Chapter 104 - Chapter 24

NARE-RELAX si Madison habang tumutugtog ng gitara si Lerome at kumakanta naman ng Anak ni Fredie Aguilar ang mga pamangkin ni Edward. Karaniwan nang country songs o kaya ay Filipino folk songs ang tugtugan sa Cordillera. May mga uso din naman na kanta pero dahil sa mas hilig ng mga nakatatanda ang istasyon na nagpapatugtog ng lumang tugtugin ay iyon din ang nakakahiligan ng mga bata.

She was also an old soul. Lumang kanta rin ang hilig ng ama niya noong nabubuhay pa dahil di daw nito makuha ang mga bagong tugtugan. Kaya di niya problema ang pakikisabay sa kantahan.

Katabi niya ang binata at nakapaligid sila sa bonfire sa tabi ng lake. Doon din sila naghapunan kanina. Ulam nila ang isda na hinuli nila ni Lerome para sa hapunan.

Sa buong maghapon ay wala siyang ginawa kundi kumain, matulog, manguha ng prutas, manghuli ng isda, magpakain ng isa at makipaglaro sa mga bata. Wala siyang hinahabol na deadline. Ang mukha niyang laging may make up ay di man lang nasayaran ng pulbo ngayon. And she was okay with that. Lumilipas ang oras nang wala siyang ginagawa pero hindi siya natataranta na baka napag-iiwanan siya ng mga kasamahan. Na lumalayo siya sa mga pangarap niya.

"Sino ang susunod na kakanta?" tanong ni Edward.

"Si Ate Madison," sagot ni Lerome at ngumuso sa kanya.

 "Ate ka diyan. Kanina pa ako kumakanta. Ikaw naman, Tito Lerome," pasa niya dito at pinanlakihan ito ng mata.

"Naku! Matutulog na lang kami kung pakakantahin mo si Lerome," sabi ni Edward. "Baka biglang umulan."

"Ang hard naman ninyo kay Lerome," sabi niya at tinapik ang balikat ng lalaki. "Ako na lang ulit ang kakanta, ha?"

Nagtawanan ang lahat pati si Lerome. "Tanggap ko naman walang perfect na tao. Di ko talaga forte ang kumanta."

"Sumayaw ka na lang, Tito Lerome," pakiusap ng walong taong batang si Nina. "Isayaw mo po ako."

Sa gulat niya ay tumayo ang binata. "Sige ba."

Si Edward na ang tumugtog ng gitara. Kinuha ng binata ang kamay ni Nina ay yumukod na parang isa itong prinsesa. Humalakhak si Nina habang paikot-ikot ang mga ito sa bonfire. Maya maya pa ay sumali na rin ang dalawa pang bata na si Kokoy at Gani. Masaya nang makipalakpak at mag-cheer si Madison.

Napansin niya na bukod sa mga hayop ay mabait si Lerome sa mga bata. Iba ang kislap sa mga mata nito. He was not guarded. He looked open. Mas mukha itong bata. Hindi tipid ang tawa at ngiti. Marahil ay ito ang totoong Lerome. At mas gusto niya ang side na ito ng lalaki.  

"Si Ate Madison naman!" sabi ni Kokoy.

"Tayo ang magsasayaw?" tanong niya sa bata.

Tumanggi si Kokoy.

"Hindi po. Si Tito Lerome ang magsasayaw sa iyo."

"Naku, hindi naman yata..."

Isasayaw siya ni Lerome? Pero paano? Hindi napakali si Madison. Hindi naman parehong kaliwa ang paa niya. Hindi naman big deal sa kanya ang makipagsayaw dati kahit di siya kagalingan. Normal na ang social dances lalo na kapag company party. Pero paano ba ito? Di pa man siya naisasayaw ni Lerome, nase-sense na niya ang intimacy sa pagitan nila. Di niya alam kung saan nanggaling iyon.

Ngunit nakalapit na sa kanya si Lerome bago pa siya nakatutol. Inilahad nito ang kamay sa kanya. Tiningnan lang niya ito pero di siya umiling. "Kahit apat pa ang paa mo, kailangan mo pa rin akong isayaw. O kakanta ako dito," banta ng lalaki.

"Ate Madison, maawa ka na po," pakiusap ni Kokoy. "Mamamatay po ang bonfire kapag kumanta si Tito Lerome." Sumang-ayon si Edward at ang ibang bata.

Natawa ang dalaga at tinanggap ang kamay ni Lerome. Wonderful Tonight ang tinugtog ni Edward. "It's late in the evening, she's wondering what clothes to wear."

Hinawakan ni Lerome ang baywang niya at humawak naman siya sa balikat nito. Parang ihinehele siya ng musika at ng paggiya ni Lerome sa kanya. Nang tumingala siya ay nakita niya na nakatitig si Lerome sa kanya na parang ninanamnam ang kanta.

"And my darling, you look wonderful tonight," pabulong nitong usal na parang tinutula nito ang kanta.

Wala namang malisya siguro ang pagkakasabi nito dahil sinasabayan lang nito ang kanta. Pero nailang siya dahil tumatagos ang titig nito. Di niya alam kung anong iwas ng tingin ang gagawin niya kaya tumingala na lang siya sa langit. Namangha siya na maaliwalas ang langit at nakadungaw ang maraming mga bituin.

"Ang ganda," usal ng dalaga.

Tumingala din si Lerome. "Tama ka. Maganda nga."

Umihip ang malamig na hangin at nangaligkig siya. Kusang dumikit ang katawan niya dito na naghahanap ng init. At nagkatinginan na lang sila ng binata.

"Bagsak na ang alaga ko." sabi ni Edward at binuhat si Nina. Noon lang nila napansin na tumigil na pala ito sa pagtugtog. Kahit ang dalawang batang lalaki ay pupungas-pungas na rin.

"Goodnight po," sabi ni Gani at humalik sa pisngi niya.

"Bukas po ulit, Ate Madison," anang si Kokoy at inakay si Gani papunta sa cabin na tinutuluyan ni Edward.

Kinuha ni Lerome ang gitara. "Matulog ka na sa kubo mo. Pariringasan ko na lang ng apoy ang bonfire mo para di ka lamigin," sabi ng binata. Nakakalat ang kubo paikot ng lawa. Pinili niya ang pinakamalapit sa restroom. Habang si Lerome naman ay nagtayo ng tent sa tabi ng kubo niya. "Dito lang ako sa tent sa labas. Babantayan kita."

"Dito muna ako. Di pa naman ako inaantok," sabi ni Madison at sumandig sa troso na nagsilbi nilang upuan kanina.

Nabitin siya sa tugtugan at kwentuhan. Di gaya sa lungsod na sanay ang mga tao na gabi na matulog, sa Barlig yata ay tulog na ang mga tao alas otso pa lang ng gabi. Gusto niyang sulitin ang mga oras na wala siyang kailangang gawing trabaho o isipin na deadline. Malaya siyang pagmasdan ang magandang langit.

"Ang ganda. Parang maliliit silang mga anghel na pinagmamasdan tayo," usal ni Madison at hindi halos kumukurap habang naghihintay ng dadaang bulalakaw.

"Maswerte ka dahil maganda ang panahon ngayon. Madalang mangyari na makikita mo ang langit nang wala halos kaulap-ulap. Madalas na foggy dito o kaya naman ay umuulan," paliwanag ng lalaki. "Siguro bumaba na naman ang mga anghel para maligo sa Siblang Taraw."

"Ano 'yung Siblang Taraw?" tanong ni Madison.

"Isang malaking kumunoy. Ayon sa sinaunang paniniwala, may pitong magkakapatid na babaeng anghel na bumaba sa lupa para maligo sa Siblang Taraw. Isang gabi, nakita sila ng isang magsasaka. Nagkagusto siya sa pinakabatang anghel kaya kinuha niya ang pakpak ng anghel at itinago. Kaya nang oras na para bumalik sa langit, hindi na nakapunta ang anghel."

Itinukod niya ang siko at doon ikinatang ang ulo. "Parang pamilyar sa akin ang kwento na iyan. Dahil di nakabalik sa langit, 'yung magsasaka ang nag-alok ng tulong sa anghel at nagpakasal sila kalaunan. Pero natagpuan din kalaunan ng anghel ang pakpak niya at iniwan niya ang asawa niya."

Di lang sa Barlig mayroong ganoong kwento. Maging sa bansang Hapon ay may bersiyon ang mga ito ng diwatang mula sa langit o sa buwan. Sa ibang lugar din sa Pilipinas ay naniniwala ang mga ito sa mga diwata, diyosa at anghel na may ganoon ding kwento.

"Pero may naiwan siyang mga anak dito sa Barlig," pagpapatuloy ni Lerome sa kwento. "Kaya ang paniniwala dito, may lahing anghel ang mga taga-Barlig. Nagkaasawa na dito at nagkaanak ang mga anak ng anghel na iyon. Namuhay na parang normal na tao.

"Ows! Patingin nga ng pakpak mo kung may lahi nga kayong anghel," sabi niya at sinilip ang likod nito.

Magaan itong tumawa. "Wala. Mukha ba akong may lahing anghel?"

"Bakit naman hindi? Kaya mo nga ako nabuhat paakyat dito sa Lake Tufub kanina kahit na mabigat ako, di ba?"

"Masyado kang nagpapadala sa kwento. Mythology lang naman iyon."

"Pero paano kung totoo? Gusto kong mapuntahan ang Siblang Taraw na iyon. Gusto kong makita kung saan naliligo ang mga anghel," desidido niyang sabi.

"Tatlong oras mong lalakarin iyon. Baka hindi mo kayanin."

"Sabi nga ni Jeyrick, ang pamamasyal daw sa Barlig ay parang panliligaw ng babae. Kahit na gaano kalayo pa, pupuntahan mo ang babaeng mahal mo. Balewala ang pagod basta makita mo lang siya."

Kumunot ang noo ng lalaki. "Sinabi iyon ni Jeyrick sa iyo?"

"Oo." Nahigit niya ang hininga. Si Jeyrick. Nakalimutan niya na dapat ay dadating pala ito sa Lake Tufub para dalawin si Manong Edward. Masyado siyang nag-enjoy at na-relax sa lake. "Ano pa ang makukwento mo sa akin? Ito bang Lake Tufub may kwento din?"

"Hindi alam ng mga tao dito noon na crater pala ito ng isang bulkan. Pero patay na ang bulkan. Tapos may isang matandang babae na nagpunta daw dito para magtanim ng gabi..."

Nangalumbaba si Madison habang nakikinig sa kwento ni Lerome. Maningning ang mga mata nito. Pati siya ay nadadala sa kwento nito.

Kung talagang pupunta doon si Jeyrick, magkikita pa rin sila. Di bale. May bukas pa naman. Susulitin lang niya ang araw na ito para sa sarili niya. Susulitin niya ang sandali na hindi sila nag-iiinisan ni Lerome at marami siyang natututunan tungkol sa bayan nito. At habang pinagmamasdan ang lalaki habang nagkuwento, gusto niyang maniwala na totoong may lahi itong anghel.