Chereads / SWEET BOOSTER / Chapter 11 - CHAPTER NINE

Chapter 11 - CHAPTER NINE

Bakit hindi na siya nagpaparamdam? Ano na kaya ang nangyari… nalulungkot at nagaalalang bulong ng puso ni Cherry. Magdadalawang linggo ng hindi nagpaparamdam at nagpapakita si Elixir sa kanya. Matapos ang paghihiwalay nila ng gabi ay dahan-dahan itong nag-lie-low sa kanya. Tumatawag pa noong una hanggang sa tuluyan na itong nawala. Sinubukan niya itong tawagan at i-text pero hindi na rin ito sumasagot.

Sinubukan rin niya itong puntahan sa tinitirhan nito pero mukhang hindi umuuwi doon ang lalaki. Labis na siyang nagaalala rito. Nilakasan na niya ang loob na tanungin ang ama nito pero nagulat lamang ito sa kanya. Halatadong wala itong alam sa dinadanas ng anak. Maging ang mga kuya niya ay panay ang tanong sa kanya dahil sa kakaibang pananahimik niya. Lagi niyang iniisip kasi si Elixir.

"O, larga na," untag ng kuya Cadi niya. Nakahanda na ito at pumasok na siya sa locker room para maghanda para sumabak sa karera. Hanggang ngayon ay sumasabak pa rin siya. Napagusapan na nila ni Sir Arturo ang pagalis niya ngunit dahil wala pa itong nahahanap na papalit sa kanya ay sumasabak pa rin siya. Nakailang send pa siya ng message kay Elixir bago siya tuluyang lumabas.

Pagdating niya sa field ay napangiti siya ng matamlay sa kabayo. Parang pati ito ay medyo matamlay kaya masuyo niya itong hinawakan sa ulo.

Ilang sandali pa ay sumakay na siya rito hanggang sa nagsimula na ang karera. Pero bago pa sila nakalabas ng kabayo ay nagka-problema sa pintuan kaya nahirapan siyang nakalabas. Nahuli siya pero sinubukan nilang makahabol. Gayunman, kahit itinuon niya ang buong atensyon doon ay hindi niya mapagilang isipin si Elixir.

Napatili na lamang siya ng magkamali siya sa paghawak ng renda. Distracted kasi siya at hindi na napansin iyon. Naunahan siya ng pagkataranta kaya hindi na niya nagawang makahawak ng tama hanggang sa umangat siya sa ere at bumagsak sa lupa. Nagpagulong-gulong siya at ang masakit, nadaganan niya ang kaliwang braso. Napahiyaw na lamang siya sa sakit. Sinuwerte na lamang siya ng hindi siya natapakan ng sariling kabayo at wala ng kabayo pang makakasagasa sa kanya dahil nauna na ang mga iyon.

Agad siyang dinalahunan ng medic team. Tuluyan na siyang napaiyak dahil dama niyang tila na-dislocate ang braso niya at umaabot na ang sakit sa likuran niya. Agad siyang nilapatan ng lunas pero tila hindi na niya kinaya ang sakit at nawalan na ng malay. Nagising na lamang siyang nasa ospital na at hirap na kumilos.

"Kailangan mong ma-operahan, Che," anang kuya Colin niya nang mahimasmasan siya. Napabuntong hininga ito. "Lakasan mo ang loob mo, ha. Nagkaroon ng hematoma daw iyon likuran mo at kailangan alisin iyon. Ang na-damage talaga, 'yung kaliwang braso mo at itaas na likuran."

Napaiyak na lamang siya. Natakot siya sa ideyang iyon. Wala siyang ibang nais ng sandaling iyon kundi ang makita si Elixir. Ito lamang ang makakapagpagaan ng kanyang kalooban.

"Si Elixir… tawagan niyo siya… please…" umiiyak na pakiusap niya sa dalawang kuya niya hanggang sa napabuntong hininga ang mga ito.

"Katatawag lang ni tatay. Pauwi na siya rito kasama si Elixir. Che, magpahinga ka na muna. Mamayang gabi ka na ooperahan." Anang kuya Colin niya.

Nakahinga na siya ng maluwag. Kuntento pa rin naman siyang makamulatan si Elixir sa paggising. Basta ang importante sa kanya ay makita itong muli. Ilang sandali pa ay pinatulog na siya at isinagawa ang operasyon.

Nagising na lamang siya kinabukasan. Gusto niyang maiyak na walang Elixir na nagbabantay sa kanya. Pinilit niyang kumilos pero dama niya ang sakit ng katawan dala ng pagkakabagsak niya sa kabayo at ng operasyon.

"Nagugutom ka na ba?" tanong agad ng kuya Cadi niya at pungas-pungas itong tumayo.

Agad siyang umiling. "Si… si Elixir?"

Ngumiti ito ng tipid sa kanya at inabutan siya ng tubig. "Umuwi muna siya. Magdamag ka niyang binantayan kaya huwag ka ng magtampo sa kanya. Babalik daw siya mamaya. Sige na, kung hindi ka pa nagugutom, magpahinga ka na muna,"

Tumango siya. Dala marahil na groggy pa siya mula sa operasyon ay muli siyang nakatulog. Nagising na lamang siya kinatanghalian at agad na gumaan ang dibdib niya ng makamulatan iya si Elixir sa tabi na matamang nakatingin sa kanya.

"Kumusta na ang pakiramdam mo?" anito saka marahang hinaplos ang noo niya.

Napapikit siya at dinama ang init ng palad nito. "Medyo masakit pa rin ang katawan ko. Bakit… bakit ngayon ka lang? Ano'ng nangyari?" naghihinanakit na tanong niya rito.

Napayuko ito at hinagod ang buhok. Larawan ito ng isang taong mabigat ang pinagdadaaanan pero napapagod na siyang maghintay. Pagkatapos noon ay ano? Mawawala na naman ito? Kaya kahit na anong mangyari, pinilit niyang malaman ang pinagkakaganito nito hanggang sa napabuga ito ng hangin.

"Magpakasal tayo paglabas mo ng ospital," malayong saad nito saka inilabas ang itim na kahita. "I… I know this isn't the right time but we need to get married before—"

"Sagutin mo ang tanong ko!" singhal niya. Hindi na niya napigilang magtaas ng boses dahil dama niyang may mali sa lahat. Sa gitna ng problema nito ay magpapakasal sila? Ano'ng klase iyon?

Lumarawang ang pagkaturete sa mukha nito at takot. Saglit itong natigilan, napalunok at nanlumo hanggang sa nahihiyang napayuko.

"I got Denise pregnant…" mahinang saad nito na tila bomba sa kanyang pandinig. Nanikip ang dibdib niya at saglit siyang nanalangin na sana ay namali lang siya ng dinig. Pero sino'ng niloko niya? Marahil sa loob ng ilang linggong hindi sila nito nagkita, ang Denise na iyon ang inasikaso nito. Nakaramdam siya ng matinding galit pero nagpakatimpi-timpi pa rin siya para malaman ang lahat!

"Sino si Denise?" nagtitimping tanong niya saka ito tiningnan ng masama. "Magpaliwanag ka ng maayos, baka hindi ako makapagtimpi sa'yo," nanggagalaliting saad niya. Sumakit ang tahi niya pero tiniis niya. Ang importante'y magkaliwanagan sila nito!

Nagpaliwanag naman ito na ka-trabaho nito ang babae pero hindi nito naging nobya. Lalo siyang nadismaya na laro-laro lang ang nangyari sa dalawa. Putsa! Hindi niya sukat akalaing ganoon ito!

"I couldn't change what I've been, Cherry… please, try to understand…" pakiusap nito. Punong-puno ng takot, hiya at pagsisisi ang mga mata nito. Hinawakan nito ang kamay niyang hindi apektado sa aksidente niya.

"Ano'ng plano mo sa akin? Paghihintayin mo ako? Lalayasan mo ako tuwing kailangan ka n'ya? Gusto mong tumunganga ako habang inaalagaan mo siya?" nagpipigil na tanong niya rito. Ayusin sana nito ang sagot dahil kasabay ng nadarama niyang sakit ng katawan, masakit na rin ang puso niya. Parang pira-piraso na ang puso niya pero pilit siyang nagpapakahinahon.

"That's why I want us to get married. Ikaw ang gusto kong makasama, Cherry at hindi siya. Ikaw ang mahal ko…" nanghihinang saad nito saka napatingin sa malayo. Namasa ang mga mata nito at napakurapkurap. Nang muli itong napatingin sa kanya mapupula na ang mga mata nito, tanda na gusto na nitong maiyak. "Please… she… she needs me… bigyan mo ako ng kaunting panahon. She's not asking for marriage. She only needs my help. Mahina ang kapit ng bata, she's four months pregnant. Hindi na rin siya nagre-report sa opisina…"

Tuluyan na siyang napaiyak. Napakasakit noon sa kanya dahil alam niya, magiging parte ng buhay nila ang anak nito… ang Denise na iyon. Kahit sabihin pang hindi naghahabol ng kasal si Denise, alam niyang kailangan din ito ng anak nito.

"Walang kamag-anak si Denise at ayaw niyang kumuha ng makakasama kahit pilitin ko. Hindi ko magawang makipagtalo sa kanya dahil baka mabigla siya… the last time I did… dinugo siya. Actually… she didn't know I came here. Baka ma-stress siya…" hiyang-hiya na paliwanag nito at napabuntong hininga. "Nasisiguro kong akin ang bata dahil… dahil we were together before I met you. Ako lang naman ang lalaking kasama niya noon. Alam ko dahil magkatrabaho kami at sa akin lang naman siya sumasama…"

Nanlumo siya sa sinabi nito. Kahit naman pala hindi kasal ang habol ng Denise na iyon ay tuluyang mawawala pa rin si Elixir sa kanya at nagagalit siya! Oo, hindi niya kontrolado ang nakaraan nito pero hindi niya mapigilang sumama ang loob. Alin? Kapag nakapanganak na ito ay tapos na ang lahat? S'yempre ay hindi! Alangan namang hindi nito alagaan ang sarili nitong anak? Halatado rin namang may amor ito sa bata. Hindi niya naman ito masisisi dahil anak nito iyon. Pero ang punto, hindi niya kakayanin ang ganoon set up. Nawala nga lang ito ng dalawang linggo, halos ikamatay na niya. Ito ang dahilan kung bakit naaksidente siya! Sa labis na pagaalala rito ay nagkaganoon siya. Hihintayin pa ba niyang lumala ang sitwasyon? At isa pa, may batang involve at hindi niya gugustuhing maging ka-kompetesya ang isang walang muwang na bata.

"Umalis ka na," malamig niyang saad saka ito tinitigan ng masama. "At least, malinaw na ang lahat sa akin. Naiintindihan ko ang sitwasyon mo at nakikipaghiwalay na ako,"

Mukhang nabigla ito sa sinabi niya. Napanganga ito at nang makabawi ay napakurapkurap. "Then why are you giving me up?" nabibiglang tanong nito at nataranta ito. Nandoon na magpapalakad-lakad ito at ilang beses na hinagod ang sentido hanggang sa muli itong lumapit sa kanya. Nanginginig ang mga kamay nitong inilagay sa kamay niya ang kahita pero mariin niyang ikinuyom ang kamay.

Nanlulumong napayuko ito. Tumaas baba ang balikat nito na tila nagpipigil lang na sumabog ng sandaling iyon hanggang sa titigan siya nito. Bakas na sa mga mata nito ang matinding sakit. "Cherry please… let's compromise… Pakakasalan kita... I'll give you my name… I love you… please… please… just don't do this… this is the only way I know not to lose you… please… marry me…" naiiyak na pakiusap nito sa kanya.

Mariin niyang ipinikit ang mga mata para pigilang mapahagulgol. Ang sakit ng lalamunan niya kakapigil sa sariling damdamin. Pinatigas niya ang mukha kahit na iyakan siya nito. Kahit na sabihing hindi siya nito niloko ang punto doon, magkakaanak ito sa ibang babae at hindi niya matanggap iyon! Maisip lang na dalawang linggo nitong inalagaan ang babaeng iyon ay nanibugho na siya, paano na lamang ngayong aware na siya sa sitwasyon? Baka ikabaliw na niya iyon! At ano'ng compromise? M-W-F sa kanya si Elixir at T-Th-S ito pupunta sa kabila? Ano'ng klase 'yon?

"Hindi ko kailangan ang pangalan mo! Kung mahal mo ako, hindi mo ako ilalagay sa alanganing sitwasyon!" singhal niya saka tuluyang napaiyak. Nahagod niya ang nanakit na balikat dahil nabigla iyon sa pagalsa ng boses niya. "Ang gusto ko, lumayas ka! Layas—!"

Tuluyan na siyang ginupo ng sakit ng balikat at umiiyak na panayukyok sa higaan. Doon naman nagsipasukan ang mga kapatid niya. Pinilit siyang pinatahan ni Elixir pero umiwas siya. "Paalisin n-niyo siya… a-ang balikat ko…" umiiyak na pakiusap niya sa mga kapatid.

"Shit! Dumugo na 'yung tahi mo…" nagaalalang saad ng kuya Cadi niya. Agad itong lumabas at tumawag ng nurse.

Hinarap naman ito ng kuya Colin niya. "Please pare, umalis ka na." madiplomasyang taboy nito dito.

Nasubsob na lamang niya ang mukha sa unan at doon umiyak ng umiyak. Halos ikabaliw na niya ang sakit sa balikat at puso. Pero mas nananalangin siya na sana ay mabilis na maghilom ang sugat sa puso niya. Ganoon pala iyon, kahit hindi nakikita ang sugat sa puso niya, mas masakit iyon at mas mahapdi.

Muli siyang napaiyak.

"Kumusta ka na?" untag ni Sir Arturo kay Cherry. Nahihiya siya rito dahil nakailang beses na itong dalaw sa kanya. Hindi niya sukat akalaing pagaaksayahan din siya nitong dalawin.

Tumango siya. "Medyo matatagalan bago ako makapagkabayo, sir. Pasensya na po at hindi ako naging maingat."

Ngumiti lang ito sa kanya at napansin niyang mayroon din pala itong itsura. Simple lang ang kapogian nito kaya siguro hindi niya iyon agad na napansin. Seryoso naman kasi ito kaya hindi niya ito binibiro noon.

Napahinga siya ng malalim dahil dinalaw na naman siya ng matinding kalungkutan. Magiisang buwan na siya roon. Bagaman umayos na ang kalagayan niya ay tumitindi naman ang kahungkagang nadarama niya. Dinadalaw pa rin siya ni Elixir sa tuwing may pagkakataon ito pero hindi niya ito pinagpapapansin.

Hanggang ngayon ay hindi niya lubos maisip na nauwi sila sa ganoon. Bagaman desisyon niya iyon, masakit din sa kanya na hiwalayan ito. Ngunit mas pinili niya iyon kaysa pa ang patuloy na masaktan habang nasa alanganing sitwasyon.

"May magandang rehabilitation sa Germany. Kung gusto mo, doon ka magpagaling at ako ang bahala sa lahat ng gagastusin mo. Sayang ka kung hindi ka gagaling agad. You are one of my best jockey. Kahit na aalis ka na, sigurado akong may mga pagkakataong nais mong bumalik. It runs in your blood, Cherry. I am willing to wait for you return."

Napatango na lamang siya at batid niyang tama ito. Sa isang banda, kahit pa mag-focus siya sa opisina ay hahanapin pa rin niya ang pagiging hinete. Kahit papaano ay natuwa siya sa natuklasang maaari pa rin siyang bumalik dito anumang oras.

"Pagiisipan ko ho," simpleng sagot na lamang niya at nang magpaalam ito ay nagmukmok na lamang siya. Wala siyang kasama ng sandaling iyon dahil umuwi ang ama niya. Ang kuya Colin niya ay sumaglit sa lending at ang kuya Cadi naman niya ang naglakad ng PhiliHealth niya. Kung tutuusin, nakakabangon na siya at nakakakilos. Ngunit kakailanganin pa rin niya ang tulong kapag kailangan niyang gamitin ang dalawang kamay niya.

Nakaramdam siya ng panunubig. Hindi na siya nagtawag ng nurse dahil kaya naman niya. Right handed naman siya at naka-hospital gown naman siya. Naka-sling pa rin ang kaliwang braso niya bagaman nabawasan na ng size iyon kaya ayos lang. Kaya niya pa rin iyon.

Kinuha niya ang dextrose at bagaman hirap ay nagawa niyang makapunta ng CR. Iyon nga lang, natagalan siyang ibaba ang panty niya dahil iisang kamay lang ang gamit niya. Paupo na sana siya ng magpaigtad dahil sa sunud-sunod na katok at napaungol siya sa inis. "Hindi pa ako tapos! Sino ba 'yan?"

"Are you okay? Tulungan na kita,"

Napamulagat siya ng marinig ang boses ni Elixir sa labas ng pinto. Saglit siyang nataranta hanggang sa pinaglitan niya ang sarili. Hindi na makatarungang maturete siya marinig lang niya si Elixir. Aaminin niya, hindi pa rin humuhupa ang epekto nito sa kanya at hindi tama iyon.

Dahil sa naisip ay tinagalan pa niya sa CR. Bahala itong mapanis sa kakahintay. Alam nitong may problema ang kamay niya, mamadaliin siya nito? Letse! Lalo siyang nainis ng panay ang katok nito pero nagmatigas siya. Hindi rin naman siya makakakilos ng mabilis kaya maghintay ito!

"Ano ba! Alam mong nasa loob ako, katok ka pa ng katok!" asik niya rito saka ito nilampasan.

Inalalayan siya nito. Nanikip ang dibdib niya at biglang-bigla, gusto niyang sabihing na-miss niya ito. Kahit galit siya rito ay hindi niya maiwasang isipin ito sa kabila ng lahat… na sana, maging lubos ang kaligayahan nito kapag lumabas na ang anak nito…

At nakakalungkot isiping sa kabila ng galit niya rito ay mahal pa rin niya ito. Pero hindi niya kakayaning sumugal at makuntento sa ganoon sitwasyon. Disente siyang babae at wala siyang sabit. Deserve niyang ng maayos na relasyon at hindi malagay sa alanganin…

"Huwag mo akong hawakan," mariing saad niya saka pumiksi. "Bakit ka na naman nandito? Hindi naman kita kailangan." Panonopla niya rito.

Napatingin ito sa malayo. Halatadong nasaktan ito sa sinabi niya pero pinatigas niya ang puso. Isang masamang tingin ang iginawad niya rito bago ito iniwanan at nagtungo siya sa kama saka nahiga.

Muli siya nitong inasiste. Gusto na niya itong singhalan pero pasalamat ito, dumating ang isang nurse para painumin siya ng gamot. Sunod na pumasok ang ortho niya at agad itong ngumiti sa kanya.

"I talked to Mr. Villegas." Nakangiting tukoy nito kay Sir Arturo. "He was asking if you can go to Germany this coming month. Wala akong nakikitang problema. Aalisin na natin ang cast mo at dapat kang magpa-theraphy. Maganda ang facilities doon," anang butihing doktor at sinuri siya. Nang matapos ito ay muli itong ngumiti. "Doon ako nag-training at masasabi kong mapapabilis ang paggaling mo doon,"

Dama niya ang tensyon ng maiwan silang dalawa ni Elixir sa silid. Hindi niya mauwaan kung bakit bigla siyang kinabahan sa pananahimik nito hanggang sa napabuga siya ng hangin. Mukhang mas maiging sa ibang bansa siya makagpapagaling para malayo rito.

"Germany…" anas nito. Dama niya ang bigat sa tono nito kahit natawa pa ito ng mahina. "And you're not even saying your plans on me?" naghihinanakit na tanong nito sa kanya.

Naginit ang ulo niya. "Hindi na tayo! Bakit ko sasabihin ang lahat ng plano ko? Aalis ako dahil lalong sumasama ang pakiramdam ko kapag nakikita kita! Buwisit…"

Gigil na gigil siya rito at kahit nahihirapan, pumaling siya sa kabilang direksyon. Kahit anong pigil niya, namuo ang ilang butil ng luha sa mga mata niya at napahinga siya ng malalim. Dama niya ang matinding sakit at wala siyang magawa. Gusto niya iyong hilahin palabas ng puso niya pero imposible iyon. Ang sakit na nasa puso niya ay panahon lang ang makapagpapagaling…

"I'm sorry…" apologetic na anas nito at hinaplos nito ang braso niya.

Napapikit siya para pigilan ang sariling lingunin ito. Baka matunaw siya sa nakikitang kalungkutan nito, magbago ang isip niya at pumayag siyang samahan ito sa problema nito.

"Sorry…" naghihinanakit na bulong niya at napabuga ng hangin. "Puntahan mo si Denise. Kung may mangyaring masama doon, konsensya ko pa,"

Natahimik ito. Sunod-sunod ang naging pagpatak ng luha niya at nanakit ang lalamunan niya kakapigil na huwag mapahikbi. Nang marinig niya ang pagsara ng pinto at masigurong nagiisa na lamang siya ay doon siya napahagulgol.

Ang sakit pa rin. Sa sobrang sakit noon, umaabot na iyon sa sikmura niya na. Parang pinipilipit na iyon sa sakit. Kahit isang galong tubig ang inumin niya ay hindi iyon humuhupa.

Muli siyang napaiyak sa unan…