"Lerome," untag niya sa binata.
"Bakit?" tanong nito na tuwid lang ang tingin.
"Thank you sa pagbubuhat sa akin ha? Alam ko naman na di ako ganoon kagaan pero di mo pa rin ako inilaglag para ipalapa sa mga aso. Ang bait mo talaga. Guwapo pa," aniya at pasimpleng pinisil ang pisngi nito.
"Huwag mo na akong utuin. Alam ko nang guwapo ako. Ang tapang-tapang mo. Di ka takot sumugod sa hinihinalang marijuana plantation. Tingin ko rin ikaw ang tipo ng tao na mas masaya pa kahit tutukan ng baril. Pero sa aso lang takot ka."
"Uy! Hindi mo mapapakiusapan ang aso kapag gusto ka niyang lapain. Di ka pwedeng makipag-bargain sa kanila. Ayokong mamatay sa rabies."
"Di ka naman mamamatay. May anti-rabies naman ang mga aso dito. At mababait ang mga aso ni Kuya Edward."
"Katulad ng aso sa farm ng uncle mo na muntik na akong lapain?" tanong niya.
"At sino ang may kasalanan?" tanong nito at bahagya siyang nilingon. Naghahamon ang mga mata nito.
Oo na. Kasalanan na niya kung bakit siya hinabol ng aso. Bukod sa trespassing siya ay tumakbo din siya. Normal lang na habulin siya ng aso. "O! Akala ko ba starting over again tayo? Move on na tayo."
"Mahirap yatang maka-move on kapag nakapasan ka pa sa likod ko. Masakit ka sa gulugod at buto."
"Ahhhh! Ang sarap naman dito," sabi niya at inilinga ang tingin sa paligid. Naglalakad sila sa gitna ng mossy forest. Naririnig niya ang huni ng mga ibon. It was relaxing. Naririnig niya ang huni ng mga ibon na inaawitan siya. Pakiramdam niya ay pumapasok siya sa ibang mundo. Excited na siyang makita ang lawa na dati ay sa pictures lang niya nakikita.
"Unahan tayo!" narinig niyang sigaw ng mga batang mula apat na taon hanggang sampu na nag-uunahang tumakbo mula sa likuran nila. Natigilan ang mga ito nang malampasan sila at nagtawanan. "Hahaha! Ang tanda-tanda na, nagpapakalong pa. Daig pa namin. Di na nahiya!"
Nanlaki ang mga mata ni Madison. "At malditong mga bata ito." Pero nagtawanan lang ang mga ito at nagtakbuhan paakyat ng hagdan. Pumiglas si Madison. "Ibaba mo ako. Kokonyatan ko lang isa-isa..."
"Papatulan mo ang mga bata?" tanong ni Lerome at di siya pinakawalan.
"Nang-aano sila e..."
"Tanda mo na, papatol ka pa sa mga bata. Tapos kapag tumakbo ka at hinabol ng aso, iiyak-iyak ka naman," tungayaw nito.
"Pakonyat lang isa-isa," hirit ng dalaga.
"Pamangkin ni Edward ang mga iyon. Huwag nang patulan. Konti na lang at malapit na tayo sa taas."
Ibinaba lang siya ng lalaki nang sa wakas ay makarating sila sa taas kung saan natatanaw na ang lawa. Tumuntong siya sa bench dahil nasa paanan pa rin nila ang mga aso at ayaw silang iwan.
Sinapo ni Lerome ang likuran at nalukot ang mukha. "Parang hindi na yata ako magkakaanak sa bigat mo."
"Okay lang iyan. Ido-donate ko sa iyo ang unang anak ko. Quits na tayo."
"Your first born?" Umiling ito. "Sa sungit mong iyan, naniniwala ka na magkakaasawa ka?"
"Oo naman. Kunin pa kitang abay kung gusto mo," aniya at pasimpleng pinisil-pisil ang balikat nito. Ang kaibigan nitong si Jeyrick ang pakakasalan niya kaya makakasama ito sa abay. Siguro naman ay mauunawaan ni Carrot Man kung ipinangako man niya ang panganay niya kay Lerome.
Pumikit ito at umungol. "Pati likod ko idamay mo na rin. Masakit talaga."
"Dapat magka-girlfriend ka nang mag-aalaga sa iyo lalo na pag pagod ka."
"Kailangan mo ng boyfriend na pipigil sa iyo na pumunta sa delikadong lugar o gumawa ng delikadong assignment," balik nito sa kanya.
"Konti na lang at magkaka-boyfriend na ako. Huwag kang mag-alala."
"Naku! Ngayon pa lang nakikiramay na ako sa kanya," anang lalaki.
Napamaang si Madison. "Ikaw talaga..."
Pero tatatawa-tawa lang humakbang palayo ang lalaki at nilaro ang dalawang aso. Hindi siya nakasunod kay Lerome dahil sa takot sa aso. Tumawa ang ito nang dilaan ng dalawang aso ang mukha nito. Parang bata ito.
Inilabas niya ang camera mula sa backpack nito at kinuhanan ito ng video. Napaka-interesanteng lalaki ni Lerome. Masungit ito sa kanya pero mabait sa mga aso. Pero nang panahon na nakadama siya ng takot at sumampa sa likod nito ay di naman siya nito binitawan kahit na nabibigatan ito sa kanya.
Tumakbo ito na parang bata sa lake habang hinahabol ng mga aso. He was beautiful while being bathed by sunlight with the glistening lake at the background. She saw Lerome in a new light. Hindi ito ang istrikto at overprotektive na head ng tourism. He saw simply a man. A kid even. Nakadama siya ng saya habang kuhanan lang ito ng video.
Maya maya pa ay tumakbo ito pabalik sa kanya. "Bakit hindi ka sumunod?"
"Okay na ako dito," sabi niya at ibinaba ang camera.
Pumalatak ito. "Iniisip mo na baka lapain ka ng mga aso? Paano ka mag-e-enjoy sa bakasyon kung lagi kang takot?" Inilahad nito ang kamay. "Halika. Magpapakain tayo ng usa."
"May usa dito?" tanong niya.
Tumango ang lalaki. "Meron doon sa gilid ng kubo."
"Pasanin mo ako," ungot niya.
Akala ni Madison ay kokontrahin na naman siya ng lalaki at aabutin siya ng katakot-takot na sermon. Sa halip ay inalok ni Lerome ang likod sa kanya. Di naman nag-alinlangan ang dalaga na sumampa sa likod nito.
Nang mga oras na iyon, pakiramdam niya ay may magkakaibigang nabubuo sa kanila ng binata. Madalas man silang magbangayan pero alam niyang di siya nito pababayaan kahit pa mabali ang mga buto nito. Maswerte ang magiging nobya nito. Kung hindi lang sana ito nega sa kanya.