"Jhen, sabihin mo naman kung nasaan si Jeyrick. Please. Kailangan ko siyang makausap," pakiusap ni Madison sa tourism officer ng Barlig. "Siya sana ang gusto kong maging guide sa pamamasyal ko. Baka pwedeng kontakin mo siya para sa akin. Hindi ko kasi siya matawagan."
Nasa Sea World Inn sila at nagkakape. Hapon na nang dumating siya sa Barlig. Wala pa siyang matinong tulog dahil excited siyang sumugod sa Barlig. Sapat na ang mga nai-shoot niyang assignment para tumagal ng isang linggo. Kailangan niyang samantalahin ang pagkakataon para makausap ang lalaki habang di pa dumadating ang grupo ni Reda Belle at iba pang reporters. Ang alam niya ay nasa Bauko ang mga ito dahil doon nakita ang lalaki. Pero di magtatagal ay matutunton din ng mga ito si Jeyrick sa Barlig.
Sa kasamaang-palad ay naka-off na ang cellphone ng lalaki. Ilang beses niyang sinubukang tawagan pero
Maasim na ngumiti ang babae at sumubo ng pasalubong niyang choco flakes dito. "Pasensiya na, Ma'am. Kung gusto ninyo ibang guide na lang ang ibigay ko sa inyo."
"Hindi ibang guide ang gusto ko. Si Jeyrick ang gusto ko. May usapan kami," giit niya. "Please. Nangako ako sa kanya na siya ang magiging guide ko. Baka magtampo siya sa akin kapag iba ang kinuha kong guide."
"Miss Madison, kung hindi ninyo siya mako-contact, hindi ko rin siya mako-contact."
"Saan ba siya nakatira? Kahit puntahan ko na lang."
Marahan itong umiling. "Hindi ko rin po alam, Ma'am. Malayo po ang Kadaclan. Mabuti pa si Sir Lerome na lang ang kausapin ninyo dahil siya ang nakakaalam kung nasaan si Jeyrick. Baka nga samahan pa niya kayo sa bahay ni Jeyrick."
Napangiwi si Madison. Inangkupo! Kapag si Lerome ang tinanong ko, baka kaladkarin pa niya ako palabas ng Barlig o ipaanod sa Chico River. Mas lalo akong mapapalayo kay Jeyrick. Kontrabida siya lagi sa mga plano ko.
"Wala na bang ibang nakaalam ng bahay ni Jeyrick? Sa ibang guide?" apela pa rin niya. "Willing naman akong magbayad."
"Naku, Ma'am. Pagdating kay Jeyrick si Sir Lerome lang ang bahala."
Sakto naman na bumukas ang pinto ng kainan at pumasok si Lerome. "Manang Lourdes, pabili po ng..."
Nanlaki ang mata ni Madison. Di niya alam kung anong yuko ang gagawin niya para di nito makita. Nasa bandang dulong mesa sila ni Jhen kaya di agad sila mapapansin. Alumpihit ang dalaga.
Dahan-dahan siyang tumayo. "Sandali lang. Mag-restroom lang ako..." Nasa likod lang niya ang pinto na papuntang palikuran.
Pinigilan ni Jhen ang kamay niya at saka kumaway kay Lerome. "Sir! Sir Lerome, hinahanap po kayo ni Miss Madison!"
Lumingon ang lalaki at awtomatikong nagsalubong ang kilay nito nang makita siya. "So, what brings you here, Miss Urbano?"
"Wala. Papasyal-pasyal lang," nakangiti niyang sagot. "Maganda kasi itong Barlig kaya naisip kong dito magbakasyon."
"Hinahanap niya si Jeyrick, Sir Lerome. Gusto daw niyang si Jeyrick ang maging guide niya. Hindi daw kasi niya ma-contact. Pakitulungan naman po si Ma'am Madison," pakiusap ni Jhen dito at tumayo. "Iwan ko na po kayo kay Sir Lerome. Mas alam naman po niya kung saan hahanapin si Jeyrick."
Maiiwan siya kasama si Lerome? Sa sama ng tingin nito sa kanya, parang gusto na lang niyang bumalik ng Baguio at magpalingkis sa ahas. "Jhen, sandali lang!"
"Salamat pala sa choco flakes!" At dali-daling umalis ang babae. Napilitan tuloy siyang harapin Lerome. Pasimple niya itong kinawayan. "Ano... Si Jeyrick kasi may usapan kami na ipapasyal niya ako pagbalik ko dito. Baka pwedeng tulungan mo ako na ma-contact siya kasi di ko siya matawagan." Kaya niyang maging civil dito at mabait. May kailangan kasi siya. Ito lang ang pag-asa niyang maabot si Jeyrick.
"Kung hindi mo siya ma-contact, ibig sabihin ayaw niyang magpa-contact."
Bumuga siya ng hangin. "Baka may guide na pwede akong samahan papunta sa kanila. Tagasaan siya?"
"Wala si Jeyrick sa kanila. Wala siya dito sa Barlig. Nasa ibang lugar siya ngayon."
"Saan?" tanong niya at ikiniling ang ulo.
Lumikot ang mata nito. "Sa Kalinga siya pumunta. Mag-aani ng kape doon sa kamag-anak niya. Kapag mahina ang tourism dito, tumutulong din siyang mag-ani sa ibang lugar."
"Saan sa Kalinga siya pumunta?"
Humalukipkip ang lalaki. "Ano ba talaga ang pakay mo kay Jeyrick? Kung gusto mong mamasyal, dito ka na lang kukuha dapat ng guide."
"Si Jeyrick ang gusto ko. Gusto ko siya," giit niya dito.
Lumapit ito at inilapit ang mukha sa kanya. "At sa palagay mo basta ko na lang sasabihin sa iyo kung nasaan ang kaibigan ko? Wala kong tiwala sa iyo. Kaya mas mabuti pang umalis ka na lang dito."
Humalukipkip ang dalaga. "Hindi ako aalis dito hangga't di ko alam kung nasaan si Jeyrick. Kundi mo sasabihin sa kanya kung nasaan siya, dito lang ako. Hihintayin ko siya."
"Nagsasayang ka lang ng oras. Umalis ka na lang dito. Bumalik ka na ng Baguio..."
"Subukan mo lang akong paalisin," paghahamon niya at pinanlakihan ito ng mata. "At huwag mo akong hahawakan. Irereklamo kita ng harassment."
"In your dreams. I am sure, maiintindihan din ng mga tao kapag sinabi ko sa kanila ang dahilan kung bakit ayaw kong nandito ka sa Barlig. You have a record in deception, Miss Urbano."
Pinanlakihan niya ito ng mga mata. "Sinong tinakot mo?"
Naputol ang pagtatalo nila nang hangos na pumasok ng kainan si Jhen. "Sir! Sir Lerome, nasa labas po si Paloma Esquivel."
"Paloma? 'Yung singer?" usal ni Madison. Tumango si Jhen. "Anong kailangan ng isang katulad ni Paloma dito?"
"Sabi ng kasama niya gusto nilang malaman ang papunta sa bahay ni Carrot Man. Tapos ipinakita nila sa akin ang picture ni Jeyrick."
"Ano naman ang kailangan niya kay Jeyrick?" tanong ni Madison. "Magkakilala ba sila?"
"This is bad," narinig niyang usal ni Lerome at lumabas ng inn. Sinundan agad niya ang lalaki. Malaking scoop ito kung mailalabas niya ang tungkol kay Paloma at ang paghahanap nito sa kay Carrot Man.
Subalit paglabas ng inn ay nagkukulumpunan na ang mga reporter sa isang SUV na sa palagay niya ay kinalulunanan ni Paloma. Kasama sa mga nakikigulo ay sina Reda Belle at Janz. Naunahan na siya ng mga ito.
Natitiyak niya na may iba pang kwento tungkol kay Jeyrick Sigmaton. Sino ba talaga ito?