Chapter 6 - CHAPTER 5: Pangitain

NATATANAW KO NANG malapitan ang ganda ng mga bituin. Na kabaliktaran ng nararamdaman ko – hindi ako makahinga at hangos na naghahabol ng hangin. Papalayo nang papalayo sa 'kin ang mga bituin. Nahuhulog ako. Wala akong ibang marinig kundi mabilis na tibok ng puso ko dahil sa matinding takot. Isang malakas na sigaw ang pinakawalan ko. Umasang may sasaklolo sa 'kin. Pero nagtuloy-tuloy ako sa pagbulusok hanggang bumagsak ako sa kadiliman. Wala akong ibang makita. Tubig ang nabagsakan ko na 'di ko alam kung anong uri ng likido. Malapot ito at malansa – dugo? Naglawang likido na lagpas ng konti sa sakong ko.

Sa 'di kalayuan, may narinig akong tumawag sa pangalan ko. Pamilyar na tinig na miss na miss ko na. Na sobrang tagal kong hinintay.

"Nate," tawag niya.

"Chelsa?" mahinang nasabi ko at sinundan ko ang tinig. Wala akong ibang makita. Pakiramdam ko ang ginamit ko at nagtiwala ako sa sigaw ng puso ko na mahahanap ko siya.

Kahit hirap akong maglakad dahil sa malapot na likidong dinaraanan ko at may mga kung ano pa akong naaapakan na halos ikadapa ko, nagpatuloy pa rin ako. Tinatawag ko si Chelsa – isinisigaw ko ang pangalan niya. Hanggang sa nasa harap ko na siya mga tatlong metro ang layo. Pero napahinto ako…

Nagliwanag si Chelsa at unti-unti siyang parang nalalagas na naging daan-daang bilang ng mga paruparo ang katawan niya. Purple na mga paruparong paisa-isang nagliparang pataas hanggang sa mawala na ang imahe niya. Bago siya tuluyang naglaho, nakita ko ang labis na takot sa kanyang mukha. At ako… napatulala na lamang at wala nang nagawa.

Bigla-bigla ay nagliyab ang nagliliparang mga paruparo at bumagsak. Natigilan na lamang ako at mistulang huminto ang tibok ng puso sa pagkagulat at pagkabigla sa tumambad sa 'kin. Sa tulong ng mga nasusunog na paruparo, naaninag ko ang paligid – ang kadilimang kinaroroonan ko. Naglalawang dugo – iyon nga ang malapot at malansang likidong binagsakan ko. At napakaraming bangkay sa paligid, mga diwata – sila ang mga naapakan ko sa paglakad ko. Hindi ko sila makilala, nababalot sila ng dugo. May mga hati-hati ang katawan, putol na ulo, braso at kamay. At halos karamihan, putol na ang mga pakpak at antena.

Dumaloy ang mga luha sa mga mata ko at tuluyan na akong binalot ng takot. Walang rumehistro sa utak ko kung ano ang dapat kong gawin. At bigla na lamang akong napasigaw nang makaramdam ako ng matinding init at hapdi sa likod ko – nasusunog ang likod ko at naaaninag ko ang matinding paglagablab ng apoy mula rito at nararamdaman ko pang parang may nakatarak na dalawang matulis na bagay sa aking likod. Napakuyom na lamang ang mga palad ko at nanginig ang buo kong katawan sa sobrang kirot na nararamdaman ko. Hanggang sa unti-unti na lamang akong lumubog at nilamon ng kinatatayuan ko. Hindi na ako nakasigaw dahil sa pumasok na dugo sa bibig ko at hanggang sa hindi na ako nakahinga.