Chereads / SWEET BOOSTER / Chapter 15 - CHAPTER ONE

Chapter 15 - CHAPTER ONE

"Please, Raz…. Answer the god damned phone…" nanginginig na anas ni Violeta Ortega. Gayunman, sa loob ng ilang ring na hindi nito nasagot ang cellphone ay nanlumo na siya. It was literally a matter of life and death.

Pawisan siyang napadausdos paupo sa ugat ng punong kahoy. Taas baba ang kanyang dibdib dahil sa labis na pagod kakatakbo. Halos sumabog na ang puso niya dahil sa labis na takot at kaba. Natutop niya ang bibig ng marinig ang mga yabag ng mga taong humahabol sa kanya. Pakiramdam niya, sa ganoong paraan ay hindi siya madarama ng mga ito.

"Hanapin ninyo! Kung kinakailangan baligtarin natin ang gubat na ito, gawin natin. Tayo ang malilintikan kay Mr. Chui kung hindi natin siya maihaharap!" galit na sigaw ng isang lalaki. Sa pagkakatanda niya, boses iyon ng pinaka-leader ng mga goons na kumidnap sa kanya.

Two months ago, she became a product endorser of Sweet Booster Energy Drink. Na-discover siya dahil napabilang siya sa mga kababaihang kabilang sa male-dominated fields na itinampok ng Balitang K sa isang episode nito. Isa siyang drag racer sa Taiwan. Namana niya ang hilig sa karera sa ama.

Dating sikat na drag racer ang kanyang ama sa buong Asya. Ito ang kinilalang 'drag racing king' ng mga sikat na racing spot sa bawat bansang kabilang doon. Gayunman, sa kasamaang palad ay iginupo ito ng isang sakit at namayapa na tatlong taon ng nakararaan.

Ang kanyang ina naman ay kasama ang kanyang ate sa Pilipinas. Sa edad na pitong taon ay hiwalay na ang kanyang mga magulang. Siya ang isinama ng ama at ang ate Venus niya na matanda sa kanyang ng dalawang taon ang naiwan sa kanyang ina. Gayunman, sa kabila ng lahat ay nanatili ang kanilang komunikasyong maganak. Wala siyang sama ng loob sa ina dahil madalas naman siya nitong kumustahin. Ang paliwanag sa kanya ng ama, sadyang hindi lang daw sila magkasundo dahil sa hilig ng ama.

Pero dahil ang kanyang ama ang nakasama niya at nakita niyang hindi naman ito masamang ama—dahil buwan-buwan itong nagpapadala ng sustento pa rin sa kanyang ina at kapatid saka nangangamusta—ay hindi siya nagalit dito. Kahit papaano ay nakita niyang hindi nito tinalikuran ang obligasyon. Siya rin ay hindi pinabayaan nito. Kung nasaan ang karera ay nandoon din siya. Never siya nitong iniwan sa kung saan.

Kaya sa loob ng labing pitong taon ay naikot na niya ang halos buong Asya. Sa Taiwan lang talaga sila nag-settle down ng ama dahil nagkasakit ito. Nagkaroon ito ng cancer sa baga at dalawang taon ding pinahirapan. Doon na rin siya nagsimulang makisabak sa karera para ipagpatuloy ang sinimulan nito. She was his legacy after all.

At dahil naturuan siya ng ama ng mga techniques sa karera at nakabisado ang Mt. Haruna—ang kilalang bundok para sa at racing spot ng Taiwan—ay naging matunog ang kanyang pangalan. Hindi lang iisang grupo ng mga racing team sa Taiwan ang tinalo niya, maging ang magagaling na racer ay nilampaso niya.

Bagaman legal ang racing na iyon—dahil kontrolado iyon ng isang legal na organisasyong AXA Motor Sports Club na may layuning protektahan ang lahat ng nangangarera at maging organisado—ay hindi maiwasang magkaroon ng malalaking pustahan. Mahigpit na pinagbabawal iyon ng organisasyon ngunit sumige siya. Aaminin niya, bahagya siyang nasilaw sa pusta. Hindi pa man din niya hawak ang perang panalo, naisip na niya kung saan dadalhin iyon: kundi ipang-i-invest sa Raz Motors at magdadagdag ng pondo sa ilang negosyong iniwan ng kanyang ama.

Doon niya nakilala si Mr. Chui. Sponsor ito ng Street Knights, ang grupo ng mga sikat na drag racer sa Taiwan. Milyon ang ipinusta nito sa laban nila at tinalo niya ang manok nito.

Hindi nito matanggap ang pagkalugi. Noong nasa Taiwan siya ay ginugulo siya nito. Pinipilit kuhanin ang milyong napanalunan niya. Nalaman iyon ng AXA at nakiusap siyang huwag tanggalan ng membership. Humingi siya ng maraming pasensya sa mga ito pero gaya ng inaasahan ay tinanggal ng mga ito.

Mabuti na lamang ay dumating ang mga taga-Balitang K para interview-hin siya at ginamit niya ang pagkakataong iyon para makatakas kay Mr. Chui at magpalamig sa AXA. Umaasa siyang sa pagbalik ay muli siyang pagbibigyan ng grupo. Umasa din siyang hindi siya masusundan ni Mr. Chui sa Pilipinas at umuwi sa kanyang ina.

Naging maayos naman ang lahat sa kanyang paguwi. Ilang linggo din ang binilang niya, nahanap siya ng Refreshed Asia, isang kilalang food and beverages company sa buong Asia. Kinuha siyang maging product endorser ng mga ito dalawang buwan ng nakararaan. She became an icon of Sweet Booster Energy Drink, the Violet Dew flavor. She was also known as 'Bullet' because of her remarkable speed. At mukhang dahil sa commercial niya ay natunton siya ni Mr. Chui.

"Dapat yata sa babaeng iyon, nilulumpo. Hindi lang mabilis sa karera kundi mabilis pang tumakbo!" reklamo ng isang lalaki. Sa pagkakatandan niya, ang boses na iyon ang dumukot sa kanya matapos ang presscon nila sa Hotel Peninsula. Papasakay siya sa sariling sasakyan ng takpan nito ang kanyang bibig at sapilitang isakay sa isang puting van.

At dahil nawindang siya sa buong pangyayari, ang inisyal na reaksyon niya ay magwala sa takot kaya nasampal siya. At dahil sa lakas noon ay nawalan siya ng malay. Nagising na lamang siya ng nasa Laguna na sila. Base iyon sa naririnig niyang usapan ng mga kidnappers. Gayunman, hindi muna siya nagpahalatang nagising upang makarinig ng mga impormasyon hanggang sa natuklasan niyang si Mr. Chui nga ang may pakana ng lahat. Papunta na ito sa Pilipinas para harapin siya at alam niyang hindi siya bubuhayin ng mga ito.

Dinig na dinig niyang sinabi iyon ng pangit na leader ng mga kidnappers. Isa daw siyang tinik sa racing world. Ganoon ang tingin ni Mr. Chui sa kanya: isang peste na sisira sa mga alaga nitong mangangarera.

Hindi na siya magtataka kung bakit galit na galit si Mr. Chui. Actually, halos lahat naman ng natatalo niya ay naiinis sa kanya. Kababae niyang tao, lakas-loob niyang binabangga ang mga malalaki at bigating racing team. Confident siyang kaya niyang labanan ang mga iyon. Her father said she was gifted. Two weeks lang ay nakakabisado na niya ang track kahit gaano pa karami ang kurbada noon.

Another thing was, she have the best racing car. Ang nag-assemble noon ay si Raceli Daquigan o mas kilalang Raz. Naging kaklase niya ito sa Japan noong mapadpad sila ng kanyang ama doon noong labing anim na taong gulang siya. Ito ang masasabi niyang pinakamalapit na kaibigan. Agad sila nitong nagkasundo dahil kapwa nila hilig ang mga sasakyan. Kapwa sila nito nangarap noon na siya ang magmamaneho ng mga pangkarerang sasakyang gagawin nito.

Kaya kahit nagkalayo silang muli bago matapos ang huling taon niya ng high school sa Japan ay ipinagpatuloy pa rin nila ang kanilang mga pangarap. Umalis kasi sila ng kanyang ama dahil kailangan nitong makipagkumpetensya sa Singapore. Si Raz naman ay umuwi sa Pilipinas dahil namatay ang lolo nito at hinawakan ang mga naiwang negosyo nito. Regardless of everything, their friendship remains intact. Madalas silang magkumustahan at magtawagan.

They both graduated Mechanical Engineering. Naging forte ni Raz ang mga paga-assemble ng mga pangkarerang sasakyan at siya nga ay naging racer. Ang pangkarerang sasakyan niya ay sa Taiwan na mismo binuo ni Raz kasama ang mga maasahan nitong mga tao. She owns Raz Motors, ang pinakamalaking pagawaan ng mga sasakyan sa Laguna at kaliwa't kanang car accessories at car services kaya hindi naging imposible iyon. Buwan-buwan din itong nagpupunta ng Taiwan para tingnan ang maintenance ng kanyang sasakyan.

At wala ito ngayong kailangan niya. Kumabog ang dibdib niya ng makarinig ng mga yabag. Swerte na nakuha niya ang kanyang cellphone ngunit ang kanyang bag ay naiwan sa sasakyan. Batid niyang hindi niya iyon mababalikan anumang oras pa. Hinahalughog ng mga kidnappers ang masukal na gubat. Sa pagkakaalam niya ay nasa Quezon na sila. Nadinig niyang doon ang tungo nila sa isang rest house ng kaibigan ni Mr. Chui. Saglit na pumarada ang grupo sa isang gasolinahan para manubig at maggalosina. Nang maiwan silang dalawa ng driver ay nakuha niyang kalasin ang tali sa kanyang mga kamay at paa saka nakatakas. She ran like hell. Walang lingon likod. Walang sigaw ang nakakapagpatigil sa kanya. Aramado din ang mga ito ngunit hindi ginamit iyon para marahil hindi makatawag ng pansin. All that matters to her was to save her life…

"Hanapin ninyong maigi! Hindi pa nakakalayo iyon!" sigaw ulit ng pangit na lider.

Bigla siyang nanginginig ng marinig na tila malapit na ang tinig na iyon sa kanyang kinalalagyan. Noon lamang siya natakot sa buong buhay niya. Halos maihi na siya sa takot. Halos matawag na niya ang lahat ng santo para gisingin siya sa masamang bangungot na iyon!

Pero pinilit niyang pinagana ang isip. Hindi maaaring nandoon lamang siya at maghintay sa maaaring mangyari. Kailangan niyang kumilos! Buhay niya ang nakasasalay doon!

Kusang kumilos ang kanyang mga paa ng makarinig ng mga yabag papalapit sa kanya. Agad siyang kumaripas ng takbo. Sinugod niya ang kadiliman at masukal na gubat. Wala siyang pakialam sa mga galos na natatamo sa matutulis na sanga ng mga punong kahoy. Walang ibang mahalaga ng sandaling iyon kundi ang makatakas siya.

"Hayun! Bogart! Habulin mo! Huwag mo munang paputukan at kailangan natin siya ng buhay!" sigaw ng isang lalaki.

Tiim bagang niyang binilisan ang takbo. Parang hindi na sumasayad ang kanyang paa sa lupa dahil paspasan ang kanyang naging pagtakbo. Halos hindi na siya humihinga. Halos sumabog na ang puso niya sa sobrang takot. Salamat at nakapagisip pa rin siya kanina sa kabila ng lahat.

"God… please… save me…" hingal na dasal niya, tagaktak ng pawis at tuyong-tuyo na ang kanyang lalamunan ng matagpuan ang sarili sa tapat ng isang mataas na pader. Taas baba ang dibdib na lumingon siya sa kaliwa at kanan pero halos hindi na niya masukat ang tingin kung hanggang saan iyon. Napatingala siya. Nakita niyang hindi na niya abot ang pader sa taas noon.

Halos maiyak na siya ng sandaling iyon ng makarinig ng mga yabag hanggang sa napatingin siya sa isang punong mangga. Nakatungtong ang isang sanga noon sa pader. Hindi na siya nagdalawang isip kaya inakyat niya iyon saka tumalon sa kabila ng pader.

Napaigik siya sa sakit ng magkamali sa pagbagsak ang kanyang paa. Napaluhod pa siya dahil hindi nakayanan ng kanyang mga paa ang taas noon at bigat niya kaya bumigay ang kanang paa niya. Doon na siya naiyak dahil sa sakit, pagod at takot.

Napasinghap siya ng makarinig ng mga kaluskos mula sa kabilang panig ng pader. Muli, nataranta siya at walang ibang inisyal na nadama kundi ang iligtas ang sarili. Dali-dali siyang tumayo at kahit tila tinatamaan ng kidlat ang kanang paa niya sa sakit ay pinilit niyang umalis. Pinilit niyang maghanap ng tulong.

Hindi na niya halos mabilang kung ilang minuto na siyang lakad-takbo. Halos pangapusan na siya ng hininga. Pakiramdam niya, malalagutan na siya ng hininga. Ilang sandali pa ay mayroon siyang nakitang isang kubo sa hindi kalayuan. Nakasindi pa ang ilaw noon, hudyat na mayroon taong nakatira doon.

Awtomatikong tinumbok iyon ng kanyang mga paa. Halos gumapang na siya papunta doon hanggang sa makarating sa tapat ng pinto noon. Papakatok pa lamang siya ay hindi na niya nakayanan. Bumigay na ang mga tuhod niya kaya hinang nailapat na niya ang mga kamay sa hamba ng pinto at pagod na napadausdos sa harapan noon.

Doon bumukas ang pinto at nanghihinang napatingala siya. Sa nanlalabong paningin ay doon niya nakita ang isang guwapong anghel na takang nakayuko sa kanya. Nakahinga siya ng maluwag dahil dininig ng diyos ang kanyang hiling.

God really saved her. He gave her guardian angel before she lost her consciousness.