"LEROME, huwag ka naman magmadaling maglakad. Kagagaling mo lang sa sakit," angal ni Madison nang nauna pa ang binata na maglakad sa kanya pabalik sa kalsada. Maganda na ang panahon kaya mas madali na ang maglakad. Tinuyo na ng araw ang putik nang nakaraang araw.
"Mabagal ka lang talaga," sabi nito at tumigil sa paglalakad. Inilahad nito ang kamay sa kanya. "Gusto mo bang tulungan kita sa bag mo?"
"Hindi. Kaya ko na ito. Ikaw nga itong galing sa sakit."
"Magaling na ako. Akala ko nga ikaw ang excited na pumunta ng Kadaclan para makita mo na si Jeyrick."
"Sus! Baka mamaya itago mo sa akin," usal niya.
"Kung makikita man natin si Jeyrick, nasa kanya ang desisyon kung gusto niyang ย magpa-interview sa iyo. Deal?"
Marahan siyang tumango. "S-Sige."
Pabagal nang pabagal ang lakad ni Madison. Parang may bolang bakal na nakakabit sa paa niya at hirap siyang humakbang. Parang di na gaanong excited ang dalaga sa assignment na iyon samantalang pinagplanuhan at pinaghirapan niya iyon. Ayaw niyang mapalayo kay Lerome.
Katamaran lang ito dahil bakasyon. Ito na rin ang huling araw ng bakasyon ko. Kailangan ko nang bumalik sa trabaho. Kailangan ko nang makuha ang promotion ko. I need Jeyrick. Kung anuman ang nararamdaman ko kay Lerome, kailangan ko na ring tapusin. Si Jeyrick naman talaga ang gusto ko.
Pumitlag si Madison nang sunud-sunod ang tunog ng cellphone niya. Nasa area na sila na may signal ng cellphone. Puro text galing sa boss niyang si Roger. Puro tanong kung nakita na daw ba niya si Carrot Man. Hindi niya alam kung anong isasagot dito. Hangga't wala pa mismo si Jeyrick sa harap niya at di ito pumapayag na magpa-interview ay di niya ito masasagot.
Tumigil sa paglalakad si Lerome at nag-dial sa cellphone. "Jeyrick, sorry kung ngayon lang ako nakatawag. Galing ako sa farm mo. Pa-Kadaclan ako."
Humigpit ang pagkakahawak ni Madison sa strap ng bag niya. Si Jeyrick ang kausap ni Lerome. May komunikasyon na ang mga ito.
"Kailangan mo ng reporter na mag-i-interview sa iyo?" Nakita niya ang tensiyon sa balikat ni Lerome. Saka pasimple itong pumihit sa kanya at tumitig sa kanya. "May kasama akong reporter ngayon. Naalala mo si Madison Urbano ng Star News? Oo, ikaw ang nag-guide sa kanya. Nandito siya ngayon at nagbabakasyon. Gusto mo bang siya ang mag-interview sa iyo?"
Nahigit niya ang hininga. "Lerome..."
Seryoso ba ito? Siya ang inire-refer nito para mag-interview kay Lerome? Akala niya ay siya pa ang kukumbinsi sa lalaki para sa interview.
"Exclusive interview para kay Madison Urbano," sabi ni Lerome. "Sige. Papunta na kami diyan sa Kadaclan. Sa Kadaclan Homestay? Okay. Two hours nandiyan na kami." Sinenyasan siya ni Lerome na magpapatuloy na sila sa paglalakad. "Sa Kadaclan na tayo. Hinihintay ka na ni Jeyrick para sa exclusive interview."
"S-Seryoso ka ba diyan? A-Ako ang bahala sa exclusive interview ni Jeyrick?" hindi makapaniwalang usal ng dalaga.
"Oo. Tawagan mo na ang boss ninyo. Magpadala siya ng cameraman para sa iyo. Malaking balita itong kay Jeyrick. At exclusive mo pa."
Tumango siya at tumawag kay Roger. "Sir, na-contact ko na si Carrot Man. Makukuha natin ang exclusive interview. Kailangan ko po ng cameraman dito sa Barlig."
"May tao na sa Barlig. Inaabangan ka na diyan kagabi pa. Hindi ka lang namin ma-contact. Saan ka ba nanggaling?" may halong iritasyong tanong ng boss niya.
"Hinanap po si Carrot Man." Huminga siya ng malalim. "Ang mahalaga nakita na siya at nakapag-secure na po ako ng exclusive interview."
"I never doubted you for a minute there. Sabi na nga ba't magagawa mo rin iyon. Hindi ako nagkamali ng pagtitiwala sa iyo. Your promotion is on the way."
"Anong sabi ng boss mo?" tanong ni Lerome na nag-aabang sa pick up truck nito.
"Nasa bayan na daw ang cameraman ko. Ako na lang ang hinihintay. Salamat, Lerome!" aniya at masayang niyakap ang binata. Unti-unti nang pumapasok sa sistema ni Madison ang saya. Exclusive interview kay Jeyrick. Ang nalalapit na promotion niya.
Napaurong ito at sinapo ang likod niya. "O! Baka matumba tayo."
"Basta thank you. Hindi naman mangyayari ang lahat ng ito kung hindi dahil sa iyo." Nakangiti niyang tiningala ang lalaki. "B-Bakit sa akin mo ibinibigay ang exclusive interview? Akala ko kailangan kong paghirapan ang paghahanap kay Carrot Man?"
"Hindi na siguro kailangan. Sa lahat ng reporters na nag-cover sa kanya, ikaw lang ang naiwan dito. Pinangatawanan mo na nandito siya. Saka ikaw ang kasama ko. Bakit ko pa ibibigay ang project sa iba?"
"Pero 'di ba sabi mo di ako mapagkakatiwalaan?"
Tipid na ngumiti ang lalaki. "Pasensiya na kung nasabi ko iyon. Ilang araw kitang nakasama pero di mo ako iniwan kahit na may pagkakataon ka. Sa palagay ko mapagkakatiwalaan ka. Kaibigan mo rin si Jeyrick. Hindi mo siya ipapahamak."
"Oo. Maasahan mo ako. Gagandahan ko ang report kay Jeyrick," sabi niya.
"Puntahan na natin ang kasamahan mo sa bayan. Malayo-layo pa ang papuntang Kadaclan."