"Kasama niya si Tito Melvin at Lolo Pio," tukoy Lerome sa lolo ni Jeyrick na may katungkulan sa munisipyo. "May abogado din na tutulong sa kanya. Nangako din ang kampo ni Paloma na aalagaan nila si Jeyrick. Ang totoo, may mga naka-line up na silang program at projects. I am just a phone call away, Madison."
"Hindi mo ba naisip na baka mas maganda kung kasama mo si Jeyrick? Pwede mo ring i-promote ang tourism ng Barlig habang nandoon ka."
Dumilim ang mukha ng lalaki. "At my friend's expense? No. I can't do that to him."
"Pero para naman sa lahat ng taga-Barlig iyon. Sa palagay ko hindi naman iisipin nI Jeyrick na sinasamantala mo siya."
"Not this time. Hindi ito ang tamang pagkakataon. Sa pagpalaot ni Jeyrick sa showbiz, maraming maaring magsamantala sa kanya at sa kasikatan niya. Gusto kong malaman niya na kaibigan pa rin niya ako, sumikat man siya o hindi."
"Loyal ka talagang kaibigan. Mami-miss tuloy kita."
"Mami-miss mo ako? Bakit?"
Nahigit ni Madison ang hininga. Bakit ba niya sinabi iyon? "Ha? Sabi ko nakaka-miss ang mamasyal dito kasama ka. Magaling ka kasing guide. Kahit ang mga kasamahan ko kanina natuwa sa iyo nang samahan mo kami sa Ogo-og. Marami daw silang natutunan. Kung pwede lang magbakasyon na lang habambuhay."
"Nandito lang naman ang bayan ng Barlig. Nandito lang ako. Pwede mong balikan. Pero hindi makakapaghintay ang mga pangarap mo. Hindi makakapaghintay si Jeyrick. Kapag napagod ka na, pwede kang bumalik dito para mamahinga."
"Sabagay, kung ano ang magko-cover kay Jeyrick, babalik naman ako dito."
"No. I want you to fly. Abutin mo ang mga pangarap mo. Matutuwa ako kapag nagawa mo iyon. Gusto kong tuparin mo ang pangarap sa iyo ng tatay mo. At alagaan mo si Jeyrick para sa akin."
"Salamat, Lerome. Pero sino ang magbabantay at mag-aalaga sa iyo?"
Tiningnan siya nito na parang nahihibang na siya. "Bakit mo naman ako inaalala? I am an adult, Madison. Di naman ako pupunta sa ibang lugar. Nandito lang ako."
Mataman niyang tinitigan ang lalaki. Parang di siya sanay na wala ito sa tabi niya. Ilang araw lang naman niya itong nakasama. "Basta sabihin mo sa akin kung may kailangan ka. Mag-text ka lang o tumawag."
Magaan itong tumawa. "Hidden message ba iyan na gusto mong tawagan o i-text kita? Ngayon pa lang miss mo na ako, 'no?"
"Ang dami nitong sinasabi. Diyan ka na nga. Matutulog na ako," aniya at tinungga ang tsaa.
Akmang dadamputin niya ang pinag-inuman nang pigilan ni Lerome ang kamay niya. Mukhang seryoso na ito. "Mag-ingat sa Maynila. Gaya ng sinabi ko, pwede kang bumalik dito anong oras mo man gustuhin. Nandito lang ako."
Mahabang sandali niyang pinagmasdan si Lerome. Ilang araw din silang magkasama. Nakilala na niya itong mabuti. Kung sasabihin lang sana nito na mami-miss din siya nito.
"Nagkukwentuhan kayo pero di man lang ninyo ako sinasali," singit ni Jeyrick sa kanila. "O baka naman nakaaabala ako sa inyo?" At tiningnan ang magkahawak nilang kamay ni Lerome.
Bigla nilang binitawan ang isa't isa. "Wala. Matutulog na ako. Kayo na lang ang magkwentuhan. Goodnight, Jeyrick, Lerome."
"Goodnight, Madison," sabi ni Jeyrick at ihinatid pa siya hanggang sa kuwarto niya. Dapat ay kinikilig siya gaya ng dati. Si Jeyrick ang gusto niya. Makakasama niya ito nang mas matagal dahil siya ang magko-cover dito. Pero wala siyang maramdaman na kahit ano. Saan na napunta ang kilig niya?
Nawala iyon nang bitawan ako ni Lerome kanina. Kay Lerome ako kinikilig. Sinapo ni Madison ang mukha. Hindi pwede. Di ito kasama sa plano ko. Si Jeyrick ang gusto ko.
"MISS MADISON, pwede bang magpa-picture sa iyo?" tanong ng isang grupo ng teenager na lalaki na nakatambay sa grocery store kung saan siya bumili ng toiletries. Katatapos lang niyang mag-cover sa activities ni Jeyrick sa araw na iyon.
Isang buwan na niyang kino-cover si Jeyrick bilang isang viral superstar. Marami nang nagbago sa buhay nito. Pero ganoon din naman siya. Isang buwan na siya sa Maynila at sinusundan ang bawat galaw nito. Ginawan ito ng program sa internet ng Star Network kung saan naka-dokumento ang bawat kilos ng lalaki para updated dito lagi ang mga fans. Dahil rin sa request ni Jeyrick ay siya ang nag-cover dito, sa bawat kilos nito. Pero di naman niya alam na babantayan niya ang lalaki sa loob ng beinte kuwatro oras. At dahil sa kasikatan nito, pati ang mga taong nakapaligid dito gaya ng naka-diskubre dito hanggang sa kanya ay dinudumog din ng mga tao.
"Nasa van po ba ninyo si Carrot Man?" tanong ng isang teenager na babae na huling nagpa-picture sa kanya.
"Hindi. Nauna na siyang umuwi. Sa ibang sasakyan siya," sabi na lang niya. "Abangan n'yo na lang ang coverage namin ha?"
Lulugo-lugo siyang sumampa ng naghihintay na van. Naabutan niya doon si Jeyrick na nakapikit. Wala itong tulog dahil sa dami ng schedule. Siya na ang tumatanggi sa mga fans para dito minsan dahil wala itong pahinga. Wala itong tinatanggihan sa nagpapa-picture at minsan ay kailangan pa ng security para lang makaalis sa isang lugar.
Idinilat nito ang isang mata. "Natagalan ka yata."
"Mga fans mo kasi," aniya at inabot ang paper bag dito. "Chocolate drink mo."
"Salamat sa pag-aalaga sa akin, Madison. Hindi ko alam ang gagawin kung wala ka." At itinusok nito ang straw sa tetra pack. Para itong bata na hindi tinantanan ang paghigop hangga't di nauubos ang laman.
Jeyrick was already twenty-four. Pero pakiramdam niya minsan dito ay parang bata pa o teenager. Siguro dahil sa maaga itong tumigil sa pag-aaral at nag-focus na lang sa pagtatrabaho sa bukid at pagiging guide kalaunan. Matalino si Jeyrick. Pero dahil na rin sa kahirapang dinanas, ngayon na lang nito ine-enjoy ang buhay.
Marami itong guestings mula sa talk shows, variety shows, game shows at kumakanta na rin ito kasama ang singer na si Paloma. May mga offer na rin ito para gumawa ng album. At siyempre, naroon din ang concert na pinaghahandaan para dito. Maraming nabighani kay Jeyrick dahil nire-represent nito ang mga katutubong Pilipino na nakalimutan at binabalewala ng marami. Di lang ito naging simbolo ng mga Igorot kundi maging ng ibang mga katutuo sa bansa.
Pero may pagkakataon na masaya na siyang panoorin ito na nagre-relax lang, nagpapahinga at nae-enjoy ang mga simpleng bagay. Parang madalang na ang pagkakataon na nagagawa iyon ng lalaki sa dami ng schedule nito. Hindi rin pala ganoon kadaling maging sikat.
"Madison, nagyayaya ang mga kaibigan ni Jeyrick na dito nagtatrabaho malapit sa Maynila. Mag-videoke daw tayo," anang si Lolo Pio na kasa-kasama ni Jeyrick at tumatayong handler nito. Bagamat ang manager ni Paloma ang humahawak sa binata, si Lolo Pio ang nagsisilbing adviser ni Jeyrick. Bumalik na kasi si Tatay Melvin sa Barlig. Di basta-basta maiiwan ang bukid nito kahit pa sabihin na kumikita na si Jeyrick ngayon.
Umiling ang dalaga. "Gusto ko na po sanang magpahinga. Saka pagkakataon na po ito ni Jeyrick na magkaroon ng privacy kasama ang mga malalapit sa kanya."
"Madison, alam mo naman na hindi ka na iba sa akin. Parang pamilya ka na namin," protesta ni Jeyrick na parang biglang tumuwid ng upo.
"Okay lang. Gusto ko lang talagang magpahinga kahit ngayong gabi."
Nag-aalala siyang pinagmasdan ni Jeyrick. "Sige. Magkita na lang tayo bukas."
Parang langit ang pakiramdam ni Madison nang sa wakas ay ibaba siya ni Jeyrick sa harap ng condo building na tinutuluyan niya na kinuha ng network. Nasa parehong building din ang tinutuluyan ni Jeyrick para di mahirapan kung kailangan siya. Isang kanto lang ang layo niyon sa gusali ng Star Network.
Ibang-iba na ang buhay niya ngayon. Akala niya ay ito ang dream job para sa kanya. Sa Maynila na siya naka-destino. Nasusundan niya ang lalaking gusto niya. Pero ang nakapagtataka lang ay di siya ganoon kasaya.
Wala siyang masasabi kay Jeyrick. He was a gentleman. Maalaga din ito sa kanya. At nang nakita niya kung paano nito pahalagahan ang pamilya nito, lalo lang itong napalapit sa puso ng mga tao. Lalo naman niyang hinangaan si Jeyrick pero wala na ang kilig na una niyang naramdaman dito. Umaasa siyang babalik ito. Na masasabi niya sa sarili niya perpekto ang kalagayan niya ngayon. Pero wala siyang makapa.
Pagod lang siguro ako sa trabaho. Kailangan ko lang siguro mag-relax. Matulog.
Inilabas niya ang cellphone nang makapasok sa unit niya at tiningnan ang mensahe doon. Wala doon ang inaasahan niyang text message.
Tinext niya si Lerome. Kumusta?