Chapter 102 - Chapter 22

"MABUTI naman at dito ninyo naisipang mamasyal sa Tufub. Ang mga pumupunta kasi dito sa Barlig mas gusto na umakyat ng Mt. Amuyao," sabi ni Edward habang kumukuha ng ubo na mukhang bilog na pakwan ang labas. May tanim na ganoong gulay si Edward at isasahog sa tanghalian nila. Iniwan nila si Lerome na nagluluto ng pinikpikan. Di kaya ng puso niya ang paraan ng pagluluto niyon at mas gusto niya na tikman na lang kapag luto na. Isa pa, masama pa ang mood niya dahil kay Lerome.

Kinukuhanan ni Madison ng video ang lalaki. "Gusto ko pong ma-explore ang ibang parte ng Barlig. Nang nakaraang dumalaw po kasi ako dito hindi ako nakarating dito sa Lake Tufub kasama ng ibang reporter para kuhanan ang mga tourist spots dito sa Barlig, hindi na po ako nakahabol sa Lake Tufub. Sa Lias na lang po ako nakapunta."

"Ah! Ikaw pala ang reporter ng Star Network na hindi nakapunta. Namasyal ka daw sabi ni Lerome at nawala sa bukid. Hindi ka talaga dapat namamasyal nang mag-isa dito lalo na kung hindi ka naman sanay sa bukid."

"Kaya nga po," nausal na lang ng dalaga at pumitas ng tafungaw, isang gulay na upo pero mukhang imported na pakwan ang balat. "Natuto na po ako ng leksyon."

Ayaw na sana niyang maulit ang kapalpakan na iyon. Ang pinakauna niyang pagkakamali ay ang di pag-verify sa nakuha niyang tip. Pangalawa ay ang pagtitiwala sa kay Janz na nanlalaglag ng ka-partner kapag nagkagipitan na. Sa pagkakataong ito ay mag-isa siyang kikilos sa assignment niya. Kargo niya ang sarili niya at wala siyang pwedeng sisihin kapag pumalpak. It was fine. She trusted herself more.

"Pero kahit na ganoon ang nangyari, bumalik ka pa rin," sabi ni Edward at pumitas naman ng kamatis sa pananim nito.

May sarili itong garden sa lake. Dahil mag-isa lang ito doon ay niyayaya nito na kumain ang mga bisita para daw may kasalo ito. Di na nito pinababayaran dahil pamilya o kaibigan na ang trato nito sa mga bisita doon gaya ngayon.

"Nangako ako na babalik ako ngayon dahil na rin po sa kaibigan kong si Jeyrick. Sabi po niya ay maganda sa lugar na ito."

"Si Jeyrick ba na anak ni Manong Melvin? Madalas siya dito."

"Ano.. Nasaan po ba siya ngayon?" nananantiyang tanong ni Madison.  

Hindi niya alam kung pwede niyang maging kakampi si Edward bilang walang kamalay-malay na source ng impormasyon o kung may alam na ito sa pagiging viral ni Jeyrick sa internet bilang si Carrot Man.

"Kagagaling lang niya dito mga tatlong araw na ang nakakaraan. Nangisda pa nga kami at uminom ng tapuy," tukoy nito sa rice wine. "Baka dumating iyon mamaya galing sa bukid nila sa Lingoy."

"Talaga po?" nagniningning ang mata niyang usal. "Ibig sabihin nandito lang siya sa may Lingoy?"

"Wala kasing signal sa Lingoy. Wala naman siyang sinabi na pupunta siya sa ibang lugar o babalik sa Kadaclan. Nagpapaalam naman iyon bago umuwi. Saka ang alam ko may landslide papunta ng Kadaclan kaya mahihirapan ang mga sasakyan. Di rin niya basta maiwan ang bukid. Masasayang kasi ang pagod nila sa pagrenta sa bukid kung hindi mababantayan."

Bingo! Sabi na nga ba niya't nasa farm lang ang lalaki. Pero dahil malayo iyon at makakahalata si Lerome na ang lalaki talaga ang pakay niya ay kailangan niyang maghintay sa Lake Tufub para magmukhang coincidence ang pagkikita nila ni Jeyrick. Pakiramdam niya ay sinasadya nitong itago si Jeyrick sa kanya. Sa kanilang mga reporter at iba pang naghahanap dito.

Walang maitatago sa matinik na reporter gaya niya. Kailangan lang ni Madison ng mahabang pasensiya at magandang timing.

"Si Jeyrick kasi ang guide ko noong nandito po ako sa Barlig. Masipag siya at marami akong natutunan sa kanya. Dapat po siya ang guide ko pero di ko ma-contact," paliwanag niya dito. Di lang dahil sa trabaho kaya masaya siyang may matuklasan kay Jeyrick. Lalo niyang nakikilala ang lalaking gusto niya.

"Wala ka bang itatanong tungkol kay Lerome?" pag-iiba ni Edward sa usapan.

"Bakit naman po napunta tayo kay Lerome? Si Jeyrick ang pinag-uusapan nila."

"Ito talagang si Ma'am, patay malisya pa. Hindi ba may gusto kayo sa kanya?"

Umiling siya. "Hindi po. Guide ko lang siya..."

"Sa palagay ko gusto ka rin niya."

"Talaga?" bigla ay excited niyang tanong.

"Kita mo. Interesado ka rin sa kanya," pananalakab ng lalaki.

"Nasobrahan lang kayo sa imahinasyon, Kuya." Kung alam lang nito na halos magsakalan na sila ni Lerome mula nang unang beses pa lang silang magkakilala.

Sa palagay niya ay tinatiyaga lang siya nito para tiyakin na hindi siya makakalapit kay Jeyrick at ayaw nito na may masabi siyang hindi maganda tungkol sa Barlig. Mahalaga pa rin na sa kabila ng personal nilang inaawayan sa isa't isa ay isa pa rin siyang turista. Anumang ilathala niya o ikwento niya sa iba tungkol sa Barlig ay makakaapekto sa turismo ng bayan nito.

Ibang usapan na 'yung may gusto siya dito. Kahit na mas attractive pa ang abs nito kaysa sa Barlig Rice Terraces, hindi niya siya mai-in love dito.

"Ngayon ko lang ulit nakita si Lerome na tumatawa at nakikipagbiruan sa babae," sabi ni Edward.

"Inaasar po niya ako. Malaki po ang pagkakaiba no'n. Masaya po si Lerome kapag naba-bad trip niya ako," anang si Madison ang sinipa ang tuyong dahon.

"Hindi basta-basta nagbubukas ng emosyon si Lerome sa ibang tao. Hindi niya basta-basta sinasabi ang iniisip o nararamdaman niya. Lagi siyang propesyunal at pormal lalo na sa mga babae. Kung may babaeng nagpapakita ng motibo sa kanya, hindi niya ine-entertain dahil ayaw niyang magkaroon ng maling impresyon ang isang babae. Ni hindi siya nakikipag-asaran malibang maging sarkastiko kapag napipikon. At lalong hindi niya papasanin ang isang babae gaya ng sa iyo."

"Bakit naman po? May di ba siya magandang experience dati?" tanong ni Madison at tumulong sa pagpitas ng kamatis.

Di siya dapat magtanong. Di naman siya interesado sa mga drama ni Lerome sa buhay. Pero di rin siya matatahimik kung di niya natutuklasan kung bakit nga ba parang galit si Lerome sa mga babae o kakaiba ito sa kanya.

"Sabihin na nating nagtiwala siya sa isang taong minahal niya pero sinira lang ang tiwala niya. Minsan mas masakit pa na nasira ang mga mahal natin sa buhay dahil sa isang taong pinahalagahan natin kaysa sa tayo mismo ang masira," makahulugang sagot ng lalaki sa kanya.

"May babae pong nanloko sa kanya? Girlfriend na nagtaksil?" Tumingala siya dahil nanatiling pinid ang bibig ni Manong Edward. "Katulad po ba sa mga teleserye na iniwan siya kaya pati pamilya niya ay naapektuhan?"

Bumuntong-hininga ito. "Wala ako sa lugar para magkwento. Mas mabuti siguro kung kay Lerome mo na lang itanong."

"Naku! Hindi naman iyon magkukwento sa akin."

Baka isipin na naman ni Lerome na may hidden desire siya dito o ang malala ay in love siya dito. Gulo na naman iyon. Okay na silang magkaaway. Nandito na siya sa Lake Tufub. Baka mamaya lang ay nandiyan na si Jeyrick.

Tumayo si Manong Edward at pinagpag ang kamay. "Basta ang masasabi ko lang, kapag binuksan niya ang puso niya sa iyo, huwag mo siyang sasaktan. Huwag mong sisirain ang tiwala niya. Mabuti siyang tao at mahal siya ng mga tao dito. Kaya sa palagay ko kailangan niya ng mga tao na magmamahal din sa kanya."

Itinikom na lang ni Madison ang bibig. Hindi naman niya masasaktan si Lerome dahil bukod sa wala itong tiwala sa kanya ay wala naman silang espesyal na nararamdaman sa isa't isa maliban sa ilusyon nito na may gusto siya dito.