Chapter 105 - Chapter 25

NAGISING si Madison sa mabangong aroma ng nilalagang Arabic coffee. Barlig coffee. Narinig niya ang pagtilaok ng manok. Madilim pa sa labas pero nasanay ang body clock niya na gumising dahil kailangan nang makinig ng balita o kaya ay naghahanda na para sa assignment.

Saka niya naalala na wala pala siya sa Baguio ngayon. Nasa isang kubo siya sa gilid ng Lake Tufub sa Barlig, Mountain Province. Pwede pa siyang matulog dahil wala naman siyang hinahabol na assignment.

Dumapa siya at nagtalukbong ng comforter. Gusto niya ng ganitong pakiramdam. Pwedeng magpuyat sa gabi habang nakatitig lang sa mga bituin at makipagkwentuhan lang kay Lerome. Kailan ba ang huling pagkakataon na nakipagkwentuhan siya sa isang tao dahil lang gusto niya itong makausap? Walang kinalaman ang trabaho niya o kung may makukuha siyang impormasyon dito.

Ayaw pa nga sana niyang matulog kundi lang umambon at napilitan silang magkanya-kanya na. But it was a great night. Marami siyang nalaman tungkol sa mga kwento sa Barlig. He was so passionate about it.

Bumangon ang dalaga nang maalala si Lerome. Baka gising na ito. Dala ang toiletries niya para pumunta sa banyo ay nakita niya na nasa labas ito ng tent at nagluluto sa bonfire. Saglit siyang tumigil para pagmasdan ang lalaki. Seryosong-seryoso ito sa paghahalo sa kaserola na nakasalang sa ibabaw ng apoy. Ni hindi nito napansin na naroon lang siya.

"Magandang umaga!" bati ni Madison sa binata.

"Nagising ako sa bango ng kape."

"Aamay ay wiet kanchitaku am-ni," bati naman ni Lerome ng magandang umaga.

"Barlig coffee iyon," anang lalaki. "May noodles dito na may gulay. Gusto mo na bang kumain? O kahit magkape lang"

"Hindi mo man lang ako ginising para makatulong."

"Hindi na. Masarap ang tulog. Kain na."

Itinaas niya ang palad. "Ten minutes. Bigyan mo lang ako ng ten minutes."

"Hindi mo na kailangang mag-make up para sa akin."

"Salamat, ha? Di ko na pala kailangang mag-effort," pabiro niyang sagot dito.

Hindi na siya napipikon sa mga hirit ni Lerome ngayon. Alam nilang dalawa na wala nang personalan doon. Di nawala ang ngiti niya hanggang saluhan si Lerome sa tabi ng bonfire. Naroon na rin si Manong Edward at ang makukulit nitong mga pamangkin.

"Kain na po tayo, Ate Madison," sabi ni Nina at sinundo pa siya. "Namitas po kami ng saging para sa iyo."

Pinisil niya ang baba ng bata. "Ang sweet mo naman."

"Saan mo gustong pumunta?" tanong ni Lerome.

Nagkibit-balikat si Madison. "Dito lang. Masarap dito. Nakaka-relax. Ayoko nang umalis." Hindi siya basta-basta makakaalis hangga't di pa dumadating si Jeyrick. Hindi naman niya nakakalimutan ang totoong misyon niya doon.

"Lerome, dalhin mo si Ma'am Madison sa Asin Hot Spring. Tiyak na masisiyahan siya doon at katabi lang ang Mornang Falls," sabi ni Edward.

"Hindi ko iyon napuntahan nang nakaraan," nausa;

"Sama po kami!" ungot naman ng tatlong bata sa kanila.

"Huwag na. Dito lang kayo. Baka alagain pa kayo doon," saway naman ni Edward sa mga ito. "Saka may date sila."

"Ano po 'yung date?" tanong ni Kokoy.

Natigilan si Madison sa pagkain at napatingin kay Edward. Napansin din niya na di naituloy ni Lerome ang paghigop ng kape. Napatingin ito sa kanya na parang humihingi ng saklolo kung ano ang gagawin. Kokontrahin ba nila si Edward sa harap ng mga bata o ipapaliwanag kung ano ang ibig sabihin ng date?

"Pamamasyal ng dalawang magkaibigang matanda at bawal abalahin ng mga bata," paliwanag ni Edward. "Kaya dito na lang tayo."

"Bakit po bawal kasama ang mga bata? Ano po ang gagawin nila?" tanong ni Gani.

"Kumain ka na lang, Gani, para mabilis kang lumaki," sabi ni Lerome sa bata.

"Tapos pwede na akong makipag-date? Yehey!" sigaw ni Gani at itinaas ang dalawang kamay.

"Pag-usapan na natin iyan kapag malaki ka na. Kain lang," utos ni Edward.

Naiilang na sinulyapan ni Madison si Lerome. Baka naman masamain nito ang sinabi ni Edward na mukha silang magde-date. Ayaw naman niyang magkailangan sila.

Nang matapos kumain ay tumulong si Madison sa pagliligpit ng pinagkainan habang binitbit naman ni Lerome ang mga kaldero na ginamit papunta sa kubo na talagang lutuan doon.

"Ako na ang bahala diyan, Ma'am," sabi ni Edward.

"Ano... May sasabihin po sana ako."

"Tungkol ba kay Lerome? Biro ko lang 'yung date kanina. Pasensiya na, Ma'am. Makukulit kasi ang mga bata," paliwanag nito habang naglalakad sila sa gilid ng lake.

"Hindi. Wala naman sa akin iyon. Si Lerome kasi baka mamaya masamain niya. Di naman kasi kami totoong magde-date."

"Wala iyon kay Lerome. Baka nga matuwa pa iyon na ikaw naman ang mapabalitang ka-date niya. Nagsasawa na rin iyon na kami ni Jeyrick ang ka-date niya," anang si Edward at humalakhak.

Na-freeze naman ang ngiti ni Madison nang maalala si Jeyrick. "Manong, madadaan kaya si Jeyrick ngayon dito?"

"Huwag kang mag-alala. Sasabihin ko kay Jeyrick na hintayin ka kapag dumating siya. Malay mo nasa Mornang Falls din siya ngayon at naliligo. Minsan nagbababad muna iyon sa falls bago tumuloy dito."

"Lalo tuloy akong naging interesado sa lugar na iyan."

 NAKABUKA ang kamay ni Madison habang naglalakad sila ni Lerome sa gilid ng kalsada papunta ng Mornang Falls. Kalapit lang daw niyon ang Asin Hot Spring. "Wooo! Ang sarap dito. Walang traffic. Wala halos sasakyan na dumadaan. Sariwa ang hangin at puro gubat at fog ang nakikita ko! Masarap siguro ang trabaho mo. Nandito ka sa napakagandang lugar na ito."

"Hindi ganoon kadali pero mahal ko ang trabaho ko," sabi ng lalaki at tumingala. "Limitado ang pondo namin sa turismo pero malaki ang potential ng Barlig. Nakikita ko ang malaking improvement sa turismo kung tama ang promotion."

"Sabi sa akin may offer ka raw na magtrabaho sa ibang bansa. Bakit di mo mas pinili na magtrabaho doon? Sigurado ako na mas malaki ang offer."

"Totoo. Mas malaki ang kita doon. But I am happier here. Maaring di kalakihan ang kinikita ko bilang government employee pero nakakapagsilbi naman ako sa mga tagadito. Nagagamit ko ang kakayahan ko para iangat ang bayan ko. Iyon kasi ang bilin sa akin ni Tatang bata pa lang ako. Sana daw bago ko isipin ang sarili ko, isipin ko muna kung ano ang magagawa ko para sa bayan. Sa Pilipinas at sa mga taga-Barlig."

Pumalakpak ang dalaga. "Havey! Dapat kang tayuan ng rebulto ng mga tagadito."

"Hindi ko kailangan ng rebulto. Hindi naman talaga malaking sakripisyo kapag masaya ka sa ginagawa mo. Isa pa, pakiramdam ko kasama ko ang tatay ko habang nandito ako. Parang di siya nawawala sa tabi ko." Tumingala ito at nakita niya ang paglamlam mga mata nito. "Kapag nandito ka, parang malapit ka sa langit."