"AAAHHH! OH, SHIT!" daing ko hawak ang sumasakit na dibdib ko. "Kailangan ba talaga gano'n kalakas?!" sigaw ko kay Mira. Nang sugurin ko siya habang nakatayo lang siya, nasalag niya ng kanyang espada ang pag-atake ko sa kanya ng sangtron tapos sinipa niya ako ng malakas sa dibdib – ang bilis ng kilos niya. Kaya ito, bulagta ako sa sahig matapos tumilapon. Nanikip pa ang paghinga ko. "Papatayin mo ba ako?"
Tinawanan lang ako ni Mira. "May nakatala ba talaga sa Aklat ng Isi na ikaw ang magtatanggol sa aming kaharian? Sa aming mundo? Isang mahinang gaya mo?" panunuya niya sa 'kin.
Tumayo ako sa tulong ng sangtron at masama ko siyang tiningnan.
"Akma nga sa isang lampang kagaya mo ang sangtron. Para kang matandang uugod-ugod na kailangan na ng tungkod," muling panunuya sa 'kin ni Mira. Bitch din 'tong isang 'to, ah!
"Kaya mo iyan, Nate!" pagpapalakas ng loob sa 'kin ni Pinunong Kahab. Pero kanina, nakita kong nagpipigil siya ng tawa.
Naghanda ako at hinigpitan ang hawak sa sangtron. At ginaya ko ang porma ni Jet Li sa mga napanood kong pelikula niya at ni Kung Fu Panda. Humanda siya! Sisiguruhin kong hindi na mauulit ang nangyari kanina!
.
.
.
.
.
Pero – "Aghh!" sigaw ko hawak ang mukha ko. Suntok naman sa mukha ang inabot ko! Sumugod ako pero bago ko pa man mahampas ang sangtron kay Mira, isang malakas na suntok ang sinalubong niya sa 'kin, naunahan niya ako. "D-Dugo?" dumugo ang ilong ko! Haist, shit!
At naulit pa nang naulit na hindi man lang ako nakatama kay Mira. Pero ako, bugbog na! 'Di ba uso sa mundong 'to ang awa? Ni 'di man lang ako pagbigyan na makaganti? Kahit man lang hapyaw lang? Wala naman akong balak na saktan talaga siya dahil babae siya, gusto ko lang madampian man lang siya ng sangtron ko, para masabi kong nakatama man lang ako.
Hangos na ako dahil sa pagod at nanakit na ang halos buong katawan ko. Halos lahat ng parte ng katawan ko natamaan na ata ni Mira sa pagsipa at suntok niya sa 'kin.
"Iisang galaw pala, ha? Iyan ba ang sinasabi mong bahagi ng katawan mo ang sangtron kapag hawak mo ito? Ni hindi mo nga ako magawang tamaan? Ni hindi mo nga alam kung paano tamang gamitin sa pag-atake ang sangtron?" disappointed na pahayag ni Mira at tumalikod siya sabay lakad palayo.
"Mira, sandali! Saan ka pupunta? Kailangan mo siyang sanayin," pagpigil sa kanya ni Pinunong Kahab.
Humarap sa 'min si Mira. "Magsasanay ako," sagot niya at nilingon niya ako. "Hindi ko iaasa sa kanya ang kaligtasan ng ating kaharian, kaya kailangan kong magsanay para sa maaring maganap na labanan," sabi niya at tuluyan na siyang umalis.
Para akong binagsakan ng truck na puno ng elepante. Lumiit ang tingin ko sa sarili ko. Hindi ako nakaimik at napaupo na lamang ako sa sahig.
~~~
NAKAUPO AKO SA tabi at nakatingin sa mga sundalong nagsasanay, nasa labas na kami ni Pinunong Kahab, katabi ko siyang nakaupo rin. Dinig ang pagtama ng mga metal na armas at sigaw ng mga diwatang naglalaban. Parang isang digmaan na ang eksena. Parang akala mo totoong nasa labanan sila. Maririnig pa ang sigawan nila na parang mga galit sa isa't isa. May naglalaban sa lupa, meron namang naglalaban sa himpapawid. May ilang piling sundalo rin na mas nakakataas sa iba na nagsasanay sa paggamit ng mahika na magagamit sa labanan. Ang ilan sa kanilay hinasagis sa hangin ang kanilang sandata at sinusubukan pabalikin sa kanilang kamay. May grupo rin ng mga babae at lalaking sundalo na may mga ilaw ang kamay, na sabi ni Pinunong Kahab ay mga sundalong manggagamot. Nagsasanay silang palakasin ang kanilang kapangyarihan upang pabilisin ang panggagamot sa mga sundalong masusugatan sa labanan.
"Pinunong Kahab? Bakit hindi na lang kayo ang magsanay sa 'kin?" natanong ko.
Nilingon ako ni Pinunong Kahab. "Kailangan mo munang matapatan ang husay ni Mira bago mo ako makaharap," sabi niya at tinapik ako sa balikat. Parang sinasabi niyang wala pa ako sa kalingkingan niya. Kailangan ba talaga nila ako? "Pagmasdan mo sila." Ang mga sundalong nagsasanay ang tinutukoy niya. "Lahat kami, nagsimulang mahina. Walang isinilang na dati nang malakas o magaling sa isang bagay. Sabihin man nating namamana ang kakayahan o nasa dugo na iyon na dumadaloy sa iyong mga ugat, kailangan mo pa ring magsanay. Kailangan mong pagpaguran upang masabi mong magaling ka nga. Hindi lahat ng bagay ay nadadala sa madaliang paraan. Mas masarap ang tagumpay, kung pinagdaanan mo muna ang paghihirap at kabiguan."
Hindi na ako nagsalita. Naiintindihan ko ang pinupunto ni Pinunong Kahab. Nagmasid ako sa mga nagsasanay. Iniisa-isa ko ang mga galaw nila – kumukuha ng technique na puwede kong magamit, mga paraan sa pakikipaglaban. Tumayo si Pinunong Kahab, naglakad siya patungo sa mga nagsasanay.
Tinawag ko si Pinunong Kahab. "Hindi n'yo ba ako pagagalingin? Ang sakit ng buong katawan ko. Nakakapagpagaling kayong mga diwata, 'di ba?" pasigaw na sabi ko sa kanya.
"Mas mainam na maramdaman mo ang sakit para matuto ka! Sa pagsasanay, hindi kami gumagamit ng marhay para magpagaling!" tugon ni Pinunong Kahab na pasigaw din. "Mas masarap ang tagumpay, kung pinagdaanan mo ang sakit," pahabol niya pa.
Napabagsak-balikat na lang ako. Haist! Oo na! Oo na! Kailangan kong galingan para hindi ko na marananasan 'to!
~~~
PABAGSAK AKONG NAHIGA sa kama. Nilingon ko sa tabi ko ang sangtron at hinawakan 'to. Ako ba talaga si Nael? Natanong ko sa sarili ko. Akala ko kasi magagawa ko, na makakalaban ako tulad ni Nael na nakita ko sa isipan ko na alaala niya noon. Akala ko madali kong makokontrol ang paggamit ng sangtron. Pakiramdam ko, eh? Pero epic fail pala! Nabugbog pa ako! Maari kayang kabaligtaran? Magaling si Nael noon sa pakikipaglaban at ako naman ngayon palpak? Bigla kong naalala na parang may nabanggit na sa 'kin si Edward tungkol sa reincarnation, na maaring maging kabaligtaran mo ang una mong buhay, na kung matalino ka noon, ngayon bopols ka. Mahilig kasi ang ugok na 'yon sa mga weird at out of this world na bagay. Na okay, no'ng una, kalokohan para sa 'kin until nakilala ko si Chelsa at ang lahi niya, at ito nga, nasa ibang mundo ako. 'Di ko iniintindi si Edward kapag nagsasalita siya tungkol sa mga weird stuff tulad ng mga alien, parallel universe o ibang mundo bukod sa earth at sa mga mythical creatures, 'yon pala posibleng totoo sila. At ito nga, napatunayan kong totoo. At kung ako ang magsasalita tungkol sa mga bagay na 'to ngayon kay Edward, malamang siya naman ang 'di ako paniwalaan kahit pa naniniwala siya sa mga kakaibang bagay. At siguro marahil pa niyan, totoong may buhay din sa ibang planeta? Baka sa mga oras na 'to habang narito ako sa Anorwa na mundo ng mga diwata, ang mundo naman ng mga tao ay sinasakop na ng mga alien. Haist, shit! Kung ano-ano nang iniisip ko!
Naupo ako nang pumasok sa kuwarto sina Rama at Shem-shem, nakaupo si Shem-shem sa balikat ni Rama.
"Sumama ka sa 'min, Nate," yaya sa 'kin ni Shem-shem, hinila niya ang mangas ng suot ko.
"Saan?" tanong ko. Nakatayo na ako.
"Basta, sumama ka na lang," nakangiting sabi ni Rama at inakbayan niya ako.
Wala na akong nagawa, sumama na ako sa dalawa palabas ng kuwarto. Si Shem-shem, sa balikat ko na naupo.
"Nabalitaan ko ang nangyari sa iyo sa pagsasanay," natatawang sabi ni Rama.
Napangisi ako. "Gano'n ba talaga ang pagsasanay n'yo?" tanong ko.
"Ganoon na nga. Patayan kumbaga. Halos bawian ka na ng hininga sa hirap. Maging sa ngayon, ganoon pa rin naman. Pero dahil sanay na ang katawan ko, hindi na ako gaanong nahihirapan. Tulad mo, sa pagtatapos ng pagsasanay, nais ko rin pagalingin agad ang mga nanakit na parti ng katawan ko sa bugbugang pagsasanay. Iyon nga lamang ay hindi nila iyon pinahihintulutan," sagot ni Rama. "At mas malala talaga, kapag si Mira ang nagsanay sa iyo. Buti ako, hindi ako napunta sa pamumuno niya noong nag-uumpisa pa lang ako. Pero huwag kang mag-alala, Nate, kaya mo iyan! At sana, makatulong kung saan man tayo ngayon pupunta."
"Gusto ko na munang magpahinga. Hindi na kaya ng katawan kong magsanay pa sa ngayon," sabi ko at tumigil ako sa paglalakad.
"Kaming bahala sa iyo, Nate," sabi naman ni Rama at inakbayan niya ako palakad.
Sa isang library kami pumunta, isang napakalaking silid aklatan na halos limang basketball court ang laki. Walang ibang naroon kundi kami lang.
"Ano'ng ginagawa natin dito?" tanong ko.
"Ito ang paraiso ko," sabi ni Shem-shem. "Likas sa aming mga saday na maging mausisa at maging matalino. Kaya nga ang mga tulad namin ang tagapayo ng mga reyna at ng mga lankaw sa Anorwa, at na kung sino pang nilalang na kailangan ang aming serbisyo. At bilang gabay mo, gagampanan ko ang tungkulin ko. Tungkulin kong masagot ang mga katanungan mo tungkol sa aming mundo o sa mga bumabagabag sa iyo, at ang tulungan ka sa lahat ng bagay. May alam akong paraan para matuto kang gumamit ng sandata."
"Pa'no?"
"Sumunod kayo," sabi lang ni Shem-shem at lumipad siya. Sinundan namin siya ni Rama.
"Bakit kaya kinikilabutan ako kapag nakakakita ako ng mga aklat?" komento ni Rama. Parang kami lang din ng mga tropa ko. Bigla ko tuloy silang na-miss, at ang lahat sa mundong pinanggalingan ko.
Mataas ang mga bookshelves at puno lahat ng libro at ang kakapal. Kahit sobrang tataas, walang hagdan – eh, may pakpak nga naman sila kaya anong gagawin sa hagdan? "Pa'no kung gustong magbasa ng mga ugpok?" Biglang natanong ko nang maalala ko ang mga duwendeng ugpok. Wala kasi silang mga pakpak.
"Ha? Ang ugpok?" nagulat na tanong ni Rama.
"Wala, naisip ko lang. Ang tataas kasi ng libro, kaya pa'no kung gustong magbasa ng mga duwende? Ang mga ugpok at ang mga butingoy?"
"A? Hindi ba nasabi ko na sa 'yo ang tungkol sa patulis nilang sombrero? May mahika sila doon, kaya nilang ipababa ang ano mang aklat na naisin nilang basahin kahit gaano pa iyon kataas," sagot ni Rama. Napatango-tango na lang ako. Oo nga naman pala. Parang may psychic power lang.
"Narito ang mga tala tungkol sa tamang paggamit ng ano mang sandata," sabi ni Shem-shem nang huminto na kami. "May aklat dito na makakatulong kung paano gamitin ang sangtron at ang tamang galaw sa paghawak nito." May kinuha siyang medyo may kakapalang aklat at inabot sa 'kin. "Tungkol sa sangtron ang librong iyan," sabi niya.
Parang balat ng kung anong uri ng kahoy yari ang cover ng aklat na may nakasulat na 'di ko mabasa – at halos lahat naman ng mga librong nakikita ko rito parang balat ng kahoy na manipis ang cover na may iba't ibang kulay. Ang pages, naninilaw na sa pagkaluma o talagang ganito 'to at makapal ang papel. Sa tingin ko, pandikit din ang ginamit para i-bind ang mga pages tulad ng libro sa mundo natin.
"Kaming mga baguhan, halos isang buwan kaming nagbasa muna ng mga aklat dito sa aklatan. Tungkol sa Anorwa, sa kasaysayan nito at ng bawat kaharian, sa mga batas ng bawat kaharian at ang batas ng Ezharta. At ang tungkol sa pakikipaglaban at paggamit ng armas o sandata. Tungkulin iyon ng mga baguhan at halos lahat ng diwata maging ang hindi nagsasanay na maging sundalo o mandirigma. Naniniwala kasi kami na kailangan munang pagyamanin ang kaisipan bago sumabak sa pagpapalakas ng kakayahan at katawan at sa pakikipaglaban. Lalo na ang alamin ang aming pinagmulan at ang irespeto ito at ang batas na ipinatutupad," paliwanag ni Rama. "Pero sa totoo lang, nakakatamad iyon," pahabol niya kasabay ng pagbagsak ng balikat.
"Sa 'min din, sa mundo ng mga tao, nag-aaral din kami. At nakakatamad nga," sabi ko. Pero hindi naman ako nahihirapan sa pag-aaral. Mahal ako ng brain cells ko, tinutulungan nila ako. "Pero, pa'no ko 'to maiintindihan?" tanong ko nang buklatin ko ang libro. Hindi ko maintindihan ang mga nakasulat. May mga drawing naman na pinapakita ang paghawak sa sangtron at ang galaw, pero mas okay pa rin kung maintindihan ko ang mga sinasabi tungkol do'n.
"Kami na ni Shem-shem ang bahala ro'n. At ipapakita ko sa iyo ang tamang paggalaw at paghawak ng sandata." Sinipat ni Rama ang hawak kong sangtron. "Pero iyan ba talaga ang gusto mong maging sandata? Maililigtas mo ba ang Anorwa gamit ang piraso ng kahoy na iyan?" kunot-noong usisa niya.
"Oo naman. Kailangan ko lang mamaster ang paggamit nito," sagot ko.
Umalis saglit si Rama, at sa pagbalik niya may hawak na siyang sangtron. Pero bago ang hawak niya at mukhang hindi pa gamit sa pakikipaglaban at iba ang style.
"Bago tayo magsimula," sabi ni Rama at lumingon-lingon siya sa paligid. "May ipinabibigay si Pinunong Kahab. Alam niyang kailangan mo ito para makapagsanay ka nang maayos ngayon. Siya ang nakaisip nito na tulungan ka namin." May kinuha si Rama sa maliit na lalagyan na nakatali sa baywang niya at inihip niya ito sa 'kin – mahiwagang pulbos. Kumikislap iyon na bumalot sa katawan ko.
Naramdaman ko unti-unti ang pagkawala ng sakit ng buong katawan ko. "Marhay?"
"Huwag kang masyadong maingay," pabulong na sabi ni Rama at lumapit pa siya sa 'kin. "Sekreto lang natin ito. Bawal kasing gumamit ng marhay sa mga ganitong pagkakataon. Palihim itong inabot sa akin ni Pinuno para gamitin sa iyo. At humingi na nga pala ako ng konti."
"Bawal ba'ng gumamit ng mahiwagang pulbos?"
"Hindi naman sa bawal – pero parang ganoon na rin. Ang mga karapat-dapat lang ang gumagamit nito, mga diwata o sino mang norwan na may sapat na pag-aaral at kaalaman, at mga binigyan ng pahintulot ng palasyo. Tulad ng mga manggagamot, at iba pang diwatang may tungkulin sa aming mundo at sa inyong mundo. Mga diwatang nagbabalanse sa kaayusan ng kalikasan ng planetang tirahan natin," paliwanag ni Shem-shem. "Noon, milyon-milyong taon na ang nakakalipas, ayon sa kasaysayan, sino man ay may karapatang gumamit ng marhay o mahiwagang pulbos para mapadali ang kanilang buhay at panatilihin ang kaayusan ng kalikasan na siyang ikinabubuhay ng lahat na nilalang sa mundo. Ang pagiging bukas noon sa lahat ay naging sanhi ng katamaran, dumepende na lamang ang lahat sa mahika ng marhay. Naging sanhi rin iyon kasakiman. Maraming naghangad ng kapangyarihan, ginamit nila ang marhay sa ibang bagay – naging sandata na rin ang marhay para manakit ng iba upang sila ay umangat sa iba. Sa kasalukuyan, ang marhay ay nagsilbi na rin bilang 'imo' dito sa Anorwa."
"Imo?" tanong ko.
"Pera kung sa mundo ninyong mga tao, na maaring ipagpalit sa ano mang bagay na gusto mo," sagot ni Shem-shem. Tumango ako. Mukhang hindi nga nagkakaiba gaano ang kalakaran sa mundo nating mga tao dito sa mundo ng mga diwata o mga norwan.
"Shem, siguro hindi ito ang tamang oras para magkuwento ka. Sa ibang araw na lang siguro. Nahihilo na nga ako sa mga libro tapos magkukuwento ka pa tungkol sa kasaysayan na milyong taon na ang nakakaraan," bara ni Rama.
Sumimangot si Shem-shem at tiningnan ng masama si Rama. "Pero mainam na malaman ng ating tagapagtanggol ang tungkol sa mundong sasagipin niya!"
"Nandoon na ako. Pero sa ibang pagkakataon na iyon. Lumalalim na ang gabi. Sa ngayon, dapat malaman na niya ang kahit kaunti sa tamang paggamit ng sangtron. May pagsasanay pa siya bukas," katuwiran ni Rama. Na sa tingin ko tama siya.
"Oo na!" sigaw ni Shem-shem sa maliit niyang boses.
Nagsimulang magbasa si Shem-shem, pinapaliwanag niya ang tamang hawak sa sangtron at galaw ng katawan, at mga technique sa paggamit nito. Habang si Rama naman ay ipinapakita sa 'kin ang mga tamang paraan na 'yon. Naging madali sa 'kin ang lahat – well, kahit pa'no, medyo nagagawa ko. At itong Rama na 'to, ala-Mira din, male version! Panay puna sa mga mali ko!
"Kung magiging maluwag ako sa iyo, Nate, at hindi ko pupunahin ang pagkakamali mo, paano ka matututo?" komento niya nang mapansin niyang parang nagrereklamo ako sa kahigpitan niya. "Ulit!" pautos na sabi niya. Haist!
Upakan kong ugok na 'to, eh! Sigaw ko sa utak ko. Pero sumunod na lang ako. Kung sa mundo ng mga tao sisiga-siga ako, mukhang 'di uubra sa mundong 'to. Pero maghintay lang sila hanggang sa maging malakas ako!
Nagawa ko nang maayos makalipas siguro ang halos dalawang oras. At walang biro, talagang nagawa ko nang maayos. Kaya nag-suggest si Rama na maglaban kami. At hindi ko siya inurungan. Aatras pa ba ako at maduduwag matapos ko nang maranasan na mabugbog ng babaeng diwatang si Mira. At ngayong alam ko na ang paggamit ng sangtron – 'yong bahagi ito ng katawan ko at iisa kami. Siguro? Siguro lang muna, dahil hindi ko pa talaga sigurado. Nakasaad 'yon sa libro na binabasa ni Shem-shem, at sabi ni Rama, ano mang sandata ay dapat maging kaisa ng may hawak dito. Kaya pala ibinalik sa 'kin ni Mira ang sangtron kaninang umaga, iyon ang sinabi ko sa kanya na naramdaman ko sa sangtron, 'yon pala talaga dapat ang maramdaman ng mandirigma sa hawak niyang sandata. 'Yon nga lang, 'di ko na-apply 'yon sa paggamit ko ng sangtron, 'di ko naging kaisa. Kaya nadismaya si Mira sa 'kin at iniwan niya ako sa gitna nang pagsasanay. Pero ngayon, alam ko na! Pero 'di ko pa rin talaga sigurado kong kaisa ko na ang sangtron. Haist! Pa'no ba masasabing gano'n na nga? Nang tanungin ko si Rama, sabi niya lang, mararamdaman mo iyon bilang mandirigma.
Sa paghaharap namin ni Rama, nauunahan niya ako. Pero kahit pa'no, nasasalag ko ang atake niya minsan. At nakakatama rin ako! Na ipinagdiriwang ko sa loob-loob ko! Hindi na masama, kahit pa'no nakakatama na ako sa kalaban.
"Puwede na ba?" may pagyayabang na tanong ko kay Rama sa pinapakita kong pakikipaglaban.
"Hindi na masama?" nakangiting sagot niya. Kapwa kami nakaporma para umatake.
"Aaaaaaaah!" sigaw namin at muling nag-umpugan ang aming mga hawak na sandata. Nagkatamaan kami sa balikat, sa tiyan, hita at salikod.
"Puwede na ba?" hingal na tanong ko.
"Hindi na masama," natatawang sagot ni Rama. Humihingal din siya. Kapwa kami nakahiga sa sahig at pagod na pagod, at parehas dinadaing ang pananakit ng aming katawan.
"Mga lampa," parinig ni Shem-shem. Natawa lang kami ni Rama.
Natapos ang pagsasanay namin na may ngiti sa labi ko, satisfied ako sa nagagawa ko na. At nanakit ang buo kong katawan. Buti may marhay pa at ginamit namin. Nagpasya kaming tatlo bago matulog na gagawin namin 'yon gabi-gabi hanggang sa tuluyan ko nang mamaster ang paggamit ng sangtron.
Bago ako matulog, pinagmasdan ko ang sangtron. For some weird reason, piling ko ligtas ako kapag hawak ko 'to. Kaya tinabi ko 'to sa pagtulog ko.
~~~
KINABUKASAN, HINDI AKO hinarap ni Mira. Ayaw niya raw sayangin ang oras niya sa mahinang tulad ko. Magpapalakas na lang daw siya kasama ang mga sundalong pinamumunuan niya. Kaya nagpasya si Pinunong Kahab na sanayin na ako. Pero 'di pa kami naglaban. Sinanay niya ako upang palakasin ang aking katawan.
Lumipas ang pitong araw. Sa mga araw na 'yon, sa umaga, sinasanay ako ni Pinunong Kahab. At sa gabi, nagsasanay naman akong mamaster ang paggamit ng sangtron sa tulong nina Rama at Shem-shem. At malaking tulong sa pagsasanay ko ang marhay, sa mabilis na pagpapagaling nito sa natatamo kong pinsala at sakit sa aking katawan.
Sa pagsasanay namin ni Pinunong Kahab, dinadala niya ako sa kagubatan. Sabi niya, makapangyarihan ang kalikasan, kayang bumuhay at pumatay. Alam niya ang kasalukuyang nangyayari sa mundo ng mga tao, ang mga sunod-sunod na trahedya tulad ng bagyo, pagbaha at lindol. Sa totoo lang, sabi niya, paraan 'yon ng kalikasan para balansehin ang lahat. Sa pagkawasak o pagkasira, may uusbong muli na pag-asa. Sa Anorwa, may mga trahedya ring dala ng kalikasan. Dahil ang mundo natin ay karugtong ng Anorwa. Sa unti-unting pagkasira ng mundo ng mga tao dulot ng mga makabagong teknolohiya at sa 'di tamang pagtapon ng basura na nasasakripisyo ang likas na yaman, naaapektuhan din ang mundo ng mga diwata. Kaya nga may ilang diwatang pumupunta sa mundo ng mga tao para magbalanse sa kalikasan. Ang mga nakakalbo nang kabundukan, lihim nilang binibigyan muli ng buhay. Inililigtas din nila ang mga ilang na hayop sa pagkaubos. At minsan, gumagamit sila ng mga tao para tulungan ang kalikasan. Ang ilang activist na lumalaban para sa karapatan ng mga hayop at mga volunteers na nagtatanim ng mga puno sa kagubatan at nagbabantay sa gubat laban sa mga illegal loggers ay nabulungan ng mga diwata. May mahika ang mga diwata na malaman kung sino sa ating mga tao ang may care o pagpapahalaga sa kalikasan. Lihim nilang binibigyan ng proteksiyon ang tulad nila.
Gusto ni Pinunong Kahab na maging isa ako sa kalikasan, dahil maari kong magamit ang kapangyarihan ng kalikasan sa labanan. Naalala ko si Nael, naging armas niya ang mga puno't halaman sa pakikipaglaban. Sa unang araw ng pagsasanay, pinaupo ako ni Pinunong Kahab sa malapad na bato, Indian set ang ginawa ko. Pinapikit niya ako at sinabi niyang pakiramdaman ko ang paligid – pakinggan ang awit ng kalikasan. No'ng una, sabi ko sa isip ko, isang kalokohan! Pero, ilang minuto lang nang konsentrasyon, may narinig ako. Ingay ng mga hayop, huni ng mga ibon at mga insekto, pagaspas ng mga dahon sa pag-ihip ng hangin at agos ng tubig ng ilog na may kalayuan pero maayos na naririnig ko – naging isang napakagandang musika ang mga tunog na 'yon, isang awiting tila awit ng ina sa mahal niyang sanggol. Para akong hinihili ng awit ng kalikasan at tila nililipad ako. At sa pagmulat ko, nakaangat na nga ako sa bato na ikinagulat ko.
"Tinatanggap ka ng kalikasan. Kaisa mo sila, Nate," sabi ni Pinunong Kahab.
Akala ko gano'n na ang pagsasanay, na madali lang. Pero sa mga sumunod na araw, naging pisikal na. Dahil nga kaisa na ako ng kalikasan, hindi raw dapat ako mahirapan. Pinagbuhat ako ng mga bato ni Pinunong Kahab, nahirapan ako. Pinaakyat niya niya sa naglalakihang puno, nahirapan ako at ilang ulit pang nahulog. Pinalangoy niya ako patawid sa ilog na malakas ang agos , nahirapan ako! Inanod pa ako pababa sa falls hanggang sa mahulog ako! Piling ko may galit sa 'kin si Pinunong Kahab. Ilang araw niyang pinagawa sa 'kin ang mga 'yon. Sabi niya, hindi dapat ako nahihirapan dahil kaisa ko ang kalikasan, dapat maging madali sa 'kin ang mga 'yon. Pero nga, nahihirapan ako! Haist! Pero sa pagtatapos ng pagsasanay, madaling nawawala ang pagod ko kapag nakahiga ako sa damuhan at kapag yumayakap ako sa puno. Doon ko napatunayan na kaisa ko nga ang kalikasan. Gaya nga ng sabi ni Pinunong Kahab, dapat marasan mo muna ang hirap bago ka magtagumpay.
Sa ilang araw naming pagsasanay ni Pinunong Kahab sa kagubatan, nando'n si Bangis. Palihim niya kaming pinagmamasdan. Lihim kaming nag-uusap sa isip. Hindi siya nagpapakita dahil nando'n nga si Pinunong Kahab. Para kaming may love triangle, at ako ang third wheel. 'Yong tipong inahas ko si Bangis kay Pinunong Kahab. Tapos palihim kaming nagkikita at nag-uusap. Lakas makakabit-story.
Sa gabi, pagsasanay naman sa paghawak ng sangtron ang ginagawa ko kasama sina Rama at Shem-shem. Alam ko na ang tamang paghawak sa sangtron at ang porma ng katawan kapag hawak ito at gagamitin sa pag-atake, kaya ang pakikipaglaban na lang ang pinagsasanayan ko. Kalaban ko si Rama, na sa mga dumaang gabi, natatalo ko na. Pero sasabihin niya lang, mas sanay siyang hawak ang espada. Kaya hinamon ko siya sa isang laban na gamit niya ang espada niya at ako naman ay ang sangtron ko.
"Sigurado ka, Nate?" tanong sa 'kin ni Rama nang hamunin ko siya.
"Espada ang gamit ni Mira. At isa pa, maaring lahat na gamit na sandata ng makakalaban natin sa digmaan ay may patalim. Ngayon pa lang, kailangan ko nang harapin ang talas ng patalim," sagot ko. Sa totoo lang, piling ko may phobia ako sa matatalim na bagay. Tingnan ko pa lang, nai-imagine ko agad na nahihiwa ako no'n.
Lumabas kami ng kuwarto, sa mga nagdaang gabi sa kuwarto na kami lihim na nagsasanay. Tinungo namin ang hardin sa likod ng palasyo, sa parte na malawak na damuhan kung saan puwede kaming maglaban ni Rama na walang sagabal. At salamat rin sa liwanag ng kalahating buwan.
"Humanda ka. Nate," paalala sa 'kin ni Rama. Magkaharap kami mga tatlong metro ang layo sa isa't isa. Hawak namin nang mahigpit at handang ipang-atake ang aming mga sandata. Itinaas niya ang kanyang espada at kumislap ito nang matamaan ng liwanag ng buwan.
"Rama! Kailangan ba talaga ganyan ka kaseryoso sa pagsasanay na ito?" sita ni Shem-shem.
"Tama lang 'yon, Shem," sabi ko. "Dahil hindi naman isang biro ang hinaharap nati, hindi ba? Ang hinaharap ng Ezharta at ng buong Anorwa."
Naglaban kami ni Rama. Mas magaling siya sa espada kesa sa sangtron, kaya nauunahan niya ako, mabilis ang kilos niya at laging natututok sa leeg ko ang talim ng kanyang espada. Nakakatamo ako ng malakas na sipa at suntok sa kanya na ininda ko lang. Akala ko magiging madali na para sa 'kin kaya ang lakas ng loob kong hamunin siya, iyon pala sadyang mahina siya sa paggamit ng sangtron at espada talaga ang sandatang master niya. Pero kinalaunan, nang mapag-aralan ko ang kilos niya, nakaganti rin ako at nakabawi. Natatamaan ko na rin siya ng sipa at suntok ko at natututok sa ulo niya ang sangtron ko. Nagawa ko pang mabitiwan niya ang kanyang espada na malakas na pagpalo ko ng sangtron.
Naging nakakapagod ang pagsasanay na 'yon at sumakit ang buong katawan ko na nahilo pa nga ako. Nang iihipan sana ako ni Rama ng marhay, sinaway ko siya at nahiga ako sa damo. Sabi ko, gusto kong maramdaman ang sakit ng katawan ko, para ipaalala sa sarili ko na hindi ko na dapat maramdaman 'yon sa ano mang pagsasanay at lalo na sa magaganap na labanan. Magiging malakas ako!
Nagpaiwan ako sa hardin at nahiga lang sa malawak na damuhan. Malamig, pero masarap sa pakiramdam – ramdam ko ang pagiging isa ko sa kalikasan. Pinagmasdan ko ang mga bituin at ang buwan… At inisip siya. Miss na miss ko na si Chelsa…