Chapter 110 - Chapter 30

"San layad ko ken sik-a. Isnan biag ko wada kay man-is-isa."

Nakangiti si Madison habang pinapanood sa pagkanta ang batang si Nina. Videoke agad ang hinarap nito ng mga bata nang ihatid nila sa bahay ni Lola Diday sa Lingoy. Mahigit kalahating oras ang nilakad nila mula Lake Tufub. Habang pagod na pagod si Madison ay balewala lang iyon sa mga bata. Sa daan pa lang ay nagkakantahan na ang mga bata. Hindi napansin ng mga ito ang tensyon sa pagitan nila ni Lerome.

 Hanggang ngayon ay mabigat pa rin ang loob niya dahil di siya kinakausap ng binata maliban kung kailangan. Minsan ay nahuhuli niyang nakatitig ito sa kanya na parang iniisip nito kung paano siya pipigilan sa "masasamang" balak niya.

Inilapag ni Lola Diday ang mga biscuit at kape sa harap nila. "Magmiryenda muna kayo! Nakakatuwa naman at napadpad kayo dito sa lugar namin. Wala namang dumadalaw dito sa amin. Ang mga bisita sa Amuyao lagi ang punta."

"Ihinatid lang po namin ang mga bata. Wala po kasi silang kasama. Buti di kayo kalayuan sa eskwelahan kumpara sa ibang bata na isang oras o mahigit pa ang nilalakad," sabi ni Madison. "Hindi po ba delikado sa daan lalo na kapag umuulan o ginagabi sila?"

"Naku! Sanay na ang mga batang ito na sila-sila lang ang naglalakad. Ganito talaga ang buhay namin dito. Nasa bundok kasi kami at may mga lugar na di pwedeng daanan ng sasakyan. Pero nakakaraos din naman, Ma'am."

Hanga si Madison sa mga mag-aaral na kahit malalayo ang paaralan ay sinisikap pumasok ng paaralan para matuto. Maswerte siya dahil nakapag-aral siya sa magandang paaralan at nakapagtapos sa magandang unibersidad. Hindi niya kailangang maglakad nang kilo-kilometro.

"Saan pala ang punta ninyo?" tanong ni Lola Didang.

"Sa Siblang Taraw po," sagot naman niya.

"Maganda din doon pero masyadong malayo. Ako nga sa tanda ko nang ito di ko pa iyon napuntahan," sabi ng matandang babae.

"Dadalhan din po namin ng isda sina Jeyrick at Manong Melvin," sabi naman ni Lerome na sinadya pang idiin ang pangalan ni Jeyrick. Na parang sinasabi nito na si Jeyrick talaga ang pakay nila.

"Si Jeyrick? Parang wala naman siya sa kubo nila. Parang nakita ko siya noong isang linggo na bumalik ng bayan. Sumakay ng papunta ng Kadaclan siguro."

Tumaas ang kilay niya. "Umuwi po siya sa Kadac lan?"

"Di ko naman sigurado. Baka hinatid lang 'yung pamangkin ni Manang Lourdes," sabi ng matandang babae. "Di ko lang siguro nakitang dumaan. Pero sigurado na nandoon ang tatay niya."

Gusto pa sanang magtanong ni Madison tungkol sa ibang impormasyon kay Jeyrick nang maalalang naroon lang si Lerome at nakikinig sa kanila.

Maya maya pa ay nagpaalam na sila kay Lola Didang at sa mga bata. Wala na naman silang kibuan ni Lerome habang naglalakad. Nasa likuran lang niya ito pero pakiramdam niya ay malayo ito sa kanya. Sa kabilang bundok. Doon sa di niya ito matatanaw. Pabigat nang pabigat ang hanging hinihinga niya pati ang bawat hakbang niya. Hindi na niya kinakaya ang tensiyon.  

Tumigil siya sa paglalakad habang nasa gitna sila ng pilapil. "Gusto mong magpahinga?" tanong ni Lerome.

"Mag-usap tayo," sa halip ay sabi ni Madison at hinarap ito.

"Tungkol saan? May tanong ka ba sa mga nadadaana natin? Anong kaugalian ng mga tao dito sa Lingoy?"

"Lerome, gusto kong magpaliwanag tungkol kay Jeyrick."

Dumilim ang anyo nito. "Ano ang gusto mong ipaliwanag? Na gusto mo talagang makita si Jeyrick? Na gusto mo siyang ma-interview? Na kunwari lang ang bakasyon mo dito sa Barlig dahil gusto mo naman talagang makakuha ng exclusive interview kay Carrot Man."

Bumuga siya ng hangin. "Nagtatanong lang naman ako tungkol sa kanya. Nabanggit ni Manong Edward na malapit sa Siblang Taraw..."

"Kaya naisipan mong magpunta." Tumango-tango ito. "Parang sinabi mo na rin na hindi ka naniniwala na wala si Jeyrick sa Barlig."

"Wala rin siya sa Tabuk gaya ng sinasabi mo. Nagpaikot-ikot lang doon ang mga kasamahan ko. Wala silang napala. Nagsinungaling kayo."

"Lumabas din ang totoo. Siya talaga ang pakay mo dito. Nag-uutuan tayo na gusto mong umaktong turista sa simula pa lang." Ngumisi ito. "Hndi mo ba naisip na may mga tao na ayaw talagang magpa-interview dahil gusto nila ng tahimik na buhay? Pero di talaga ninyo siya titigilan."

"Di mo ba naisip na baka makatulong kay Jeyrick kung lalabas man siya sa media? Pwede siyang makatulong sa pamilya niya. Pwede siyang sumikat. Pwede niyang ituloy ang naputol niyang pangarap. Pwede siyang makatulong dito sa community ninyo. Pwede siyang maging face of tourism kung sisikat siya. Marami siyang pwedeng gawin at magawa para sa iba."

"Desisyon na ni Jeyrick kung lalabas siya o hindi. At kung gusto niyang lumabas, sana noon pa niya ginawa. Mai-interview sana ninyo siya."

Itinaas niya ang noo. "Hangga't di ko siya nakikita at nakakausap, di ako naniniwala na ayaw niyang magpa-interview. Kilala ako ni Jeyrick. He can trust me..."

"Trust you?" pagak na tumawa si Lerome. "Sa palagay mo ba ipagkakatiwala ko sa iyo ang kaibigan ko? Do you expect me to trust you now? Nagpanggap ka bilang kaibigan nang pumunta ka dito. Pero ang totoo may ibang balak ka naman talaga."

Ihinilamos ni Madison ang palad sa mukha. Pahirap nang pahirap ang argumento nila ni Lerome. Parang napapagod na siyang lumaban. Sira na ang tiwala ng binata sa kanya. Hind niya alam kung paano ipagtatanggol ang sarili dito.

"Lerome, kilala mo ako..."

"Oo. Kilala kita. I know you are ambitious. Kung nagawa mong subukang maghanap ng marijuana plantation para lang umangat ang career mo kahit gaano kadelikado, gasino ba ang magpanggap na turista para lang makakuha ng exclusive interview kay Jeyrick. Nagpapanggap kang kaibigan para makakuha ng impormasyon tungkol sa kanya."

"Kahit anong sabihin ko, hindi ka naman naniniwala. Hindi mo man lang ba naramdaman kahit sandali na sinsero ako sa pakikitungo ko sa iyo?" may halong pagsusumamo na tanong ng dalaga.

"Sa ilang sandali, naniwala ako. For a moment, I believed that you genuinely care. Na gusto mo talaga na magbakasyon dito sa Barlig. Na masaya ka habang nandito at ine-enjoy mo kung ano ang pwede naming i-offer sa iyo. Naniwala pa nga ako sa malasakit mo sa turismo ng lugar na ito. Na nag-alala ka para sa akin. Mabuti na lang hindi ako masyadong nasaktan sa mga natuklasan ko ngayon. Sa mga bagay na alam ko na sa simula pa lang."

Gustong maiyak na Madison. Parang sinampal siya ni Lerome. She was tough. Marami ang naitawag sa kanya mula sa pagiging pasikat, ambisyosa, mayabang dahil sa ngalan ng paggawa niya nang mabuti sa tungkulin niya bilang mamamahayag. Pero sa unang pagkakataon ay nasasaktan siya sa sinabi ni Lerome kahit na totoo. Dahil alam niyang itinuring niya itong kaibigan. Maaring una niyang plano ay hanapin pa rin si Jeyrick. Pero kinalimutan niya iyon para kay Lerome. Dahil ayaw niya itong masaktan. Dahil ayaw niyang mawala ang tiwala nito sa kanya. Subalit huli na.

Kinuyom niya ang palad. "Kung wala kang tiwala sa akin, huwag na lang tayong tumuloy. Hindi ko kayang makasama ang taong walang tiwala sa akin at maliit ang tingi sa pagkatao ko."

Tumalikod ang dalaga. Di niya kayang makasama si Lerome na lagi siyang sinusumbatan sa bawat tingin nito sa kanya. Wala ring halaga kung tutuloy pa sila dahil sa palagay niya ay hahadlangan din nito ang misyon niya. Di ito papayag na magkita sila ni Jeyrick.

Pinigilan nito ang kamay niya. "Tutuloy tayo. Nandito na tayo."

"Bakit pa? Wala ka namang tiwala sa akin."

"Gusto kong patunayan sa iyo na wala si Jeyrick dito. Sasamahan pa rin kita kahit saan mo gusto gaya ng pangako sa iyo. Tumutupad ako sa pangako ko."

At naunang naglakad ang lalaki. Tahimik siyang sumunod dito. Mabuti nga ito, hindi ba? Wala na akong itatago. Malinaw na kay Lerome na gusto kong ma-interview si Jeyrick. Hindi ko na kailangang magpanggap.

Mas mabuti nga iyon. Magagawa na niya nang malaya ang trabaho niya. Ano ngayon kung nagasgasan niya ng damdamin nito? Ginagawa lang naman niya ang trabaho niya. Isa siyang journalist na gagawin ang lahat para sa balita. Manhid na siya sa mga batikos sa kanya gaya nito. Mahalaga ay magawa niya ang trabaho niya. She was right on track. Napatunayan din niya na siya ang journalist na malakas ang instinct at di sinasayang ang oportunidad.

Pero bakit parang sinasaksak ang puso niya? Dahil alam niyang nasaktan niya si Lerome. Pinatunayan lang niya ang masamang hinala nito sa kanya. At kahit anong pagtatanggol niya sa sarili niya ay alam niya na totoo ang lahat ng sinabi ng binata. Sa simula pa lang ay di na siya nito mapagkakatiwalaan.

At sa unang pagkakataon ay hindi niya nagustuhan ang sarili niya.