ANG kuhol sa bukid, pwede nang pampaganda.
Mud therapy, gamot sa iba't ibang sakit.
Paglalatok para mawala ang pagiging sakitin ng mga bata.
Nakanganga na lang si Madison nang mabasa ang topics na susunod niyang iko-cover para sa program niya. Gusto na lang niyang maglupasay sa cubicle niya sa news room nang mabasa ang nakasulat sa notepad na naka-pin sa board niya.
Isang linggo na mula nang magpaalam siya sa boss niya na magbabakasyon. Isang linggo na niyang tinitiis na gumalaw na para zombie sa bawat coverage niya. Hindi niya alam kung paano pa siya bumabangon sa araw-araw na parang pinapatay ang bawat pangarap niya para maging magaling na reporter. Ultimo bakasyon nga ay ipinagkakait sa kanya. Malapit na siyang bumigay.
"Madison, sama ka sa amin mag-bar mamaya," yaya sa kanya ni Jobelle, isang kasamahan niya na nagko-cover sa local celebrities doon. "May gig ang boyfriend ko."
"Wala akong hilig sa reggae."
Tumirik ang mga mata nito. "Ano ba? He is soooo last month. Si Lowell ng Black Mist na ang boyfriend ko. 'Yung nag-perform sa debut ng anak ni Ma'am Edna last week. Knuha niya ang number ko. Nag-date kami and the rest is history."
"Pasensiya na ha? Maaga kasi akong matutulog," sabi ng dalaga. "Marami pa kasi akong iko-cover. May articles pa akong isusulat." Hindi talaga niya gusto na makihalo sa labas. Ayaw niya sa maiingay na bar.
"Ano ka ba naman? Para kang matanda. Bata ka pa, Madison. You should enjoy life. Nagmamalasakit na nga ako. Sa sobrang toxic ng trabaho natin, you should find yourself a boyfriend. Isang lalaki na manlilibang sa iyo." Humalinghing ito at niyakap ang sarili. "Look at me. Feeling young pa rin. Di halata na thirty na."
Maasim ang mukha siyang ngumiti. "Next time na lang."
Hindi libangan lang para sa kanya ang lalaki. Gusto niya ay in love siya kapag nakipag-relasyon. Okay na sana siya kay Jeyrick pero di na ulit ito nag-text matapos mag-sorry sa kanya. Abala din kasi siya sa trabaho. Palpak yata talaga siya pagdating sa lalaki.
Narinig niya ang pagkakaingay ng newsroom. Hindi na niya kailangan pang magtanong dahil dumating na ang star ng newsroom ng Star Network. Si Reda Belle Montelibano na siyang pinakasikat sa istasyon nila. Dito napupunta ang mga bigating assignment na kundi pang-headline ay investigative report.
Nilapitan ito ni Jobelle. "Congratulations, Reda Belle. Ang galing mo talaga. Nalaman mo kung sino ang source ng smuggled na mga baboy."
"Ano ba kayo? Maliit na bagay." Bumaling ito sa kanya. "Right, Madison? Hindi naman iyon kasing laking balita gaya ng pagkakatuklas ng isang malaking marijuana plantation, right?"
Ngumiti lang siya sa sarkasmo nito kahit na gusto niyang hilahin ang orange nitong buhok. "Congratulations. Malaking bagay para sa mga hog farmers natin at sa mga consumer ang pagkakadiskubre sa warehouse na may smuggled na karne ng baboy."
Noong bagong dating siya doon ay maldita na talaga ito sa kanya. Ilang beses niya itong nahuhulin umiirap sa kanya lalo na kapag nakakakuha siya ng magagandang balita. Ilang beses na rin siya nitong inagawan ng magandang balita. Isang kakompitensiya ang tingin nito sa kanya. Kaya naman ito ang unang-unang nagsasaya kapag pumapalpak siya.
Hinaplos nito ang buhok niya. "You look tired. Mahirap yata ang mga assignment mo ngayon. Usap-usapan ang feature mo kahapon. Tungkol saan iyon."
"Nag-cover siya ng matandang lalaki na may sampung ahas na alaga sa bahay niya," sagot ng cameraman na si Janz. "Iyon daw ang ginagamit niya sa panggagamot. May video pa nga siya na nakasampay sa balikat niya ang ahas."
Kinilabutan na naman si Madison nang maisip iyon. Hanggang ngayon ay nararamdaman pa rin niya ang pagkakapatong ng ahas sa balikat niya. Di niya alam kung paano pa niya nagawang ngumiti sa camera pero pinaalis agad niya iyon sa balikat niya dahil parang di na siya makahinga. Ni hindi niya pinanood ang episode nang iere ang nakaraang araw.
Pumalakpak si Reda Belle. "Ang tapang mo naman. Buti di mo kami iniwan dito sa Star Network. You are promising. Akala ko nga iiwan mo na kami at lilipat ka na sa Benguet Power Corporation."
Naguluhan si Madison. "Ano naman ang gagawin ko doon?" Di sumagi sa isip niya na pumasok sa naturang kompanya.
"Nakuryente ka kasi, di ba?" tanong ng babae sabay humalakhak. Nakitawa na rin ang ibang kasamahan nila.
Kuryente ang tawag sa mga reporters na sumagpang sa maling balita gaya niya. Siya Madison ang naging tampulan ng katatawanan sa loob ng newsroom sa tatlong linggong nagdaan. At mukhang malabong makalimutan iyon ng mga kasamahan dahil sa kagagawan ni Reda Belle na nagpakalat ng balita sa mga tao. Paano ay naikwento ni Janz dito nang malasing sa isang birthday party.
Pasimple lang ang panlalait sa kanya ni Reda Belle. Pero minsang nasa restroom siya ay narinig niya kung paano siyang lait-laitin nito na masyado daw siyang ambisyosa at maraminng kakaining bigas. Na kesyo di daw nito maaagaw ang pwesto niya bilang reyna ng newsroom. Ito ang ganti sa kanya ni Reda Belle dahil di siya naalis sa trabaho.
Dali-daling pumasok ang kasamahan nilang si Espie. "Nakita na ba ninyo 'yung bagong viral sa internet ngayon?"
"Ano iyan? Scandal na naman?" tanong ni Jobelle. "I love scandals. Sinong artista naman 'yang may sex video."
"Hindi. 'Yung guwapong lalaki na nagbubuhat ng carrot." Inilipat ng kasamahan nila ang Smart TV sa USB mode at isang larawan ng guwapong lalaki na may buhat na kaing ng carrots ang ipinakita. Nakasuot ito ng gray hoodie at kahit naka-side view ay kita ang matangos nitong ilong.
Umikot ang mata ni Madison. Kung sinu-sino na lang ang kumakalat sa internet at sumisikat. Hindi ganitong klase ng balita ang kailangan niya. She needed something with substance. 'Yung pwedeng magkaroon ng impact sa lipunan. Magfo-focus na lang siya sa suso na gagawing beauty enhancer.
"That is one hot magka-carrot. Who is he?" puno ng interes na tanong ni Reda Belle at itinapik ang daliri sa baba.
"Heto nga. Kung sinu-sino ang ipino-post nila na si Carrot Man. Parang hindi naman iyon si Carrot Man," sabi ni Reema na nakatayo sa likuran niya.
"Aba! Pwede niyang talunin ang ibang mga artista," puno ng paghanga na sabi ni Jobelle. "Mukhang yummy."
Lumabas ng opisina nito si Roger. "Nakita na pala ninyo si Carrot Man. Sa Bauko, Mountain Province daw siya nakita. We must look for him. Baka nagsisimula na rin ang ibang istasyon na hanapin siya. We need to find him first."
"Parang nakita ko na siya." Kinalabit siya ni Janz. "Madison, di ba iyan 'yung kasama nating lalaki sa Barlig. Yung guide natin na may dimples at magaling kumanta. Si Jerwin."
"Anong Jerwin?" angil pa niya sa lalaki na inabala siya sa pagsusulat niya. Pero napanganga siya nang pinagmasdan ang larawan ng lalaki nang nakababa na ang hood ng jacket. Mula sa may kabaan nitong buhok, maamong mukha at malamlam na mata, di maikakailang si Jeyrick nga ito.
Pero si Jeyrick talaga ang lalaki. Hindi pwedeng magkamali ang puso niya. Pero bakit ito nagbubuhat ng carrots? Anong ginagawa nito sa Bauko na malayo sa Barlig? Hindi ba tourist guide ito? May nangyari ba kaya di na ito nagte-text sa kanya?
"Madison, kung kakilala mo siya, pwedeng ikaw ang humawak ng assignment," sabi ni Roger sa kanya.
"No! Akin si Carrot Man. Kung may impormasyon ka tungkol kay Carrot Man, ibigay mo na sa akin," anang si Reda Belle at inilahad ang kamay.
Ipinilig niya ang ulo. "Di naman iyan ang kakilala ko. Ang layo kaya," kaila niya. Manigas si Reda Belle. Di niya ibibigay dito si Jeyrick. Kung may kailangang makakuha ng exclusive interview kay Jeyrick, siya dapat iyon.
"Kailangang pumunta sa Bauko kung saan siya natagpuan. This guy is mine. I want an exclusive with this Carrot Man," sabi ni Reda Belle at may pinindot sa cellphone.
Tumayo siya at sinundan si Roger sa opisina nito. "Sir, baka pwedeng ibigay na ninyo sa akin ang bakasyon ko. One week lang."
Tumaas ang kilay nito. "I told you, I need you here."
"Kung maipapangako ko bang mabibigyan ko kayo ng maganda at exclusive na balita, papayagan ninyo ako?"
"Not the marijuana plantation again."
Umiling siya. "No. Better than marijuana plantation."
"Ano iyon?"
Mariing nagdikit ang labi niya. "Plano kong bumawi sa Barlig. Nangako ako na gagawan ko sila ng special feature. Dahil bakasyon ko ito, wala kayong gagastusin sa akin. O gusto ninyong mag-AWOL na lang ako? Dahil malapit-lapit na akong mabaliw sa mga ibinibigay ninyong assignment sa akin."
"Fine. Pero tapusin mo muna ang tatlong assignment mo na natitira. Then you may go."
Nayakap niya ito sa tuwa. "Thanks, Boss."
Isang araw na lang ng pagdudurusa. Tapos ay makukuha na niya ang tagumpay. Akin si Carrot Man.