"Sigurado ako na mabuting tao ang ama mo at marami siyang natulungan," nausal ni Madison. Nakikita niya ang pagrespeto ni Lerome sa ama at ang impluwensiya dito.
"Dati siyang mayor dito at kalaunan naging vice governor ng Mountain Province. Mahal niya ang lugar na ito. Handa siyang pagsilbihan ang mga tao dito kahit na minsan isinasakripisyo niya ang sarili niyang pangangailangan. Napapagalitan pa nga siya ni Mama dati. Isusubo na lang ni Papa, ibibigay pa niya sa iba." Nagkibit-balikat ang binata. "Pero ganoon talaga."
"Mabuti siyang tao. Parang tatay ko. Gagawin ang lahat para sa ibang tao, para sa kabutihan ng nakararami. Kahit na madalas napapahamak siya."
Magaang tumawa ang lalaki. "Pasaway sila pareho."
"Nagmana yata tayo sa mga tatay natin," sabi ng dalaga. "Matitigas din ang ulo."
"Ikaw lang," kantiyaw ng binata. "Huwag mo akong idamay."
Natigil ang pagkukulitan nila nang mapansin nila na may nakahimpil na kotse sa gilid ng daan. Nakabukas ang hood ng kotse at isang babae ang may tine-text sa cellphone. Bakas ang iritasyon sa mukha nito. "Nasiraan yata, Lerome. Baka pwede nating tulungan."
Nakita niya ang pag-aalinlangan sa anyo nito. Pero nang lumapit siya sa babae ay sumunod naman ito. "May maitutulong po ba kami?" tanong ni Madison.
"Oo. Nasira ang kotse ko. Basta na lang tumigil..." Nagulat ito nang makita ang kasama niya. "Lerome, ikaw na pala iyan. How are you?"
"Ako na ang titingin," sa halip ay sabi ng binata at tinungo agad ang harap ng hood ng sasakyan. Ni hindi man lang sinagot ng bati ng babae. Hindi rin ipinakilala man lang sa kanya. Pakiramdam tuloy niya ay parang napipilitan lang ito na tumulong. At hindi iyon ang pagkakakakilala niya dito.
"Basta na lang tumigil. Kanina pa iyan hirap na umahon," paliwanag nito. Sa tingin niya ay nasa late thirties o early forties.
"Doon muna kayo sa gilid. Madison, pakainin mo si Madam. Baka di pa siya nag-aagahan," utos ni Lerome na seryoso na sa pagtingin ng sira ng kotse.
"Mabuti na lang dumating kayo. Kanina pa walang dumadaang sasakyan at malayo ang bahayan dito. At malayo din ang talyer. Ni walang signal para makahingi ng tulong," pagod na sabi ngm babae at halos hilahin ang sarili sa gilid ng kalye.
"Ma'am, ako po si Madison. Madison Urbano," aniya at inilahad ang palad sa babae.
"Lorraine Santillan. Sa Cordilleran Voice ako nagsusulat at may radio program din ako sa Radio Montañosa," paliwanag ng babae. Kung ganoon ay journalist din ito gaya niya. "Mukhang pamilyar ka sa akin. Have we met before?"
"Uhmmm.. Sa Star Network Baguio po ako," sagot ng dalaga at umupo sa sementadong sidewalk. Inilabas niya ang tasty na may palamang cheese spread at inalok dito.
"Ah! Ikaw 'yung nag-cover sa lalaking nagbi-breed ng mga ahas. Matapang ka," sabi ng babae at kumuha ng sandwich.
Maasim siyang ngumiti. Mas naalala pa siya sa paglingkis ng ahas sa kanya kaysa sa ibang coverage niya na maganda rin naman. "Ako rin po ang isa sa nag-cover ng Barlig tourism sa Biyahe Na, Biyahe Tayo."
"Ahhh!" anito at tumango-tango. "Ikaw din ba ang naghahanap kay Carrot Man?"
Umiling agad ang dalaga. "Hindi po. 'Yung ibang kasamahan ko po ang nag-cover sa kanya. Nandito po ako para magbakasyon."
Tumaas ang kilay ng matandang babae. "You must not be that good of a reporter then. Nandito ka na. Kaya dapat sinasamantala mo ang pagkakataon."
Tumuwid ng upo si Madison. Gusto niyang mainsulto sa sinabi ng babae. She wanted to tell the old woman that she was always ahead of the game. Pero parang sinabi na rin niya dito ang sekreto niya kapag dinepensahan ang sarili. Wala naman siyang kailangang patunayan dito.
"Di lahat ng reporter ay oportunista na wala na silang pakialam kung sino ang masasagasaan nila kahit pa taong nagtitiwala sa kanila," angil ni Lerome dito at matiim itong tinitigan.
Nagulat siya sa pagtatanggol nito sa kanya. Ang totoo ay nagi-guilty siya. Dahil hindi siya ang reporter na idine-describe nito. Siya ang reporter na sinasabi ni Lorraine na dapat maging siya - sinasamantala ang bawat oportunidad. Di tuloy siya makatingin nang diretso kay Lerome.
"Lerome, di naman ganoon ang ibig kong sabihin..." sabi ni Lorraine.
"I-start na po ninyo ang sasakyan," anang si Lerome at humakbang palayo sa sasakyan.
Susukot-sukot si Lorraine na sumampa ng sasakyan. Tahimik si Madison habang mas makapal pa sa fog ang tensiyong nararamdaman niya. Hindi siya halos humihinga hanggang marinig niya ang tunog ng makita nang i-start.
"Salamat, Lerome. How much should I pay you?" tanong ng babae.
"Alam po ninyo na tumutulong ako nang walang hinihinging kapalit kahit na kanino," mariing sabi ni Lerome.
"Para ka talagang si Lizandro," malumanay na sabi ng babae.
Tumiim ang anyo ng binata at kinuyom ang maduming palad. "Huwag na ninyong banggitin ang pangalan ng tatay ko. Nadudungisan ang pangalan niya tuwing binabanggit ninyo."
May asido ang bawat salita ni Lerome. Naroon ang matinding galit. Nakita niya na pilit lang kinokontrol ni Lorraine ang emosyon. Hindi niya alam kung ano ang pinagdaanan nito at ni Lerome. Mukhang malalim ang pinaghuhugutan ng binata. Kung sa kanya siguro sinabi iyon ni Lerome ay baka natunaw na siya.
Tipid na ngumiti si Lorraine nang makabawi. "Salamat sa tulong, Lerome. Have a good life." Kumaway sa kanya ang babae. "Enjoy your vacation, Madison."
Malungkot niyang pinagmasdan ang papalayong kotse ng babae pero hindi na iyon hinintay pa ni Lerome dahil naglakad na ito palayo.
Sinundan niya ang lalaki. "Lerome, okay ka lang?"
"Oo naman. Bakit naman hindi?" tanong nito at matamis pang ngumiti sa kanya. Subalit alam niyang pilit lang iyon dahil bukod sa OA ang ngiti nito ay di umabot sa mga mata.
"Lerome, sino ba si Miss Lorraine sa buhay mo? Napansin ko kasi na hindi maganda ang mood mo dahil sa kanya. Sino ba siya sa buhay mo?"
"Isang taong hindi importante," sagot nito pero tuwid lang ang tingin. Subalit tumatagos sa buto ang lamig ng tinig nito.
Hinawakan niya ang braso nito. "Lerome..."