Chapter 91 - Chapter 11

"I WANT A VACATION."

Inangat ng news head ng Star Network Cordillera na si Toto Manabat ang paningin mula sa laptop nito at puno ng disinteres na pinagmasdan si Madison. Nagpilit siyang kausapin ito kahit na ayaw pumayag ng sekretarya nito. Pakiramdam ng dalag ay sasabog na ang utak niya kapag di pa niya nakuha ang pakay.

"Talk to my secretary. May mga hotel voucher ako dito sa Baguio. Mamili ka ng isa. After a spa and massage treatment, you will be as good as new," sabi ng matandang lalaki at ipinaspas pa ang kamay sa direksyon ng pinto.

Ang ideya nito ng bakasyon para sa kanila ay isang overnight stay sa isang hotel at kinabukasan ay kailangan na rin niyang mag-report. O kung mamalasin, kahit kalagitnaan ng gabi at mahimbing ang tulog mo ay tatawag pa rin ito para sa meeting o news coverage. He wanted his people handy twenty-four-seven. At hindi iyon matatawag na bakasyon.

Umiling siya. "Kailangan ko ng totoong bakasyon. 'Yung malayo dito sa Baguio. 'Yung makakalanghap ako ng sariwang hangin at kung pwede po walang mang-aabala sa aki. Kahit isang linggo lang. Please, Sir" pakiusap ng dalaga at pinagsalikop ang palad bilang pakiusap.

Humitit ito ng sigarilyo at saka ibinuga ang usok. "Alam mong imposible ang gusto mo.Hindi kita pwedeng paalisin nang isang linggo. Kailangan kita dito, Madison. Marami tayong kailangang i-cover."

"Marami? Ano naman ang iko-cover ko dito na di ko pwedeng iwan? Paano manghuli ng palaka? Paano magluto ng exotic na bubuli? O kung ano ang magandang organic feeds para sa mga bibe ninyo. O kung paanong ang lumot ay pwedeng gawing soup."

Mariin siyang pumikit. She was only given shitty assignments. Hindi niya alam kung paano niya nagagawa pang ngumiti kapag nakaharap sa camera o kaya ay pinagagawa sa kanya ang kung anu-anong challenge. Di siya maselan. Handa naman siyang gawin ang lahat para sa trabaho. Pero hindi ito ang trabaho na inaasahan niya. It was definitely a demotion. At mababaliw na siya kapag di pa siya umalis.

Nagkibit-balikat ang matandang lalaki at tumayo. "Hija, tumaas ang rating ng agri show natin. People like you. Maraming nagme-message sa Facebook group natin na  naging interesado daw sila sa agriculture dahil inaabangan niya ang segment mo. Gusto mo bang ipakita ko ang sulat ng mga fans natin na gusto kang ireto sa mga anak-anak nila at apo? May mga love letter ka pa nga. May mass appeal ka. Mas maganda pa ang response sa iyo ng audience ngayon kaysa noong nasa travel segment ka."

Umungol siya. Hindi na siya masaya sa trabaho niya. Hindi ito ang gusto niyang trabaho. At pakiramdam niya ay naubos na ang lakas niya sa bawat araw na naglalagi siya sa mga topic tungkol sa pagbubungkal ng mga halaman o kaya ay kung paano kakantahan ang mga alagang manok para mas malaki ang itlog. Final straw na nang hamunin siya na mag-pet ng ahas kanina. Kahit bayaran siya ng sampung milyon, di niya iyon gagawin para lang sa ratings.

Tiningnan niya si Roger sa mga mata. "Alam  po ninyo kung anong assignments ang gusto ko."

"And you blew your chance when you made a goose chase with that marijuana plantation in Barlig. You offended the tourism office of town. Nakakahiya nang kausapin ako ni Lerome tungkol sa ginawa mo. Kung di pa siya napakiusapan ng kasamahan niya, baka bukod sa naghihimas ka ng rehas na bakal, naka-ban ka na sa ibang media outfit. Kahit na mag-alaga ng ahas o gumawa ng guano sa harap ng camera ay di mo na  magagawa," katwiran naman nito.

Naggiyagis ang mga ngipin niya. "Bakit di na lang ninyo ako sinesante?"

Naging malamlam ang mga matamo. "Because you are good. Malayo ang mararating mo. Nakikita ko sa iyo ang apoy na nagtulak sa ama mo noon para maihatid niya ang balita na makakapagsilbi sa mas maraming tao."

Nangilid ang luha sa mata niya. "Kaya ko po ito ginagawa dahil kay Tatay."

"Pero kailangan mong maghinay-hinay, Madison. Bata ka pa. Marami ka pang kailangang matutunan. Maari kang mapahamak kung hindi ka mag-iingat. Even seasoned journalists and broadcasters are not that gullible. You can't go on your own."

Tumiim ang anyo niya. "Sir, kasama sa panganib ang pagiging isang journalist. Alam ko na po iyon. Handa ako."

 At ang magagaling na journalist na handang isugal ang buhay ng mga ito para sa katotohanan. Malaking reward naman kapag kinilala na siya at maari pa siyang magkaroon ng local at international awards. Pero malabong mangyari ang pangarap niya sa ganitong uri ng assignments.

"Pero ang matalinong journalist din ay hindi sugod nang sugod. Kailangan niya ng diskarte nang di nailalagay sa alanganin ang sarili niya at ang kompanya. Hindi ka lang nag-iisa sa trabahong ito. Gumawa ka ng assignment na walang sanction ng network. Tapos pati kasamahan mo idadamay mo pa. Buntis ang asawa no'n. Paano kung namatay iyon? Hindi ba mas maraming apektado?"

"I am sorry, Sir. Gusto ko lang... Gusto ko lang naman po na mag-improve ang status ko dito sa kompanya. Pangarap ni Papa na makakuha ako ng awards balang-araw. 'Yung maipagmamalaki ako ng mga Pilipino," maluha-luha niyang sabi. "Malaking pagkakataon sana kung na-diskubre ko ang marijuana plantation."

Pumalatak ito at tinapik ang balikat niya. "Pero walang marijuana plantation. You have to accept that. You failed. At hangga't di ka natututo, hindi mo maaabot ang mga pangarap mo. Bata ka pa. Mararating mo rin ang mga iyon. Nandito ako para umalalay sa iyo. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kapag may masamang nangyari sa iyo. Nangako ako sa tatay mo na aalalayan kita."

Inangat niya ang ulo. "Sir..."

Tipid na ngumiti ang matandang lalaki. "Kundi mo naitatanong, minsan nang sinagip ng tatay mo ang buhay ko. Masyado kasi akong aggressive habang nagko-cover ng isang military insurgency. Gusto kong kuhanan ng picture at makita ang mismong palitan ng putukan ng mga militar. Hinila niya ako palayo at sinabi niya na walang silbi ang pagbabalita ko kung patay na ako. Kaya iyon din ang gusto kong sabihin sa iyo. Choose your battles well. No news is worth your life. Sa ngayon, bumalik ka muna sa trabaho. Tiyagain mo muna ang mga assignments na para sa iyo. Walang maliit o malaking balita basta nakakatulong ka sa marami."

Bumagsak ang balikat niya. "Sige po. Thank you for your time, Sir." Wala naman siyang magagawa sa ngayon. Kailangan niyang magtiyaga sa kung ano ang meron kaysa wala. "Paano po pala ang bakasyon ko nang isang linggo?"

Tipid itong ngumiti. "I will think about it. You have that video to edit?"

"Opo. Thank you, Sir," nausal na lang niya at lulugo-lugong lumabas ng opisina nito. Lalong lumayo sa kanya ang bakasyon na pinapangarap niya.

Isang text message ang natanggap niya mula kay Jeyrick. Kumusta, Ma'am?

Ngumiti si Madison nang mabasa iyon. Mula nang bumalik siya mula sa Barlig ay paminsan-minsan niyang nakaka-text si Jeyrick. Minsan ay nagpapadala ito ng inspirational quotes at masaya na siya doon.

 Huwag mo akong tawaging ma'am. Mainit ang ulo ko ngayon. Nakakatanda iyan.

Sorry. Pumunta kayo sa Barlig para mawala ang init ng ulo ninyo.

Bumuntong-hininga ang dalaga. How I wish. Di ako makaaalis dito.

Isang internet link ang ipinadala nito sa kanya. Video iyon nang mag-picnic sila sa Tomallan Falls. Masaya siya doon habang ikinakawkaw ang paa sa tubig. Parang bata siya at nakalimutan niya ang

Kinuhanan mo ako ng video? Di siya makapaniwala. Sabi na nga ba niya't may gusto si Jeyrick sa kanya.

Hindi ako. Si Lerome ang kumuha ng video.

Nagsalubong ang kilay ni Madison. Bakit naman siya kukuhanan ng impaktong iyon ng video? Unang pagkikita pa nga lang nila ay mainit na ang ulo nito sa ganda niya. Baka naman nagpapalusot lang si Jeyrick para di halata na type siya nito.

Alam mo, okay lang naman sa akin kung ikaw ang kumuha ng video. Di naman ako magagalit sa iyo. Okay lang din sa kanya kung aaminin nitong gusto siya nito. Welcome na welcome ang good news sa kanya.

Hindi. Si Lerome daw ang nag-video niyan sabi ni Jhen sa tourism. Baka kasi di mo pa nakikita. Nagandahan yata sa iyo si Lerome. Uyyyy!

Jeyrick, kung wala kang sasabihing maganda, huwag mo na akong i-text! Bye! At saka niya in-off ang cellphone niya sa inis.

Ito ang gusto niya tapos ay itutukso siya nito sa bestfriend nitong antipatiko. Malas na nga sa trabaho, malas pa sa pag-ibig. Kainis! Ano bang maling ginawa ko sa buhay ko at nagkakandaleche-leche ang buhay ko?

Related Books

Popular novel hashtag