Bili moko non bili moko nyan
Mula nang mauso ang PSP noong kalagitnaan ng year 2000, pinangarap na ni Earl ang magkaroon nito. Inggit na inggit siya sa isang kaklaseng si Neal na palaging dinadala ito at naglalaro ng karerang game tuwing recess.
"Ayoko nga! Baka madiin ka pumindot masira pa to. Bumili ka ng sa'yo!" sigaw ni Neal habang kinakapa ang matigas niyang buhok na naka gel nang subukang hiramin ni Earl ang pulang PSP.
"Pahiram lang eh…" bulong sa sarili ni Earl habang nakayuko; humaba ang nguso nito, nagsalubong ang kilay at lumakad papalayo upang hindi niya na makita o marinig pa ang tunog ng PSP.
Mula ng araw na iyon ay sumumpa si Earl na itatabi ang baon niyang limang piso kada araw upang makamit ang inaasam na gadget. Ang limang pisong pambili sana ng tinapay tuwing recess ay maingat niyang itinatabi sa isang lata ng Bonamil na ginawang alkansya. Clank!* clank* ang tunog ng alkansya na mistulang musika sa kanyang tainga.
Lumipas ang dalawang taon ay pinagtiyagaan ni Earl na mag ipon ng limang piso araw araw; halos hindi na mabuhat ang alkansya sa bigat. Kasabay ng pagbigat ng alkansya ay ang lubos na pangangayayat ni Earl. Payat na siya dati ngunit ngayo'y mukha na siyang paboritong kainin ng aso. Nagbunga ang lahat ng kanyang pagtitiis ng kalam ng sikmura na tubig lang ang laman. Ngayon ay makakabili na siya ng inaasam niyang PSP bagama't second hand lamang ito. Kinagabihan ay binilang nila ni aling Dolores ang laman ng alkansya, biruin mo ay umabot ito ng tatlong libong piso!
"Nay, okei na, mabibili ko na yung PSP mula doon sa Cebuana!" tuwang tuwang sabi ni Earl. Sa saya ay halos nangingilid ang kanyang mga luha.
"Oo nga anak. Bukas na bukas din ay sasamahan kita," tugon ni aling Dolores.
Maagang nagising si Earl kinabukasan at sabay nila tinungo ang kilalang pawnshop. Habang naglalakad sila sa daan ay nakasalubong niya ang kanyang kalaro na si Biboy.
"Uy tol san punta?" sabay litaw ng mga naninilaw at uka ukang ngipin. Mas salat pa ito sa buhay kesa kay Earl dahil hindi man lang ito nakatuntong ng grade one.
"Sa Cebuana, bibilin namin ni inay ang PSP!" sabay litaw ng mga ngipin na isa lamang ang kulang.
"Buti ka pa." Lingid sa kaalaman ni Earl ay pangarap makapagtapos ni Biboy ng kolehiyo upang maging isang pulis na pupuksa sa mga adik. Malabo pa ito sa hugas bigas. "Ano yung PSP?"
"Basta, makikita mo nalang, una na kami tol," hawak ang kamay ng kanyang ina ay binaybay nila ang init ng araw upang makarating sa destinasyon.
Malapit na sila sa kanilang destinasyon, naaamoy na ni Earl ay hitech na amoy at naririnig na rin niya ang surround sound ng PSP. Tumibok ng mabilis ang kanyang puso nang Makita ang karatula ng kilalang pawnshop.
"Sorry, we are under renovation"
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------
First Day of School
Excited na si Biboy sa first day of school. Hindi pa tumitilaok ang manok ay inihanda na niya ang kanyang bagong bag at pencil case na may mukha ni Shin Chan. Kahit malamig ang tubig sa drum ay agad agad siyang naligo.
"Brrr…!" kinikilig na sabi ni Biboy habang nagbubuhos ng malamig na tubig.
Tumutulo tulo ang kanyang sipon ngunit agad siyang nagbihis ng bagong planstang uniporme na medyo fit na sa kaniya. Habang sumisinghot singhot ay naghanda rin siya ng tinapay na may palamang peanut butter. Kinuha niya ang pomada ni Lolo Jerry at iniayos ang buhok ng gaya kay Rizal, ang idolo niya. Ipinilit niyang isuot ang black shoes na kagabi'y lubos niyang pinakintab gamit ang kiwi. Hindi niya rin nakalimutang isuot ang Dora niyang relos na kulay pink na bigay ni nanay Azon. Kinuha niya rin ang bente pesos sa ibabaw ng ref, pamasahe.
"Una na po ako!" excited na sabi ng bata sa mga tao sa bahay na natutulog pa. "zzzzz" lamang ang sagot nila.
Tangan tangan ang kaniyang baunan na may tubig at sandwich, tinahak ni Biboy ang medyo madilim pa na daan patungo sa abangan ng dyip. Katabi lamang ito ng post office. Lumuwa ang kaniyang mga mata nang makita ang karatula sa post office:
"Sorry, we're closed on Sundays"
---------------------------------------------------------------------------------------------------------------
Di na umabot
Huli na si Emboy sa trabaho. Nagtatrabaho siya bilang isang janitor sa isang factory sa Maynila.
"ahh, ahhh," lawit na ang dila ng binata sa hingal ngunit malayo pa ang kanyang destinasyon. Kabisado na niya ang pasirko sirkong daanan patungo sa trabaho.
"ay shet," agad itinali ni Emboy ang sintas ng kanyang sapatos na halatang imitation lamang. Tatlong minuto na lamang ang nalalabing oras.
"H-Hindi na ata ako aabot…" tumatakbo parin siya na may kaba sa dibdib. Kailangan niyang pumasok kahit ma late pa. Kailangan niyang makuha ang bale mula sa among intsik pambili ng gamot ng kanyang ina.
"Hindi nako mag ooverpass…" sabi nito sa sarili. Karipas muli siya ng takbo nang biglang may dumaang rumaragasang bus.
Hindi na nakabalik pa si Emboy sa kanyang ina.