Chapter 95 - Chapter 15

"NOOO! Hindi ito pwede. May girlfriend na si Jeyrick! Hindi ako papayag! Ako dapat ang Carrot Girl mo."

Napangiwi si Madison nang marinig ang iyak ng mga fans ni Jeyrick sa kabilang silid. Nasa Eagle's Nest Guesthouse siya nakatuloy kung saan nagpahanda ng dinner ang mayor para i-welcome ang miyembro ng press at fans ni Jeyrick. Matapos ang press conference ay wala siyang nagawa kundi mag-check out sa Seaworld Inn dahil ang mayor na mismo ang nagyaya sa kanya. Dahil di mailabas si Jeyrick, gustong samantalahin ang pagkakataon para maipakita ang maayos na pagtanggap ng mga taga-Barlig.

Nauunawaan niya ang mga ito. It was depressing. Wala siyang nakuha kahit na isang magandang balita. Una, kinumpirma ng bestfriend ni Jeyrick na si Beliza ang sinabi ni Lerome kanina na wala sa Barlig si Jeyrick. Wala rin ito sa Kadaclan kung saan ito talaga nakatira. Nasa isang coffee farm ito sa Tabuk, Kalinga para tumulong sa pag-aani sa farm ng pinsan nito. Sayang lang ang pagpunta nila doon. Pangalawa at pinakamasakit ay nobya na pala ni Jeyrick ang bestfriend nitong si Beliza.

Humiga siya sa kama at pinaghahampas pa rin ang kutson. "Ang tanga mo, Madison. Sobrang tanga mo."

Mukhang bago pa lang ang relasyon nina Beliza at Jeyrick ayon sa babae dahil mukhang pati ang ibang tagadoon ay na-shock din. Marahil ay nangyari iyon nang mga panahon na tumigil nang mag-text si Jeyrick sa kanya at sawa na itong humingi ng sorry.

May chance sana kami kung hindi ko siya sinupladahan. Kasalanan ko dahil mas pinahalagahan ko ang pride ko at ang inis ko kay Lerome.

 Uuwi na ba siya at babalik na lang sa pagko-cover ng mga feature na nakakababa ng morale o mananatili sa Barlig. Sinasabi ng journalistic instinct niya manatili siya doon. Ayaw niyang maniwala na nasa Tabuk si Jeyrick. Nasa pali-paligid lang ito at umiiwas sa mga reporter. Gaya ng hindi siya naniniwala na nobya na nito ang Beliza na iyon. Baka nga delusyunal lang ang babaeng iyon at sinasamantala na wala si Jeyrick para angkinin ang lalaki.

Paano kung mali na naman siya gaya ng nangyari sa marijuana plantation? Di ba dobleng dagok ito sa kanya?

Would she cut her losses now or keep on fighting?

Nang matahimik na ang paligid ay di pa rin makatulog si Madison. Kailangan niya ng tsaa. Lumabas siya ng silid para kumuha ng tsaa sa bungad ng dining area. Malaya silang magtimpla ng kape o tsaa doon. Wala nang ilaw sa mga silid. Marahil ay mahimbing nang natutulog ang lahat dahil maaga pang aalis ang mga lto patungong Tabuk, Kalinga bukas.

Isang silid ang may nakita siyang bukas ang ilaw na naaaninag sa ilalim ng pinto. Pagdaan niya ay narinig niya ang maigting na boses ni Lerome. "Nasabi ko na kung nasaan ang location ni Jeyrick. Di ko alam kung ano pang kailangan sa akin, Miss Reda."

Natigilan sa paglalakad si Madison. Ang alam niya ay sa kabilang dulo pa ng hallway ang kuwarto ni Reda Bella. Anong ginagawa nito sa kuwarto ni Lerome? Di napigilan ng dalaga na idikit ang tainga sa pinto. Halos di siya humihinga. Ayaw niyang marinig siya ng mga ito.

"That is not enough. I want more," narinig niyang sabi ni Reda Belle sa mapang-akit na boses. "Gusto ko ng exclusive interview kay Carrot Man. Tawagan mo siya. And you will be very well compensated."

"Si Jeyrick lang ang makakasagot niyan. Nagawa ko na ang lahat ng maitutulong ko, Miss," anang si Lerome sa mababang boses.

"I can be very, very persuasive."

Parang binuhusan ng malamig na tubig si Madison nang maunawaan kung ano ang nangyayari sa kabila ng pintong iyon. Gustong gumawa ng kababalaghan ni Reda Belle para lang sa exclusive interview kay Jeyrick. At pagsasamantalahan nito si Lerome. Naalala niya kung gaano kagalit si Lerome sa mga tiwaling reporter. Hirap na hirap siya na ibangon ang reputasyon niya tapos ay lalo pang dudungisan ni Reda Belle. Hindi siya papayag na makakuha ng exclusive interview ang babae.

At lalong di ako papayag na ichukchak chenez niya si Lerome. Over my dead body.

Kinalabog agad ni Madison ang pinto. "Lerome! Lerome! Buksan mo ang pinto."

Bumukas ang pinto at bumungad sa kanya ang lalaki. Sabukot ang mukha nito na parang may naalala siya. "Bakit? Anong nangyari?"

"M-May multo sa kuwarto ko." Wala siyang ibang naisip na solusyon para maabala ito at si Reda Belle. Mukhang nasa likuran ng pinto ang babae at di niya makita.

"Multo?" bulalas nito. "Wala namang multo dito."

"Meron. Ano siya... Babaeng kulot ang buhok at nakasuot ng white dress. Ayokong bumalik sa kuwarto ko. Natatakot ako," sabi niya at hinawakan ang kamay nito. "Tulungan mo ako."

"Anong magagawa ko sa multo? Di naman uso ang multo dito. Baka naman nananaginip ka lang."

"Hindi ako nananaginip," giit niya at sinapo ang pisngi.

"Sa tanda mong iyan, naniniwala ka sa multo?"

"E kung may third eye ako? Ayokong matulog sa kuwarto ko. Kung gusto mo tingnan mo pa sa kuwarto ko..."

Pumalatak ang lalaki. "Halika. Tingnan natin," sabi ng lalaki at isinara ang pinto ng kuwarto nito. Hinawakan nito ang kamay niya at hinila siya papunta sa kuwarto niya. Binuksan nito ang pinto. "Ano? Nasaan dito ang multo? Wala naman."

"Ano... Nandiyan lang siya kanina sa gilid ng bintana," aniya at itinuro. "Basta nandiyan lang kanina."

"Baka naman nakalimutan mo lang magdasal bago matulog kaya kung anu-ano ang nakikita mo. Buksan mo na lang ang ilaw kung takot ka sa multo o wild ang imagination mo. Goodnight."

Nataranta si Madison. Paano kung di ito maniwala? Paano kung bumalik agad ito sa kuwarto nito at gusto nitong ituloy ang chukchakan kay Reda Belle? Hindi ako makakapayag. Ako lang ang may karapatan sa exclusive interview kay Jeyrick. At kahit iritado ako kay Lerome, aalagaan ko rin ang puri niya.

Bigla niya itong hinarangan nang palabas na ito at sinandalan ang pinto. "Huwag! Huwag kang lalabas sa kuwartong ito."

Kumunot ang noo nito. "Anong huwag akong lumabas dito? Walang multo..." Naghihinala siyang pinagmasdan ng lalaki. "Baka naman may hidden desire ka sa akin. Paraan mo lang ito para masolo ako."

"Shhh!" saway niya dito at inilapat ang hintuturo sa labi nito. "Huwag kang maingay. Nasa kuwarto mo na ang white lady."

"Ano?" panggigilalas nito.

Marahan siyang tumango. "Nakakita ka na ba ng babaeng maganda at mukhang maamo ang mukha pero ang totoo evil pala? Basta kahit anong hingin niya sa iyo, huwag mong ibibigay. Huwag kang sasagot ng oo."

Siyempre si Reda Belle ang multo na tinutukoy niya. Mukhang maamo pero impakta pala. Pwes, nandito siya para wasakin ang plano nito. Hindi nito basta-basta makukuha si Lerome.

Nakita niya ang bahagyang takot sa mga mata nito. Pero napalis din ito at naging matigas ang anyo. "Wala akong oras sa kalokohan mo. Walang multo."

Di pa rin siya umalis sa pinto at pinigilan ang kamay nitong nakahawak sa seradura. "Last na lang. Palabas na ng kuwarto mo ang multo," usal niya nang marinig ang yabag ni Reda Belle na papalayo. "Konti na lang."

Idinikit ni Lerome ang tainga sa pinto. May pag-aalinlangan sa mga mata nito nang tingnan siya. Parang tinatantiya nito kung alam niya ang tungkol dito at kay Reda Belle.

Natigagal na lang siya dahil ilang pulgada lang ang layo ng mukha nila sa isa't isa. "Natatakot ka ba talaga sa multo?" tanong ng lalaki. "Parang di naman."

"Kahit kailan talaga nega ka. Iniisip mo na naman na nagsisinungaling ako. Ikaw na nga itong pinrotektahan ko sa multo." Tumuwid siya ng tayo nang marinig na pumasok na si Reda Bella sa kuwarto nito. "Sige na. Makakaalis ka na. Bumalik ka na sa kuwarto mo."

"Ikaw? Kaya mo nang mag-isa dito? Pwede akong magbantay sa labas ng kuwarto mo," anitong may halong pag-aalala. At naramdaman niya ang sinseridad nito. "Baka bumalik ang white lady..."

"Okay na siguro ako. Magdadasal na lang ako bago matulog. Basta i-lock mo ang pinto ng kuwarto mo. Huwag ka nang magpapasok kahit na sino. At pag may kumatok, basta matulog ka lang," bilin niya dito. Baka balikan pa ito ni Reda Belle, mabuti nang makaiwas na ito sa babae.

"You are weird. Pero salamat sa pag-aalala. Goodnight." At sa kauna-unahang pagkakataon ay binigyan siya ni Lerome ng totoong ngiti bago ito lumabas sa silid niya. Multo lang pala ang magpapangiti dito.

May ngiti rin sa labi ni Madison nang matulog. Tagumpay! May pag-asa pa siya kay Jeyrick basta kapit lang siya sa plano niya. Push!