Kadaclan. Itinatak iyon ni Madison sa isipan niya. Natitiyak niyang nasa Kadaclan si Jeyrick at wala sa Natonin gaya ng sinasabi ni Mang Melvin. Alam na niya kung saan ang susunod na destinasyon niya.
Sinubukan naman ni Madison na magpakanormal sa pagsagot sa mga tanong ng ama ni Jeyrick hanggang ihatid na siya sa magiging kuwarto niya. Maliit lang iyon na may maliit na papag pero di siya umaangal. Mahalaga ay may privacy siya.
"Sa labas lang ako matutulog," sabi ni Lerome nang dalhin din ang gamit niya. "Sabihin mo lang kung may kailangan ka."
"Okay. Salamat," aniya at pilit na ngumiti. Hangga't maari ay ayaw na niyang abalahin pa ang lalaki. Alam naman niyang di nito gusto ang presensiya niya. Tinatiyaga lang siya nito para mabantayan nito ang mga kilos niya.
Nami-miss niya ang dating Lerome. 'Yung matiyagang makipagkwentuhan sa kanya at kusang nagkukwento sa kanya tungkol sa buhay-buhay ng mga tao sa Barlig. Ang Lerome na nasasabihan niya ng mga pinagdaanan niya sa buhay nang di natatakot na mahusgahan. At gusto rin niyang marinig kung ano ang nararamdaman nito pati ang mga bagay na marahil ay di nito sinasabi sa iba. Nami-miss niya ang kaibigan niya.
Biglang gumuhit ang matalim na kidlat sa kalangitan at dumagundong ang malakas na kulog. Biglang tumayo si Madison at niyakap mula sa likuran ang papalabas ng kuwarto na si Lerome.
"O!" anang binata na nagulat sa ginawa niya.
"Huwag kang aalis. Dito ka lang," nahihintatakutan niyang usal. Sobrang lakas ng kidlat, pakiramdam niya ay tumama iyon sa labas lang ng bahay. Dumadagundong din ang lupa sa lakas. Ngayon lang siya naka-engkwentro ng ganoon kalakas na kulog na parang sobrang lapit na ng langit. Pati puso niya ay nililindol rin.
The heat of Lerome's back offered her comfort and protection. Na parang kayang-kaya siya nito ipagsanggalang kahit tamaan man sila ng kidlat.
"Takot ka sa kidlat?" tanong ni Lerome at nilingon siya. Nang tingalain niya ito ay may nanunuksong ngiti sa mga labi nito.
"Hindi. Arte ko lang ito para makasiksik sa iyo. Patay na patay kasi ako sa iyo," aniya at lumuwag ang pagkakayakap dito. Yabang nito!
Bigla na namang gumuhit ang matalim na kidlat at muli na naman siyang napayakap dito. Narinig niya ang halakhak nito. "Of course, niyakap mo lang ako dahil may gusto ka sa akin."
"Tumahimik ka diyan," saway niya dito. "Kakagatin kita." Natatakot talaga siya. Pero nagagawa pa rin nitong tratuhin na biro ang lahat.
"Hanggang kailan mo ako balak yakapin?"
"Hangga't hindi natatapos na kumidlat?" nag-aalinlangan niyang sagot. "Sobrang lapit ng kidlat. Parang kukunin na ako."
"Paano kung hanggang bukas pa ang kidlat at ulan? Di pwedeng ganito tayo."
"Uhmm... Mas okay na ako dito." Alam niya na parang bata siya nang mga oras nan iyon pero masaya na siya sa posisyon niya. Mahalaga ay ligtas siya.
"Sandali. Isasara ko lang ang bintana para hindi pumasok ang anggi ng ulan..."
"Tatakasan mo lang ako."
Pilit itong humarap sa kanya at hinarap siya. "Maupo ka sa papag. Isasara ko lang ang bintana," malumanay nitong utos sa kanya.
Hinawakan nito ang balikat niya at saka inupo sa papag. Niyakap niya ang sarili nang iwan siya nito para isara ang bintana. Di naman siya dapat nakakaramdam ng takot. Okay naman siya kahit na kumikidlat dati. Kaya niya ang sarili niya.
Ayaw niyang maging mahina. Lalo na sa harap ni Lerome.
"Pwede mo na akong iwan. Okay na ako." At biglang tinakpan ang tainga nang muling magngalit ang kidlat.
Tinabihan siya nito. Kinabig nito ang balikat niya at isinandig siya sa dibdib nito. Bumulong ito sa kanya at kinantahan siya ng kantang di niya maintindihan. "A-Anong ginagawa mo?"
"Kinakantahan ka. Iyan ang kinakanta sa akin ng nanay ko noong bata pa ako at takot ako sa kidlat."
Pumikit siya at pinakinggan ito. Kumakalma ang pakiramdam ni Madison. Di niya alam ang kanta. Sumasabit ang boses ni Lerome pero di niya inalintana. Parang ipinaghehele siya sa kanta nito.
"Nakatulog ka na?" untag ng binata sa kanya.
"Huh?!" usal niya at dumilat. "Antok na nga ako. Nagkahalo na siguro 'yung pagod sa paglalakad natin kanina at sa takot sa kidlat. Nakakahiya! Parang bata lang ako."
"Kapag takot ka sa kidlat, pwede ka namang makinig ng music. Gamitan mo na lang ng headphone o headset," anang binata. "May music player ka ba?"
"Sa cellphone ko," sabi niya at ipinakita ang cellphone nito. "Pero pwede bang i-record ko na lang ang boses mo."
"Ano?" Tumikhim ito at iniwas ang tingin. "Parang di naman yata dapat inire-record ang boses ko? Wala bang ibang kanta diyan?"
"Di iyon magpapakalma sa akin. Kanta mo nakapagpakalma sa akin. Please? Kaysa naman hanggang may kidlat nandito ka sa tabi ko."
Iniwas nito ang tingin. Napansin niya ang bahagyang pamumula nito. "Baka mamaya bangungutin ang makakarinig niyan."
"Problema nila iyon. Basta may pangontra ako sa kidlat at kulog. Please?"
Nagpakawala ito ng hininga at tumango. "Sige na. I-ready mo na ang sound recorder," sabi ng lalaki at kumanta na nang ibigay niya ang hudyat.
Kakaiba ang saya ni Madison kahit nang mag-isa na lang siya at paulit-ulit na pinakikinggan ang record ng boses ni Lerome. Parang nasa tabi lang siya nito at nakasandig siya sa mainit nitong katawan. Di na niya alintana ang matatalim na salimbayan ng kulog at kidlat sa labas ng kubo. Sa ilang sandali ay naibalik ang pagkakaibigan nila ni Lerome. Kanina ay parang nakapaloob sila sa isang bula ng pangarap. Walang Jeyrick na naghihiwalay sa kanila.
Kung maari lang sana ay di na siya umalis sa loob ng bulang iyon.