Chapter 99 - Chapter 19

THIS way to Lake Tufub.

Ikiniling ni Madison ang ulo nang tingalain ang mabatong daanan paakyat ng lawa. Nasa tuktok pa ng bundok ang naturang lawa. Isa iyon sa atraksyon sa bayan ng Barlig. Iyon ang unang lugar na pupuntahan niya nang di halata ni Lerome na hinahanap talaga niya ang kaibigan nito.

 "Nagdadalawang-isip ka ba na umakyat?" tanong ni Lerome sa kanya. May sukbit itong eco bag at sports bag sa magkabilang balikat. May h awak pa itong kahon sa kabilang kamay na may lamang manok na iluluto daw nito. Sa kabila pa ay ang damit niya na nasa maliit na maleta.

"Hindi. Sabi mo mga ten minutes lang nasa Tufub na tayo, di ba? 'Yung ilang oras nga na lakaran nagawa ko dati," pagmamalaki pa ng dalaga. Sisiw na lang sa kanya ng ngayon ang mga sampung minutong lakaran lalo na't alam niyang nasa tuktok niyon ang premyong pinakaaasam niya.

Ayon sa interview niya sa tiyahin ni Beliza na si Manang Lourdes ay   ay pumupunta doon si Jeyrick para mangisda at makipagkwentuhan sa bantay doon na si Edward. Kahit siguro isang oras pa papunta sa tuktok ay hindi niya susukuan. Para sa pag-ibig. Para sa career.

Bitbit ang mga gamit nila ay nagsimula na silang umakyat. Matapos ang ilang oras na mabatong daan ay umakyat sila sa hagdan. Magagaan ang hakbang ng dalaga kahit na may kabigatan ang dala niya. Alam kasi niya na malapit na siya sa tagumpay.

Nawala ang lahat ng saya niya nang dalawang aso na papababa ng hagdan. Napababa bigla siya sa hagdan at nagtago sa likod ng lalaki. "Lerome, may aso."

"Aso lang. Kuuuu!" sabi pa ng lalaki na parang binabati ang dalawang aso.

Tinampal niya ang lalaki sa likod. "Baliw ka ba? Bakit mo pa tinawag? Shooo!" pagtataboy niya sa dalawang aso. Subalit sadyang makulit ang dalawang aso at siya talaga ang tinarget. Inamoy-amoy pa ng mga ito ang binti niya at naglaro pa sa paanan niya. Hindi na natinag si Madison sa kinatatayuan. "Paalisin mo na sila dito."

Nakuyom ng dalaga palad nang magpaikot-ikot na ang mga aso sa binti niya. Hindi halos humihinga si Madison. Naalala niya nang panahon na habulin siya ng aso sa farm Ang tiyuhin ni Lerome dahilan para muntik na siyang mamatay. Paano kung malakas ang pang-amoy ng mga aso at nasinghot ng mga ito ang "maitim niyang balak" o kontra sa gusto ni Lerome? Friendly-friend nito lagi ang mga aso. Di niya alam kung may mental telepathy ang binata sa mga aso.

"Huwag kang matakot. Wine-welcome ka lang nila," anang lalaki sa magaang boses.

"Hindi ako nagpapa-welcome. Paano kung kagatin na lang ako basta? Ayoko ng rabies," aniyang mangiyak-ngiyak na at nagmamakaawang tiningala ang lalaki. Sana naman ay mautusan nito ang mga aso na lumayo sa kanya.

Tumawa ang lalaki na halos humalakhak sa buong gubat. "Aso lang iyan. Di naman nakakatakot. Matapang ka pa nga sa akin."

Napikon si Madison. Hindi na nga siya tulungan ng lalaki ay pinagtawanan pa siya nito. "Aso lang pala ha?" Bigla niyang sinakyan ang lalaki sa likod. "Sige. Tawa ka pa."

Naging mabuway ang pagkakatayo ni Lerome. Nabitiwan tuloy nito ang hawak na maleta at ang kahon na may manok. Dumausdos din sa balikat nito ang sports bag at eco bag. "Bumaba ka, Madison. Gugulong tayo pababa."

Lalo siyang nangunyapit dito at yumakap sa leeg nito. "Wala akong pakialam. Idala mo ako sa taas. Ayokong makagat ng aso," angil niya at lalong kumapit sa leeg nito. Iyon ang parusa nito dahil sa pang-aasar nito.

Umubo ang lalaki. "Papatayin mo ba ako? Baba!"

Pilit pa rin siyang inaakyat ng mga aso. Parang mas natuwa pa ang mga ito at ginagawang Olympics ang pagsampa sa kanya. Yumakap siya lalo kay "Maawa ka na. Ayokong makagat ng aso. Marami pa akong pangarap. Never been kissed, never been touched ako!"

Sa sobrang taranta ni Madison, di niya napansin na pati ang personal na impormasyon ay ipagsigawan niya. Huli na para bawiin pa niya. Nakakahiya!

"Ah! Virgin. Puro at dalisay," anang si Lerome at tumango-tango.

"Huwag kang tatawa. Lagot ka sa akin," banta niya.

Nanatili lang nakatayo doon ang lalaki pero sinapo nito ang likod ng binti niya para di siya tuluyang dumausdos. Hinayaan na nitong bumagsak ang dalawang bag na nakasukbit sa balikat nito. "Ganito ka ba talaga kalupit? Ako na nga ang nahihirapan."

Isang halakhak ang narinig nila mula sa taas. Isang matipunong lalaki ang bumababa mula doon. "Aba! Ang sweet naman ninyo ng ka-date mo, Lerome. Mabuti naman at dito ninyo naisipang mag-date."

"Hindi po ito date, Manong," tanggi ng dalaga.

"Kuya Edward, pakisabihan ang mga aso mo na mauna na. Ayaw bumaba nitong bisita natin. Baka gumulong kami pababa," nag-aalala nang sabi ni Lerme.

"Kuuu! Whitie! Brownie!" tawag ni Edward sa mga aso pero naglaro pa rin ang mga ito sa binti ni Lerome. Parang inaabangan ang pagbaba niya. "Ma'am, mukhang nagustuhan kayo ng mga alaga ko. Ayaw sumunod sa akin. Nagandahan sa inyo."

"Hindi ako bababa dito," giit ni Madison. "Kahit forever tayo dito, Lerome, hindi ako bababa hangga't may mga aso diyan."

"Ako na ang mag-aakyat ng mga gamit ninyo. Kargahin mo na lang ang ka-date mo," sabi ni Edward kay Lerome at kinuha ang mga dala nitong gamit. "Ma'am, ang backpack ninyo?"

"Okay lang po ako. Macho naman si Lerome. Kayang-kaya niya kami ng backpack ko." Camera, laptop lang ang dala niya sa bag. Hinding-hindi niya isasayad ang mga paa niya sa lupa hangga't nasa paligid ang mga aso.

"Oo. Sanay magbitbit ng mabibigat ang mga tao dito ng kaban-kaban at ilang oras pang pasan. Saka romantic nga kayong tingnan kaya i-enjoy ninyo ang pag-akyat," nakangising sabi ni Edward at nauna nang umakyat sa kanila sa hagdan.

Tahimik lang ang lalaki habang pasan siya. Siguro ay nag-iipon ito ng lakas. Gusto niyang mailang nang sila na lang sila. Mukha nga naman silang magnobyo na nagde-date sa gitna ng kagubatan. Madison was enjoying it. Masarap pakinggan ang huni ng mga ibon, ang huni ng mga kuliglig na parang inaawitan sila. Kahit ang sinag ng araw na sumisingit sa mga puno ay napakaganda. Romantic. Siya tuloy ang nailang. Nangangarap siya dito habang ang may pasan sa kanya na si Lerome ay pihadong naiiita na sa kanya.