MADILIM na ulap sa kalangitan nang makarating sina Madison at Lerome sa farm nila Jeyrick. Di madali ang paglalakad kay Madison dahil na rin sa lamig ng panahon at di patag na daan na minsan ay nasa gilid pa ng matarik na bangin. Nakakahapo din ang paglalakad kahit pa inako na ni Lerome ang pagdadala ng bag niya. Kasama kasi ang bigat ng kalooban niya sa dala-dala. Kaya kahit nang patuluyin sila sa kubo ng ama ni Jeyrick at malapit na sa tagumpay ay mabigat pa rin ang pakiramdam niya.
"Mabuti naman at nakarating din kayo bago bumuhos ang ulan. Makapal na ang ulap, Lerome."
"Opo. Mahalaga po di kami inabutan ng ulan. Si Madison po pala, bisita natin galing sa Baguio," pagpapakilala ni Lerome sa kanya.
"Magandang hapon po," bati ng dalaga at inilahad ang kamay.
Kinamayan naman siya ng lalaki na mas matandang version ni Jeyrick, subalit walang dimples. "Mang Melvin na lang, Ma'am Madison."
"Naku! Huwag na po nila akong tawaging ma'am. Kaibigan ko po ang anak ninyong si Jeyrick. Siya po ang guide ko nang ipasyal niya ako dito sa Barlig," sabi niya.
"Girlfriend mo ba siya, Lerome? Mabuti naman nagka-girlfriend ka na nang hindi ka tumandang binata. Baka maunahan ka pa ng anak ko," anang isang lalaki na sa palagay niya ay matanda lang ng ilang taon kay Lerome.
"Unggoy! Anim na taon pa lang ang anak mo." Ipinakilala sa kanya ni Lerome ang isa pang lalaki bilang si Jensen, ang pinsan ni Jeyrick. "Bisita natin si Madison. Bisita," giit ng binata.
"Ang hina mo kasing manligaw. Tatandang binata ka talaga niyan," kantiyaw ni Jensen sa lalaki.
Muntik nang sumimangot si Madison pero pilit niyang pinanatili ang ngiti. Nakakailang na itukso sa lalaking halos isuka na siya. Kahit na di naman sila romantically involved, masakit pa rin ang ma-reject.
"Pupunta kami sa Siblang Taraw sana para makita ni Madison," sabi naman ni Lerome.
"Naku! Swertehang makita iyon. Minsan kasi basta na lang nawawala. Kataka-kata nga. Kahit daw magpaikot-ikot ang mga nakakakabisa sa lugar, hindi nila makita. Tanungin mo pa si Lerome at kasama siya sa mga nagpunta doon," anang si Mang Melvin.
"Kasi walang pag-ibig si Lerome noong pumunta doon. Kailangan daw magsama ng magandang girlfriend para sa pangako ng tunay na pag-ibig," dagdag naman ni Jensen.
"Tama na nga ang mga gawa-gawa mong kwento. "Linisin mo itong isda para naman di ka panggulo sa usapan."
"Ako pa ang panggulo. Tinutulungan na nga kitang dumiskarte," sabi ni Jensen at kakamot-kamot na pumunta sa kusina.
"Sayang wala si Jeyrick dito ngayon," anang si Mang Melvin n. "Magugustuhan tiyak niya ang mga tilapia na dala ninyo."
"N-Nasaan po si Jeyrick?" tanong ni Madison at sinalubong iyon ng mahabang katahimikan. Napansin niya ang tinginan nina Mang Melvin at ni Lerome. Parang itinatanong ng matandang lalaki kung mapagkakatiwalaan siya habang naging matiim naman ang mukha ni Lerome. Sa palagay niya ay wala siyang makukuhang sagot sa mga ito. Hindi sasabihin ng mga ito kung nasaan si Jeyrick.
"Nasa Natonin si Jeyrick ngayon. Dinadalaw ang kapatid niyang si Charles," sabi naman ni Mang Melvin sa may kahinaang boses.
"Ano naman ang gagawin ni Jeyrick sa Natonin?" singit ni Jensen na may hawak pang kutsilyo. Gusto nitong makisingit talaga sa usapan. "Nasa Kadaclan lang iyon."
"Nasa Natonin nga. Marunong ka pa sa akin. Saka maglinis ka na nga ng isda doon. Iihaw mo na rin at gutom na kami," utos ni Mang Melvin saka nakangiti ulit na bumaling sa kanya. "Kumusta naman ang pamamasyal ninyo dito sa Barlig?" pag-iiba ng matandang lalaki sa usapan.