Chereads / Hymoneurí Academy / Chapter 5 - Kabanata 4: Gulat

Chapter 5 - Kabanata 4: Gulat

Ako'y napahangos ng sumilip ako dahil ang aninong nakita ko ay may dalawang sungay katulad ng larawan sa libro na demonyo! Patay, sana nakatago ng maayos ang Ginoo at ang kaniyang babaeng kapatid.

Hinay-hinay akong nagpadausdos para hindi marinig ang aking mga galaw lalo na't nanginginig ang buo kong katawan. Aking kinuha ang kurtina at hinay-hinay kong isinarado ngunit napatigil ang aking hininga ng may paang umapak sa salamin at nawala din naman ito kaagad. Kaya't dali-dali kong isinara ang kurtina. Bumuhos ang ulan na siyang nakikipagkompetensiya sa mga sigaw ng mga tao na aking mga kapitbahay. Nakakarinding pakinggan ang kanilang mga sigaw kaya't aking tinakpan ang aking tenga para hindi makarinig at nagtago sa gilid ng bintana.

Nanatili ako sa ganoong posisyon ng isang oras pero hindi parin nawawala ang mga ingay na iyak at buhos ng ulan. Malapit na akong makatulog ngunit tila'y may kung ano-anong tumulak sa akin para sumilip kung ano na ang nangyayari sa labas. Kaya't ako'y napatayo at sinilip ngunit ang nakita ko lang ay dalawang lalaking kalmadong nag-uusap sa daan. Ang dalawang tao ay puro pamilyar ang postura nila lalo na ang lalaking nakaharap dito.

Kinuha ko ang binokulo at pinalaki ang lente nang tignan ko ito ay hindi nga ako nagkakamali sa aking iniisip kong sino ito, binantayan ko ang kaniyang galaw at paano siya makikipag-usap sa isang lalaki. Napakakalmado lang nilang mag-usap kung baga'y parang napakamaraming tao o nasa ligtas silang lugar.

Pero ang napakagulat ay ang mga halimaw na may mga sungay ay lumapit sa kausap niya at nagbigay ng isang bagahe at ipinakita sa kaniya ang laman na siyang kaniyang tinangohan at nginitian. Bakit? Ibinibenta niya ba ang kaniyang bayan?

Tumalikod na ang mga halimaw at ang kaniyang lalaking kinakausap, nang ito'y tumalikod ay tumingin ito sa akin, deritso. Kahit ang mata niya ay nakatago sa kaniyang sumbrero at maskarang itim ay alam kong nakatingin siya sa akin. Nahulog ang binokulo na aking hinahawakan, nagsitayuan ang mga balhibo ko at ako'y napaatras sa aking kinatatayuan ngunit nakakagulat lang ay hindi ko maialis ang aking paningin sa kaniya dahil kung mayroong kung ano-anong mahika siya.

Kumaway siya at ngumiti sa akin dahilan para ako ay nawalan ng hininga at ang huli kong nakita ay ang mga halimaw na kaniyang kasama ay tumingin din sa akin.

Ngunit sa aking kaloob-looban ay alam ko, alam kong siya ay nakita ko na dahil halos lahat ng mga parte sa kaniyang katawan ay pamilyar, hindi lang ako sigurado sa kaniyang mata.

Napa-upo ako sa aking higaan dahil sa ingay ng mga iyak sa aking mga kapitbahay. Nangunot ang aking noo ng nabatid kong ako'y nakatulog sa sahig at mas lalong nakapagkunot ng aking noo ay ang lente ng aking binokulo ay nabasag. Pilit kong inaalala ang nangyari kagabi ngunit ang akin lang naalala ng ang Ginoo ay papasok na sa kaniyang bahay, matamis-tamis na kumaway at ipakita pa ang libro na kaniyang hiniram sa akin kagabi.

Kaya't hindi ko maisip kung bakit may binokulong basag at ako'y nakatulog sa sahig. Iwinaglit ko na lang sa aking isipan ang nangyari dahil baka nahulog lang ako sa aking higaan o kaya't nangyari sa akin yung sinabi sa libro na posible sa isang tao na maglalakad ito pagtulog. Tumatango-tango akong tumayo at kinuha ang walis at pandakot para walisin ang basag na lente.

Napakamamahalin pa yata ng binokulong ito, sayang. Pero sisikwat nalang ako ulit kay Ama, marami naman siyang binokulo sa kaniyang kwartong aklatan, klase-klase pa nga eh. Natapos ko agad ang pagwawalis at wala akong planong itapon ito sa aming basurahan sa likod ng bahay. Kung lalabas lang naman ako sa kwartong ito ay makita ko lang ang mga nakabusangot na mga mukha ng aking mga magulang kaya't napagdesisyonan ko na lang na ako'y magkulong at magbasa ng libro. Pero bago ang lahat ay maliligo muna ako dahil nangangamoy na ang kili-kili at lahat ng katawan ko. Tsk.

"Oha, ang sariwa at magandang binibini sa inyong harapan," Ako'y napaagik-ik sa sinabi ng aking isip. Napakabaliw ko talaga pag-ako'y walang maisip na gagawin. Paglabas ko sa banyo ay dala-dala ko ang ngiti ko at taas noong rumampa sa kwarto pero ako ay napatigil ng nakita ko ang bagay sa aking lamesa. Ano 'to? Para saan? Diba't wala naman silang pake, bakit may ganito sa lamesa?

Gusto ko mang itapon ang pagkain sa lamesa ay pinigilan ko ang aking sarili dahil alam ko na isa itong malaking kasalanan na ako'y paparusahan ni Bathala pagdating ng panahon. Kaya't ito'y kinain ko na lang na may pagtatanong sa aking isipan. Kung bakit sila mismo ang naghatid ng pagkain sa kwarto, kung sa araw-araw naman ay ako ang bababa at kukuha ng pagkain at babalik sa kwarto para kumain at bababa naman para maghugas ng pinggan na aking pinagkainan. Bakit kaya? Napagtanto na kaya nila na mali ang kanilang ginagawang pagtatrato nila sa akin o ano?

Ako'y bumaba na saking hagdan para maghugas ng pinggan ngunit nakapagpagulat ay sinalubong ako ni ina ng ngiti sa labi at kinuha ang pinggan na aking pinagkakainan. Ano ang nagyari? Bakit nagbago siya at naging mabait na? May nalaman ba sila saakin na ako'y may sakit o mamatay na kaya nila ako'y inaalagaan katulad sa nobelang aking binabasa ko noon?

"Akin na Ellesmere, baka mapagod ka kung huhugasan mo ang sandamakmak na hugasin anak. Kaya't doon ka na lang sa kwarto mo at gawin kung anong gusto mo," ngiti niyang sabi at siya'y tumalikod na at nagsimula nang maghugas ng pinggan. Ako naman ay napatanga at nakabuka ang bibig dahil sa pagkakagulat, kasi naman ay gawain ko ang paghuhugas ng plato araw-araw at wala silang pake kung magkakalyo ang aking kamay sa paghuhugas ng pinggan at paglilinis ng bahay.

Sinunod ko na lang ang sinabi ni Ina na doon na lang ako sa kwarto. Nang sinulyapan ko ang sala ay wala si Ama at tila'y wala siyang bisita dahil paglinggo naman ay lagi siyang may bisita. Nakita kong nakabukas ang pintuan ng kaniyang kwartong aklatan at ako'y pumasok iisiping kukuha ako ng bagong binokulo sa kaniyang aparador. Kaya't hinay hinay ang lakad ko papasok sa kwartong aklatan niya at sa wakas ay nakaabot na ako sa kaniyang aparador.

Aking pinagkakatitigan ang lahat ng binokulo sa aparador at hinanap ko ang mas maganda dahila lahat ng ito ay puro magaganda at bago! Ngunit may kumuha sa akin ng atensyon, isang binokulong may mga disenyong bulaklak ang taas ng lente at meron itong pantakip na disenyong paruparo!

"Oh anak, andiyan ka pala. Hindi ka manlang kumatok para makuha ang atensyon ko dahil ako ay nagbabasa," ako'y napako sa aking kinatatayuan at nanginginig ang buo kong katawan dahil sa lalaking nagsasalita sa aking likod at bakit niya ako tinatawag na Anak.

Nang lumingong ako ay halos lumuwa na ang aking mata dahil nakita ko si Amang nakangiting nakatingin sa akin. Saan na ang ama kong malamig ang boses at pati ang saloobin. Ama ko ba talaga ang lalaking nasa aking harapan? Kung ama ko ito anong nangyari sa kaniya pati na kay Ina?

"Gulat ka ata, anak?" tanong niya habang lumalapit siya sa akin, ako naman ay hindi ko maigalaw ang buo kong katawan tila'y ako'y pinusasan at wala na kahit anong salita ang lalabas sa bibig ko.

"Napagtanto ko noon anak na ikaw pala ay mahilig sa binokulo kaya iyong sinikwat ang isa sa mga binokulo ko noon. Ako lang ay magtatanong, ano ang nangyari sa iyong hiniram noon at mukhang nagpaplano ka na sisikwat na naman?" kalmado niyang tanong. Lahat ng salita niya ay tama kaya mas lalong walang mailalabas akong salita kaya't ako ay tumingin sa sahig para magtago sa nakakahiyang tanong ni Ama.

"Naku Anak! Huwag kang ganiyan dahil hindi naman ako nagalit sa iyong ginawa. Kaya't mayroon nga aking handog sa'yo noon ko pa sana ito binigay sayo. Wala lang akong oras na maibigay sayo," habang sinasabi niya ang mga katagang iyon ay dahan-dahan niyang kinuha ang binokulo na ang kumuha sa aking atensyon kanina at nakangiti siyang ibinigay sa akin.

"Po?" 'yan lang talaga ang lumabas sa aking bibig dahil sa pagkakagulat.

"Naku naman, sa dinami-dami kong sinabi dito ay iyan lang ang maisasabi mo. Alam ko naman ay nagulat ka dahil napakaganda ng regalo ko sayo, ano? " tumango ako sa kaniya bilang pagsang-ayon sa kaniyang sinabi. Talaga namang napakaganda, pero bakit niya ako reregalohan kong wala namang okasyon o kaaarawan ko. Dahil kung kaarawan ko naman ay hindi naman sila maghahandog ng kung ano-ano at isa pa ay malayo pa ang aking kaarawan sa susunod pang buwan.

"Alam ko anak na ikaw ay nagtatanong sa iyong sarili kong bakit ako ay naghandog sa'yo ng napakagandang regalo sayo, dahil lang naman ito ay dahil sa pagiging napakabait mong anak simula nang bata ka pa," napatango nalang ako sa kaniya at matamis-tamis na nginitian siya. Dahil baka napagtanto na talaga nila Ama ang kanilang maling pagtrato sa akin.

"Ngunit anak may tanong lang ako sayo, kung iyong mararaparin ay sasagotin mo ito ng maayos," ani niya na tinanguan ko naman.

"Anong nangyari sa huling binokulong hiniram mo?"

"Ama patawad po, pero ito'y aking nabasag kagabi." yuko kong ani. Ng ako ay tumingin sa kaniya ay hindi ko alam kong ako ba ay nagkakamali ng may nakita akong galit ngunit nawala kaagad dahil sa kaniyang ngiti.

"Ganoon ba? Buti nga't nabilhan kita ng binokulo kung kaya't may magagamit ka na kaagad."

"Salamat nga po pala!" ako'y tumango at lumabas na dahil pansin ko ay marami pa siyang gagawin, dali-dali akong umakyat at tuwang-tuwa na para gamitin ang bagong bigay ni Ama. Ngunit sa kaloob-looban ko ay alam kong may maling nangyayari sa likod ng kanilang magandang ngiti at napakabuting pagtrato sa akin.