Chapter 108 - Chapter 28

 "MAGANDA kung maide-develop pa ang tourism ng Barlig. You need to create an official website and fix your Facebook account and other social media account," suhestiyon ni Madison habang kakwentuhan niya sina Edward at Lerome. "Sa social media na ngayon nabubuhay ang mga tao. Mas murang paraan din iyon ng promotion. Magandang paraan iyon para ma-maintain ninyo ang promotion na nasimulan ninyo."

"Kasama iyan sa plano ko," sabi ni Lerome at sumimsim ng rice wine.

Makabuluhan ang kwentuhan nila matapos ang hapunan. Dahil nagsisimula pa lang ang pag-develop ng turismo sa Barlig kaya maraming maaring gawin para iangat ito nang di gumagastos nang malaki. Madison was in the zone. Patuloy lang ang daloy ng ideas niya dahil inspirado siya sa Barlig. Nakitaan niya ng potensyal ang lugar at malaki pa ang pwedeng i-improve dito.

"Hindi ko napansin kung may souvenir shop na kayo," anang dalaga.

Nagkatinginan sina Lerome at Edward saka umiling. "Wala pa," sagot ng huli.

"Para ma-establish ang pagiging tourism haven ninyo, kailangan ng souvenir shop. Set up a trading shop. Lahat ng agricultural products, art products at mga souvenir items ay pwedeng mabili doon. Pati mga libro o pamphlet sa tourism ng Barlig ay dapat ding ilagay doon. Malaking tulong din iyon sa kabuhayan ng mga tao dito."

"Tama iyan," anang si Edward at tumango. "May pagkakataon na ang mga may kakayahan sa sining na tagadito para ipakita ang talento nila."

"At siyempre, kailangan lahat ng tagadito sa Barlig ay i-educate sa kahalagayan ng environment, tourism at culture. Magiging parte sila ng turismo," dagdag ni Madison.

"Ahhh! Ibig sabihin ang turismo hindi lang tungkol sa mga nagtatrabaho dito kundi ang buong komunidad," sabi ni Mang Edward.

"Mula sa mga simpleng tindera hanggang sa mga magsasaka na makakasalubong nila, sa mga estudyante at pati mga pasahero ng jeep na papunta dito. Lahat kayo ay parte para mapaunlad ang turismo dito. Mahalaga ang edukasyon," paliwanag niya at ngumata ng chicharon. "Sa palagay ko naman maganda ang samahan ng community ninyo dito kaya..."

Natigilan ang dalaga nang mahuling nakapangalumbaba lang si Lerome habang nakatitig sa kanya. There was a glint of smile in his eyes. Habang pirmi lang ang ngiti sa labi nito na di naman normal dito. Mas madalas na nakakunot ang noo nito at magkasalubong ang kilay na parang may kaaway.

"Nakikinig ka ba sa sinasabi ko?" untag niya dito.

Tumango si Lerome pero nakapangalumbaba pa rin. "Oo naman."

"Baka naman lasing ka na. Pangiti-ngiti ka na lang diyan."

"Narinig ko lahat ng sinabi mo. Tungkol sa kung paano dapat i-educate ang mga taga-Barlig sa kahalagahan ng turismo, kultura at kalikasan para lahat ay maging parte ng pangangalaga sa Barlig. Tama?"

Marahan siyang tumango. "T-Tama ka naman. Mukha ka kasing tulala."

"Nagagandahan kasi siya sa iyo," pambubuko ni Edward dito. "Ngayon ko lang iyan nakitang tumitig sa babae nang ganyan katagal." Tinapik ni Edward ang balikat ng lalaki. "Binata na si Lerome, Lerome sinta."

Pumiksi si Lerome. "Nakatitig ako sa kanya dahil magaganda ang mga sinasabi ni Madison. Pareho kami ng iniisip. Malaking trabaho ang kailangang gawin kung gusto nating ilagay ang Barlig sa tourism map. Tayo mismo ang turismo. Tayo mismo ang isa sa babalik-balikan ng mga turista," anang lalaki at naging seryoso na.

"Nagandahan ka sa sinabi ko?" nakangising tanong ni Madison.

Tumango si Lerome. "Oo naman. Intelehente ka at sigurado ako na marami ka pang ideas diyan na pwedeng i-share sa amin."

"Pero di ka nagagandahan sa akin?" tanong niya at pinanlakihan ito ng mata.

Natameme si Lerome. "Ano...."

Humalakhak si Edward. "Nadali ka doon, Lerome."

Si Madison naman ang nailang at nakitawa na lang. Pero dahil di nakitawa si Lerome ay natigilan siya. "Joke lang 'yung tungkol sa ganda ko," bawi ng babae.

"Maganda ka naman talaga," bawi ni Lerome pero iniwas ang tingin.

Okay na sana. Sinabihan na siyang maganda pero parang parang nakasalang ito sa bitayan kaya sinabi iyon. Masakit sa ego.

Umirap si Madison. "Halatang napipilitan. Huwag na. Napahiya na ako."

"Sigurado naman walang nagsabi na pangit ka o ikaw ang tipo ng babae na kailangan pa ng assurance mula sa isang lalaki na sabihing maganda ka. Wala kang pakialam. Sa palagay ko rin, mas gusto mo na pahalagahan ka ng isang lalaki dahil sa laman ng utak mo kaysa sa itsura mo," paliwanag ni Lerome.

Natigilan siya. Tama ito. Mas gusto ni Madison ang lalaking nakikinig sa sinasabi niya kaysa ganda lang ang habol sa kanya. Na kahit wala siyang make up ay makikinig pa rin sa sinasabi niya.

"At sa palagay ko naman ikaw ang tipo ng lalaki na handang makinig," sagot ni Madison at gumuhit ang ngiti sa labi.

"Siyempre naman. Kundi ka iintindihin ng isang lalaki, lalamunin mo siya nang buo, iyon ay kung hindi siya makakatakbo agad palayo," tatawa-tawang sabi ni Lerome.

"Tatakbo ka ba palayo?" naghahamon niyang tanong.

"Nandito pa ako, hindi ba?" matapang na sabi ng lalaki at tinitigan siya.

Marami na siyang nakilalang lalaki na mas gustong titigan ang mukha niya o ibang parte ng katawan niya na may kasamang malisya. Not Lerome. Namamangha siya dahil alam nito ang gusto niya kahit di niya sabihin. Nararamdaman din niya ang respeto mula dito.

"Parang nakakaabala naman ako sa inyong dalawa. Sisilipin ko lang ang mga bata. Maglakad-lakad muna kayo. Maliwanag ang gabi. Romantic dito. Dito nagkatuluyan ang lolo at lola ko," tukso pa ni Edward sa kanila at tumayo. "Samantalahin ninyo na maganda ang panahon at di pa umuulan."

 Wala silang nagawa ni Lerome nang tumalilis si Edward. Nailang si Madison nang sila na lang ng binata. Anong gagawin niya? Magpapaalam ba siya na matutulog siya? Ayaw niyang magkaroon ito ng malisya kapag sinabi niyang gusto pa niyang manatili doon, magkwentuhan sila at maglakad-lakad.

Tumayo si Lerome at inilahad ang palad sa kanya. "Halika. Masarap pang maglakad-lakad sa lake hangga't di pa ganoon kalamig."

Tinanggap niya ang kamay nito at inalalayan siya nitong bumaba ng lawa. Mas komportable na siya kay Lerome ngayon. Gusto siya nitong alalayan dahil gusto nitong alagaan siya. Subalit naroon pa rin ang pagrespeto nito sa kanya bilang isang babae - sa opinyon niya, sa iniisip niya. Sinong mag-aakala na ang isang dating kaaway niya ay makakasundo pa niya nang ganito ngayon?

 "Ang ganda," usal niya nang mapagmasdan ang lawa. Walang bituin pero mistulang pilak ang tubig dahil sa repleksiyon ng liwanag ng buwan. Bumababa din ang ulap sa mga kakahuyan sa paligid. It was mystical. "Masarap siguro na maglakad-lakad sa lake nang may ka-date."

"Isama mo ang boyfriend mo sa susunod," suhestiyon ni Lerome.

"Wala akong boyfriend."

"Hindi ba marami kang fans?"

Pagak siyang tumawa. "Fans? 'Yung mga nanay o lola na gusto akong ipakasal sa mga anak nila o apo. Iyon ang fans ko. Saka may gusto akong maabot na estado sa career ko bago ako magka-boyfriend."

"Smart woman. May timetable. Habang ang iba naman nagmamadali na magka-boyfriend at mag-asawa."

"Bata pa ako. Marami pa akong gustong gawin."

"Ang pag-ibig, nararamdaman na lang iyan. Kapag nakilala mo na ang taong iyon, alam mo na siya na. Walang katwi-katwiran. Walang pana-panahon. At dahil minsan lang dadating sa buhay mo, kailangan ipaglaban mo. Huwag mong pakakawalan."

"Tulad ng magsasaka na itinago ang pakpak ng anghel sa kwento? Pero mali iyon."

Tumango ito. "Mukhang mali pero iyon pang ang paraan niya para makasama ang taong mahal niya. Kailangan niyang sumugal dahil baka wala nang ibang pagkakataon. Mahirap manghusga hangga't hindi mo pa nararanasan na magmahal."

Napatitig siya dito. Di pa nga niya nararanasan na totoong magmahal. Gusto niya si Jeyrick pero di siya sigurado kung pagmamahal ang nararamdaman niya dito. Handa siyang gawin ang lahat para kay Jeyrick at mga pangarap niya pero di niya alam kung ano ang dapat niyang gawin ngayon. Parang natitigilan siya sa mga plano niya. Mas gusto niyang gawin ang tama dahil ayaw niyang saktan si Lerome.

Ano nang nangyari sa pag-ibig niya? Naguguluhan siya.