"SERYOSO?" patiling tanong ni Ruby sa kaibigan. Sa talim ng tinging itinapon niya rito, kung nakakatagpas lang iyon ng leeg ay gumugulong na siguro ngayon sa sahig ang ulo nito.
"Ay, hindi. Joker lang ako. Trip kong magsayang ng oras sa pag-iisip ng pak na jokes," mataray na sagot ni Bianca. "Don't tell me na mag-iinarte ka pa. Beggars can't be choosers, you know. And FYI, walang masama sa raket na 'to 'no. Trabaho lang, walang personalan. Kita mo nga ako. May nabawas ba sa pagkatao ko? Wala naman, di ba? May na-gain pa nga ako. Isang yummy dyowa."
Pagpapa-picture ng hubad ang raket na tinutukoy ng kaibigan niya. Noong una itong makilala ni Ruby ay pareho silang crew sa isang fastfood chain. Hindi kalakihan ang sahod nila kaya may pagkakataong umuutang ito sa kanya dahil mahal daw ang maintenance drugs ng ina nito na may diabetes at nag-i-insulin. Todo kayod sila. Nag-o-overtime tuwing may pagkakataon para dagdag kita.
Pero bigla ay nawala ang kaibigan niya. Basta na lang na hindi ito pumasok at kapag tinatawagan ni Ruby ay out of coverage area ang naririnig niyang sagot sa telepono. Nag-AWOL ito ng bongga. Pati sa inuupahan nitong kuwarto ay umalis na si Bianca. Akala nga ni Ruby ay hindi na ito magpapakita pero isang araw, pagkatapos ng kulang-kulang tatlong buwan, ay tumawag ito sa kanya. Niyaya siyang magkita.
Ibang-iba na ang Bianca na natanaw niyang nakaupo sa couch ng coffeeshop kung saan silang nagkasundong mag-meet. May highlights ang buhok nito, naka-make-up at ang ganda ng porma. Malayo sa itsura nito dati na mukhang promdi na bagong luwas sa Kamaynilaan. Ang bilis nitong nagkuwento. May raket daw itong pinatulan, ang pagpo-pose ng hubad sa mga litrato.
"No choice, bes eh. Nagda-dialysis na si nanay. Kahit paano ko pagbali-baligtarin ang sahod ko eh hindi talaga kakasya," depensa nito sa naging pasya. "Sa raket ko, kung kaka-reer-in eh may mararating kahit paano ang kita. Konting dagdag na lang galing ke tatay eh mairaraos namin ang mga gastusin."
Hindi para manghusga si Ruby. Siya ay hindi pa ganoon kahigpit ang pangangailangan. May trabaho rin naman ang mommy niya. Clerk ito sa isang government agency at kung pagsasamahim ang kinikita nila ay mabubuhay sila ng maayos.
Mukhang sinuwerte naman ang kaibigan niya. Mas naging maganda ang buhay nito kesa dati. Kaya siguro kahit nang mamatay na ang nanay nito ay hindi na nito binitawan ang bagong pinagkakakitaan. Hanggang sa may magkagusto nga rito na isang kliyente, na kalaunan ay naging boyfriend nito.
"Wala rin namang makakakilala sa iyo kung ayaw mong magpakilala." Patuloy si Bianca sa pangungumbinsi sa kanya. "May suot na mask ang mga nagpapakuha ng hubad. Kapag pumayag ka sa special request ng client na makita ang fez mo eh saka lang nila malalaman ang itsura mo. Malaki ang dagdag sa TF mo kapag ginawa mo iyon. Ang bilis ng pasok ng datung dito, bes. Kesa sa pagwe-waitress ko na nakaka-varicose veins na eh halos kulang pa ang kita ko para sa lahat ng mga bayarin ko. Nangungutang pa 'ko dati sa five-six, di ba? Ang nangyari eh lalo pa 'kong nalubog sa utang dahil talong-talo ako sa interes."
Maganda nga siguro ang kita pero pakiramdam ni Ruby ay hindi niya kaya ang ginagawa ng kaibigan. Hanggang sa maaksidente ang mommy niya. Noon na naging pursigido si Bianca na kumbinsihin siyang sumabak na rin sa raket nito. Irerekomenda pa nga raw siya nito.
"Kumusta na nga pala si Tita?" tanong ni Bianca. "Lumutang na ba iyong nakabundol sa kanya?"
Umiling si Ruby. Mag-iisang linggo na sa ospital ang mommy niya, sa ICU, pero kahit isang lead sa kung sinong nakabundol dito habang patawid ito sa pedestrian lane ay wala ang mga awtoridad. May cctv nga sa pinangyarihan ng aksidente pero sira naman daw. Hindi rin na-plakahan ng mga nakakita sa pangyayari ang kotseng matapos umanong masapol ang mommy niya ay humarurot agad palayo.
"Eh iyong...lola mo? Nag-reply na ba doon sa email mo?"
"Hindi eh. Mukhang pinanindigan na niya ang sinabi dati kay mommy na ituturing na siyang patay."
Umahon ang pait sa kalooban ni Ruby. Until recently she didn't even know she has a grandmother. Ang sabi kasi ng mommy niya ay wala na silang malapit na kaanak. Ipinalagay niya na patay na ang lola niya na solong nagpalaki sa mommy niya dahil naghiwalay ito at ang lolo niya noon daw bata pa ang ina niya.
Inusisa dati ni Ruby kung bakit hindi nila dinadalaw ang lola niya, hindi kagaya ng mga kaibigan niya na nagbabakasyon pa kung minsan sa grandparents ng mga ito. Ang sabi ng mommy niya ay patay na ang mga ito.
Pero nang maaksidente ito ay may dumalaw sa mommy niya sa ospital na matagal nang kaibigan nito. Si Tita Frances. Nag-abot ito ng tulong sa kanya, pagpasensiyahan na raw niya at maliit na halaga lang iyon.
"Dapat siguro ay kontakin mo na ang lola mo," anito.
Nagulat doon si Ruby, nagtaka kung paano niya gagawin iyon.
"Tita, patay na siya," aniya.
Sandaling tumingin lang sa kanya si Tita Frances. Pagkatapos ay humugot ito ng hininga saka malamlam na ngumiti.
"Buhay pa siya, Ruby. At...mayaman siya." Sinabi nito ang pangalan ng lola niya. Dito na rin niya nalaman ang buong kuwento kung bakit nagkaroon ng gap ang mommy at ang lola niya. Naihinga raw ng mommy niya rito ang sama ng loob sa ina nito dati pa.
Galit daw ang lola niya dahil sinuway ng mommy niya ang utos nito na makipaghiwalay sa daddy niya noong una pa mang malaman ng lola niya ang relasyon ng mga ito. Pinagbantaan pa nga daw nito ang mommy niya na itatakwil kapag sumige ito sa pakikipag-relasyon sa daddy niya. Pinili ng mommy niya ang daddy niya. A wrong choice, it seems because he ended up leaving them.
"Subukan mong humingi ng tulong sa kanya. Matitiis ba naman niya ang mommy mo sa ganyang kalagayan niya?" udyok ni Tita Frances.
Agad naghanap ng impormasyon si Ruby tungkol dito sa internet. At namangha siya sa nalaman. Mayaman nga pala talaga ito. Nakapangasawa pala ulit ito ng isang negosyante at mula nang mamatay ang lalaki ay ang lola na niya ang humalili sa pamamahala ng kumpanya nito.
Ayaw man niyang magmukhang patay gutom na kaanak na namamalimos ng tulong ay nilunok na lang ni Ruby ang pride niya. Mag-isa siyang itinaguyod ng mommy niya. Silang dalawa lang ang magkasangga mula bata siya kaya para rito ay gagawin niya ang lahat. Agad siyang nagpadala ng email sa address ng kumpanyang pinapatakbo umano nito. Pero hindi siya ni-reply-an. Nangahas siyang tumawag sa mismong opisina ng kumpanya, hiniling na makausap ang lola niya, pero unavailable raw ito at hindi masabi kung kailan nandoon. Nag-iwan na lang siya ng message para rito.
Pakisabi na tumawag ang anak ni Rosanna Reynoso. Nasa ICU kasi si Rosanna. Kritikal ang lagay.
Wala siyang napala. Mukhang pinanindigan na talaga ng lola niya ang pagtatakwil sa mommy niya kung ganoong binale wala nito ang ganoong balita. It seems it is really up to her to look for a way to save her mother's life.
Noong isang araw ay kinausap siya ng doctor. Kailangang sumailalim sa brain surgery ang mommy niya sa tinamo nitong head injury. Kahit charity case ito ay malaki-laki rin ang halagang kailangan. May naipon sila ng mommy niya kahit paano pero sa gamot pa lang at sa mga tests na ginawa rito ay halos maubos na iyon, lalo at hindi naman kalakihan iyong naitabi nila.
Desperado na si Ruby. Lumapit siya kay Bianca kahit pa ang dami na rin nitong naitulong sa kanila. Nag-abot pa rin naman ito pero iyon lang daw ang makakayanan nito dahil bukod sa may sakit na rin ang tatay nito ay nagpapaaral pa ito ng kapatid. Noon na nga nito pilit ipinaliwanag sa kanya ang advantages ng pagpatol niya s raket nito. Tumanggi siya pero sa bandang huli, dahil wala na siyang maisip na iba pang paraan para magkaroon ng pera, ay pinatulan na rin niya ang suggestion ng kaibigan...