Nang lingunin ni Lerome si Madison ay namamaskarahan na naman ito ng masayang mukha. "Halika na. Masarap magbabad sa hot spring habang malamig pa."
Sinubukang libangin ni Lerome si Madison sa mga anecdote ng kabataan nito. Sa tulong pala ng mga kabataang nag-summer job sa municipal government ay napagtulung-tulungang gawan ng trail ang mga tourist spot doon.
Tahimik lang si Madison habang nakikiramdam sa mood ni Lerome. Sinusubukan nitong umaktong normal at masayahin. Alam niya na sumosobrang ang effort nito. Pilit nitong pinagtatakpan ang galit sa dibdib. Natitiyak niya na apektado ito sa pagkikita nito at si Lorraine kanina. Sino ba ang babae? Bakit gayon na lamang ang pagkamuhi ni Lerome dito?
"Lerome, gaano pa katagal ang fifteen minutes mo?" humihingal na tanong ni Madison at sumalampak na sa hagdan na gawa sa trunk ng pine at fern. In-off na rin niya ang camera niya dahil malo-lowbatt na siya. "Thirty minutes na nakakaraan mula nang mag-fifteen minutes. At kanina ko pa rin naririnig ang lagaslas ng ilog pero ni isang patak ng tubig wala akong makita. Di kaya naengkanto na tayo?"
"Malapit na tayo," usal ng lalaki.
"Gaano kalapit? Ilang bundok?" sarkastiko niyang tanong.
"Tumingin ka sa kanan mo."
Nanghahaba ang nguso niya nang dahan-dahang lumingon sa kanan. Nanlalabo na ang paningin niya sa init at pagod. Nagtataasan ang mga puno sa tabi nya at may bangin pero sa kabila ng bangin ay nakita niya ang isang puting linya na nasa pagitan ng mga bato at puno. Napanganga si Madison. Iyon na ang falls.
Dali-dali siyang tumayo. "Ayan na!" Inilabas niya ang camera at kinuhanan ang waterfalls. "Ang ganda! Nasaan pala ang hot spring?"
"Katabi lang niyan," sagot ng binata.
Makalipas ang sampung minutong pagbaba ay nakarating din sila sa dinadaluyan na ilog ng falls. Subalit namangha siya nang makitang may isa pang waterfalls na may kulay orange na mga bato. "A-Anong falls 'yung kabila?" tanong ng dalaga.
"Iyan ang Asin Hot Spring."
"Hot spring?" tanong niya. "Pero bakit diyan sa taas galing ang tubig?" Sanay siya sa mga hot spring na sa ilalim ng lupa galing.
"Naalala mo na sinabi ko sa iyo na ang Lake Tufub ay crater ng isang patay na bulkan? Katugon niyon ang hot spring dito na nagsisilbing singawan ng init ng mundo."
"Ayos! Ngayon lang ako nakakita ng ganito. Dalawang magkaibang waterfalls sa isang lugar. Wow! Pero saan pala tayo maliligo?" Wala siyang nakikitang malaking swimming pool gaya ng nai-imagine niya sa mga hot spring resort at di rin naman ganoon kalalim ang tubig na binabagsakan ng dalawang falls para languyan.
Itinuro nito ang parisukat na sementado sa kabila ng waiting shed. "Doon."
Nang sumilip siya ay walang tubig doon. "Paano tayo makakaligo dito?"
"Pupunuin ng tubig. May tubo na sumasahod ng tubig sa dalawang falls at bumabagsak dito sa pool. Tapos ikaw ang bahalang tumantiya kung gaano kainit o kalamig ang tubig."
"Parang jacuzzi o bathtub. Gusto ko iyan!" Itinaas niya ang palad. "Sandali. Magbibihis lang ako."
Nagbihis siya ng black sando at shorts. Alam naman niya na conservative ang mga tao doon. Di naman siya magsu-swimsuit. Itinaklob niya ang tuwalya sa balikat dahil malamig pa.
Paglabas niya ng bihisan ay inaayos na ni Lerome ang tubo sa bathing area. "Okay na ito. Sampung minuto lang nangangalahati na iyan."
Kinikilig pa siya nang idawdaw ang paa sa tubig. Maligamgam iyon pero namamayani ang init. Kakaibang kilabot ang naramdaman niya dahil nagtagpo ang malamig na hangin at ang mainit na tubig.
Bumalik ito sa waiting shed at umupo lang doon. "Lerome, di ka ba maliligo?"
"Hindi na. Ikaw na lang."
"Malawak itong pool. Pwede namang maligo. Saka may pamalit ka namang damit, di ba? Babasain kita kapag di mo ako sinamahan," banta nito.
Tumayo ito bigla. "Walang malisya, ha?"
"Ako pa talaga ang may malisya," usal niya at tumirik ang mga mata.
Pero mabuti na rin na bumabalik sila sa dating pag-aasaran kaysa naman kanina na lagi niya itong nakikitang nakatulala o kaya ay galit.
Nakashorts lang ito nang lumusong sa tubig at sa kabilang dulo ng mini pool umupo. Isinandig ni Madison ang ulo sa gilid ng pool at tiningala ang mga puno sa ibabaw nila.
"Sobrang sarap dito. Tayo lang at walang nang-aabala. Sino ba ang madalas mong kasama dito dati, Lerome?" Inangat niya ang ulo nang di ito sumagot. "Lerome," untag niya dito. Nakatitig lang ito sa kanya pero parang di naman siya nito nakikita. "Lerome!" tawag niya sa lalaki at pasimpleng dinunggol ng paa ang binti nito.
Nagulat ito. "Ha? May sinasabi ka?"
"Lutang na ang isip mo mula nang makita natin si Miss Lorraine. Ano ba talaga ang problema?" tanong niya.
Humalukipkip ito. "Wala."
Huminga siya ng malalim. "Reporter pala siya."
"Yes. She used to be my father's girlfriend. But she used my father's weakness to gain favors from the government. At nang sitahin siya ni Papa tungkol doon, naghiwalay sila at sinira niya si Papa sa publiko. Na kesyo daw tumatanggap si Papa ng pera. Na may kickback sa mga projects."
"Ano?" bulalas niya.
"Halos masira ang pangalan ni Papa noon. Mabuti na lang at may mga tao pa ring nagtitiwala sa kanya. Sa huli si Papa pa rin ang pinaniwalaan ng marami. Kahit na pinatatakbo ulit siya na governor, di na siya tumakbo pa. My father died of a broken heart. Minahal niya si Tita Lorraine. I treated her like my own mother."
Nakagat ni Madison ang labi. "I am sorry." Ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit matindi ang galit ni Lerome kay Lorraine. Kung bakit halos isuka nito kanina. "S-Si Miss Lorraie ba ang dahilan kung bakit galit ka sa mga reporter?"
"Yes. Mahirap magtiwala basta-basta sa mga reporter. Di mo alam kung sino ang nagsasabi ng totoo. Madali lang para sa marami ang baliin ang katotohanan sa tamang halaga kapalit ng prinsipyo at ambisyon. At iyon din ang dahilan kung bakit handa akong magsakripisyo. Gusto kong patunayan sa lahat na mabuting tao si Papa dahil pinalaki rin niya ako na mabuting tao. Na handa akong magsilbi sa bayan gaya niya."
Gusto nitong buuin ang pangalan ng ama nito kaya ito nagsisikap. Gusto nitong ituwid ang maling pananaw ng ibang tao sa ama niya. Gagawin nito ang lahat para protektahan ang Barlig mula sa mga katulad ni Lorraine. Mula sa mga katulad niya.
"Nakikita mo ako sa kanya kaya galit na galit ka sa akin noon," marahang usal ni Madison. "Kaya wala kang tiwala sa mga reporter?"
"Hindi mo naman ako masisisi, hindi ba?"
"Lerome, gusto kong patunayan na di ako masamang reporter. Hindi ako katulad ni Miss Lorraine. Na may sarili akong prinsipyo at paninindigan. Na hindi ko ugali na manira ng tao para lang sumikat ako o may mapakinabangan."
Nakakunot ang noo siya nitong pinagmasdan. Ambisyosa man si Madison pero alam niya kung hanggang saan ang hangganan niya. Parang sisirain din niya ang alaala ng ama niya na isang magaling na journalist kung magagaya siya kay Lorraine.
Pero paano kung di siya pinaniniwalaan ni Lerome? Kung dahil sa pagkikita nito at ni Lorraine ay bumalik ang di nito masamang impresyon sa kanya?
"Naniniwala ako sa iyo, Madison," walang kakurap-kurap nitong sagot.
Suminghap ang dalaga. "Talaga?" Tinawid niya ang pagitan nila at pasimple itong siniko sa braso. "Salamat ha?" Hindi niya maunawaan kung bakit sobrang saya siya. Daig pa na naka-scoop siya ng isang bigating balita.
"At huwag na nating sayangin ang oras natin sa drama na ito. Anong gusto mong kainin? Pwede kitang ipag-ihaw."
"Mamaya na. Kakakain lang natin. Ikwento mo sa akin kung ano ang experience mo dito noong bata ka pa," ungot niya sa lalaki.
Magaan ang loob ni Madison dahil sa tiwalang ibinigay nito. Hindi na niya gugustuhing ipilit ang paghahanap kay Jeyrick. Kung nasa Barlig man ito o wala ay wala na sa kanya iyon. Gusto niyang huwag mawala ang ang tiwala ni Lerome. Ayaw niyang biguin ito.