Chapter 101 - Chapter 21

"GAANO ba dapat kadami ang kailangang kainin ng usa?" tanong ni Madison habang nagpupulot ng nuts sa gilid ng gubat. May isang uri ng nuts na kinakain ng mga usa at baboy-ramo at iyon ang ipinapakain sa usang sina Bambi at Bamboo na alaga ni Edward.

Isang ingit ang isinagot ng asong si Whitie sa kanya. Ito ang tumulong sa kanya na maghanap ng nuts para ipakain sa usa. Noong una ay kinakabahan siya tuwing lalapitan ng mga aso pero hindi naman siya inaangilan ng mga ito. Malalambing nga ang mga aso at palakaibigan. Matatalino pa.

Inutusan ang mga ito ni Lerome para tulungan siya na maghanap ng nuts. Sa pangigigilalas niya ay tumakbo ang mga ito sa gilid ng gubat at itinulak ng ilong ang mga nahulog na nuts sa lupa. Hindi naman pala nakakatakot ang mga aso.

Wala ka naman dapat katakutan sa mga aso kung wala kang gagawing masama. Kung hindi nila nararamdaman na banta ka sa teritoryo nila o sa mga mahal nila sa buhay, hindi ka nila sasaktan. Mabuti silang kaibigan, Madison. Mas mabuti pa minsan kaysa sa tao. Mas loyal pa kaysa sa tao.

Di alam ni Madison kung ano ang pinaghuhugutan ni Lerome. Pero tama naman ito. Baka may mga tao itong napagkatiwalaan dati pero binigo lang ito. Ano kaya ang nangyari dati?

Nang mapuno na ang palad niya ng mga nuts ay bumalik siya sa usa. Nakita niya na pinapakain ng apat na taong bisita ng lake ng nuts ang usang si Bamboo sa nakabukas nitong palad. Subalit nang malaglag ang nuts ay bigla na lang sinugod ng usa ang bata.

Umiyak ang bata dahil natakot at tumakbo. Maagap naman si Lerome dahil ihinarang nito ang sarili sa usa at sa tumatakbong bata. Parang tumigil sa pagtibok ang puso ni Madison nang makitang natumba si Lerome at di na gumagalaw.

"Lerome!" sigaw niya at nabitawan ang mgma nuts na hawak. Tinakbo niya ang lalaki na nakabulagta sa damuhan at walang kagalaw-galaw. "Lerome!"

Wala itong malay nang maabutan niya. Ang mga bata naman ay nakatunghay lang sa lalaki sa di kalayuan. "Tsuuuu!" saway niya sa usa na tumakbo naman palayo. Nagpatuloy lang ito sa panginginain ng damo. Ni hindi man lang nito alam kung anong damage ang nagawa nito kay Lerome. Kinapa niya ang dibdib ng lalaki. "Saklolo! Kailangan namin ng tulong. Mga bata, tawagin ninyo si Manong Edward."

Nagpulasan naman ang mga bata at sumama pati ang dalawang aso. Nangilid ang luha niya. "Lerome, gumising ka please. Huwag mo akong takutin nang ganito. Hindi ko alam kung anong gagawin ko kapag may masamang nangyari sa iyo. Please. Hindi na kita aawayin basta maging okay ka lang. Lerome!"

Binuksan niya ang jacket nitong maong.Inangat niya ang T-shirt nito mula sa pantalon saka niya kinalas ang sinturon nito. Kinapa niya ang abs nito. Doon ba ito tinamaan? Paano kung sa baba pa?

Paano kung si Junior ang tinamaan? Paano kung namemeligro pala ang future generation nito? Kailangan siyang magamot agad. Sayang ang lahi.

Nagkukuli pa siya kung bubuksan ang zipper para silipin kung may diperensiya o hihintayin na lang si Manong Edward nang may kamay na pumigil sa kanya na nakapatong pa rin pala sa abs nito. "Anong ginagawa mo sa akin?"

Suminghap si Madison at nakitang bahagyang nakabukas ang mga mata ni Lerome. "Tiningnan ko kung may injury ka. Sabihin mo kung anong masakit sa iyo."

"Uhhhh... Hindi ko masabi. 'Yung kamay mo..."

Natilihan ang dalaga nang makita ang kamay niya na nakalapat pa rin sa abs ng lalaki. Dali-dali niyang binawi ang kamay. "Ano..." Akmang babangon ito nang pigilan niya sa dibdib. "Huwag kang gagalaw. Sinuwag ka ng usa. Baka may internal bleeding ka."

"Parang sinasamantala mo ang kahinaan ko," anitong umangat ang gilid ng labi.

Delikado na nga ang sitwasyon nito ay iniisip pa nitong pinagnanasaan niya ito. Nakupo! Kahit pa yummy ang abs nito, di siya ganoong klase ng babae. Mas mahalaga pa rin ang kaligtasan nito.

"Huwag ka ngang magbiro," saway niya sa lalaki. Naiiyak na nga siya sa pag-aalala ay parang di naman sineseryoso ng binata ang kalagayan nito. "Tinamaan ba ang junior mo? Malala ba? Sobrang sakit? Huwag kang mag-alala. Di ako papayag na di masagip ang future generation mo." Sayang naman ang lahi nito kung mawawala dahil lang sa suwag ng usa.

Umupo si Lerome na parang walang masamang nangyari. "Me and Junior is fine. Di naman ako sinuwag ni Bamboo. Naglalaro lang kami."

Napanganga si Madison. "Naglalaro?"

"Oo. Play dead. Iyon ang gusto nina Bamboo at Bambi kapag pinapakain sila. Gusto nila kapag natatalo nila ako. Sana lang hindi ito nakita ng mga bata. Baka i-report tayo sa mga magulang nila. Ayokong mapikot."

 Pambihira! Nagmamalasakit lang siya tapos ay lalabas na may ginagawa silang Rated SPG sa mismong lake. Luminga siya sa paligid. Mukhang wala namang ibang nakakita. Sana.

"E bakit kasi may play dead, play dead ka pang nalalaman?" angil ni Madison at itinulak ang dibdib ng lalaki. "Puro ka kalokohan. Diyan ka na nga. Sa susunod na madisgrasya ka at totoo na, bahala ka sa buhay mo."

"O! Iiiwan mo akong mag-isa? Hindi mo ba isasara ang sinturon ko?"

"Unggoy! I-buckle mong mag-isa mo iyan. Wala na akong pakialam sa iyo." At saka nagdadabog siyang naglakad palayo.

Gusto niyang magtitili sa inis. Bakit ba kung kailan akala niya ay pwede silang magkasundo si Lerome ay yinayamot siya nito? Hindi naman ganoon ka-yummy ang abs nito na mala-Piolo Pascual level.

Hindi naman dapat niya inaalala si Lerome, ang abs nito at ang junior nito. Naroon siya para kay Jeyrick. Di siya dapat mawala sa goal. Gagamitin lang niya si Lerome para makalapit sa totoong tagumpay. Hindi nila kailangang maging magkaibigan. Dahil oras na malaman nito ang tunay na pakay niya ay baka kamuhian siya nito.