Chapter 96 - Chapter 16

"NAKU! Mabait si Jeyrick. Dito sa karinderya namin kumakain ang batang iyan kapag stopover papunta ng Kadaclan. Sila ng tatay niya. Paborito niya ang pinikpikan," kwento ng may-ari ng eatery sa bayan na si Manang Linda kung saan siya nagmiryenda. Maaga pa lang ay nag-check out na si Madison ng Eagle's Point. Nagpaalam lang siya kay Janz na babalik ng bayan para simulan ang tour niya. Nagpasabi na lang siya kay Reda Bele dahil wala siya sa mood na makaharap ang babae. Ayaw niyang makipagplastikan.

She wanted to start her day right. Pumunta siya ng bayan para makakuha ng impormasyon tungkol kay Jeyrick - saan ito naglalagi, sino ang malalapit dito at kung saan niya ito posibleng matagpuan. Umaasa siya na marami siyang makukuhang impormasyon tungkol sa lalaki.

"Uhmmm... Saan po siya madalas pumunta?" tanong niya.

"Ang totoo, taga-Kadaclan siya. Dalawang oras pa mula dito. Kaso di ko naman alam kung saan banda doon. Di pa nga ako nakakarating sa Kadaclan. Pero noong isang araw lang nakita pa siya ng anak ko sa Lingoy. Doon siya nagrerenta ng bukid kasama ang tatay niya," paliwanag ni Manang Linda.

Pasimpleng niyang inilista sa Fonepad niya ang mga lugar na nabanggit ng babae. Nai-highlight niya ang Lingoy. Maaring nandoon ang lalaki.

"Saan po 'yung Lingoy?" tanong niya.

Inilahad nito ang kamay. "Banda sa bungad ng bayan. Nadaanan mo iyon. Pero malayo pa ang bukid na tinataniman nila. Baka isa o dalawang oras na lakaran."

Napanganga siya. "Po?"

Natawa ang babae. "O! Huwag ka nang magugulat. Ganyan talaga kalalayo ang mga bukirin dito. May mga baranggay din na kailangan mong lakarin ng ilang oras bago marating dahil wala namang sasakyan."

Mukhang mapapasubo siya kung pupuntahan niya si Jeyrick sa farm nito. Kahit nga saang lupalop ay handa niya itong hanapin para sa interview niya at para sa pag-ibig. May iba pang lugar na nasa listahan niya pero kailangan niyang malaman kung saan tiyak na matatagpuan si Jeyrick doon.

 "Ah! My favorite reporter is still here."

Nanigas ang buong katawan ni Madison nang makita si Jeyrick na nakatayo sa pinto ng kainan. Natagpuan na siya nito. Akala pa mandin niya ay natakasan niya ito.

Dahan-dahan siyang lumingon sa lalaki at binigyan ito ng matamis na ngiti para sa benefit ng ibang nakakakita. "Hello, Sir Lerome."

"Akala ko umalis ka na," anang lalaki at lumapit sa mesa niya. "Hindi ka na namin nakasabay na mag-breakfast. Nakaalis na sila papuntang Tabuk."

"Hindi naman talaga nila ako kasama sa coverage. Nahiya lang ako dahil personal akong inimbitahan ni Mayor."

"Pwede ko ba kayong samahang magkape?" tanong ng binata at kay Manang Linda ibinaling ang namumungay na mga mata.

"Walang problema. Nagkukuwentuhan lang kami," sagot naman ng matandang babae.

"Pasali naman sa kwentuhan ninyo," nakangising sabi ni Lerome at bahagya siyang nilingon.

"Di naman importante pinagkukwentuhan namin. Kung anu-ano lang. Baka ma-bore ka pa," pagtataboy niya sa lalaki. Utang na loob. Tsupi na. Di pa tapos ang interview ko dito.

"Itinatanong niya kung saan ang bukid nila Jeyrick sa Lingoy," panlalaglag ni Manang Linda. Tinawag nito ang anak para ipagdala ng kape si Lerome.

Tumango-tango si Lerome at nakita niya ang pagtalim ng mga mata nito kahit na nakangiti. "Ah! Si Jeyrick."

Gusto na lang ni Madison na mag-walkout nang mga oras na iyon. Di niya alam kung may lihim na sabwatan ang mga taga-Barlig para isabotahe ang plano niya o sadyang malas lang siya. Kailangan ba talagang ilaglag siya?

Di man lang alintana ni Manang Linda ang nakakanginig na tensyon sa pagitan nila ni Lerome. Tinapik-tapik nito ang braso ng lalaki. "Si Sir Lerome ang dapat mong kausapin tungkol kay Jeyrick. Mas marami siyang alam dahil bata pa lang magkaibigan na sila. Mas alam niya kung saan naglalagi si Jeyrick." Tumayo ang matandang babae. "Sige. Magluluto muna ako. Lerome, ikaw na ang bahala kay Ma'am."

Related Books

Popular novel hashtag