong maskara at rosas.

Tiningnan niya ang binata na nginingisian lang siya. "Magpakita lugar ng espasyo! Pakinggan ang aking tawag, ngayon din! Pethro Tierraz!" wika ng lalaki at sa isang iglap bumukas ang malaking bilog at hinigop sila papunta sa kadiliman.

Hindi magkanda-ugaga ang tili ni Kira dahil na rin sa takot na nadarama dahil parang mas pinapadala pa sila sa kaibuturan ng kadiliman at kahit naka-bukas na ang kaniyang mata ay wala siyang makita kahit na ang binatang nagdala sa kaniya sa sitwasyong ito.

Tili siya nang tili hanggang sa makita niyang wala na ang kadiliman at natagpuan niya ang kaniyang sarili sa isang malaking marangyang silid na kasing laki ng isang bahay na may malaking entablado sa gitna upang gamitin sa pakikipaglaban, sa magkabilang gilid nito ay dalawang tore at isang tulay sa pagitan nito. Habang sa may silangan ng silid ay isang malaking pulang upuan at sa pader ay iba't-ibang armas at sandata na higit na mas marami pa ang bilang kaysa ng sa Titania.

Sa upuan naka-upo ang binatang may kagagawan ng lahat. Naka-ngisi ang binata at naka-dekwatro habang tinitingnan si Kira. Sa tabi ng binata ay ang batang si Violet na nakatayo.

"A-Asan tayo?" Tanong ni Kira at tumingin-tingin sa paligid. Hindi siya sinagot ni Xerxes bagkus ay tumayo at kumuha ng dalawang espada mula sa dingding.

"Galit ka 'di ba? Ngayon ilabas mo ang galit mo sa ating pagsasanay," wika ng binata at kinuha ng batang si Violet ang isa sa espada, hindi alintana na bata si Violet dahil kaya nitong dalhin ang espada.

Lumapit ang bata kay Kira at inabot ang espada. Hindi matingnan ni Kira nang maayos ang espada at manginig-nginig niyang hinawakan ang espada. Ngayon lang siya nakahawak ng ganito dahil hindi naman siya marunong makipaglaban. Lumunok ng laway si Kira at naramdaman ang kaba at takot na mas lalong nagpapa-bigat sa hawak niyang armas de metal.

"Ano? Magiging takot at mahina ka na lang? Mamatay ka lang kapag kaharap mo na sila!" rinig niyang wika ni Xerxes na ngayo'y nasa taas na ng entablado at hawak-hawak ang espada.

Sa narinig ni Kira na salitang mahina ay bumalik ang galit niya para sa Titania at para sa sarili. Kailangan niyang lumakas, kailangan niyang magpakatatag kung hindi ay masasaktan ulit siya ni Tsukino, Ringo at ng Titania.

Kailangan niyang lumaban at hindi sumuko gaya ng mga taong inalipin ng Titania. Gaya ni Martha at mga minero.

Ipinikit niya ang kaniyang mga mata at itinawag ang tapang nula sa kaibuturan ng kaniyang puso. Sinampal sa sarili na hindi siya dapat magpadaig sa takot at hindi lumakas, kailangan niyang lumakas, kailangan niyang mabuhay--kailangan niyang maghiganti.

Naramdaman niyang dumaloy ang lakas sa kaniyang katawan at nagawa na niyang hawakan ang espada nang matiwasay. Ibinuka niya ang kaniyang mata at iniabot ang hawak na libro sa batang si Violet.

"Doon ka muna sa upuan, Violet." Sumunod ang bata sa sinabi ni Kira.

Hinawakan ni Kira ang espada sa kaniyang dalawang kamay at matalim na tiningnan si Xerxes. "Masisiguro mo bang mapapalakas mo ako?" Hindi sumagot ang binata at ngumisi sumenyas pagkaraan ng mapang-uyam na 'halika'.

Dahil ang mahina ay natututong tumayo at lumaban at hindi magiging mahina habangbuhay.