HINDI biro ang daan papunta ng Kadaclan. Tatlong oras mahigit na nilakbay ni Madison at dahil ginagawa pa lang ang kalsada ay bako-bako pa iyon. May nadaanan pa nga silang landslide kaya kinailangan pang i-clear ang kalsada.
"Ito ang dahilan kung bakit di nagtangkang tumuloy dito ang ibang reporter," paliwanag sa kanya ng cameraman na si Miggy. "May landslide kasi kaya hirap din ang mga sasakyan na bumiyahe. Buti na-clear na ang kalsada."
"Sino ba ang mag-aakala na nasa kabila ng landslide na iyan si Carrot Man?" usal ni Madison at binasa ang diyaryo na dala sa kanya ni Miggy. Gusto niya itong katrabaho dahil may initiative itong katrabaho. Ito ang nag-a-update sa kanya sa mga panahon na wala siyang komunikasyon at balita sa nangyayari sa labas.
Nahihilo na ang dalaga sa dami ng mga pangyayari. May mga balita pala na magkasama sina Jeyrick at ang sikat na singer na si Paloma sa liblib na bahagi ng Kadaclan. Na kesyo kinukumbinsi ng babae ang binata para mag-showbiz ang lalaki o magkaroon man lang ng charity o benefit concert. Sa dami ng kasi ng gustong tumulong kay Jeyrick, isa na daw si Paloma sa mga iyon. Galing sa kampo ni Paloma ang interview.
"Totoo kaya na kasama ni Jeyrick si Paloma sa Kadaclan at magkakaroon sila ng concert?" tanong ni Madison kay Lerome na nagmamaneho. Kasunod nila ang sasakyan ng news crew na kasama pa ang ibang staff.
"Mas maganda kung kay Jeyrick mo na mismo itanong. Kaya siya naghanap ng reporter na mag-i-interview sa kanya para na rin masabi siguro niya maiparating niya ang side niya. Ikaw ang pinagkakatiwalaan niyang gawin ito, Madison."
"Paano kung pumalpak ako at madismaya ka sa akin?" tanong niya dito.
Pinisil nito ang kamay niya. "Huwag ako ang intindihin mo. Gawin mo ang trabaho mo. Do what you do best."
Nang sa wakas ay dumating sila sa Chupac, ang sentro ng Kadaclan ay tumuloy sila ni Lerome sa Kadaclan Homestay na nasa taas ng burol. Idinala sila ng may-ari ng homestay na si Junior sa viewdeck kung saan naghihintay na sa kanila si Jeyrick. Mula doon ay tanaw ang magandang rice terraces ng Kadaclan.
Si Lerome ang una nitong nilapitan. "Kumusta? Ayos ka lang?" tanong ng lalaki dito.
"Oo. Bakit naman hindi ako magiging okay?" Nakangiting bumati sa kanya si Jeyrick. "Salamat dahil nakarating kayo dito sa Kadaclan."
Kinamayan niya ang lalaki. "Salamat dahil pinaunlakan mo kami sa interview na ito. Ang alam ko hindi mo gustong magpa-interview."
Nagkibit-balikat ito. "Masyado nang matagal ang paghahanap sa akin. Hindi rin naman sila titigil hangga't di ako nakakausap kahit na di naman ako ganoon kaimportante. Mas mabuti nang tapusin ko ito. Ano sa palagay mo, Miss Urbano?"
"Madison. Madison ang itawag mo sa akin, gaya ng dati."
Hindi maintindihan ng dalaga kung ano ang nangyayari pero pakiramdam niya ay ibang Jeyrick ang kaharap niya. Masyado itong pormal. He was not open. Iba sa Jeyrick na nakasama niya sa tour dati. Anong nangyari dito?
"CONGRATULATIONS! Maganda ang interview mo kay Carrot Man. Mataas ang ratings natin dahil doon."
Hindi makapaniwala si Madison nang tawagan siya ng kasamahang si Reda Belle para lang batiin sa coverage niya kay Jeyrick. Ipinalabas na ang balita nang nagdaang gabi at may follow up pa silang report kanina tungkol sa pamilya ng lalaki at sa nakatakda nitong pagpunta sa Maynila para sa isang interview nito sa sikat na reporter at host ng isang TV magazine show. Magpapahinga na sana siya nang matanggap ang tawag ng babae.
"Thank you," mahina niyang usal. Nakatayo ang dalaga sa tabi ng gripo sa Kadaclan Homestay kung saan malakas ang signal. Mahirap kasi ang signal sa lugar na iyon.
"It could have been my assignment..."
"Reda Belle..."
"But you have a better nose on news than me this time. Sincere ang congratulations ko," anang babae at magaang tumawa.
"S-Salamat kung ganoon."
"Balita ko ikaw ang napili ni Carrot Man na mag-interview sa kanya hanggang sa pagpunta niya sa Maynila. Baka ito na ang chance mo para makapagtrabaho doon."
"Pansamantala lang siguro."
"Madison, di na basta-basta ngayon ang probinsiyano na iyan. He is about to make it big. Hindi siya simpleng viral lang. Dapat dati pa siya sumikat. Ang hula ko di lang nagkataon na nandiyan din si Paloma Esquivel. Magkasama talaga ang mga iyan noong nawawala pa si Carrot Man."
"Sabi halos magkasunod lang kaming dumating ni Paloma. Kung iyon ang sinabi ng kampo ni Paloma, hayaan na natin," anang dalaga at huminga ng malalim.
"Hindi pwede ang ganyan. Conduct an interview. Magtanong ka sa mga kakilala ni Jeyrick. Sa palagay ko marami kang makukuhang impormasyon. Ngayon nagkakagulo na dito sa Maynila. Pati si Thirdy Concepcion nagre-react sa kanila. May relasyon ba sila? Ano sa palagay mo?"
Tipid siyang ngumiti. "Sa palagay ko magkaibigan lang sila. Hayaan na natin doon."
Hindi niya nakausap si Paloma mismo pero naroon lang ito sa homestay, nakasunod kay Jeyrick. Ang nagsisilbing personal assistant ang nakausap niya tungkol sa babae. Sinsero naman ang kampo ni Paloma na tulungang mabago ang buhay ni Jeyrick. Tinanggap siya nang maayos sa Kadaclan ng mga tao doon lalo na ni Jeyrick. Nakausap nga rin niya ang ibang kamag-anak ng lalaki na nagpaunlak naman sa kanya. Parang di tama na kalkalin pa niya ang buhay nito. Simple lang ang pamumuhay ng mga ito. Di na kailangan pang intrigahin.
"Huwag mo akong kalimutan kapag nasa Maynila ka na," sabi ni Reda Belle.
"Ikaw talaga. Parang di na ako babalik."
"I am not sure. Marami ang nagbago nang nakatamo ng kasikatan. Huwag mo sanang kalilimutan kung saan ka nanggaling. "Tandaan mo, huwag kang papatay-patay doon. Huwag kang magdadala ng kahihiyan sa istasyon natin. Maliwanag?"
"Yes. Salamat sa advice."
Mas napagod yata si Madison kaysa sa maghapon na pagko-cover tungkol kay Jeyrick. Pumunta siya sa pamilya ni Jeyrick sa Ogo-og, isang baranggay na dalawang oras pa ang layo sa Chupac kung lalakarin at nagtanong tungkol dito. Nalaman niya ang tungkol sa simple nitong buhay at kung paanong sa murang edad ay tumulong na ito sa pamilya para mapag-aral ang sarili at ang mga kapatid.
"Gising ka pa rin? Maaga pa ang biyahe ninyo bukas paluwas ng Maynila."
Nagulat siya nang biglang magsalita si Lerome sa likuran niya. Nasapo ni Madison ang dibdib. "Nanggugulat ka naman."
Magaang tumawa ang lalaki. "Kumusta ang comment ng mga boss mo? Nagustuhan ba nila ang coverage mo?"
"Oo. Tinutukan ng lahat si Carrot Man. Sikat na sikat na si Jeyrick ngayon."
"Anong pakiramdam mo na ikaw ang ipapadala na mag-cover sa kanya hanggang sa Maynila?" tanong ng lalaki at inalog ang termos para tingnan kung may laman.
"Nagulat nga ako na ini-request niya iyon sa boss ko para i-relay sa istasyon sa Manila," nausal ni Madison.
"Siguro gusto lang niya ng isang tao na komportable siya at mapagkakatiwalaan niya. May mga reporter kasi na iniiba ang balita maging sensational lang." Nagtimpla ito ng tsaa at inilapag sa harap niya. "Mami-miss mo tiyak ang lamig ng Cordillera."
Natigilan si Madison sa pasasalamat dito. "Hindi ka ba sasama sa amin na lumuwas?"
Umiling ito. "Marami akong trabaho dito."
"Hindi mo ba tutulungan si Jeyrick? Kailangan niya ng assistance habang nasa Maynila siya. Iba ang mundo doon. Kailangan niya ng tao na may alam tungkol sa showbiz at makakapagbigay ng advice sa kanya."