NAI-set na ni Madison ang tripod at hinayaang mag-video iyon habang niluluto ni Lerome ang pinikpikan. Iyon ang tradisyunal na lutuin ng mga Igorot na parang tinola. Nakapaikot kay Lerome ang mga bata habang iniihaw ang manok habang pinupukpok para daw mamuo ang dugo. Isa daw ang pinikpikan sa mga tradisyon ng mga Igorot na gustong isalin ni Lerome sa susunod na henerasyon upang di mamatay. Subalit nasa loob ng siya ng kubo at nagmamasid lang sa mga ito.
"Ako na! Ako na ang papalo sa manok," anang batang si Nina na apat na taong gulang pa lang.
"Bata ka pa, Nina. Baka akala mo laro lang itong pagluluto natin," sabi ng sampung taon na si Kokoy.
Pamangkin pala ni Manong Edward ang mga bata at paminsan-minsan ay dumadalaw doon. Parang wala lang sa mga bata na magpalisaw-lisaw sa lawa at sa gubat na nakapaligid doon.
"O! Si Ate Madison naman ninyo ang pasalihin ninyo. Paturuan ninyo sa Tita Lerome ninyo. Kailangan niyang matuto kung dito na siya maglalagi sa atin," anang si Edward na may halong panunukso.
"Gusto mo bang matuto?" tanong ni Lerome sa kanya. "Pwedeng ikaw naman ang pumukpok ng patpat sa manok. Subukan mo. Isa sa authentic experience kapag nasa Barlig ay ang matutong magluto ng pinikpikan." Magaling talagang tourism officer si Lerome. Alam nito na strong point ng turismo sa Barlig ay maranasan ng mga dumadalaw doon ang tunay na kultura ng mga Igorot. Hindi lang basta kung paano kumain kundi pati kung paano iyon iluto.
Umiling si Madison. "Hindi kaya ng puso ko. K-kawawa kasi ang manok. Naiiyak ako na nakikitang nasasaktan."
"Vegetarian ka ba? Animal rights advocate?" tanong ni Lerome.
Umiling siya. "Hindi. Kumakain ako ng pinikpikan pero hindi ko kayang lutuin nang ganyan. Naiiyak ako sa manok."
"Ibang klase ka talaga. Masyado kang malambot pagdating sa mga hayop. Buti pa sa hayop may takot at habag ka," sabi ni Lerome.
"Maawain din ako sa tao. Kaso niloloko ako."
"Nag-aaway po ba kayo?" tanong ni Gani.
"Bad po na mag-away," sabi naman ni Nina.
"Hindi. Nagkukwentuhan lang sila," paglilinaw ni Edward. "Itutuloy ko ang pagtuturo sa mga bata na magluto ng pinikpikan. Para naman may ma-experience na masaya si Ma'am Madison, mangisda na lang kayo sa lake. Siguro naman mas madali 'yon sa kalooban ni Ma'am."
"Sa palagay ko naman mas di masakit sa didbib manghuli ng isda," usal ng dalaga.
Tig-isa silang pamingwit na kawayan na may pisi. May hook iyon sa dulo kung saan ilalagay ang pain. Tahimik silang dalawa ni Lerome habang pababa sa lawa. Inalok nito ang kamay sa kanya. "Kailangan mo ng alalay?"
"Kaya ko na ito," tanggi niya at nauna pang maglakad sa lalaki. Patakbo pa siyang lumapit sa lake at tumigil sa pampang. "Saan tayo?"
"Doon sa taas ng tulay," sabi ng lalaki at itinuro ang kahoy na tulay na nasa ibabaw ng lake. Maingat siyang umakyat sa tulay. Mula doon ay tanaw niya nang paikot ang lawa. "Pwede na ba dito?"
"Okay lang ba sa iyo na humawak ng pain? Bulate ito," wika ng lalaki at inangat ang lata na may lamang lupa na may bulate.
Umikot ang mga mata ni Madison. "Di ako maarte na humawak ng bulate. Normal na lang iyan. Ahas pa nga ang pinayakap sa akin noong nag-cover ako ng agri news," pagmamalaki ng dalaga at kumuha ng bulate saka inilagay sa hook.
Bakas ang pagkagimbal sa anyo ng lalaki nang alalayan siya sa madulas na bahagi ng trail pababa. "Nasa agriculture news ka? Akala ko sa travel show ka. Parang di yata bagay iyon sa iyo."
"A demotion. Iyon ang parusa sa akin dahil gumalaw ako sa isang assignment na walang permiso sa management. Inilagay ko raw sa alanganin ang pangalan ng kompanya at ang buhay namin ng kasamahan ko. Kaya ayun! Maswerte na akong magkaroon pa rin ng project. Hindi ako tuluyang inalis sa trabaho."
Nalambungan ng kalungkutan ang mukha ng lalaki. "Sorry. Kasalanan ko ang pagkaka-demote mo. Sana pala di na ako nag-report sa boss mo."
Umiling si Madison. "Hindi. Hindi mo naman kasalanan na na-demote ako. Tama lang ang ginawa mo na sinabi mo sa boss ko. Mali ako. Di ako sumunod sa protocol. Kumilos ako nang di ipinapaalam sa istasyon ko. Di ko lang ipinahamak ang sarili ko kundi pati ang kasamahan ko. Paano kung nasaktan o namatay kami?"
"You almost did. Look, kung talagang may marijuana plantation dito, kami mismo ang magrereklamo. We don't want this to be a haven for addicts. Ayaw din namin ng droga di lang dito sa Barlig kundi pati sa buong mundo. Kami mismo na tagadito ay sumusunod sa batas. Hindi kami nangungunsinti ng mali. Nakita ko kung paanong naapektuhan ng droga ang ibang mga sikat na bayan, siyudad at tourism spot. Simpleng tao lang kami dito sa Barlig pero nagmamalasakit kami sa isa't isa lalo na sa mga kabataan."
Tumango-tango ang dalaga at inilawit sa lawa ang pamingwit. "That is good to know. Sayang naman kasi kung masisira ang pinaghirapan ninyo dito lalo na sa tourism.
Naniniwala siya kay Lerome. Naniniwala siya sa paninindigan nito. Ito ang tipo ng tao na handang magtrabaho nang higit pa sa katungkulan nito. Mahal nito ang mga tao doon. Masarap siguro na may ganoong tao sa buhay na handa kang protektahan at alagaan dahil mahal ka nito. And she somehow longed for that kind of person in her life.
Huminga ng malalim ang lalaki at iniladlad ang pamingwit sa lawa. "Maganda ang feature ninyo sa Barlig. Dumami ang mountaineers namin at may inquiries at reservation na kami ngayong summer. Sana pabalikin ka nila sa trabaho mo. Na makagawa ka ng travel shows o makapag-investigative report gaya ng pangarap mo. Siguro kung hindi ka na-demote, ikaw ang magko-cover kay Jeyrick."
"Kung ako ang magko-cover, wala akong bakasyon ngayon. Nandoon ako sa Tabuk at hinahanap siya. Mas masarap naman ang buhay ko ngayon," wika niya at itinaas ang mga kamay. "Ahhhh! Ang sarap ng bakasyon!"
"Talaga? Mas gusto mo dito sa lugar na walang internet, walang signal ang cellphone, walang magarang tutulugan at walang ibabalita na malaki. Sa palagay ko ikaw ang tipong di napapakali kapag walang trabaho. Walang news na nakukuha. Masyado kang driven. Di ka titigil hangga't di mo nakukuha ang gusto mo."
Lumabi si Madison. Para sa isang taong di niya gaanong kasundo, di niya alam kung paano siya nito nakilala. Na parang gagawin pa lang niya ay nabasa na nito.
"Tao lang ako. Napapagod din. Sa mga nangyari sa akin nang nakaraang araw, kailangan ko ang bakasyon. Huwag na muna nating pag-usapan ang trabaho. Nandito ako para mag-relax, hindi ba?"
"O! Gumalaw na ang pisi. May kumagat na sa pain mo."
Hinawakan niya ang payat na kawayan. Pero lubhang malikot ang isda at parang nagpupumiglas para makawala. "Lerome, baka makatakas ang isda."
Tumayo ito sa likod niya at saka ipinaloob siya sa bisig nito. HInawakan nito ang pamingwit. "Isa, dalawa, tatlo, hila!" utos nito. Ibinuhos niya ang lakas niya. Nasubukan na niyang nanghuli ng isda noon pero para lang sa camera. Sa pagkakataong ito ay nanghuli siya nang walang camera na nakatutok. Muntik pa siyang matumba sa lakas ng pagkakahila niya subalit naroon naman ang katawan ni Lerome para alalayan siya. Nanlaki ang mata niya nang makita ang kumagat sa pain niya. "Wow! Ang laki ng tilapia. Yessss! Ang laki ng huli ko."
"Ang galing mo! Naunahan mo pa akong makahuli," sabi ng binata at inilabas ang cellphone nito mula sa bulsa. "Kukuhanan kita ng picture."
Nag-pose si Madison kasama ang nahuling isda. Hindi na ito tungkol sa paghahanap niya kay Carrot Man para magka-scoop. Masaya siya sa mga bagay na kaya niyang gawin ngayon. Walang kompetisyon. Walang expectations sa kanya at wala siyang kailangang habulin na oras.
It was starting to feel like a real vacation. She deserved this.