Chapter 114 - Chapter 34

 "AHHH! Parang nakipaggulpihan ako sa ulan. Bakit nananakit ang ulan dito?" usal ni Madison habang nagbubuhos ng mainit na tubig. Ang isang oras lang na paglalakad papunta sa Siblang Taraw ay naging tatlong oras pabalik sa kubo nila Mang Melvin.

Nang makabihis na ay nilapitan niya si Lerome na nakahiga sa kawayang upuan sa sala ng kubo. "Lerome, ikaw na ang maligo. Tapos na ako."

Hindi ito natinag sa pagkakahiga. Nakapagpalit na ito ng damit pero hindi pa nakakapagbanlaw. Nang kalabitin niya ang lalaki ay umungol lang ito. "Oy! Maligo ka na. Huwag kang matulog na lang basta diyan. Basa pa buhok mo."

Subalit bumuntong-hininga lang si Lerome. Noong una naisip niya na baka nahimbing lang ito ng tulog pero iba ang lalim ng hininga nito. Nangangaligkig lang ito at niyakap ang sarili. Ibig sabihin ay nilalamig ito. Sinalat niya ang noo at leeg ng lalaki. "Mataas ang lagnat mo ah! Bakit di ka nagsasalita, Lerome? Jensen, baka pwedeng ipag-init ng sabaw si Lerome." Tanda niya ay tinapay lang ang kinain nito kanina.

"Magbabad ba naman sa ulan," may halong paninisi dito ni Mang Melvin dito. "Ang batang iyan matiisin. Di nagsasalita kahit na nasasaktan."

"H-Hindi. Ayos lang ako," anang lalaki at pilit pang bumangon.

"Huwag mo nang ipilit. Di mo nga kaya," giit niya. Bakit ba napakakulit nito? Hindi na nga nito kaya ay mamimilit pa.

Walang nagawa ang lalaki nang dalhan siya ng malamig na tubig at tuwalya para banyusan ito. Hindi na ito makaangal dahil hinang-hina na ito.

"Sabi ko naman sa iyo kanina ikaw na ang gumamit ng kapote. May payong naman ako," sermon niya sa lalaki nang ilapat sa wakas ang malamig na bimpo sa noo nito.

"Paano kung ikaw naman ang magkasakit? Sa bayan pa ang clinic dito. Mas mahihirapan kang bumalik ng bayan."

 "Heto na ang sabaw mo, baloy. Bangon na diyan," pang-aasar pa ni Jensen dito na may dalang sabaw ng pinikpikan na may kasamang gulay.

"Hindi ako baloy," angal ni Lerome. Baloy ang tawag ng mga ito sa totoy.

"Sige. Subo na para hindi ka na tawaging baloy," nangingiting sabi ni Madison at inilapit ang kanin na may sabaw sa bibig nito. "Malamig na iyan, baby."

Sinikap nitong tingnan siya ng matalim sa kabila ng panghihina pero ibinuka din ang bibig saka sumubo. Hindi na kumibo ang lalaki. Mabuti na lang at may mga baon siyang gamot para sa lagnat kaya iyon ang ipinainom niya sa lalaki.

"Jensen, samahan mo si Madison sa Kadaclan. Heto ang susi ng sasakyan ko. Ikaw na ang bahala sa kanya," anang si Lerome at pilit na dinudukot ang susi sa bulsa.

"Naku! Ayaw mong ipamaneho kung kani-kanino ang pick up mo," anang si Jensen at umiling. "Seryoso ka ba diyan? Nagdedeliryo ka yata."

"Dito lang ako," mariing kontra ni Madison. Hindi siya pupunta sa Kadaclan ngayon.

"Manong Melvin, samahan ninyo si Madison na bumalik sa Kadaclan," anang si Lerome at binalingan ang ama ni Jeyrick.

Umiling si Mang Melvin. "Naku! Hindi ako nagmamaneho. Saka bakit ba ipinagpipilitan mo nang pumunta ng Kadaclan si Madison?"

"Importante po sa kanya na makapunta doon. Tila na ang ulan. Kung aalis siya ngayon, mahahabol pa ninyo ang dadaan na sasakyan na papunta ng Kadaclan," paliwanag ng binata at huminga ng malalim.

Humalukipkip si Madison. "Ano ka ba, Lerome? Di kita iiwan dito nang may sakit. Ang usapan natin sasamahan mo ako kahit saan ako pumunta. Kung pupunta ako sa Kadaclan, dapat kasama kita."

Pilit na nag-focus sa kanya ang mga mata nito kahit nanghihina. "Nasa Kadaclan si Jeyrick. Doon siya nagtatago. Di ba gusto mo siyang makausap para sa exclusive interview mo? Ito na ang pagkakataon mo. Walang pipigil sa iyo."

Natahimik silang lahat. Nakita niya ang pagkagulat sa mga mata nina Mang Melvin at Jensen. Hindi siguro inaasahan ng mga ito na isisiwalat ni Lerome ang lokasyon ni Jeyrick. Ngayon ay nasa mga kamay na ni Madison kung sasamantalahin niya ang pagkakataong ibinibigay ni Lerome para makita si Jeyrick. Pero kaya ba talaga niyang iwan ang binata habang mahina ito matapos ang lahat ng ginawa nito para sa kanya?  Kaya ba niya itong iwan kahit na alam niyang di na maganda ang karanasan nito sa  reporter na nanloko dito sa huli?

Inayos ni Madison ang kumot ng lalaki. "Alam mo, magpagaling ka. Wala akong planong pumunta sa Kadaclan kung ganyang may sakit ka," sa halip ay sabi niya.

"Baka maunahan ka sa interview ng ibang naghahanap kay Jeyrick," tutol nito.

"May sakit ka lang kaya mo sinasabi iyan. Saka na tayo mag-usap kapag magaling ka na. Saka mo ako samahan sa Kadaclan. Okay?"

Nakita niya ang pagtataka sa mukha ni Lerome bago ipinikit ang mga mata. Siya man ay nagtataka sa sarili kung bakit niya ginawa iyon. Pero sa puso niya ay wala siyang panghihinayang na nararamdaman. Alam niyang ginawa niya ang tama.

SINALAT ni Madison ang noo ni Lerome. Sa kuwarto niya ito pinatuloy dahil di naman siya halos nakatulog sa pagbabantay dito. Normal na ang temperatura ng lalaki dahil alaga naman ito sa gamot at pahinga. Kailangan lang niyang tingnan kung babalik na naman ang lagnat nito.

Dala ang palanggana ng tubig na may bimpo ay pumunta siya sa kusina. Naabutan niya na nagsasaing si Mang Melvin. "Good morning po, Manong."

"Gusto mo na bang kumain? Malapit mang maluto ang kanin. Isinabay ko na rin na ilaga ang itlog. Pasensiya ka na sa nakayanan."

Umiling siya. "Naku! Di po ako maselan. Ako nga po ang nahihiya sa inyo. Baka nakakaabala na po ako dito."

"Parang anak ko na si Lerome. Kahit na may kaya ang pamilya niya, di niya itinuring na iba ang anak ko. Kaya maliit na bagay lang ito. Buti nga naipakilala ka niya sa akin. Ngayon lang nagsama iyan ng babae..."

"Nagmagandang loob lang po siya na ipasyal ako. Siguro naman po narinig ninyo na reporter ako na hinahanap ang anak ninyo. Sinamahan po ako ni Lerome para mabantayan ang kilos ko at tiyakin na mapoprotektahan niya si Lerome."

"Bakit hindi ka pumunta sa Kadaclan? Sinabi na nga ni Lerome na nandoon si Jeyrick. Sasamahan naman kita kung gusto mo lalo na kung sinabi ni Lerome."

"Sabi po ninyo nasa Natonin si Jeyrick," maingat na sabi ng dalaga.

Ibinuhos nito ang kape sa tasa at inilapag sa harap niya. May munting ngiti sa labi ng matandang lalaki. "Kung gusto mong puntahan sa Natonin o kung nasaan man ang anak ko, sa palagay ko walang makakapigil sa iyo."

"Tama po kayo. Pero di ko maiiwan si Lerome habang may sakit siya."

"Kahit na pinapaalis ka na niya at magagawa mo na sa wakas ang trabaho mo?"

"Hindi ko po siya  maiiwan. Kasalanan ko po kung bakit siya nagkasakit. Sinamahan po niya ako dito kahit na pwede naman niya akong iligaw. Saka naging masaya naman po ang bakasyon ko dahil sa kanya."

"Mukhang di naman iyon ang nakikita ko kay Lerome. Di ka niya sinisisi. Isa pa, gusto ka talaga niyang tulungan sa huli para ma-interview mo ang anak ko. Maingat si Lerome sa mga taong sinasamahan niya dahil sa di magandang karanasan niya noon lalo na sa reporter. Kaya sinusubukan niyang protektahan ang mga taong malalapit sa kanya. Sa palagay ko nakikita niyang hindi mo ipapahamak ang anak ko."

 "Mabuti pong tao si Lerome. Marami po kaming di napagkakasunduan pero inalagaan po niya ako habang magkasama kami. Di ko kayang iwan siya ngayon."

"Baka naman gusto mo siya," anang si Mang Melvin at may nanunuksong ngiti sa labi. "Madalang na ang tulad ni Lerome na mabait at magandang lalaki."

Yumuko siya at parang may pumitik sa puso niya. May gusto ba siya sa lalaki kaya handa siyang magsakripisyo para dito? Hindi. Masyadong magkaiba ang gusto namin sa buhay. Hindi rin naman ako ang tipo ng magugustuhan niya.

"Bilang magkaibigan po siguro," usal ni Madison at humigop ng kape.

"Parang anak na ang turing ko sa inyo. Kaibigan ka ng anak ko. Wala namang masama kung magustuhan mo si Lerome."

Umiling siya. "H-Hindi po talaga. Iba po ang gusto ko."

"Sayang. Alam mo matutuwa ako kung may isang katulad mo na mag-aalaga sa batang iyan. Matagal na panahon na rin siyang mag-isa."

Ako rin po. Matagal na rin akong mag-isa.

Madalas siyang napapaligiran ng maraming tao pero nararamdaman niya na mag-isa pa rin siya. Pero nang kasama niya si Lerome, di siya nalulungkot. Na parang may nagdudugtong sa kanilang dalawa.

Ano ba itong nararamdaman ko? Sabi na ngang wala akong gusto kay Lerome. Ginagawa ko lang ito dahil... Kaibigan siya ni Jeyrick. Paano naman ako magu-good shot kay Jeyrick kung pababayaan ko ang best friend niya?

Paulit-ulit niyang kinukumbinsi na si Jeyrick ang dahilan kung bakit siya nananatili sa tabi ni Lerome at di dahil may gusto siya sa lalaki.

"Bakit nandito ka pa?" bungad ng lalaki nang pakainin niya ng agahan.

Hinalo niya ang lugaw na may kasamang itlog ng manok. "Bakit puro ganyan ang tanong ninyo sa akin?"

"Mas magiging masaya ka kung kasama mo si Jeyrick. Makukuha mo na ang interview mo sa kanya kung kahapon ka pa umalis. Hindi mo ako kailangang alagaan."

Pinanlakihan niya ito ng mata. "Subo na. Kailangang bilisan ang paggaling. Para makaalis na rin tayo dito kung gusto mo talagang itaboy ako."

"Hindi naman kita itinataboy."

Umikot ang mga mata niya. "Kapag magaling ka na, pwede mo na akong itaboy hangga't gusto mo."

"Salamat kasi di mo ako iniwan."

"Kita mo. Taboy ka nang taboy sa akin tapos ngayon magpapasalamat ka." Pero nakaramdam ng kiliti sa puso niya si Madison sa pasasalamat ng lalaki. Na-appreciate naman pala nito ang pag-aalaga niya dito.

"Di ko lang alam kung bakit mas pinili mo akong alagaan kaysa ang hanapin si Jeyrick. Pagkakataon mo na sanang makuha ang interview mo sa kanya."

Nagkibit-balikat si Madison. "Di ko rin alam. Basta ang alam ko, di ko kayang iwan ka habang kailangan mo ako." At masaya siya na pinili niya ito.

"Baka pagsisihan mo iyan kapag may ibang naunang mag-interview kay Jeyrick."

"Problema ko na iyon. Basta mas pagsisisihan ko kung umalis ako habang may sakit ka pa. Saka ang pagkakaalam ko, nakabakasyon pa ako ngayon. Kung gusto mong bumawi sa akin, magpagaling ka."

"Nagpapagaling na ako. Gusto ko pa ng lugaw," ungot ng binata.