Chereads / SWEET BOOSTER / Chapter 17 - CHAPTER THREE

Chapter 17 - CHAPTER THREE

"Everything is okay now. Non-bailable ang kaso dahil isang heinous crime ang kidnapping at frustrated murder." Ani Atty. Magtanggol kay Violeta. Kasalukuyan siyang nasa law firm ni Atty. Magtanggol sa Makati. Personal niya itong pinuntahan upang pagusapan nila ang kaso niya at hayun ang napakaganda nitong balita.

Halos mapasuntok sa hangin ang babae dahil sa tuwa. Finally! After two months ay tuluyang nasakote si Mr. Chui. Isang buwan ng nakararaan ay naunang nadakip ang limang dumukot sa kanya. Tumugma ang cartographic sketch niya sa mga wanted dito sa Pilipinas. Involved din pala sa mga underground activities ang limang tao ni Mr. Chui dito sa Pilipinas. Nang mahuli sila, postibong itinuro ng mga ito ang matanda bilang mastermind na marami din palang kaso doon at isa na ang smuggling.

Labis ang kanyang pasasalamat sa lahat ng nangyari. Kundi dahil kay Cenon ay hindi mangyayari ng ganoon kabilis ang lahat. Salamat sa mga koneksyon nito. Tumestigo din ito dahil ito ang nakakita sa kanya. Maging si Michael din ay nagbigay ng statement at nagpatibay pa sa kaso dahil isa ito sa nakakitang pinaghahanap siya ng grupo nila Mr. Chui.

Gusto na niyang maiyak. Aba, hindi biro ang bangungot na dala ng grupong iyon sa kanya. Gayunman, sa ngayon ay masasabi na niyang matatahimik na siya at pinagpapasadiyos na ang lahat.

Napakurap-kurap siya para pigilang maluha. Huminga siya ng malalim. Sa wakas ay makakakilos na rin siya ng normal. Sa tuwing may mga guesting silang mga endorser ay hindi siya nagtatagal. Nauunawaan naman iyon ng Refreshed Asia dahil nakarating na sa mga ito ang nangyari sa kanya. Gayunman, dahil isa siyang icon ay nagingat din siya sa media. Maaari kasing makasira iyon sa imahe niya. Si Atty. Magtanggol din ang umayos ng lahat. Maging ang plano niyang pagbalik sa Taiwan para makipagayos sa AXA ay hindi na rin niya nagawa dahil sa nangyari at balak niya iyong ayusin kapag nagkaroon siya ng oras.

Ni hindi niya napasyalan si Cenon dahil na rin mahigpit ang bilin nito at ni Atty. Magtanggol. Gayunman ay regular ang balitaan nila nito sa telepono at kinukumusta. Pero madalas ay nanghihinayang siya dahil gusto pa niya itong makausap ng matagal. Si Cenon kasi ay madalas magpaalam agad dahil may mga gagawin pa daw ito. Animo'y nahihiya na hindi niya mawari o umiiwas na magtagal sa cellphone.

"Thank you, Atty.," aniya sa abogado at napahagod sa ulo. Bigla siyang natuliro! Speaking of Cenon, dapat din niya itong pasalamatan!

Bumilis ang tibok ng puso niya. May kalayaan na siyang puntahan ang lalaki. Ilang beses ba siyang nagtangkang puntahan ito para kumustahin ng personal at magpasalamat? Kulang ang pasasalamat niya sa presinto noon. Matapos ang pagkikita nila noon ay agad niyang pinuntahan ang orthopedic na nirekomenda nito. Sa ngayon ay magaling na ang paa niya dahil naituloy ng doktor ang medication niya.

"G-Gusto kong puntahan si Cenon. I want to thank him personally," pigil hiningang saad ni Violeta.

Kumislap ang mata ng abogado. Saglit siyang tinitigan nito. Tila natuwa sa sinabi niya hanggang sa tumikhim ito kapag daka. "You should be. Malaki ang naging parte niya dito. He's… your hero,"

Napangiti siya. Kulang ang sabihing 'hero' si Cenon. Hindi siya nagdalawang salita dito. In fact, she didn't even utter any word to ask some help. Ito mismo ang nagalok ng kamay para bumangon siya. At naniniwala siya na kaya nito nagawa iyon ay dahil nais nitong tumulong. He was a doctor. It runs in his blood to help people.

"He's in Eternal Garden. Puntahan mo na siya. And don't forget to bring pizza. He loves it. Madalas niyang ino-order iyon kapag kumakain kami sa labas." anito saka bahagyang natawa.

Ngumiti siya dito at nagpasalamat muli bago ito iniwan. Tila may pakpak ang kanyang mga paa dahil sa labis na tuwa. Halos hindi na niya napansing nakarating sa sariling sasakyan. Agad siyang lumulan at nagpunta sa isang pizza parlor. She ordered two boxes of ten inches pepperoni pizza. After that, she headed to Eternal Garden.

Apat na oras din ang naging biyahe niya. Alas tres na ng hapon siya nakarating sa Eternal Garden. Magaan ang kanyang pakiramdam. Hindi siya nakaramdam ng pagod sa biyahe. Hindi niya maunawaan ang pagkasabik dahil sa ihahatid na magandang balita at muli nilang pagtatagpo ni Cenon. Bumilis ang tibok ng puso niya ng matanaw ang malaking sementadong arko ng Eternal Garden na dating hindi niya napansin dahil na rin sa pagkatuliro.

Napahinga siya ng malalim para pakalmahin ang pusong nagririgodon. Sa lahat ng lugar, iyon na siguro ang madalang puntahan ng isang tao. Kahit gaano pa kaganda iyon, sementeryo pa rin iyon. Kalat ang berdeng Bermuda grass. Halos naiiwan sa hangin ang amoy ng bulaklak at kandila. May mga lapida na rin sa halos lahat ng lawn lots.

At sa lahat ng iyon ay hindi siya nakakaramdam ng takot o kilabot. Because that place symbolizes her second life. It gave her peace too. Doon siya nakahanap ng karamay. Nandoon ang taong hinangaan niya at tiningala dahil na rin sa kagitingan nitong makialam sa kaso niya. Nandoon si Cenon: ang anghel na hindi nagdalawang isip na iabot ang palad sa kanya para makatayo at labanan ang takot niya.

"Magandang hapon. Nasaan si Cenon?" ani Violeta pagkahinto sa tapat ng guardhouse. Agad siyang ngumiti ng makita si Michael. Biglang nanlaki ang mga mata nito ng makilala siya. Agad siya nitong pinapasok at ni-radyo si Cenon na nandoon siya.

Pinapasok na siya nito at nagmaneho siya ng dahan-dahan. Napahinga siya ng malalim. Lalong dumagundong sa kaba ang puso niya. Ilang minuto pa siyang nagmaneho nang makita ang malaking fountain na siyang nagsisilbing rotonda sa loob niyon. Sa kaliwa noon ay tutumbukin ang mga parking lots at doon siya nagtungo.

Matapos mag-park ay siniguro muna niyang presentable siya at maayos. Nang makuntento sa itsura ay lumabas na siya ng sasakyan habang bitbit ang dalawang kahon ng pizza.

"Ano'ng atin? Napasugod ka yata?"

Agad siyang napalingon sa kanan at nakita niya si Cenon na papalapit sa kanya. Mukhang galing ito sa tinitirhan nito—sa hilagang parte iyon ng Eternal Garden. Mapuno sa parteng iyon at hindi napapansin agad na mayroong maliit na bahay doon dahil tago saka nasa pinakasulok.

Umalon agad ang puso niya. Napakaguwapo pa rin nito. Dalawang buwan din niya itong hindi nakita magmula noong makauwi siya. Tila mas lalo pa itong naging guwapo sa paglipas ng mga araw. Hindi nakabawas sa kaguwapuhan nito ang simpleng polo shirt at maong pants na suot nito. Tila mas lalong nakadagdag sa karisma nito ang kasimplehang iyon.

"Hi! I brought some snack." Nakangiting bati niya rito at agad na lumapit.

Biglang nailang ito. Mukhang hindi sanay na dinadalaw. Bahagyang namula ito. Lalo siyang napangiti. He suddenly changed. From a mysterious handsome, he became a boy next door cutie.

"Hindi ka na sana nagabala pa." nahihiyang saad nito.

"But I insist. Come on. Maliit lang ito kumpara sa mga nagawa mo. Guest what? Everything is okay now. They caught all the kidnappers. I am finally free!" excited na balita niya rito.

Napasinghap siya ng hakawan ni Cenon ang magkabilang balikat niya. Maingat. Mainit ang palad nito. Naging rason kung bakit lalong naging eratiko ang pagtibok ng kanyang puso. "Really?" natutuwang tanong nito. Tila nahawi ng sandaling iyon ang pagkailang nito.

Muntik na niyang mabitawan ang pizza kundi lamang naging maagap ang utak niyang pagsabihan siyang umastang natural sa harapan ni Cenon. Ngumiti lang ng simple si Cenon, nanlambot agad ang mga tuhod niya. Paano'y ang guwapo na agad ng dating noon sa kanya. Lumabas ang mapuputi at pantay nitong ngipin. At dahil sa pagkakalapit nila, doon niya napansin ang mababaw na uka nito sa baba na siyang nagpadagdag sa kaguwapuhan nito.

"Yes. Kanina lang ako nasabihan ni Atty. Magtanggol at sa tuwa ko, pinuntahan kita ng personal para magpasalamat sa lahat. Kulang ang pizza sa lahat ng mga nagawa mo, Cenon. At kundi mo pa tatanggapin ang maliit na bagay na ito. Magtatampo ako sa'yo," pigil hiningang paliwanag niya habang hindi na niya alam kung saan titingin sa mukha nito. Nakakatukso ito. Kung mapapatingin siya sa labi nitong mapupula, tila naeenganyo siyang lasapin iyon. Kapag sa baba naman ay tila nais niyang pisilin iyon.

Bahagya itong natawa at kinuha na ang kahon. "Okay then. Huwag ka ng magtampo. Ang layo ng binyahe mo para sa pizza na ito. We should eat this now, okay?"

Ngiting-ngiti na siyang tumango dito. Inaya na siya nito sa clubhouse at doon sila nito kumain. Pinatawag din nito ang mga tauhan at maging si Michael. Natuwa din ang guwardya ng malaman nito ang mga nangyari sa kidnappers.

"Hindi naman sa pinaalis na kita pero baka gabihin ka sa daan," ani Cenon ng matapos silang magmeryenda. Four thirty na ng oras na iyon at nauunawaan niya. Iniisip lamang nito ang kalagayan niya. Gayunman, nakadama siya ng panghihinayang. Pakiramdam niya, bitin na bitin siya sa kwentuhan nila.

And that would be the last time she might saw Cenon. Wala na siyang dahilan para puntahan pa ito. Nakakulong na ang lahat ng kidnappers at isasampa na sa korte ang kaso. Bigla siyang nalungkot sa reyalisasyong iyon.

"Sige. Salamat ulit sa lahat." Aniya rito saka tumayo na. Huminga siya ng malalim. Pilit na pinagaan ang pamimigat ng dibdib.

Sinamahan siya nitong muli sa parking lot at pagdating doon, magalang nitong kinuha ang susi ng sasakyan niya saka siya pinagbuksan. Natunaw ang puso niya sa aksyon nito. Buong buhay niya ay wala pang gumawa noon sa kanya. Sa propesyon niyang halos puro lalaki ang nakakasalamuha ay never naging ganoon ang trato sa kanya.

Kaya hindi siya sanay na mayroong lalaking nagpapaka-gentleman para sa kanya. At ang bangyagang eksenang iyon ay naghatid ng kakaibang init sa puso niya. Doon niya kasi natuklasang masarap sa pakiramdam na trinatrato siya bilang babae na dapat alagaan.

"Take care, okay?" bilin nito sa kanya ng lumulan siya sa sasakyan.

Napangiti siya. Lalong kinilig sa pagiging maalalahinin nito. "You too." aniya kay Cenon saka sumakay. Muli siyang napatingin dito. He was looking at her intently too. Kumabog ang dibdib niya sa titig nito. His eyes made her uneasy, it made her heart fell giddy. Ilang sandali pa ay napahinga ito ng malalim saka umurong. Mukhang binibigyan siya ng espasyo sa kanyang pagmamaneho.

Pero siya ay hindi na kayang pigilan pa ang lahat ng iyon. Kahit kumakabog sa kaba ang kanyang puso ay dali-dali siyang bumaba at kinintalan ng halik sa pisngi ang lalaking nabigla.

Dali-dali rin siyang sumakay sa sasakyan at pinasibad iyon. Sa daan ay halos masakal na siya sa kaba. Napasigaw pa siya para pagaangin ang dibdib hanggang sa napahalakhak! Isa siyang pangahas! Ang lakas ng loob niyang bigyan ng halik si Cenon! Ah, hindi niya masukat kung gaano siya kasaya ngayon.

"I should really see him again. I like that guy… really…" amin ni Violeta sa sarili at napangiti. It wasn't really hard to like an angel. Aba'y taglay na ni Cenon ang lahat ng gusto ng isang babae: mabait, guwapo, edukado, simple, matulungin at maalalahanin. Natitiyak din niya na bukod sa mga katangiang kanyang nakita ay marami pang magandang katangiang itinatago si Cenon.

Napangiti siya sa naisip at lalong nasabik sa muli niyang pagbabalik sa Eternal Garden.

*

***

"BOSS, NANDITO si Ma'am Violeta. Pinapasok ko na po at gusto daw kayong makausap," ani Michael. Napabuntong hininga si Cenon at kinuha ang radyo na nakapatong sa isang bench malapit sa puntod na kanyang kinauupuan.

"Okay. Salamat. Pupuntahan ko na lang siya sa parking lot," sagot niya saka pinatay ang radyo. Napaisip siya. Ano pa kaya ang kailangan ni Violeta at binabalikan pa siya? Halos isang buwan na itong pumapasyal doon. Laging may dalang meryenda at saglit na makikipagkuwentuhan.

It really amazed him. Gayunman, nahihiya na siya sa pagdayo nito at hindi naman niya magawang itaboy dahil tao itong nagpupunta doon. Galing pa ito ng Maynila at apat na oras ang binabyahe. She said she enjoyed long drive. Kaya walang kaso rito kung everyday itong magbiyahe. Sanay na daw ito.

Pero siya ay hindi mapakali sa lahat ng iyon. Pakiramdam niya, kapag nagpatuloy pa ang babae sa pagpunta doon ay may magbabago. May mangyayaring hindi aayon sa kanyang mga plano at… pangako.

"She's here again," anas niya at napatingin sa lapida. Muli siyang napabuntong hininga. Saglit niyang pinagmasdan muli iyon saka tuluyang umalis para puntahan si Violeta. Nakapagdesisyon na siya: kakausapin na niya ito para tumigil na ito sa pagdalaw-dalaw. Sana lang ay huwag itong magtampo o masaktan dahil hindi rin magaan sa kalooban niyang pasamain ang loob nito.

Natagpuan niya itong kabababa lamang mula sa itim nitong Chevrollet. He knew her chevvy was modified. Hindi na siya magtataka pa sa bagay na iyon. It seems Violet really love cars. Modified particularly. And just like she always does, may dala itong dalawang kahon ng pizza at may softdrinks. Agad niya itong nilapitan at inalalayan.

"Hi again!" nakangiting bati nito at lalong lumuwang iyon sa pagkakalapit nila. Nakalarawan ang paghanga sa mga mata nito, bagay na ikinaiilang niya. sino bang hindi maiilang kapag ganito kagandang babae ang tumititig sa kanya ng ganoon? Lalaki siya at naapektuhan. Pero dahil isa siyang maginoo, sa huli ay sinusuway niya sarili.

Saglit siyang napatitig sa labi nitong namumula. Walang bahid ng make up ito pero napakaganda pa rin. Malayo na ang itsura noon na puno ng takot ang mga mata at haggard pa noong una sila nitong nagtagpo. Ngayon, mukhang laging fresh ito. Tila hindi pinapawisan at laging kay bango.

Ilang beses na niyang naamoy ang mabangong halimuyak nito sa pagkakalapit nila. Bangong ilang beses na nagpasira ng kanyang ulo at nagtawid ng kakaibang kiliti sa kanyang imahinasyon… bangong ilang beses niyang pinanggigilan pero sa huli ay sinuway niya ang sarili.

Ang kung anumang damdaming pumupukaw sa kanya ay ibayong kontrol ang ginagawa niya. Dahil batid niyang makakasira iyon sa lahat ng mga bagay na sinimulan niya…

Napabuntong hininga siya ng maalala ang lahat. He tried to calm himself. Pilit niyang isinelyong muli ang madidilim na kahapon at hinarap si Violet. "Hindi naman sa ayaw kitang nagpupunta dito, ano? Tutal, nasa korte na ang kaso, ligtas ka na at nakapagpasalamat ka na ng maraming beses, sapat na iyon sa akin. Ayoko namang maabala pa kita," paliwanag niya dito. Halos manikip na ang dibdib niya. Sa kabilang banda, nakakalungkot na hindi na ito magpapakita sa kanya. Kapag ganoon ang nangyari ay hindi na niya maririnig ang masayang bati nito at makikita ang mga ngiti nito.

Bagay na tama lamang dahil kapwa sila walang lugar sa buhay ng isa't isa. He was destined to stay in that place forever. Eternal Garden was a safe place for him. Malayo iyon sa lugar ng mga taong kinamumuhian niya.

"Ano ka ba? Hindi mo ako naabala. Promise. Bago naman ako nagpupunta dito, tapos na ako sa mga lakad ko kasama ang Sweet Booster ladies. Pati ang mga report sa akin ng mga tao ko sa Taiwan para sa negosyong namin doon, inaayos ko muna bago ako magpunta dito. Ayoko naman na mamasyal na may mga iniisip akong pendings. Hindi ako makakapagmaneho din ng maayos kapag ganoon," paliwanag nito.

"Pero—"

"Malapit na akong magtampo, ha. Umuuwi naman ako agad kapag pinauuwi mo ako, ngayon ayaw mo naman na akong magpunta dito," anito saka naupo sa hood ng sasakyan nito. humalukipkip at tumingin sa malayo.

Shit! Nayanig ang puso niya. Ayaw niya itong magtampo! Nang makita niyang nawala ang kislap sa mga mata nito at nalulungkot, naturete siya. God, he couldn't believe how Violeta affects him. Gusto na niyang iuntog ang ulo dahil biglang nabuway ang solidong desisyong huwag na itong pumunta doon dahil sa kalungkutan nito.

"N-Nagagalit ba ang girlfriend mo?" simpleng usisa nito.

Saglit siyang nagalangan kung sasabihin ba niya ang buong katotohanan dito hanggang sa napabuntong hininga na lamang siya. Nandoon pa rin ang pagalinlangang sabihin ang mga ganoong bagay kay Violeta dahil hindi pa naman niya ito lubos na kilala.

Napailing siya. "Wala akong girlfriend. It was just that—"

Mukhang natuwa ito. Her eyes sparkled and he was amused. She was so transparent. He was really amused. "O, iyon naman pala. Wala naman palang magagalit."

Napangiti ito at kung anumang balak niyang pangungumbinsi dito ay naiwan sa kanyang lalamunan. Papaano pa niya magagawang magsalita na mga bagay na makakapagpabura ng ngiting iyon? Parang ang sama-sama niya kapag ginawa niya iyon. Napabuntong hininga siya.

Doon ito biglang tumayo. Bigla rin siyang napatayo. Bigla siyang nataranta. What he felt that time made his heart go crazy. He realized how dangerous Violet for him. May kakayahan itong gibain ang disposisyong binuo niya sa loob ng limang taon. Sa loob lamang ng ilang linggo na nagkikita sila ni Violeta, nagawa nito iyon sa kanya. it was really disturbing him. "Violet—"

"Babalik ako," anito saka siya kinindatan at ibinigay na sa kanya ang mga dala nito. Ngumiti naman ito ng matamis bago tuluyang umalis.

Siya naman ay napabuntong hininga na lamang hanggang sa napakamot ng ulo. May bumangon na pagasam sa puso niya dahil sa pangako nitong agad niyang inignora. He shouldn't entertain that kind of feelings. Lalo lamang siyang mapapahamak.

Napaungol na lamang siya dahil doon. He sighed. Naiisip pa lang niya kung papaano ito itataboy sa mga susunod na araw ay napapagod na siya. Hindi lang dahil sa kakaisip kung papaano ito mahihintuin kundi na rin dahil sa pagpapaalala sa sariling itigil ang mga 'disturbing feelings' na iyon.

Lalo siyang napabuntong hininga.

****

"HALA , SIGE. Hindi magkandaugaga ang isang tao d'yan," hindi mapigilang komento ni Raz nang mabagsak ni Violeta ang katala. Nagpaalam kasi siya ritong aalis din agad pagkatapos nilang ayusin ang sasakyan niya. Minor lang naman iyon kaya batid niyang saglit lang iyon. Pero kahit saglit lang iyon ay excited na siyang bumiyahe. Sa sobrang pananabik niya, kanina pa siya nakakabagsak ng gamit! "Natatawa ako sa'yo. Wala ka namang patay doon pero dalaw ka ng dalaw sa Eternal Garden," tudyo nito.

Natawa siya at ibinalik ang tools sa kahon saka ito hinarap. "Hindi naman patay ang pinupuntahan ko doon kundi buhay!"

Natawa na rin ito saka ibinaba ang hood ng sasakan niya. "Ano? Malapit ka na bang sagutin?" kantyaw nito.

Naginit ang mukha niya. "Sira." Aniya rito saka bahagyang natawa. Mahigit isang buwan na siyang pumapasyal sa Eternal Garden para makipagkwentuhan. Dinadaan na lamang niya sa chika ang pananahimik ni Cenon. Magmula ng pagsabihan siya nito ay ganoon na ito. at kung inaakala nito na matataboy siya nito sa cold treatment na iyon, nagkakamali ito. sinisikap niyang huwag maging makulit para hindi ito mainis sa kanya.

She really liked him. Inaamin na niya kaya dinadayo niya ito. She wanted to see him. Wala namang masama dahil sabi nga nito, wala naman itong nobya. Sa kabilang banda, dahil sa kadaldalan niya ay napagsasalita pa rin niya ang lalaki. Tanong kasi siya ng tanong dito tungkol na malugod naman nitong sinasagot.

"Huu! Ikaw, ha? Attached ka na sa hero mo na 'yan. Pero bilib ako sa kanya. Ang lalim ng ginawa niyang pagtulong," komento nito.

Napangiti na siya. Masisisi ba siya? Aba! Isang malaking hindi ang sagot! Gayunman, maging ang kaibigan ay bilib din kay Cenon—na bagay na hindi madalas mangyari. Mahirap i-please ang kanyang kaibigan. Perfectionist kasi ito at matalino. Kung ilag na ang karamihan ng lalaki sa kanya, mas lalo na kay Raz. Pranka din kasi ito.

"Kaya nga lagi pa rin akong nagpupunta doon. Hangga't nandito ako sa Pilipinas, hindi ko kakalimutang dalawin si Cenon. Kaya alam mo ng hindi ko siya nililigawan kundi tumatanaw lang ako ng utang na loob," aniya.

"Okay. Go now. Baka tamaan ka pa ng kidlat dito," biro nito.

Natawa siya. Mukhang hindi naniwala sa paliwanag niya. "Seriously!"

Natawa na rin ito. "Alam ko na, Bullet. Hindi mo pa sinasabi, alam ko na. Gusto mo ng makita 'yung tao kaya lakad na!" biro nito. Ganoon ang taguri nito sa kanya. 'Bullet' dahil para daw siyang bullet sa bilis ng patakbo ng sasakyan.

Napahalakhak na siya sa kaibigan at ilang sandali pa ay tumalima na siya. Tuluyan na siyang umalis pa sa talyer. Sa daan ay pangiti-ngiti siya. Araw ng sabado at maaga siyang nagpunta sa bagsakan bago siya nagpunta sa talyer ni Raz sa Laguna. May dala siyang maliit na ice box sa compartment at may mga tilapia iyon. Gusto niyang magihaw sila. Lalo siyang napangiti. Tamang-tama kasi iyon dahil hapon na ang pagdating niya doon. Sakto sa hapunan kapag natapos na nilang inihaw iyon.

Ilang sandali pa ay tanaw na niya ang arko ng Eternal Garden. Muling nagsirko ang puso niya. Halos hindi na siya makahinga. Ang mga paru-paro sa kanyang sikmura ay nagkakalampagan ng pagkalakaslakas! Ah, kinalma niya ang sarili.

"Si Cenon?" nakangiting tanong niya kay Michael.

Agad itong ngumiti sa kanya. "Nasa clubhouse po, Ma'am. Katatapos lang po ng libing at kasama po niya ang ilang kamaganak noong namatay. Tuloy lang kayo at magra-radyo na lang ako sa kanya,"

Tumango siya. "Sige. Pakisabi, sa bahay na lang ako maghihintay,"

"Sige po, ma'am," Ani Michael.

Nakangiti siyang tumalima. Agad na siyang dumiretso sa kubo at matyagang naghintay kay Cenon. Limang minuto ang lumipas ng doon niya ito mamataan.

Napatayo siya at agad na sumasal ang tibok ng puso niya. Awtomatikong kumilos ang kamay niya para hagurin ang buhok at isinuksok sa tainga. Muli siyang naging conscious sa sarili kung maayos ba siya o… hindi amoy grasa.

Napamulagat siya sa naalala at napatingin sa kamay. Napangiwi siya ng makita ang bahid ng grasa doon. Nakalimutan niyang maghugas ng kamay dahil sa sobrang pananabik niya kanina!

Sa naalala ay bigla niyang nakapa ang noo. Napa-shit siya ng maraming beses sa isip dahil batid niyang may bahid ng grasa ang kanyang noo. Medyo sariwa pa ang grasa niya sa kamay. Baka mamaya ay mukha na siyang ati-atihan! Hindi na niya maalala kung napahawak siya sa pisngi o alinmang bahagi ng kanyang mukha. Pero sigurado siya sa noo at buhok…

Oh no…