Panimula
Kamusta, kaibigan? Samahan ninyo ako sa aking kuwento at kung papaano nagbago ang buhay ko mula nang mabigyan ako ng super powers…exciting di ba?
Ang pangalan ko ay Ben. Yun lang, Ben, wag nyo na alamin apelyido ko. Laki ako sa iskwater's area pero pangarap ko maging isang call center agent – kaya I try to spokening the Inglish dialect. Paborito kong expresyon ang "shet" kasi parang yun ang sosyal na tawag sa jebs. Pag wala akong masabi, shet nalang ang nag sasummarize ng gusto kong ipahiwatig. Ang shet ay hindi mura, kundi isang expression.
Mapalad ako dahil isa ako sa mga napili na maging iskolar sa mababang paaralan ng Pinagpala Elementary School. Matalino daw ako sabi ni inay kaya napabilang sa mga "Pinagpala" (tawag sa iskolar ng iskul ko). Kaso nga lang hindi ko lamang maintindihan kung bakit ako palaging sinasabihan ng bobo ng mga guro ko.
"Ben Ten Batumbakal!" kasabay ng pagtalsik ng laway ang paglipad ng mabaho kong pangalan. Feeling ko isa akong cartoon character na hindi pinalad gawan ng cartoon. "Bakit blanko itong test paper mo sa math? Ang bobo mo talaga!" dagdag ni miss Minchin, hindi nya tunay na pangalan.
Math lang naman ang problema ko eh. Yun lang talaga. Magaling naman ako sa Inglish at Filipino, pasado nga ako eh. Laking tuwa ni nanay nung makita ang report card ko. "Dalawang palakol ang pinakamataas mong grado? Put*ng *na ka talino mo! Pinagmamalaki mo English at Filipino? Ang talino mo ha." O diba? Sabi ko sa inyo eh, nanay ko lang ang nagsasabing matalino ako. Hindi ko lang talaga magets kung bakit palagi syang galit tuwing sasabihin iyon.
Mahal ako ng nanay ko dahil araw araw nya akong pinababaunan: isang boteng tubig na NAWASA naman daw kaya pwedeng inumin. At limang piso pambili ng tinapay, minsan tubig lang, walang limang piso. Hindi sapat ang kinikita ni Mama sa paglalaba kaya tinatanggap ko nalang ang sitwasyon, tubig lang tuwing recess ok na. Si Papa, ayun matagal nang na deadz, nag adik kasi. Pero mas masaya ang buhay namin ni nanay nung nawala si tatay, dahil ngayon, isa nalang ang gumugulpi sakin, dati tag team pa sila eh.
Tandang tanda ko pa noong ako'y nasa grade 5. Tirik na tirik ang sikat ng araw habang ako'y naglalakad sa maalikabok na kalsada patungong iskwela. May nakasalubong akong matandang ermitanyong mahilig sa daan na umiiyak.
Ang Super Power
Marami sa atin ang nag aasam na mag karoon ng super powers; mga gustong maging kasing lakas at kisig ni Superman, mga gustong humalik ng pabaligtad gaya ni Spiderman, at maging kasing angas ni Lito Lapid. Idol! Ako? Simple lang ang gusto ko. Sana magkaroon ako ng kapangyarihan na baguhin ang mundo, ayoko lang talaga ng away at gulo. Sana tuwing pinapalo ako ni Mama ay kilig ang nararamdaman ko. Sana tuwing sinesermonan ako ay rap ni Gloc 9 ang naririnig ko. Sana tuwing napapahiya ako sa gitna ng klase ay mahuhubaran lahat ng kaklase ko. Sino ngayon ang mahihiya?
"O bakit po kayo umiiyak tatang?" tanong ko habang hinahawi ang aking blondie na buhok pero kasing tigas ng bakal.
"Nauuhaw ako…" maiksing sagot nito.
"Sus yun lang pala eh. Eto po oh," kinuha ko mula sa butas na plastic bag ang dala kong bateled water. Agad niya itong sinunggaban at nilagok ng isang lagukan lang.
"Bakit ganito ang lasa ng tubig mo lasang NAWASA?" pagtataka nito.
"NAWASA nga po," sagot ko.
"Yak! Ano ba tong pinainom mo sakin? Naku totoy kelangan mong mag multa pwede kita idemanda ng trespassing!" pananakot ng matanda.
"Naku po huwag po!" kahit hindi ko alam ang ibig sabihin ng trespassing.
"Sige limang piso nalang," mistula siyang pulis na nangongotong.
"Heto po o," inabot ko ang limang tig pipisong barya na pambili ko sana ng tinapay pantawid gutom sa iskwela.
"Hahaha, salamat totoy. Madali ka palang utuin. Ambobo mo," bulalas ni Tandang mahilig.
"Shet! Hindi po ako naniniwala sa inyo! Sabi ng nanay ko matalino ako!" nangingilid na ang luha ko dahil una, wala na kong tubig at tinapay. Pangalawa, sinabihan ba naman ako ng stranger na bobo daw ako? Its hurts you know?
"Ngunit dahil ginintuan ang iyong puso ay bibigyan kita ng Super Powers. Ito ang pinaka malakas sa lahat ng super powers!" Sabay litaw ng mga ngipin nyang mas maraming blanko kesa sa test paper ko sa math.
"Ay shet, Talaga ho?" agad naman akong naniwala.
"Basta tuwing gusto mong gamitin ang super powers mo ay sasabihin mo lang ang lihim na salita…"
"Ano po yon?" kumikinang ang mga mata ko sa expectation.
"da pawer op lab!", ang baduy naman nito, wari ko sa sarili dahil mistula itong isang lumang kanta.
"At, yun lang po? Anong mangyayari?"
Naglahong parang bula si Tandang ermitanyo. Kinabahan ako dahil sa nangyari pero mas kinabahan ako nang nakita kong late na naman ako sa iskwela.
Si Dagul
May isa akong kaklase na salot sa buhay ko. Malaking bulas ito at palaging nang aalaska. Nung minsan ay ibinitin nya ako patiwarik habang pina-flush ang inodoro sa ulo ko. Mild pa iyon.
"Nasan na ang limang piso ko?" tanong ni Dagul habang kinakapkapan ako na parang isang airport security. "Shet, walang binigay si Mama ngayon!" asar kong bulalas sa kanya. Badtrip nako nung araw na yon dahil una, pinagtawanan na naman ako dahil late, at pangalawa, wala nakong baon.
"Aba lumalaban ka na ngayon ha!" umakmang susuntokin ako ni Dagul. Juice ko, heto na naman sya, gagawin na naman akong punching bag… Naalala ko ang sinabi ng matandang ermitanyo. Pumikit ako at bumulong ng "da pawer op lab," hayan na, nararamdaman ko na ang kamao nya. Huminga ako ng malalim nang may biglang umakbay sakin.
"Uy nagbibiro lang ako. Tara libre kita ng nutri bun sa canteen." Nakangiting sabi ni Dagul.
"Huh? Nagbibiro ka ba ulit?" pagtataka ko.
"Sige bahala ka kung ayaw mo," sabay takbo nya patungong canteen. Sinundan ko sya para magkaron man lang ng laman ang aking tyan. Ngunit natalisod ako sa isang matigas na bagay at ako ay nadapa.
"Ay shet!" gulat akong lumagapak sa sahig. Nagtawanan ang aking mga kaklase. "Lampa! Lampa ka na bobo pa hahaha," sigaw ng mabahong bunganga ni Abner na syang tumalisod sakin. Limang lalaking malalaking bulas ang pumalibot sakin. Sinubukan akong buhatin ni Abner gamit ang aking buhok ngunit natusok sya nito. Lalo pa tuloy siyang nagalit. Sinimulan nila akong pagtatadyakan.
"Hoy! Anong ginagawa nyo?!" biglang inawat ni Dagul ang mga tropa nya. "Ikaw pala Dagul, tara gulpihin na natin si bobong Ben!" wika ni Abner. Kung tumalab ang powers ko kanina eh ipagtatangol nako ni Dagul sa mga ito. Hindi ko ma imagine ang mga itsura ng mga ito kapag sila ang ginulpi ni Dagul.
Sa halip na ipagtanggol ay itinayo ako ni Dagul. "Tama na to, hindi natin kailangan manakit." Sa unang pagkakataon ay may nagtanggol sakin. "Walang basagan ng trip Dagul, amin yang si Ben." Umakmang susuntok na si Abner. Hinintay kong dumampi ang kamao ni Abner sa mukha ko pero wala akong naramdaman. "Anong ginagawa mo Dagul?" nasa mukha ni Dagul ang kamao ni Abner. "Hindi ko hahayaang magkaron ng gulo dito. Kung gusto nyo, don nalang tayo sa labas."
Ang tapang talaga ni Dagul. Lima sila ngunit sigurado akong kayang kaya nya ang mga ito. Sa labas, pinalibutan na ng mga masamang loob ang aking bagong kaibigan. Nag aabang ako ng aksyon, pagkatapos nito ay siguradong mas magiging close pa kami ni Dagul. Unang sumuntok si Abner, tinanggap lamang ito ni Dagul. "Hindi na natin kailangan pang mag away," sambit nito na may halong panginginig. May tumadyak sa kanyang sikmura. Tinanggap niya rin ito at napayuko sa sakit. Inulan pa si Dagul ng mga suntok at tadyak pero hindi parin siya lumaban. "Ugh… Inuulit ko, ayoko na ng away. Huwag niyo nang sasaktan ang kaibigan ko." Mahinahon ang sagot ni Dagul. Sa unang pagkakataon ay napahanga niya ako.