Chapter 109 - Chapter 29

Hindi makatulog si Madison habang nakahiga sa katre. Inaanalisa niya kung ano ang nangyayari sa buhay niya. Pwede naman niyang laktawan ang paghahanap kay Jeyrick dahil sa bakasyon. Pero hanggang kailan?

Nag-ring ang cellphone niya na nakalagay sa phone bag at nakasabit sa dingding. Sa ganoong paaan lang kasi siya makakakuha ng signal. Dali-dali niyang sinagot iyon nang makitang ang boss niyang si Roger ang tumatawag.

"Hello, Sir," bati agad niya dito.

"Kumusta ang bakasyon mo?"

"Mas gusto ko ang Barlig ngayong bumalik ako kaysa noong una ko pong punta." Di niya masabi dito na kung pwede kang ay habaan pa niya ang bakasyon niya.

"Nasa Barlig ka pa rin?" tanong nito.

"Opo. Kumusta po ang coverage nina Reda Belle at Janz sa Tabuk?" magaan ang boses niyang tanong, walang halong kapaitan.  

Maluwag sa dibdib niyang tinanggap na Madison na hindi sa kanya ang assignment kay  Carrot Man. Pero meron naman siyang masayang bakasyon at mga bagong kaibigan. Masaya rin pala ang di laging nakikipagkompitensiya.

"Bad news. Wala sa Tabuk si Carrot Man."

"Wala doon? Hindi nila naabutan? Nagtatago?" sunud-sunod na tanong ng dalaga.

"I am not sure. Nang dumating sila sa coffee farm, may pinasyalan daw na kamag-anak sa bundok. Naghintay sila sa pinsan niya at nag-share naman sila ng mga kwento tungkol kay Jeyrick pati pictures pero wala pa ring napala. Napilitan na akong pabalikin sila dahil may obsessed fan si Reda Belle. Gusto na siyang pakasalan."

Bumuga siya ng hangin. Isa sa malaking sakit ng ulo kapag nakakagulo ang mga fans sa trabaho nila. "Ibig sabihin wala na tayong taong naghahanap kay Carrot Man ngayon?" marahang tanong ng dalaga. "How about the other networks?"

"Hindi ko lang alam sa ibang network. May iba yata silang lead na nakuha. Pero sa palagay ko wala rin silang matatagpuan. Sa palagay ko inililigaw lang ang mga reporter o baka nagtatago si Carrot Man."

"Ibig sabihin dito pa lang sa Barlig hindi na totoo ang sinabi nila?" marahang tanong niya.

"Huwag na tayong magpaikot-ikot, Madison. Nang makita mo si Carrot Man sa TV, alam mo na agad na kilala mo siya at hindi mo sinabi sa akin," pananalakab nito.

"Sir naman..."

"Nang humingi ka sa akin ng bakasyon para pumunta sa Barlig, siya ang pakay mong puntahan. Your instincts kicked in."

"Bakasyon po ang ipinunta ko dito," giit ng dalaga. Ayaw na niyang malagay na naman sa alanganin ang trabaho niya dahil sa secret assignment lalo na't wala siyang ebidensiya na nasa Barlig nga si Carrot Man.

"Ibinibigay ko na ang Carrot Man project sa iyo."

"T-Talaga po, Sir?" nanlalaki ang mata niyang usal.

"Makiramdam ka diyan. Nasa Barlig lang siya. 'Yung farm nila. Baka alam mo kung saan ang farm nila. Puntahan mo. Gamitin mo muna kung anong camera ang meron ka diyan. Everyone is going bat shit crazy over that man. Nawawala na rin si Paloma Esquivel mula nang umalis siya ng Barlig. Ang balita ay magkasama silang dalawa."

"Ibig sabihin posibleng may relasyon silang dalawa kaya hindi na gustong balikan ni Paloma si Thirdy Concepcion?"

"Idagdag mo na iyan sa assignment mo. Kailangan mong i-confirm kapag nahanap mo na si Carrot Man. Kapag nakakuha ka ng exclusive interview kay Carrot Man, ibabalik kita sa news. Makakapili ka pa ng assignment na gusto mo."

"Talaga po?" usal niya. Madalang dumating ang ganito kalaking balita. At madalang dumating ang ganito kagandang pagkakataon. Mababawi na niya ang kahihiyang dinanas niya nang nagdaang linggo.

"Basta dalhin mo sa akin si Carrot Man. I want that exclusive interview. Magagawa mo ba?" tanong ni Roger.

Parang may bikig sa lalamunan si Madison sa tanong na iyon. Kapag pumayag siya dito, parang binalewala na niya ang pinagsamahan nila ni Lerome. Kung kailan inaakala nito na mapagkakatiwalaan siya, saka niya sisirain ang tiwala nito.

Pinagsamahan? Kailan ko lang siya nakilala. Nandito ako para sa exclusive interview kay Carrot Man. Para sa pangarap ko.

Huminga nang malalim si Madison. "I... I will try my best, Sir."

HINDI mapakali si Madison habang inaakas ang mga damit na nilabhan niya nang nagdaang araw. Palingon-lingon siya kay Edward na abala sa pagpapakain ng mga alaga nitong manok.

Kagabi pa niya napaghandaan ito. Halos di nga siya nakatulog sa pag-iisip ng strategy kung paano masosolo si Edward at makakakuha ng impormasyon dito. Pero kinakabahan siya na parang isang bagitong reporter. Pakiramdam kasi niya ay tinatraidor niya ang mga taong itinuring siyang pamilya.

Walang personalan, Madison. Trabaho lang. Ikaw lang at ang trabaho mo ang mayroon ka ngayon. At ito lang ang paraan para makalapit ka kay Jeyrick.

Huminga siya ng malalim at pilit na ngumiti. "Manong Edward, pupunta pa ba dito si Jeyrick?"

"Baka hindi na. Abala siguro sa bukid."

"Ahhh!" aniya at tumango. "Madadaaanan po ba iyon papuntang Siblang Taraw? Plano ko po sanang pumunta doon."

"Sa iba ang daanan pero pwede namang puntahan kung sasadyain mo. Gusto mo bang makita si Jeyrick?" nakakunot ang noo nitong tanong.

Umiling ang dalaga. "Hindi po. Natanong ko lang. Salamat po."

Bumalik siya sa pag-aakas ng damit. Problema niya ngayon kung paanong dadalhin si Lerome sa farm nila Jeyrick nang hindi ito naghihinala.

Maya maya pa ay lumapit sa kanila ang binata dala ang nahuling mga isda. "Ate Madison, manghuli po tayo ng alitaptap mamayang gabi," anang si Nina at hinatak ang kamay niya.

"Hindi pwede. Kailangan na ninyong umuwi sa Lola Didang ninyo," sabi ni Edward.

Nag-angalan ang mga bata. "Pwede naman po dito na lang kami," tutol ni Kokoy.

"Pasukan na ninyo sa eskwelahan bukas," paalala ni Edward. "Ihahatid naman kayo nina Tito Lerome at Ate Madison pagpunta nila ng Siblang Taraw."

"Pupunta tayong Siblang Taraw ngayon?" bulalas ni Lerome at gulat siyang nilingon.

"Nabanggit ko lang naman kay Manong Edward. Di pa naman tayo nagkakausap," anang dalaga at kinagat ang labi.

"Dalhin mo siya doon. Baka naiinip na siya dito sa Tufub. Sakto malapit lang iyon sa bukid nila Jeyrick. Idaan mo na siya doon at gusto yata niyang makita."

Kumunot ang noo ni Lerome habang ang mga mata nito ay puno ng hinala. "Gusto mong makita si Jeyrick?"

"H-Hindi. Gusto ko talagang makita 'yung Siblang Taraw," aniya at umiling habang nagmamakaawang tumingin kay Lerome.  

"Ayos lang iyan kung pupuntahan ninyo si Jeyrick. Ihuli na rin ninyo sila ng isda," sabi ni Manong Edward na walang kamalay-malay sa gulong sinimulan nito sa pagitan nila ni Lerome. "Matutuwa tiyak sina Jeyrick at Manong Melvin kapag dinalaw ninyong sila. Malayo at malungkot din kasi 'yung kubo nila. Sila lang doon at malayo ang mga kapitbahay."

"Ihanda mo na ang gamit mo. Manghuhuli lang ako ng isda para kay Jeyrick," sabi ni Lerome sa mabigat na boses at tinalikuran siya.

Sinundan niya ang lalaki. "Lerome..."

Gusto niyang magpaliwanag. Gusto niyang sabihin ang side niya. Subalit hinabol siya ng mga bata. "Ate, kumuha tayong prutas. Pasalubong namin kay Lola."

"S-Sige," aniya at isang beses pang nilingon si Lerome pero tuwid lang ang tingin ng lalaki. Na parang di na siya nito gusto pang tapunan ng tingin. Alam niya nang mga oras na iyon ay naputol na ang lahat ng pinagsamahan nila.