"AKO na ang bahala dito, Beliza. Hindi ka dapat nagbubuhat ng mabigat."
"Cardo, kaya ko na iyan," kontra naman ni Beliza sa guwapong pulis at pilit na inaagaw dito ang isang kahon na ipinapasuyong dalhin sa bantay ng Lake Tufub. Pamangkin si Beliza ng may-ari ng Seaworld Inn. Hindi niya na-interview kanina tungkol kay Jeyrick dahil abala daw ito sa pag-aaral. Pero natitiyak naman niya na hindi rin niya makukuhanan ang babae ng impormasyon. Guwardiyado nito si Jeyrick. Malakas pa mandin ang kutob ng mga babae. Baka maamoy nito na karibal siya nito kay Jeyrick. Madadagdagan pa ang kalaban niya.
"Alam mo naman na ayoko sa lahat napapagod ka."
"Talaga lang ha?" nakataas ang kilay naman na sabi ni Beliza dito. "Pero ako pagod na sa iyo. Matagal na."
Pinapanood ni Madison ang makahulugan na palitan ng salita ng babae at ng pulis na si Cardo mula sa gilid ng Ford Ranger ni Lerome. Isinasakay ang mga supplies para sa bantay ng Lake Tufub na si Edward. Mag-isa lang kasi itong nagbabantay sa lawa. Di ito makakaalis sa lawa nang walang ibang bantay. Kaya naman kapag may pupunta sa Lake o may dadaan na sasakyan doon ay pinadadalhan ito ng supplies.
"Salamat sa pagdadala ng mga supplies kay Kuya Edward," sabi ni Cardo. "Ako na sana ang magdadala pero..." At pasimpleng nilingon si Beliza. "Tutulungan ko pang mag-review si Beliza. Bilin ni Jeyrick."
"Kaya ko nang mag-isa," angil ni Beliza dito at nagdadabog na naglakad palayo.
Kumaway naman si Cardo sa kanila habang palayo ang pick up truck na sinasakyan nila. Nakita niya na nagtatalo pa rin ang dalawa. Hindi niya alam kung bakit iba ang pakiramdam niya sa nobya ni Jeyrick at sa pulis nna iyon. They had some sort of spark. At nararamdaman niya na may kasamang lambing ang pag-alalay ni Cardo kay Beliza kahit masungit ito. Napaisip tuloy siya kung anong klaseng relasyon mayroon si Jeyrick kay Beliza gayong kasisimula pa lang ng relasyon ng mga ito.
"Sweet ba si Jeyrick sa girlfriend niya?" tanong ni Madison kay Lerome.
"Magkaibigan sila. Si Beliza ang girl besfriend ni Jeyrick. Parang magkapatid na sila."
Tumaas ang kilay ni Madison. "Magkapatid tapos mag-boyfriend? Asiwa ata iyon."
Asiwa din siyang tiningnan ni Lerome. "Mukha ba akong tsismoso? Hindi ako nakikialam sa relasyon ng kaibigan ko. May sarili akong buhay. Saka bakit ka interesado?" tanong nito.
Humalukipkip siya at umingos. "Nagtatanong lang naman ako."
"Iba na lang ang pagkwentuhan natin. Huwag na buhay ng ibang tao."
Ito talaga ang malaking pagkakamali niya. Di talaga niya dapat tinanggap ang alok ni Lerome na maging guide niya. Nakalibre nga siya sa tour pero parang wala naman siyang makukuhang impormasyon dito. Ni hindi niya matanong kung anong klaseng relasyon mayroon sina Beliza at Jeyrick. Mabuti nang malaman niya kung may bentahe siya sa babae. Lugi siya dito kay Lerome.
"Kung ayaw mongpag-usapan ang ibang tao, ikaw na lang ang pag-usapan natin. May girlfriend ka na?"
Nalukot ang mukha ng lalaki at bahagyang hinampas ang manibela. "Bakit naman sa akin napunta ang usapan?"
"Sabi mo kasi huwag akong makialam sa ibang tao. Kaya ikaw na lang."
"Why are you asking about my love life? Are you harboring some sort of desire for me?"
Tinampal ni Madison ang noo. "Wow! Desire! Yummy ka 'no?"
Bahagya itong ngumiti. "Thank you."
Tinitigan ng dalaga si Lerome. There was a smug smile on his lips. Kampanteng-kampante ito at di man lang binawi ang statement.
"Seryoso ka talaga? Feeling mo may gusto ako sa iyo?"
Umangat ang gilid ng labi ng lalaki. "Bakit mo ako pilit na ikinulong sa kuwarto mo kagabi?"
"Gusto kong protektahan ka sa multo." Sinadya niyang idiin ang salitang "multo". "Hindi ba narinig mo ang yabag palabas ng kuwarto mo..."
"Alam nating hindi totoo iyan," putol nito sa palusot niya. "Wala naman talagang multo sa kuwarto ko. Gusto mo lang talaga akong masolo."
Kating-kati na si Madison na burahin ang kaangasan sa mukha ni Lerome. Oras na siguro para malaman nito ang totoo. "Okay. Napadaan ako sa kuwarto mo para mag-tsaa nang makarinig ako ng ingay. At narinig ko na gusto kang kumbinsihin ni Reda Belle na makakuha ng exclusive interview kay Jeyrick sa tulong mo. Sabi niya ay magaling siyang mangumbinsi. Hindi naman ako ipinanganak kahapon para di ko malaman kung ano ang nangyayari sa kuwarto mo."
Namula ang lalaki at tuwid lang ang tingin sa kalsada. "Walang nangyari sa amin gaya ng iniisip mo."
"Dahil dumating ako sa tamang oras. Baka kung ano nang kababalaghan ang gnawa niya sa iyo kung hindi ko kayo kinatok," pakli ni Madison. "Malamang wala ka nang puri kung hindi ako dumating."
Sana naman ay ma-realize nito na sa kanilang dalawa ni Reda Belle na di naman siya ganoon kasama. Na may malasakit pa rin siya sa kapwa niya.
Sa pagtataka niya ay may pilyong ngiti sa labi nito nang kilingunin siya. "Ah! Nagseselos ka?"
Kundi lang nagmamaneho ang lalaki ay baka binatukan na niya ito. "Tinulungan kita. Di ako nagseselos. Di ka na nga nagpasalamat, palalabasin mo pa akong may pagnanasa sa iyo. Grabedad!" Malapit nang mag-collapse ang brain cells ni Madison kay Lerome. Lagi silang bumabalik sa pagnanasa niya dito. "Di mo ba pwedeng tanggapin na nagmagandang-loob lang ako na tulungan ka at di dahil sa kung anu-anong ilusyon mo? Mabuhay ka naman sa realidad."
Naging seryoso ito. "Hindi mo ako kailangang sagipin dahil di ako nagpapa-take advantage. May prinsipyo akong tao. Alam ko kung kailan humindi. Hindi naman ako tanga. And I know how to say no. Alam ko na rin ang strategy ng ibang reporter para lang makakuha ng scoop. Marunong akong tumanggi lalo na kapag hindi tama."
"Pasensiya ka na. Naabala ko ang pagtanggi mo sa kanya. Ako na nga nagmalasakit, parang ako pa ang panggulo," nakaismid niyang usal.
"Ipagluluto kita ng pinikpikan," bigla ay sabi nito.
"Huh?" usal niya at nilingon ito.
"Sabi ko ipagluluto kita ng pinikpikan. Effective ang strategy mo para itaboy ang multo sa kuwarto ko. Thank you for saving me."
"Ahhhh!" Marunong naman palang magpasalamat si Lerome at maka-recognize sa mga tumutulong dito. Napangiti si Madison. "Wala iyon."
Di naman pala ganoon kasungit ang lalaki. Kaya naman siguro niya itong palambutin. Makukuha rin niya ang tiwala nito. Konting tiis lang.