Pinanuod ko si Ashleen na humabol kay Alex na kalalabas palang ng Tiffany. Nang magkita sila, agad silang nag-yakapan. Ni hindi nila napansin ang mga nakatingin sa kanilang dalawa. Kahit na malayo sila sa akin, nararamdaman ko ang saya nila.
Mabuti pa silang dalawa. Gusto ko rin na magkaayos na kami ni Mr Creeper ko. Kaso sya kasi eh! Bakit ba kasi sya nasa mall kasama si Trisha? Ang paalam nya kay Ashleen may band practice sila tapos nasa mall lang sya kasama yung bokalista nila. Hmph!
"Kay?"
Napahawak ako sa dibdib ko sa sobrang gulat. Nilingon ko ang lalaking nasa kanan ko na tumawag sa akin. Nakita ko si Gio na nakatayo di kalayuan sa pwesto ko. May kinakain syang ice cream.
"Hi Gio," bati ko sa kanya.
"Mag-isa ka?" Lumapit sya sa akin.
"Oo eh. Iniwan ako ng kasama ko."
"Gusto mo?" alok nya sa ice cream na hawak nya.
Ngumiti ako at umiling. Nakakapagtaka talaga si Gio. Ang alam ko kasi hindi naman talaga sya pala-salita pero pagdating sa akin, kaya nyang makipag-usap ng normal.
"May dala ka bang cookies?"
Umiling ako.
"Pie?"
Umiling ulit ako.
"Tarts?"
Umiling ulit ako. Bumuntong hininga sya.
"Ginugutom kami ni Trisha." Malungkot nyang dinilaan ang kanyang ice cream.
"Wala bang pagkain don?"
"Wala silang desserts."
Siguro kaya ako kinakausap ni Gio kasi nasasarapan talaga sya sa mga ginawa kong tarts, pies at cupcakes. Kada may practice kasi sila nandon ako at palagi akong nagdadala ng pagkain.
"Tapos na ba ang practice nyo?"
Tumango sya.
"Maaga pa ah."
Nagkibit balikat sya.
"Nagutom ako eh."
"Umalis ka sa practice kasi nagutom ka?"
Nagkibit balikat ulit sya.
"Puro lang ba matatamis ang kinakain mo?"
"Minsan."
Nakakatuwa talaga sya mag-salita. Parang lagi syang tinatamad makipag-usap. Pero kung titignan mabuti kahit naman ang mga mata nya mukhang inaantok din. Sa practice lang talaga sya ganado gumalaw. Sa tangkad nyang ito, kahit katawan nya parang tamad syang dalhin. Sya pa ang pinakamatangkad sa grupo nila.
"May practice ba kayo bukas?"
Tumango sya. Nasa cone na sya ng ice cream. Malapit na nyang maubos.
"Gusto mo ba gawan ko kayo ng peanut butter cookies bukas?"
Tumingin sya sa akin. Mabilis syang tumango.
"Daanan mo bukas sa bahay namin. Ibibigay ko sayo ang address ng bahay namin."
"Alam ko ang bahay nyo."
"Alam mo na?"
"Nag-iisang bahay na amoy cookies. Dadaan ako bukas ng umaga."
Natawa ako sa sinagot nya. Siguro nga sa sobrang pagbe-bake ko hanggang sa labas nag-aamoy dessert.
"Pwede mo rin bang... bigyan si Ashton?" Pinaglaruan ko ang daliri ko.
"Sige. Pero pwede bang mas marami yung akin kaysa sa kanya?"
"B-Bakit naman?"
"Mas marami kasi syang kinakain palagi."
Napatawa ako. "Sige, tutal ikaw naman ang kukuha non sa bahay bukas. Mas marami yung sa'yo."
"Salamat."
Nakatayo lang kami sa may railings ng mall hanggang sa maubos nya ang ice cream na kinakain nya. Pinanuod ko ang mga tao na nasa first floor.
Naramdaman kong lumayo sa akin si Gio. Lumapit sya sa trash bin at itinapon ang tissue mula sa ice cream cone kanina. Muli syang lumapit sa akin.
"Hindi ka pa uuwi?" tanong nya sa akin.
"Uuwi na."
"Ihahatid kita."
Umiling ako.
"May dadaanan pa kasi ako."
"Sige. Mauuna na ako."
"Ingat ka."
"Mag-ingat ka pag-uwi."
Tumango ako at pinanood syang maglakad na palayo. Gusto ko sanang mag-shopping ng ingredients para sa cookies na gagawin ko mamaya. Naalala ko na namili na nga pala kami kahapon ni Kuya Dylan tapos nakita ko pa sina Ashton at Trisha.
Ipinilig ko ang ulo ko para mawala yung naiisip kong eksena. Bumili nalang ako ng mango shake sa isang stall at umupo sa food court. Inilabas ko ang cellphone ko na hanggang ngayon ay naka-off parin. Marami kayang text sa'kin si Mr Creeper?
Buksan ko kaya ang cellphone ko? Mamaya nalang sa bahay. Uuwi nalang ako.
Tumayo na ako at naglakad papunta sa escalator. Pababa na ako nang makita ko si Ashton na humahangos ng takbo paakyat sa escalator. Nanlaki ang mga mata nya nang makita ako.
"Kayleen!"